PAANO
MAKIKILALA
ANG TUNAY NA
TAGAPANGARAL?
Ni TEOFILO C. RAMOS SR.
MARAMING NANGANGARAL NG relihiyon sa kasalukuyan. Bawat isa sa kanila ay nag-aangkin na ang
kanilang itinuturo ay siyang kaparaanan sa ikaliligtas ng tao sa araw ng
Paghuhukom. Bagaman iisa ang Biblia na
kanilang pinagbabatayan, magkakaiba naman ang aral na kanilang itinuturo. Sino kaya sa mga mangangaral na ito ang
nagsasabi ng totoo? Paano ba makikilala
ang tunay na tagapangaral ng salita ng Diyos?
ANG TUNAY NA TAGAPANGARAL
Ang Banal na
Kasulatan ay may itinuturong pagkakakilanlan sa tunay na tagapangaral. Ang isa sa mga ito ay mababasa sa Isaias
8:20:
“Sa kautusan at sa patotoo! kung hindi sila magsalita ng ayon sa salitang ito, tunay na walang umaga sa kanila.”
Dito natin
sukatin ang sinumang tagapangaral. Ang
isinasagisag ng umaga ay liwanag.
Sinumang tagapangaral na hindi
nagsasalita ayon sa kautusan at sa patotoo ay walang liwanag kundi pawang
kadiliman!
Ano ang ibig sabihin na magsalita ayon sa
kautusan? Saan ba naroon ang mga
kautusan ng Diyos? Sa II Timoteo
3:15-17 ay ganito ang sinasabi:
“Mula pa sa pagkabata, alam mo nang ang Banal na
Kasulatan ay nagtuturo ng daan ng kaligtasan sa pamamagitan ng pananalig kay
Cristo Jesus.
“Lahat ng kasulata’y kinasihan ng Diyos at
magagamit sa pagtuturo ng katotohanan, sa pagpapabulaan sa maling aral, sa
pagtutuwid sa likong gawain, at sa pag-akay sa matuwid na pamumuhay.
“Sa gayon, ang
lingkod ng Diyos ay magiging handa sa lahat ng mabubuting gawain.” (Magandang Balita Biblia)
Sa Banal na
Kasulatan o sa Biblia nakasulat ang mga katotohanan o ang mga salita ng Diyos
na nagtuturo ng daan ng kaligtasan.
Kapag wala sa
Biblia o kaya’y lumalabag dito ang mga aral na itinuturo ng sinumang
tagapangaral, ang gayong tagapangaral ay hindi tunay.
Ano naman ang patotoo na dapat taglayin ng isang
tagapangaral? Sa Apocalipsis
19:10 ay ganito ang sinasabi:
“At ako'y nagpatirapa sa kaniyang paanan upang siya'y aking sambahin. At sinasabi niya sa akin, Ingatan mong huwag gawin iyan: ako'y kapuwa mo alipin at ng iyong mga kapatid na mayroong patotoo ni Jesus: sumamba ka sa Dios: sapagka't ang patotoo ni Jesus ay siyang espiritu ng hula.”
Ang patotoo na
dapat taglayin ng isang tunay na mangangaral ay ang espiritu ng hula. Dapat
munang tiyakin ng sinumang tagapakinig kung mayroong paunang salita ang Diyos
sa tagapangaral na kaniyang pinakikinggan.
Dapat hanapin sa kaniya ang gawaing ipinagagawa ng Diyos. Kung wala sa isang tagapangaral ang patotoo
at ang kautusan ay walang umaga sakaniya.
Nasa kadiliman o wala sa katotohanan ang gayong tagapangaral. Nangangahulugan na hindi tunay ang relihiyong
kaniyang itinataguyod.
Sino ang isa sa mga halimbawa ng tunay na tagapangaral ng mga
salita ng Diyos? Sino ang nagpapatotoo
sa kaniyang karapatan? Sa Juan
1:19, 23 ay ganito ang mababasa:
“At ito ang patotoo ni Juan, nang suguin sa kaniya ng mga Judio mula sa Jerusalem ang mga saserdote at mga Levita upang sa kaniya'y itanong, Sino ka baga?
