Kung Paano Nila Nilikha
Ang Aral Na Si Cristo Ay Diyos
Sinulat ni RUBEN D. AROMIN
__________________________________
Unang Bahagi
Pasugo
God’s Message
February 2004
Pages 21-23
MALIWANAG NA ITINUTURO ng Biblia na tao ang likas na
kalagayan ng ating Panginoong Jesucristo at ang Kaniyang pagiging tao ay
nagpapatunay na hindi Siya Diyos. Ito
ang aral na itinuro ng ating Panginoong Jesucristo (Juan 8:40) at ng Kaniyang
mga apostol (Mat. 1:18; I tim. 2:5; Gawa 2:22; Sant. 5:6, Salin ni Juan P.
Trinidad), na siya namang natutuhan at itinaguyod ng mga unang Cristiano. Subalit dumating ang panahong may bumago sa
aral na ito at ginawang Diyos ang ating Panginoong Jesucristo. Dahil sa ang aral na si Cristo ay Diyos ay hindi
naman matatagpuan sa Biblia, susuysuyin natin sa mga dahon ng kasaysayan sa labas
ng Biblia kung paano ito nabuo at naging aral ng mga nagpapakilalang “mainstream Christianity” sa pangunguna
ng Iglesia Katolika at mga Iglesiang Protestante. Paano nga ba nabuo ang aral na si Cristo’y tunay na Diyos,
gayong hindi naman ito matatagpuan sa Biblia at hindi ito ang paniniwala ng mga
unang Cristiano? Sino ang ipinakilala ng
kasaysayan na unang nagturo ng aral na si Cristo ay Diyos? Ganito ang salaysay sa atin ng isang
manunulat na Katoliko:
“Ang kauna-unahang panahong nalalaman na si Jesus ay diniyos
ay pagkatapos ng mga manunulat ng Bagong Tipan, sa mga sulat ni Ignacio, sa pasimula ng ikalawang siglo.” (Systematic Theology, p. 305)
Hindi dapat na
ipagtaka kung pagkatapos ng panahon ng mga apostol ay may lumitaw na ibang aral
tungkol kay Cristo—na Siya diumano ay Diyos—sapagkat noon pa mang nabubuhay ang
mga apostol ay mayroon nang nangangaral ng ibang Jesus na hindi nila
ipinangaral at may ilang kapatid na naaakit na sa gayong mga pangangaral. Sinabi ni Apostol Pablo:
“Ngunit nangangamba ako.
Baka mailayo kayo sa inyong tapat at dalisay na pananalig kay Cristo,
tulad ni Eva na nalinlang ng ahas.
Pagkat malugod ninyong tinatanggap ang sinumang dumating at mangaral ng
Jesus na iba sa Jesus na ipinangaral namin sa inyo, at tinatanggap ang
espiritung iba sa itinuro namin sa inyo, at pinaniniwalaan ang ebanghelyong iba
sa iniaral namin sa inyo.” (II Cor. 11:3-4, New Pilipino Version)
Ang ganitong
obserbasyon ng mga apostol ay binabanggit din ng ilang mga mananalaysay sa
kasaysayan ng Iglesia. Ganito ang
nakatala sa Eerdman’s Handbook to the
History of Christianity:
“Kung babasahin natin ang sulat ni Apostol Pablo sa iglesia sa Corinto,
malinaw na maraming suliranin ang kinakaharap ng Iglesia sa mismong kalipunan
ng kaniyang mga kaanib. Ang ibang mga
sulat ni Pablo ay nagpapakilala rin ng papalagong mga kontrobersiya at
pag-aagawan ng kapangyarihan. …
Sinubukan ng ilang mga tao na pagsamahin ang mga paniniwalang Cristiano
at di-Cristiano. Sa unang sulat ni Juan
ay binabanggit ang mga minsan ay kasama sa komunidad ng mga Cristiano subalit
ngayon ay nangahiwalay. Kanilang itinanggi ang pagiging totoong tao
ni Cristo.” (p. 73)
Sa panahon pa ng
mga apostol ay mayroon nang mga pagtatangkang baguhin ang aral tungkol kay
Cristo sa pagtatangging Siya ay
tao. Sila ay tinawag ni Apostol Juan na
mga magdaraya at anti-Cristo:
“Sapagkat nagkalat sa sanlibutan ang mga magdaraya—mga taong hindi
nagpapahayag na si Jesu-Cristo’y naging tao.
