NALILITO NA RIN BA KAYO?
Ni LEOPOLDO L. GUEVARRA
KAYO BA AY nalilito ring tulad ng iba sa pagtiyak kung alin ang tunay na relihiyon? Hindi kakaunti ang nakararanas ng ganito sa kasalukuyan. Ito'y dahil sa dami ng relihiyong nag-aangkin na sila ang tunay na sa Diyos at maliligtas. Isipin na lamang na sa panig pa lamang ng mg nagpapakilalang Protestante ay umaabot na sa 20,800 ang mga denominasyon; bukod pa rito ay mayroon pang mahigit na 15,000 ahensiyang pang-iglesia (Moody Monthly, September 1984). Maidaragdag pa rito ang Iglesia Katolika at ang iba't iba pang pangkating pangrelihiyon.
Ang pagbangon ng iba't ibang pangkatin ng pananampalataya ay nagbunga ng iba't ibang maling paniniwala. Inakala ng iba na alinmang relihiyong kumikilala sa Panginoong Jesucristo ay tunay at malayang maaaniban upang makapagtamo ng kaligtasan. Ang iba naman ay naniniwalang walang relihiyon o iglesia na kailangang aniban dahil daw pare-pareho namang hindi tunay, bagkus ay negosyo lamang ang mga ito. Kapuwa mali ang dalawang paniniwalang ito. Tunghayan natin ang pahayag ng Panginoong Jesucristo:
"At sinasabi ko naman sa iyo, na ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang AKING IGLESIA; at ang mga pintuan ng Hades ay hindi magsisipanaig laban sa kaniya." (Mat. 16:18)
May Iglesia na ang nagtayo ay ang Panginoong Jesucristo. Samakatuwid, MAY TUNAY NA IGLESIA. Maling akalaing kahit aling iglesia ay tunay dahil sinabi ng Panginoong Jesus na, "itatayo ko ang aking iglesia." Hindi Niya sinabing, "mga iglesia." Dahil dito, natitiyak nating iisa lamang ang tunay na Iglesia. Pinatutunayan din ng mga apostol na iisa lamang ang tunay na Iglesia. Ganito ang pahayag ni Apostol Pablo:
"MAY ISANG KATAWAN LAMANG at isang espiritu - kung paano kayo tinawag sa isang pag-asa nang kayo'y tawagin." (Efe. 4:4, New Pilipino Version)
Ayon kay Apostol Pablo ay "may isang katawan lamang." Ang katawang iisa ay ang Iglesia. Batay ito sa kaniyang sulat sa mga taga-Colosas:
"At siya ang ulo ng katawan, sa makatuwid baga'y NG IGLESIA." (Col. 1:18)
At, sapagkat IISANG IGLESIA LAMANG ang itinatag ng Panginoong Jesucristo, at ITO LAMANG ANG TUNAY, dapat lamang na maging maingat ang sinuman sa pagpili ng relihiyong aaniban. Kapag ang isang tao ay nagkamali, mawawalan ng kabuluhan ang lahat ng gagawin niyang paglilingkod at mapapahamak pa siya pagdating ng Araw ng Paghuhukom.
Marahil ay iniisip ng iba na mahirap nang hanapin sa kasalukuyan ang tunay sa libu-libong nag-aangkin. Ang totoo, kahit napakarami na ng mga relihiyon sa kasalukuyan at kahit lalo pang dumami ang mga ito ay HINDI MAGIGING MAHIRAP HANAPIN ANG TUNAY kung gagamitin ang PARAANG ITINUTURO NG BIBLIA sa pagtiyak kung alin ang TUNAY NA RELIHIYON.
SA KAUTUSAN
AT PATOTOO
Ang dalawa sa maraming pagkakakilanlan sa tunay na relihiyon ay ang mababasa sa Isaias 8:20:
"Sa KAUTUSAN at sa PATOTOO! kung hindi sila magsalita ng ayon sa salitang ito, tunay na walang umaga sa kanila."