“Sinabi niya, Ako ang tinig ng isang humihiyaw sa ilang, Tuwirin ninyo ang daan ng Panginoon, gaya ng sinabi ng propeta Isaias.”
Si Juan Bautista ay nangaral at inihayag
ang kaniyang karapatan. Sa kaniyang
pangangaral ay sinabi niya na siya ang
tinig ng isang humihiyaw sa ilang na maghahanda ng daan para sa Panginoon
na hinulaan ni Propeta Isaias. Hindi
nakasulat ang pangalan ni Juan Bautista kundi ang gawaing kaniyang
gagampanan. Ang paliwanag ng katuparan
ng hula ay ang hinuhulaan—si Juan Bautista.
Pinatunayan ng
ating Panginoong Jesucristo ang karapatan ni Juan Bautista sa Mateo 11:7-11:
“Pag-alis ng mga alagad ni Juan, nagsalita si Jesus sa
mga tao tungkol kay Juan: ‘Bakit kayo
lumabas sa ilang? Ano ang ibig ninyong
makita? Isa bang tambo na inuugoy ng
hangin?
“Ano nga ang ibig ninyong makita? Isang taong may maringal na kasuutan? Ang mga nagdaramit ng maringal ay nasa
palasyo ng hari!
“Ano nga ba ang ibig ninyong makita? Isang propeta? Oo. At
sinasabi ko sa inyo, higit pa sa propeta
“Sapagkat si Juan ang tinutukoy ng
Kasulatan: ‘Narito ang sugo ko na aking
ipinadadalang mauuna sa iyo; ihahanda niya ang iyong daraanan’.
“Sinasabi ko sa inyo: sa mga isinilang, wala pang lumilitaw na
higit na dakila kay Juan Bautista; ngunit ang pinakaaba sa mga taong
pinaghaharian ng Diyos ay dakila kaysa kanya.” (MB)
Si Juan Bautista ang sugo ng Diyos na maghahanda ng Kaniyang
daan. Sino pa ang isang halimbawa ng
sugo ng Diyos na hinulaan sa Biblia?
Sa Lucas 4:16-21 ay ganito ang mababasa:
Pumunta siya
sa Nazaret na kanyang nilakhan. Gaya ng
kanyang kaugalian, pumasok siya sa sinagoga ng araw ng Sabbat.
“Tumindig siya para bumasa. Ibinigay sa kanya ang aklat ng Propeta Isaias
at binasa niya ang bahaging nagsasaad ng ganito:
“ ‘Sumasaakin ang Espiritu ng Pannginoon,
sapagkat hinirang niya ako upang ipangaral sa mga dukha ang magandang
balita. Sinugo niya ako upang ipahayag
sa mga bihag na sila’y lalaya; ang mga bulag ay makakakita, at bibigyang
kaluwagan ang mga naapi, at ipahayag ang taon ng kaligtasan ng Panginoon’.
“Pagkatapos, binilot niya ang aklat,
ibinalik sa naglilingkod, at naupo. Ang
mata ng lahat ng nasa sinagoga ay pawang nakapako sa kanya.
“Sinabi niya, ‘Naganap na ngayon ang
kasulatang ito ayon sa inyong narinig’.” (New Pilipino Version)
Pinatunayan ng ating Panginoong Jesucristo
mismo na Siya ang kinatuparan ng hula.
Sinabi Niyang “Naganap na ngayon ang Kasulatang ito ayon sa inyong
narinig.” Hindi mapasisinungalingan kung
kanino natupad ang hula—sa hinuhulaan—samakatuwid baga’y kay Cristo.
Ang Diyos
mismo ang nagpatotoo tungkol kay Cristo.