Ang gayong mga tao ay magdaraya at anti-Cristo.” (II Juan 1:7, Magandang Balita Biblia)
Unti-unting binuo
Ang aral tungkol sa ibang Jesus na hindi itinuro ng mga apostol
ay unti-unting ipinasok sa Iglesia. Una
ay may mga nagturo ng aral na tumatangging tao si Cristo. Nang lumaon ay lumitaw ang aral na Siya ay
Diyos sa mga sulat ni Ignacio pagkamatay ng mga apostol. Gayunman, ang umuusbong na paniniwalang ito
ay hindi agad tinanggap ng mga Cristiano noon gaya nang mababakas sa tinaglay nilang
kaisipan at paniniwala:
“Ang karaniwang Cristianismo… ay kumilos sa higit na mga
payak na kaisipan. Ganap na tapat kay
Cristo, kinilala nito siya, unang-una bilang banal na tagapagpahayag ng
kaalaman ng tunay na Diyos at tagapaghayag ng isang bagong batas ng simple,
marangal at mahigpit na moralidad. Ito
ang palagay ng mga tinatawag na ‘Apostolic Fathers’, maliban kay Ignacio…”
(A History of the Christian Church,
p. 37)
Sinasabi rin na “… maging ang Didache, o ang ‘Ang mga turo ng Labindalawang
Apostol’, na pinakamatandang bantayog pampanitikan ng kauna-unahang panahong
Cristiano sa labas ng Bagong Tipan,… ay hindi nagtataglay ng pormal na
pagpapahayag ng pananampalataya sa pagka-Diyos ni Jesucristo…” (The Divine Trinity: A Dogmatic Treatise, p. 150)
Kaya maging sa panahong
kamamatay pa lamang ng mga apostol ay hindi tinatanggap ng karamihang Cristiano
ang aral na si Cristo ay Diyos. Ang
ganitong masidhing pagtutol sa maling aral na ito ay nagpatuloy hanggang sa
ikaapat na siglo ayon sa salaysay ng aklat na The Philosophy of the Church Fathers:
“Ang katotohanan na hanggang noong ika-apat na siglo, ay may mga nasa
loob ng Cristianismo na sa kabila ng pagtanggap sa mga sulat ni Pablo at sa
ebanghelyo ni Juan, ay tumututol pa rin sa pagiging Diyos ng Cristong eksistido
na nong una pa, ay magpapahiwatig na walang makukuha sa mga kasulatang ito na
malinaw na katibayan ng paniniwala sa panig ni Pablo at Juan na ang Cristo na
eksistido noong una pa ay Diyos sa literal na kahulugan ng salita.”
(Vol. I, pp. 306-307)
Maging pagkatapos na pagkatapos ng panahon ng
mga apostol, hindi tinanggap ng marami ang aral tungkol sa ‘ibang Jesus’. Sa mga tinatawag na ‘apostolic fathers,” mga
manunulat sa Iglesia pagkatapos ng mga apostol, tanging si Ignacio lamang ang
nagturo na si Cristo ay Diyos subalit ang aral na ito ay tinutulan hanggang sa
ikaapat na siglo. Ang pagtutol ng marami
sa aral na ito ay sa dahilang hindi ito itinuro ng mga apostol at walang
mababasang ganito sa kanilang mga sulat.
Ang pag-iral ng aral na ito sa Iglesia at ang pagkabuo nito ay unti-unti,
ayon sa patotoo ng isang paring Katoliko:
“Ipinahahayag ng ilang dalubhasa na utay-utay
na binalangkas ng Simbahan ang pananampalataya sa pagka-Diyos ni Jesus sa
impluho ng mga ibang relihiyon.” (At
Nagsalita Ang Diyos sa Pamamgitan ng Kanyang Anak, p. 181)
Sinasabi rin ng
manunulat na paring Jesuita na sa unti-unting pagbalangkas ng Simbahang
Katoliko ng aral na si Cristo ay Diyos, sila ay naimpluwensiyahan ng ibang mga
relihiyon.