Ang dalawa sa mga ikakikilala sa tunay na relihiyong sa Diyos ay ang KAUTUSAN at ang PATOTOO. Pansinin ang banggit na, "KUNG HINDI SILA MAGSALITA NG AYON SA SALITANG ITO, TUNAY NA WALANG UMAGA SA KANILA." Ang umaga ay sagisag ng liwanag, kaya kapag walang umaga ay walang liwanag kundi kadiliman. Hindi sa Diyos ang walang umaga o nasa kadiliman. Alamin natin ang paliwanag ng Biblia kung alin ang binabanggit na KAUTUSAN at PATOTOO. Ang kautusan ay siya ring turo o aral ng Diyos tulad ng ating matutunghayan sa talata ring ito sa saling Magandang Balita Biblia:
"Ganito ang inyong isasagot, 'Nasa inyo ang ARAL NG DIYOS at ang patotoo! Huwag kayong makikinig sa mga sumasangguni sa espiritu, ipapahamak lamang kayo ng mga iyan'." (Isa. 8:20)
Ang katumbas ng kautusan ay aral ng Diyos. Kung gayon, ang isa sa pangunahing pagkakakilanlan sa Iglesiang tunay ay ang aral o turo na itinataguyod nito. Kapag ang aral na itinuturo ng isang relihiyon ay iba o kaya'y salungat sa aral ng Diyos na nakasulat sa Banal na Kasulatan, tiyak na hindi ito tunay. Ito rin ang panukat na ibinigay ng Panginoong Jesucristo upang makilala kung ang nagtuturo ay sa Diyos o hindi:
"Pakabanalin mo sila sa katotohanan: ang salita mo'y katotohanan." (Juan 17:17)
Kaya, ang isa sa pangunahing dapat suriin sa isang relihiyon o iglesia ay ang aral o doktrina na itinataguyod nito. Upang maging magaan ay kumuha tayo ng isang pangunahing aral ng Diyos na nakasulat sa Biblia at dito natin sukatin o suriin ang mga iglesia sa kasalukuyan. Tulad ng nasabi na, isa lamang ito sa pagkakakilanlan sa tunay na relihiyon. Subalit hindi nangangahulugang kapag ang aral na ating kinuha bilang panukat ay itinuturo ng isang relihiyon ay nangangahulugang tunay na ito. Sa kabilang dako, kapag ang wastong aral na ito ay hindi itinuturo ng alinmang relihiyon, ang relihiyong yaon ay tiyak na hindi tunay.
ANG TUNAY NA DIYOS
Alin ang isa sa mga pangunahing aral ng Diyos na nakasulat sa Biblia at siyang aral na itinuturo ng relihiyong tunay na sa Diyos?
"Tungkulin ng mga saserdote na ITURO ANG TUNAY NA KAALAMAN TUNGKOL SA DIYOS. Sa kanila dapat sumangguni ang mga tao tungkol sa aking kalooban, sapagkat sila ang mga sugo ng Makapangyarihang si Yahweh.