Sa Mateo 17:5 ay ganito ang mababasa:
“Samantalang nagsasalita pa siya, narito, ang isang maningning na alapaap ay lumilim sa kanila: at narito, ang isang tinig na mula sa alapaap, na nagsasabi, Ito ang sinisinta kong Anak, na siya kong kinalulugdan; siya ang inyong pakinggan.”
Sinabi ng
Diyos na si Cristo ang Kaniyang sinisintang Anak. Nang ayaw tanggapin ng ibang mga tao si
Cristo bilang sugo ng Diyos, sinabi ng ating Panginoong Jesucristo ang mga gawa
na ipinagagawa sa Kaniya ang nagpapatotoo na Siya’y sinugo ng Ama (cf. Juan
10:38).
ANG SUGO SA MGA HULING ARAW
Sino naman ang sinugo ng Diyos sa mga wakas ng lupa o sa mga
huling araw? Sa Isaias 41:9-10 ay
ganito ang mababasa:
“Ikaw na aking hinawakan mula sa mga wakas ng lupa, at tinawag kita mula sa mga sulok niyaon, at pinagsabihan kita, Ikaw ay aking lingkod, aking pinili ka at hindi kita itinakuwil;
“ Huwag kang matakot, sapagka't ako'y sumasaiyo; huwag kang manglupaypay, sapagka't ako'y iyong Dios; aking palalakasin ka; oo, aking tutulungan ka; oo, aking aalalayan ka ng kanang kamay ng aking katuwiran.”
Wala ring
pangalang binanggit sa Biblia sa lingkod na pinili ng Diyos sa mga wakas ng
lupa. Sino kaya
ang kinatuparan ng hulang ito?
Ito’y ating pag-aralan.
Ang
binabanggit na mga wakas ng lupa ay ang panahon bago dumating ang wakas ng lupa
o ang pagparito ni Cristo. Ang mga
palatandaan nito ay ang mga digmaan at mga balita ng digmaan, kahirapan,
kaguton, at mga paglindol sa iba’t ibang dako ng daigdig. Kapag nangyari ang mga ito ay malapit na ang
wakas (cf. Mat. 24:3, 6-8, 33). Ang Unang Digmaang pansalibutan ay sumiklab
noong Hulyo 27, 1914. Sa petsa ring ito
natala sa pamahalaan ng Pilipinas ang Iglesia
ni Cristo na ipinangaral ni Kapatid na Felix Y. Manalo.
Ipinangako ng
Diyos sa Kaniyang sugo na ang gawaing ito ay tutulungan at palalakasin. Ito’y magtatagumpay at magiging
makapangyarihan dahil sa tulong ng Diyos.
Sa loob ng halos 50 taon ay lumago ang Iglesia ni Cristo at naging maluwalhati. Ngayon ang Iglesia ni Cristo ay nasa 65 bansa at mga teritoryo sa buong
daigdig.
PATOTOO NG MGA LIDER NG RELIHIYON
Ano ang sinasabi ng mga lider ng iba’t ibang relihiyon ukol
sa Iglesia ni Cristo? Sa isang
aklat na sinulat ni Joseph J. Kabanagh, na pinamagatang The Iglesia ni Cristo ay ganito ang mababasa:
“Subalit ito’y hindi maikakaila na ang Iglesia ay isang
malaki, makapangyarihan at lumalaganap na kapisanan. Maaaring ito ang pinakamahalaga at mapusok na
banta na kinakaharap ng Iglesia Katolika sa Kapuluan sa kasalukuyang
panahon. Sadyang ito ay isang lakas na
nararapat subaybayan ngayon pa at sa mga taong darating ng sinumang may
pagpapahalaga sa kapakanang pangrelihiyon ng sambayanang Pilipino.” (p.