Kung paano naimpluwensiyahan
Pagkatapos ng panahon ng mga apostol, ang Iglesia ay
nakaranas hindi lamang ng pag-uusig kundi maging ng pagtuligsa ng mga paganong
relihiyon. Ganito ang patotoo ng
kasaysayan:
“Tinuligsa at inusig ng mga pagano ang mga
Cristiano. Nagpakalat sila ng mga
bulaang kuwento tungkol sa mga Cristiano, pinaratangan sila ng mga nakapangingilabot
na krimen, at nilabo ang mga aral ng Cristianismo. Bilang tugon, ang ilang Cristiano ay sumulat
ng mga aklat. Sapagkat sa mga aklat na
iyon ay ipinagsanggalang ng mga manunulat na iyon ang Cristianismo, sila ay
tinawag na mga Apologists. Ang apologist
ay isang tao na ipinagsasanggalang yaong pinaniniwalaan niyang katotohanan.”
(The Church in History, pp. 15-16)
Sa pagtuligsa ng
mga pagano sa mga Cristiano, kasama rito ang pagpapalabo sa mga aral na
kanilang sinasampalatayanan. Sinagot
naman sila ng mga tagapagtanggol ng Cristianismo na kung tawagin ay mga
apologists. Ang ilan sa mga sumulat ng
tuligsa laban sa kanila na kanilang sinagot ay mga taong ang kaisipan ay
nakahilig sa pilosopiya. Ganito ang
sinasabi sa kasaysayan:
“Kaalinsabay nito, hindi naiwasan ng Cristianismo na
magdanas ng maraming nakasulat na tuligsa ng ilan sa pinakamatatalinong tao ng
panahong iyon, tulad nina Luciano, Porpirio, at Celso, mga lalaking ang isipan
ay nakahilig sa pilosopiya, na nagpukol ng kanilang mga pag-upasala laban sa
relihiyong Cristiano.” (The
History of Christian Doctrines, p.43)
Sa mga nabanggit
na manunuligsa sa mga Cristiano, si Celso ang umatake sa kanilang paniniwala at
paninindigan tungkol kay Cristo. Ang
kaniyang mapangutyang tuligsa sa kanila ay nakatuon sa pagsambang iniuukol nila
kay Cristo:
“Kaya, iginigiit ni Celso, isang mapangutyang pilosopong
pagano ng ikatlong siglo na ang mga Cristiano ay walang karapatang tuligsain
ang pagkilala sa maraming diyos sa daigdig ng mga pagano dahil sa ang kanila
mismong pagsamba kay Cristo ay poleteistiko.
Kaniyang sinabi, ‘ang mga Cristiano ay walang sinasambang Diyos; wala,
ni demonyo, kundi isa lamang patay na tao… Kung ayaw nilang sumamba sa mga
diyos ng pagano’, ang sabi niya, ‘bakit hindi na lamang nila iukol ang kanilang
pamimintuho sa ilan sa kanilang mga propeta kaysa isang tao na ipinako sa krus
ng mga Judio?’” (The Faith of Millions,
pp. 98-99)
Pagkalipas pa ng pitumpung taon nasagot ang tuligsa ni Celso tungkol sa pagsamba ng mga Cristiano kay Cristo (The Church in History, p. 17). Ito ay sinagot ng isang apologist ng Iglesia
na si Origen, isang teologong
isinilang sa Alexandria sa Egipto at nabuhay noong huling bahagi ng ikalawang
siglo hanggang sa kalahati ng ikatlong siglo, sa sinulat niyang aklat na “Against Celsus.” Subalit sa halip na isagot ni Origen ay ang
sinabi ni Apostol Pablo na kaya sinasamba ng mga Cristiano si Cristo ay hindi
dahil sa Siya ay Diyos, kundi ipinag-utos ng Diyos na Siya ay sambahin (Fil.
2:9-11), sinabi niyang karapa-dapat sambahin si Cristo sapagkat Siya raw ay
Diyos. Nakatala sa kasaysayan ang ganito:
“Ipinagsanggalang ni Origen, na pinakadakila sa mga unang
manunulat Cristiano, ang mga Cristiano sa tuligsa ni Celso. Ito ay kaniyang ginawa hindi sa pamamagitan
ng pagkakaila sa paratang na sila’y sumasamba kay Cristo, kundi sa pamamagitan
ng pagpapatunay na ang Tagapagligtas ay karapatdapat sa gayong pagsamba
sapagkat Siya ay Diyos.” (p. 99, Ibid.)