"Hindi ba IISA ANG ATING AMA at ito'y ang IISANG DIYOS na lumalang sa atin?" (Mal. 2:7, MB)
Ang isa sa mga pangunahing aral ng Diyos ay ang tunay na kaalaman tungkol mismo sa Kaniya. Ang tunay na relihiyon, kung gayon, ay hindi basta lamang nagtuturo na may Diyos, kundi ang itinuturo nito ay ang tunay na kaalaman tungkol sa Kaniya. Ang tunay na kaalaman tungkol sa Diyos, gaya ng ating nabasa, ay iisa lamang ang Diyos, ang Ama. Kaya, ang sinuman na tagapangaral at alinmang relihiyon na iba rito ang itinuturong kaalaman tungkol sa Diyos, ay tiyak na hindi tunay. Maging sa Bagong tipan ay ganito ang katotohanang itinuro ng Panginoong Jesucristo:
"Ang mga bagay na ito ay sinalita ni Jesus; at sa PAGTINGALA ng kaniyang mga mata sa langit, ay sinabi niya, AMA, dumating na ang oras; luwalhatiin mo ang iyong Anak, upang ikaw ay luwalhatiin ng Anak:
"At ito ang buhay na walang hanggan, na IKAW ay makilala nila na IISANG DIOS NA TUNAY, at siyang iyong sinugo, sa makatuwid baga'y si Jesucristo." (Juan 17:1, 3)
Malinaw na ipinahayag rito ng Panginoong Jesucristo na iisa lamang ang tunay na Diyos na dapat kilalanin, ang Ama. Kaya, ang tunay na Diyos na ipinakilala sa Lumang Tipan ay siya ring Diyos na ipinakilala sa Bagong Tipan. Ganito ang itinuro ng mga apostol:
"Nguni't SA GANANG ATIN ay MAY ISANG DIOS LAMANG, ANG AMA, na buhat sa kaniya ang lahat ng mga bagay, at tayo'y sa kaniya; at isa lamang Panginoon, si Jesucristo, na sa pamamagitan niya ang lahat ng mga bagay, at tayo'y sa pamamagitan niya." (I Cor. 8:6)
Ayon kay Apostol Pablo ay may isang Diyos lamang, ang Ama, gaya rin ng itinuro ng mga propeta at ng Panginoong Jesus. Ang alinmang iglesia o relihiyon at sinumang tagapangaral na ang itinuturong Diyos ay higit sa isa ay natitiyak natin na hindi tunay. At kahit sinasabi pa na iisa ang kinikilalang Diyos subalit liban sa Ama ay mayroon pa raw Diyos Anak at Diyos Espiritu Santo ay tiyak na hindi rin tunay. Mangyari pa, hindi rin tunay ang relihiyon na ang paniniwala ay bukod sa Almighty God o Diyos na makapangyarihan sa lahat ay mayroon pa raw Mighty God o Diyos na makapangyarihan. At lalo namang tiyak na hindi tunay ang isang relihiyon o iglesia na ang itinuturo ay hindi raw iisa ang tunay na Diyos kundi marami. Sinasabi pa ng mga tagapagtaguyod nitong huli na wala raw problema kahit pa maging isang barangay ang tunay na Diyos. Paanong magiging sa Diyos ang relihiyong nagtataguyod ng aral na salungat sa turo ng mga apostol, sa turo ng mga propeta, sa turo ng Panginoong Jesucristo, at, higit sa lahat, ay naiiba sa turo mismo ng tunay na Diyos?
IISANG DIYOS LAMANG
Ang Ibang nangangaral, sa hangaring pangatwiranan ang kanilang itinuturo na marami ang tunay na Diyos, ay ginagamit ang binabanggit ni Apostol Pablo sa I Cor. 8:5 na:
"Sapagka't bagama't mayroong mga tinatawag na mga dios, maging sa langit o maging sa lupa; gaya nang may maraming mga dios at maraming mga panginoon;"
Pagkatapos basahin ang talatang ito ay sinasabi nila na hindi raw ba malinaw na sinasabi sa talatang ito na maraming diyos? Kaya, hindi raw mali na sabihing marami ang tunay na Diyos. Nakaligtaan yata ng mga ito - o baka sadyang kinalimutan - ang kasunod na talata, ang I Cor. 8:6, na nagsasabing, NGUNI'T SA GANANG ATIN AY MAY ISANG DIOS LAMANG, ANG AMA." Samakatuwid, bagaman maraming tinatawag na mga diyos, gayunman ay iisa lamang ang tunay na Diyos na dapat kilalanin ng mga Cristiano. Wala isa mang talata sa Biblia na tama ang pagkakasalin na nagtuturo na marami ang tunay na Diyos o kaya ay talata na nagsasabi na hindi iisa ang tunay na Diyos.