4, salin mula sa Ingles)
Ayon naman kay
G. Robert G. Elliff:
“Ang Pinakamalaki sa daigdig… Kakaunti sa mga grupo o
kapulungan na may kasindami ng mga kaanib o makapaglulunsad ng impluwensiya
ukol sa pulitika at sa relihiyon sa lipunan sa paligid nila katulad ng
organisasyon ng Iglesia ni Cristo.” [Iglesia
ni Cristo (The Chruch of Christ from the Philippines): The Only True Church?, p. 13, salin mula
sa Ingles]
Narito naman
ang patotoo ng lider Protestante ukol sa Iglesia
ni Cristo. Sa aklat na A Protestant View of the Iglesia ni Cristo, ng awtor na si Albert Sanders, ay ganito
naman ang binabanggit:
“Ngayon ang mga sekta ng relihiyon ay lumalago sa
Pilipinas. Ang isa sa mga ito ay ang
itinatag ni Felix Manalo noong 1914 at opisyal na tinatawag na Iglesia ni
Cristo… Marami sa mga kaanib nito ang nagmula sa mga iglesia Protestante. Si Manalo ay isang makapangyarihang pinuno na
nakapagpakita ng di-pangkaraniwang kakayahan sa pag-akit sa mga tao sa
pagtatayo ng isang malakas na organisasyon.
Ang kaniyang mga kaanib ay matatagpuan hindi lamang sa Luzon kundi
maging sa Visayas at Mindanao.” (p. 3. Salin mula sa Ingles)
Ang may akda
nito’y isang pastor ng United Church of Christ, isang sekta ng
Protestante. Hindi nalingid sa kaniyang
pangmasid ang pagiging makapangyarihang pinuno o lider ni Kapatid na Felix Y.
Manalo.
Sa isa pang
aklat na pinamagatang Iglesia ni Cristo:
A Study in Independent Church Dynamics na sinulat naman ni Arthur
Leonard Tuggy, isang Baptista, ay ganito ang mababasa:
“… Sa daan-daang taon, ang bawat lunsod at bayan sa
Pilipinas ay napangingibabawan ng mga katedral ng Katoliko Romano na ginawa sa
pamamagitan ng paggawang walang bayad sa lupang donasyon. Ngunit marami na rito ang mga luma na at
sira-sira. Ang mga katedral-kapilya ng
Iglesia ni Cristo ngayon ay nakikipagpaligsahan sa mga lumang gusaling ito sa
laki at nilagpasan sila sa ganda. Ang
mga kaanib sa Iglesia [ni Cristo] na ang bilang ay minorya pa rin ng mga
mamamayan, ngunit ang kanilang mga gusali ay nangingibabaw sa maraming tanawin
sa lunsod. Ang kahalagahan ng
katotohanang ito ay hindi matataya. Ang
mga kaanib sa Iglesia [ni Cristo], bagaman mahihirap, ay maligaya sa inihahayag
na kaluwalhatian, na kinikilala sa gayon din, na ang kanilang Iglesia ay
nagsisikap na tulungan sila na makakita ng higit na mabuting ikabubuhay. Ang mga taga-labas ay kailangang makilala na
ang mga magagandang kapilyang ito ay isa pang katuwiran kung bakit ang Iglesia
ay hindi maaaring pawiin lamang.
Binabalak nito na mamalagi sa mahabang panahong darating, kung hahatulan salig sa kaniyang
arkitektura.” (p. 180, salin mula sa Ingles)
Ang mga nakita nilang nagawa ni Kapatid na
Felix Y. Manalo ang siyang nagpapatotoo na natupad din sa kaniya at sa kaniyang
gawain ang mga ipinangako ng Diyos. *
Talasanggunian:
Elliff, Robert G.
Iglesia ni Cristo (The Church of Christ from the Philippines): The Only
True Church?, 1989.
Kavanagh, Joseph J. The Iglesia ni Cristo. Catholic Trade
School.
Sanders, Albert. A
Protestant View of the Iglesia ni Cristo.
Philippine Federation of Christian Churches, 1962.
Tuggy, Arthur Leonard.
Iglesia ni Cristo: A Study in
Independent Church Dynamics. Conservative
Baptist Publishing, Inc.: Quezon City,
Philippines, 1976.
Copied from PASUGO GOD’S MESSAGE/OCTOBER 1994/VOLUME
46/NUMBER 10/PAGES 15-17