Ang ipinahayag ni
Origen na si Cristo raw ay Diyos ay labag sa turo ng mga apostol at hindi ito
ang paniniwala noon ng mga Cristiano sa kaniyang panahon. Mapapatunayan ito sa pahayag ng isa sa
kaniyang mga kakontemporaryo, si Tertuliano,
na isang African Latin Theologian na sumulat ng maraming mga aklat tungkol sa
aral Cristiano (kung kaya’t kinikilala siya bilang isa sa mga Church Fathers o
Ama ng Iglesia Katolika). Ayon kay
Tertuliano, sa kanilang kapanahunan, ikalawa hanggang sa ikatlong siglo, ang
paniniwala ng karamihan tungkol kay Cristo ay Siya ay tao at hindi Diyos Ganito ang ipinapahayag ng tala ng
kasaysayan:
“Sinulat ni Tertulliano (160-230 A.D.), isa sa mga pinakabantog
na Ama ng Iglesia, na sa kaniyang kapanahunan, ‘ang mga karaniwang tao ay
naniniwalang si Cristo ay tao’.” (Challenge
of a Liberal Faith, p. 63)
Sa mga tala ng
kasaysayan na ating sinipi ay makikita na sa panahon pa ng mga apostol ay
mayroon nang umuusbong na paniniwala tungkol kay Cristo, na iba sa kanilang
itinuro. At ito ay nasundan pa
pagkamatay ng mga apostol, sa mga pahayag nina Ignacio at Origen. Gayunman,
hindi iyon ang paniniwala ng mga Cristiano noon bagkus ang namamalaging
paniniwala ng mga Cristiano hanggang noong panahong iyon ay tao si Cristo.@@@@@
____________________________________________________________________
Ikalawang Bahagi
Pasugo
God’s Message
March 2004
Pages 16-19
PINATUTUNAYAN NG KASAYSAYAN
na noong mga unang siglo ay wala pang malaganap na paniniwala na si
Cristo ay Diyos. Namamalagi sa marami
ang paniniwala na si Cristo ay tao hanggang sa ikaapat na siglo.
Sa unang bahagi ng ikaapat na siglo
naganap ang mga mahahalagang pangyayari sa Iglesia na nagbigay-daan upang
maisulong ang aral na si Cristo ay Diyos hanggang sa ito ay maging opisyal na
aral ng Iglesia Katolika. Ang pangyayari
ay uminog sa hidwaan at pagtatalo na namagitan sa dalawang tao na nakilala sa
kasaysayan ng Iglesia dahil na rin sa isyung ito tungkol sa likas na kalagayan
ni Cristo. Ganito ang sinasabi sa mga
dahon ng kasaysayan:
“Ang suliranin tungkol sa kaugnayan ng Diyos Ama at ng
Kaniyang Anak na si Jesucristo ay kagyat na naging isang malalang suliranin sa
Iglesia pagkatapos na matigil sa pag-uusig.
Sa Hilagang Europa, halimbawa, iginiit ni Tertuliano ang pagkakaisa sa
esensiya ng tatlong persona bilang siyang tamang pagkaunawa sa Trinidad . Kaya ang
naging sentro ng hidwaan ay sa Silangang bahagi ng Imperyo.
“Noong 318 o 319, tinalakay ni Alejandro na obispo ng Alejandria, sa
kaniyang mga presbitero ‘Ang Pagkakaisa ng Trinidad ’. Inatake ng isa sa mga presbitero, si Ario,
isang asetikong iskolar at bantog na mangangaral, ang sermon sapagkat
naniniwala siya na hindi nito napanindigan ang pagkakaiba ng mga persona sa
pagkadiyos. …Iginiit ni Ario, sa pagsuporta ni Eusebio ng Nicomedia (iba sa
Eusebio ng Caesaria) at ng minorya ng mga naroon, na si Cristo ay hindi
nagbuhat sa walang hanggan kundi may pasimula sa pamamagitan ng paglalang ng
Diyos bago dumating ang kapanahunan.
