ANG ‘SUMASAMBA NANG WALANG ALAM’
ANG PAGLILINGKOD SA Diyos ay pananagutan ng lahat ng tao. Ngunit hindi wasto na basta na lamang magsagawa ang tao ng paglilingkod sa Lumalang sa kaniya. Dapat muna niyang matiyak na ang ginagawa niyang paglilingkod ay tunay na nakasalig sa mga kalooban ng Diyos sapagkat nakataya rito hindi lamang ang kaniyang kinabukasan kundi lalo na ang kaniyang kaligtasan. Dapat din niyang matiyak na ang relihiyong kaniyang kinaaaniban ay nagtataguyod ng tunay na kaalaman tungkol sa Diyos.
SUMASAMBA NANG WALANG ALAM
Maling isipin na ang lahat ng uri ng pagsamba na iniuukol sa Diyos ay katanggap-tanggap sa Kaniya na dahil dito ay hindi na kailangang magsuri pa.
Ayon sa Biblia, sino ang may ganitong kaisipan? Sila ang walang alam:
“Sumasamba kayo nang walang alam; sumasamba naman kami nang may alam dahil sa mga Judio galing ang kaligtasan.” (Juan 4:22, Biblia ng Sambayanang Pilipino)
Hindi kataka-taka, kung gayon, na may mga taong kapag tinanong kung bakit nila isinasagawa ang mga gawaing panrelihiyon at kung ang mga yaon ba ay naaayon sa kalooban ng Diyos, ang kanilang sagot ay hindi sila tiyak at kaya raw nila ginagawa ang mga ito ay dahil gayon na ang kanilang nakamulatan o dahil sa gayon ang ipinag-utos ng pinuno ng kanilang simbahan. Samakatuwid, ang kanilang pagsamba at paglilingkod ay hindi bunga ng pagkaunawa sa mga aral ng Diyos. Paanong nangyari ang gayon? Ano ang hindi nauunawa ng mga taong sumasamba nang walang alam? Sa Malakias 2:7:
“TUNGKULIN NG MGA SASERDOTE NA ITURO ANG TUNAY NA KAALAMAN TUNGKOL SA DIYOS. Sa kanila dapat sumangguni ang mga tao tungkol sa aking kalooban, sapagkat sila ang mga sugo ng Makapangyarihang si Yahweh.” (Magandang Balita Biblia)
Upang maging dapat ang alinmang gagawing paglilingkod sa Diyos ay dapat na malaman muna ng maglilingkod ang tunay na kaalaman tungkol sa Diyos at sa paglilingkod sa Kaniya. Sinabing “tunay na kaalaman” sapagkat may mga maling kaalaman na itinuturo sa mga tao tungkol sa Diyos at sa paglilingkod sa Kaniya. Ang tunay na kaalaman tungkol sa Diyos ay mauunawa kung sasangguni ang tao sa SUGO ng Diyos. Kaya kapag ang isang relihiyon ay walang sugo ng Diyos na tagapangaral o hindi nagpapahalaga sa pagsusugo ng Diyos, ang gayong relihiyon ay walang tunay na kaalaman tungkol sa Diyos.
MISTERYO O HINDI MALIWANAG
May mga relihiyon na kapag ang paksa ay tungkol sa Diyos ay nagsasabing ito ay isang misteryo o bagay na hindi mauunawa. Misteryo nga ba o hindi lamang nila maipaliwanag ang kaalaman tungkol sa Diyos sapagkat hindi nila ito nalalaman o nauunawaan? Ganito ang pahayag ni Apostol Pablo:
“Ang maaaring malaman tungkol sa Diyos ay MALIWANAG, yamang inihayag ito sa kanila ng Diyos.” (Roma 1:19, Ibid.)
Maliwanag sa mga kaanib sa tunay na Iglesia ang kaalaman tungkol sa Diyos sapagkat sila ay tinuruan ng sugo ng Diyos. Ipinagkaloob sa mga sinugo ang makaalam ng hiwaga ng kalooban ng Diyos, gaya ng pinatutunayan sa ebanghelyo ayon kay Marcos:
“At sinabi niya sa kanila, Sa inyo ay ipinagkaloob ang makaalam ng hiwaga ng kaharian ng Dios: datapuwa't sa kanilang nangasa labas, ang lahat ng mga bagay ay ginagawa sa pamamagitan ng mga talinghaga:
“Upang kung magsitingin sila'y mangakakita, at huwag mamalas; at kung mangakinig sila'y mangakarinig, at huwag mangakaunawa; …” (Mar. 4:11-12)
Ang kausap ng Panginoong Jesucristo rito ay ang mga apostol at sila’y nasa Iglesia (I Cor. 12:28). Kaya, natitiyak natin na ang mga pinagkaloobang makaunawa ng kalooban ng Diyos ay ang mga nasa loob ng Iglesia; “sa kanilang nangasa labas, ang lahat ay ginagawa sa pamamagitan ng mga talinghaga.” Ang mga “nangasa labas” na tinutukoy na hindi nakauunawa o walang alam ay walang iba kundi ang mga nasa labas ng tunay na Iglesia:
“Ano ang karapatan kong humatol sa mga taga-labas ng iglesya? Hindi ba kayo ang hahatol sa mga nasa loob? Ang Dios ang hahatol sa mga nasa labas. ‘Itiwalag ninyo ang masama ninyong kasamahan’.” (I Cor. 5:12-13, New Pilipino Version)
Samakatuwid, hindi matatamo ng tao ang tunay na kaalaman tungkol sa Diyos sa labas ng tunay na Iglesia. Kahit na anong paglilingkod ang gawin ng taong wala sa tunay na Iglesia ay mawawalan ng kabuluhan.
IISA ANG TUNAY NA DIYOS
Ano ang isa sa mga kaalamang dapat na malaman ng tao tungkol sa Diyos? Ganito ang pagtuturo ni Cristo:
“At ito ang buhay na walang hanggan, na ikaw ay makilala nila na iisang Dios na tunay… Ama, dumating na ang oras; luwalhatiin mo ang iyong Anak, upang ikaw ay luwalhatiin ng Anak.” (Juan 17:3, 1)
Iisa lamang ang tunay na Diyos na dapat makilala ng lahat ng tao—ang AMA. Ang katotohanang ito ay pinatutunayan din ng mga apostol:
“Nguni't sa ganang atin ay may isang Dios lamang, ang Ama, na buhat sa kaniya ang lahat ng mga bagay, at tayo'y sa kaniya; at isa lamang Panginoon, si Jesucristo, na sa pamamagitan niya ang lahat ng mga bagay, at tayo'y sa pamamagitan niya. Gayon ma'y wala sa lahat ng mga tao ang kaalamang iyan: kundi ang ilan na hanggang ngayon ay nangamimihasa sa diosdiosan, ay kumakain na parang isang bagay na inihain sa diosdiosan …” (I Cor. 8:6-7)
Kung gayon, ang isa sa mga batayan upang matiyak kung tunay nga ang isang Iglesia ay ang pagtataguyod nito ng kaalamang tungkol sa Diyos na itinuturo ng Panginoong Jesus at ng mga apostol. Dito dapat masalig ang ginagawang paglilingkod ng tao sa Diyos. Kung hindi ganito ang relihiyong ating kinaaaniban, nanganganib tayong mapahamak at di maligtas. *
Sinulat ni:
Kapatid na REMUEL V. CASIPIT
Kinopya mula sa:
PASUGO GOD’S MESSAGE
July 2003
Pages 17-18
Emphasis:
Admin.