Ito ang nais naming ipabatid sa lahat: na ang pagtataguyod ng wastong aral ay isa sa maraming bagay na ikinatatangi ng IGLESIA NI CRISTO sa maraming relihiyon sa kasalukuyan. Ang kinikilalang tunay na Diyos dito ay iisa lamang, ang Ama at wala nang iba pa. Napakahalaga na taglayin ang wastong pagkakilala sa Diyos sapagkat, kung ating babalikan ang itinuturo ni Jesus sa Juan 17:3, malinaw na sinasabi Niyang, "AT ITO ANG BUHAY NA WALANG HANGGAN, NA IKAW AY MAKILALA NILA NA IISANG DIOS NA TUNAY." Samakatuwid, ang buhay na walang hanggan ay tatamuhin ng mga taong may wastong pananalig tungkol sa Diyos. Ang sinumang nasa alinmang relihiyong nagtataguyod ng hindi tunay na kaalaman tungkol sa Diyos ay mabibigong magtamo ng buhay na walang hanggan.
SA PATOTOO
Hindi sapat na ang isang relihiyon ay nakapagturo ng tunay na kaalaman tungkol sa Diyos upang ito ay matiyak nating tunay. Dapat ding magtaglay ng patotoo na isa pa sa mga katangiang ikakikilala sa nasa liwanag o tunay na relihiyon. Ipinakikilala ng Biblia kung alin ang patotoo:
"At ako'y nagpatirapa sa kaniyang paanan upang siya'y aking sambahin. At sinasabi niya sa akin, Ingatan mong huwag gawin iyan: ako'y kapuwa mo alipin at ng iyong mga kapatid na mayroong patotoo ni Jesus: sumamba ka sa Dios: sapagka't ANG PATOTOO NI JESUS AY SIYANG ESPIRITU NG HULA." (Apoc. 19:10)
Ang patotoo ay ANG ESPIRITU NG HULA. Kaya, ang tunay na relihiyon ay hindi lamang pasado sa pagtuturo ng tunay na kaalaman tungkol sa Diyos, kundi may patotoo o hula ng Panginoong Diyos na mababasa sa Biblia. Tungkol dito, maraming patotoo o hula ang Diyos tungkol sa paglitaw ng Iglesia Ni Cristo sa Pilipinas. Isa rito ay mababasa sa Isaias 43:5-6:
"Huwag kang matakot, sapagka't ako'y sumasaiyo: aking dadalhin ang iyong lahi mula sa silanganan, at pipisanin kita mula sa kalunuran;
"Aking sasabihin sa hilagaan, Bayaan mo, at sa timugan, Huwag mong pigilin; dalhin mo rito ang aking mga anak na lalake na mula sa malayo, at ang aking mga anak na babae na mula sa wakas ng lupa."
Sa mga talatang ito ay hinulaan ang pagdadala ng Panginoong Diyos sa lahi na magmumula sa Silanganan. Ang lahi na magmumula sa Silanganan ay siya ring kinikilala ng Panginoong Diyos na mga anak Niyang lalake at babae na magmumula sa malayo. Kung tutunghayan ang Isaias 43:5 sa salin ni James Moffatt ay ganito ang mababasa:
"From the FAR EAST will I bring your offspring, and from the far west I will gather you." [Mula sa MALAYONG SILANGAN dadalhin ko ang iyong lahi, at mula sa malayong kanluran ay titipunin kita.]