Siya’y naniniwala na si Cristo ay may ibang esensiya o kasiyangaan kaysa
sa Ama. Dahil sa kalinisan ng kaniyang
buhay at sa pagsunod sa kalooban ng Diyos, si Cristo ay dapat na ituring na
banal. Subalit naininiwala si Ario na si
Cristo ay isang nilalang, nilikha mula sa wala, mababa kaysa sa Ama at may
esensiyang iba sa Ama. Hindi Siya
kapantay ng Ama. Para
kay Ario, si Cristo ay banal subalit hindi Diyos.” (Christianity Through The Centuries:
A History of the Christian Church, pp 143-144)
Ang hidwaan nina Ario at ng kaniyang Obispo na si Alejandro tungkol sa
likas na kalagayan ni Cristo ay nagpapatunay lamang na
hanggang sa ikaapat na siglo ay wala pa ring malinaw at pormal na doktrina ukol
sa pagiging Diyos ni Cristo. Tinutulan ni Ario ang aral na ito
sapagkat naniniwala siya na si Cristo ay iba sa Ama na Siyang tunay na
Diyos. Ayon kay Ario, si Cristo ay
nilalang at may pasimula; mayroon Siyang esensiya o kasiyangaan na iba sa Ama
at hindi siya kapantay ng Ama.
Pinaninindigan ni Ario ang tamang doktrina na “si Cristo ay banal
subalit hindi Diyos.” Ayon pa kay Ario, “…kung ang Diyos Ama at ang Anak ay parehong Diyos, kung
gayon ay may dalawang diyos, na nangangahulugang ang Cristianismo ay hindi
isang monoteistikong relihiyon” (Ancient
Medieval History: The rise of classical
culture and the development of medieval civilization, p. 394).
Ang paninindigan
ni Ario tungkol sa likas na kalagayan ni Cristo ay tuwirang kasalungat ng
paniniwala ng kaniyang obispo “…na mariing
naninindigan na si Jesucristo ang Walang Hanggang (Ama) Diyos na nasa anyo ng
isang tao at anomang kasalungat na paniniwal ay dapat na ituring na erehiya”
(When Jesus Became God, p.56).
Kung paano
lumawak ang alitan ng dalawa bunga ng kanilang magkasalungat na paniniwala ay
isinalaysay sa mga sumusunod:
“Ang hidwaan ay naging lubhang mapait na anupa’t
ipinakondena ni Alejandro si Ario sa pamamagitan ng isang synod. Si Ario ay nanganlong sa palasyo ni Eusebio, obispo
ng Nicomedia ,…
Dahil sa ang hidwaan ay nakasentro sa Asya Menor, ito’y naging panganib sa
pagkakaisa ng Imperyo at gayundin ng Iglesia.” (Christianity Through The Centuries A History of the Christian Church,
p. 143)
Ang lumalalang hidwaan sa pagitan nina
Alejandro at Ario ay nakarating sa kaalaman ni Emperador Constantino. Natawagan ng pansin ang emperador sapagkat
sinabi sa kaniya ng kaniyang mga tagapayo na ang hidwaan ay magsasapanganib sa
pinapangarap niyang kaisahan ng kaniyang imperyo. Dahil dito, iniutos ng emperador na siyasatin
ang kontrobersiya. Kaya, ipinatawag niya
ang kaniyang pinakamalapit na tagapayong Cristiano na si Hosius ng Cordova at
pinapunta sa Alejandria upang alamin ang mga pangyayari at magbigay ng
ebaluwasyon at rekomendasyon sa kaniya.
Dala ang liham ng emperador na nakaukol kapuwa sa magkatunggaling sina
Ario at Alejandro, nagsagawa ng pagsisiyasat si Hosius (When Jesus Became God: The Epic
Fight Over Christ’s Divinity in the Last Days of Rome, pp. 46-47, 49). Ganito ang naging resula ng kaniyang ginawang
pagsisiyasat:
“Nagpasiya si Hosius.
Susulat siya kaagad upang sabihin sa emperador na hindi na maaari ang
pagkakasundo. Ang erehiyang Ariano ay
hindi na rin maaaring pahintulutan o mapagbigyan. Kailangan na itong sugpuin. Kasabay nito ay magrerekomenda siya ng isang
istratehiya upang wakasan ang pagkakabaha-bahagi sa komunidad Cristiano sa
pinakamabilis at pinakatiyak na paraan. …Matagal nang pinag-uusapan ng mga obispo
sa Silangan na kailangan na ang isang pangkalahatang konsilyo upang harapin ang
ilang mga isyu na bumabagabag sa mabilis na lumalagong Iglesia. Irerekumenda ni Hosius na si Constantino ay
tumawag ng isang gayong konsilyo sa tagsibol, na lalong kanais-nais kung doon
isasagawa sa isang lunsod na hindi kalayuan sa kaniyang punong himpilan—marahil
sa Ancyra (Ankara) na doon ang obispo na si Marcellus ay isang maalab na
tagasalungat ni Ario at ng dalawang Eusebio.
Magagamit ng emperador ang konsilyo upang himukin ang mga natitipong
obispo na kondenahin ang Arianismo.” (Ibid., pp 64-65)
Ang pagtawag ng konsilyo
Batay sa mungkahi ni Hosius pagkatapos na masiyasat na hindi
na maaaring pagkasunduin pa ang magkabilang panig, tumawag si Emperador
Constantino ng pangkalahatang konsilyo ng mga obispo. Ganito ang nakatala sa
kasaysayan:
“
Sumunod, tumawag si Constantino ng
isang konsilyo ng mga obispo upang lutasin ang hidwaan. Ang konsilyong ito ay nagpulong sa Nicea sa
mga unang araw ng tag-init ng 325.
Tatlong daang obispo ng Iglesia ang dumalo, subalit di lalabis sa sampu
ang magmula sa Kanlurang bahagi ng imperyo.
Ang emperador ang namuno sa konsilyo at siyang nagbayad ng mga gugulin
nito. Sa unang pagkakataon, nasumpungan
ng Iglesia ang kaniyang sarili na pinangibabawan ng liderato pampulitika ng
pangulo ng estado.” (Christianity
Through the Centuries: A History of the
Christian Church, p. 143)
Dahil ang
nagpatawag ng Konsilyo ay si Constantino sa hangaring pagkaisahan ang kaniyang
imperyo, hindi kataka-takang siya rin ang nagbayad ng gugulin ng mga delegadong
obispo. Subalit sa isyu ng doktrina na
pinagtatalunan, ang emperador ay walang
nalalaman at naiintindihan, gaya
ng pinatutunayan ng mga salaysay sa kasaysayan:
“Ang unang emperador na naging Cristiano, si Constantino ay walang
anomang nauunawaan sa mga katanungang pinag-uusapan sa teolohiyang
Griyego. Ang kontrobersiya sa doktrina
ng Trinidad ay itinuring lamang niya na isang walang kabuluhang pagtatalo ng
mga teologo, na maaaring iwasan sa pamamagitan ng di pagpansin sa lahat ng
haka-haka at sa pamamagitan ng sama-samang pamumuhay na may pag-ibig at
mabuting samahan Kaalinsabay nito, ang
inaalaala ni Constantino ay kung paano pangangalagaan o panunumbalikin ang
katahimikan ng Iglesia. Tutal, ang
Iglesia ay may mahalagang gampanin na tutuparin sa kaniyang imperyo.” (A Short History of Christian Doctrine: From the First Century to the Present,
p.51)
Maliwanag na ang isinaalang-alang ni Constantino ay
hindi ang tamang doktrina para sa Iglesia kundi ang kapayapaan at katahimikan ng kaniyang imperyo at ang malaking
papel na ginagampanan ng Iglesia para ito ay maisiguro. Kaya’t ang kaniyang pakikialam ay bunsod ng
pangangailangang pampulitika sapagkat ayaw niyang magkawatak-watak ang kaniyang
imperyo dahil lamang sa isang isyu ng doktrina na inaakala niyang pwede namang
malutas sa simpleng pag-uusap ng mga obispo.
At para maisiguro ang pagdalo ng mga obispo at maisagawa ang kaniyang
gusto, ganito ang kaniyang ginawa:
“…Tinawag ang Konsilyong ito ng Emperador Constantino sa pamamagitan ng
mga sulat na may kasamang regalo, ngunit ang mga sulat ay naglalaman din ng
pananakot.” (ANG KABANALBANALANG
ISANGTATLO: Ang Diyos ng mga Kristiyano,
p. 107)
Mula pa lamang sa
pagpapatawag sa mga obispong dadalo sa konsilyo ay ginamit na ng emperador ang
kaniyang impluwensiya. Upang mapuwersa
ang mga obispo na tumugon sa kaniyang panawagan, sila ay kaniyang niregaluhan
at sinulatan na may halong pananakot.