Kaya, tiyak ang dako na pagmumulan ng hinuhulaan ng Diyos na mga anak Niyang lalake at babae - Malayong Silangan. Ang PILIPINAS, na rito nagsimula ang Iglesia Ni Cristo sa mga huling araw ay bansa na nasa Malayong Silangan tulad ng mababasa natin sa maraming aklat ng kasaysayan. Madaling makilala ang hinuhulaan na mga anak ng Diyos na lalake at babae sapagkat ayon sa hula, sila ay Kaniyang dadalhin. Itinuturo rin ng Biblia kung kanino dinadala ng Diyos ang kinikilala Niyang mga anak:
"Walang taong makalalapit sa akin, maliban nang ang Amang nagsugo sa akin ang sa kaniya'y magdala sa akin; at siya'y aking ibabangon sa huling araw." (Juan 6:44)
Maliwanag sa pahayag na ito ng Panginoong Jesucristo na sa Kaniya dinadala ng Diyos ang tao. Kailangan pang dalhin ng Diyos ang tao sa Panginoong Jesus sapagkat walang taong makalalapit sa Kaniya malibang dalhin sa Kaniya ng Ama. Kaya hindi matuwid ang sinasabi ng iba na hindi na raw nila kailangan ang Iglesia dahil kinilala na raw nila si Jesus bilang pansariling Tagapagligtas. Kailangan muna nilang patunayang sila'y kabilang na sa mga dinala ng Ama sa Panginoong Jesucristo. Ano naman ang gagawin ng Panginoong Jesus sa mga dinala sa Kaniya ng Ama? Mauunawaan natin ito sa pahayag Niya sa Juan 10:16:
"At mayroon akong ibang mga tupa, na hindi sa kulungang ito: sila'y kailangan din namang dalhin ko, at kanilang diringgin ang aking tinig; at sila'y magiging isang kawan, at magkakaroon ng isang pastor."
Ang kinikilala ni Jesus na ibang mga tupa na sila rin ang mga DINALA sa Kaniya ng Ama ay MAGIGING ISANG KAWAN. Ang tinutukoy Niyang kawan ay ipinakilala naman ni Apostol Pablo:
"Take heed therefore to yourselves and to all THE FLOCK over which the Holy Spirit has appointed you overseers, to feed the CHURCH OF CHRIST which he has purchased with his blood." [Ingatan ninyo kung gayon ang inyong mga sarili at ANG BUONG KAWAN na rito'y hinirang kayo ng Espiritu Santo na mga katiwala, upang pakanin ang IGLESIA NI CRISTO na binili Niya ng kaniyang dugo.] (Acts 20:28, Lamsa Translation)
Ang kawan ng Panginoong Jesucristo ay ang Kaniyang Iglesia o ang Iglesia Ni Cristo. Ang Iglesiang ito ay may patotoo ng Diyos.
Ang mga tinalakay rito ay ilan lang sa maraming patotoo ng Diyos at ni Jesus tungkol sa Iglesiang ito. KUNG PATULOY LAMANG MAGSUSURI ANG SINUMAN AY TIYAK NA MAUUNAWAAN NIYA ANG MARAMING IBA PANG HULA UKOL SA IGLESIANG ITO NA NAKASULAT SA BANAL NA KASULATAN. Bilang pagwawakas, gaano kahalaga na ang tao ay mapabilang sa mga kinikilala ng Diyos na mga anak Niya? Ito ang itinuro ni Apostol Pablo sa Roma 8:17:
"At kung mga anak, ay mga tagapagmana nga; mga tagapagmana sa Dios, at mga kasamang tagapagmana ni Cristo; kung gayon nga makipagtiis tayo sa kaniya, upang tayo'y lumuwalhati namang kasama niya."
Nais din ba ninyo na MAGING TAGAPAGMANA sa Diyos?®
Kinopya mula sa:
PASUGO GOD'S MESSAGE
February 2002
Pages 13-15, 18
MALUGOD PO NAMIN KAYONG INAANYAYAHAN SA AMING MGA PAGSAMBA.
KUNG MAY KATANUNGAN PO KAYO, MAAARI PO KAYONG MAGTUNGO SA PINAKAMALAPIT NA KAPILYA O BAHAY SAMBAHAN SA INYONG LUGAR.
PROUD TO BE INC
TumugonBurahintanong q lng po..ang sabi nyo sa mateo 16:18. c cristo din mismo ang bato ng knyang binabanggit kay apostol pedro.kung c cristo ang bato?bkit tinawag ni cristo ang pangalan ni pedro?at ibinigay ni cristo pa kay pedro ang susi ng knyng kaharian (mat.16 19:20)pki paliwanag po.slamat
TumugonBurahinHindi na kailangan sabihin ng Panginoong Jesucristo na "sa ibabaw ng batong Ako"
Burahin