Kung paano ginamit ng emperador ang kaniyang kapangyarihan upang maimpluwensiyahan
niya ang konsilyo ay ganito ang sinasabi ng kasaysayan:
“Sa unang pagkakataon sa kaniyang kasaysayan, ang
Cristianismo sa Imperyo ng Roma ay hindi na siyang pinag-uusig na relihiyon… Sa
panlabas na pananaw, ang pagbabago sa situwasyon ay maliwanag na naramdaman ng
mga obispo dahil sa katotohanang hindi
na nila kailangan pang kumilos nang palihim o mangailangan pang gumamit ng
karaniwang paraan ng paglalakbay upang dalawin ang isa’t-isa. Ngayon ay mayroon na silang pribilehiyo na
dumalo sa konsilyo sa pamamagitan ng transportasyong bigay ng estado, na siyang
paraan ng paglalakbay na inilalaan sa mga may ranggong opisyal ng estado. Sa Nicea, pinagkalooban ng emperador ng
matutuluyan ang mga obispo sa kaniyang palasyo.
Doon din ginanap ang mga talakayan at
sa harap pa mandin ng emperador. … Madaling maintindihan kung ipinakita man ng
mga obispo ang kanilang utang na loob sa pamamagitan ng pagbibigay sa
kagustuhan ng emperador.
Sa loob ng mahabang panahong pag-uusap na ngayon ay isinasagawa sa
Nicea, ang emperador ay ilang beses na nakialam nang personal.” (A Short History of Christian Doctrine,
pp. 51-52)
Hindi nagkasya
ang emperador na tumawag lamang ng konsilyo.
Hindi siya nasiyahang hayaan na lamang at ipaubaya sa mga obispo ang
pag-uusap tungkol sa doktrina na dapat sampalatayanan at itaguyod ng
Iglesia. Siya ay personal na nakialam at ang kaniyang pakikialam sa konsilyo
ay umabot hanggang sa pagbuo ng aral na dapat pagkaisahan ng mga obispo. Sinasabi sa aklat ng kasaysayan na:
“Ang emperador mismo ang nanguna
sa napakahalagang pagpupulong, at siya
ang nagpanukala ng salitang pagkakaisahan, ito ay ang homoousios (salitang
Griyego para sa ‘mula sa iisang esensiya’), upang ilarawan ang kaugnayan ni
Cristo sa Ama (bagaman mas malamang na ang nagmungkahi nito sa kaniya ay si
Hosius ng Cordova, isa sa kaniyang mga tagapayo sa mga bagay na may kinalaman
sa Iglesia).” (Eerdsman’s Handbook
to the History of Christianity, p. 134)
Ang iminungkahi ni Constantino na pagkaisahan
ng mga obispo, bagaman wala naman siyang naiintindihan tungkol sa teolohiyang
Griyego, ay ang pormula ng doktrina na
nagpapahayag na si Cristo at ang Diyos ay may iisang esensiya. Sa pormulang ito ay malinaw na nais niyang
pagkaisahan ng mga obispo ang pagiging Diyos ni Cristo:
“Ito ang nangyari sa Nicea. Mga
anim na linggo pagkatapos ng pagbubukas ng konsilyo, noong Hunyo 19, 325,
iginiit ni Emperador Constantino na ang lahat ng obispo na dumalo ay dapat
iendorso ang isang bagong kredo na nagpapahayag na si Cristo ay Diyos at
kumukondena kay Ario. Sinomang hindi lalagda sa dokumentong ito
ay ititiwalag at ipatatapon.” (The
Jesus Establishment, p. 173)
Malinaw na kaya
nangibabaw ang aral na si Cristo ay Diyos ay hindi dahil sa ito ang tamang aral
ng Biblia kundi ito ang ipinilit ng emperador at sinoman sa mga obispong
delegadong naroon ang hindi sasang-ayon ay papatawan ng parusang pagtitiwalag
at pagpapatapon. Hindi naman
kataka-takang ang igiit ni Constantino ay ang aral na si Cristo ay Diyos upang
mapanatili niya ang kapayapaan at kaisahan ng kaniyang imperyo. Para sa kanila, kung ang mga Emperador Romano ay nagpapakilalang Diyos, lalo namang
dapat kilalaning ganoon ang Tagapagligtas.
Ganito ang sinasabi sa aklat na Challenge
of a Liberal Faith:
“Ang konsilyo ay hindi magkaisa at pagkatapos ng dalawang taon, sa
pagkainip sa pagkaantala, si Emperador Constantino ay humarap at nagsalita sa
kapulungan, at kaniya silang inutusan
na pagkaisahan ang pagka-Diyos ni Cristo (paano nga namang maaangkin ng
emperador ang pagiging Diyos kung ito ay itatanggi sa Tagapaligtas?).” (p.
60)
Kaya, kahit pa
ang doktrina ay labag sa Biblia, ang kredo tungkol sa pagiging Diyos ni Cristo
ay pinagtibay ng konsilyo at naging opisyal na aral ng Iglesia Katolika:
“Kaya halimbawa, noon lamang 325
A.D. sa Konsilyo ng Nicea nang ipaliwanag ng Iglesia sa atin na
isang alituntunin ng pananampalataya na si Jesus ay tunay na Diyos.” (Discourses on the Apostle’s Creed, p.
206)@@@@@
Huling Bahagi
Pasugo
God’s Message
April 2004
Pages 16-18
KASAYSAYAN ANG NAGPAPATOTOO na ang pagkakalikha ng aral na
si Cristo ay Diyos ay nag-ugat sa kagustuhan ni Emperador Constantino na
mapanatili ang kapayapaan ng kaniyang imperyo.
Nalalaman niyang ang Iglesia ay may malaking magagawa upang matupad ang
kagustuhan niyang ito. Kaya naman nang
bumangon ang hidwaan sa Iglesia bunga ng pagtatalo ukol sa tunay na kalagayan
ni Cristo, si Constantino mismo ang gumawa ng paraan upang magkaayos ang
magkalabang panig. Sa gayon, nabuo ang
dogmang si Cristo ay Diyos.
Ang binuong kredo sa Nicea noong 325 A.D.
na nagpapahayag na Diyos si Cristo ay nilagdaan ng mga Obispo. Ito ang naging opisyal na alituntunin ng
pananampalataya ng Iglesia bagaman hindi ito batay sa mga aral na itinuturo ng
Biblia. Sa layunin ng Emperador na
malutas ang hidwaang ibinunga ng paninidigan ni Ario sa orihinal na
paniniwalang Cristiano na si Jesus ay iba sa tunay na Diyos at mayroon Siyang
ibang esensiya sa Diyos kaya hindi maaaring Siya ang Diyos, ginamit niya ang
konsilyo ng mga obispo na kung saan ang kaniyang kagustuhan ang nanaig. Pagkatapos na ito ay maipahayag na
alituntunin ng pananampalataya, ang sinomang tututol dito ay nanganganib na
mapahamak sa pag-uusig ng estado:
“Sa sandaling ang ‘Kredo ng Nicea’ ay hayagang nalagdaan ng mga obispo
at naipahayag ni Constantino, yaon ay naging opisyal na kredo para sa lahat ng
Cristiano. Ang pagtatatuwa sa pagkadiyos
ni Cristo sa anomang kaparaanan ay katumbas na rin ng kusang paghiwalay ng tao
sa komunidad ng mga Cristiano at isang krimen laban sa estado.” (The Emerging Church, p. 93)
Kaya hindi
kataka-taka na ang paniniwalang ito tungkol sa likas na kalagayan ni Cristo na
Siya ay may esensiya na tulad ng sa Ama kaya Siya ay Diyos ay lumaganap at siya
ring kinagisnan ng marami sa sangka-“Cristianuhan.” Subalit sa pagkondena sa paninindigang tao si
Cristo at hindi Diyos, na siyang itinaguyod ni Ario at siyang salig at ayon sa
Biblia, at sa pagpili sa aral na si Cristo ay Diyos, ang Iglesia na noon ay
nasa ilalim ng kapangyarihan ng imperyo at sunud-sunuran sa kagustuhan ng
emperador ay nasadlak sa kamalian.
Ganito ang obserbasyon ng isang manunulat tungkol sa pangyayari:
“Gaya ng isinulat ng isang mananalaysay ng Iglesia, na si Bernard Lohse
sa kaniyang Motive im Glauben (Motivation
for Belief): ‘Ipinagunita sa atin ni
Ario na si Jesus, tulad ng pagpapakilala sa kaniya ng Ebanghelyo, ay hindi
isang Diyos na lumakad sa lupa, kundi isang taong totoo. Mangyari pa, sa kaniyang pagiging tao ay
pinatunayan ni Jesus ang lubos niyang pakikisama sa Diyos’.
“Walang ibang hinangad si Ario, subalit pinili ng Iglesia ang ibang landas; tulad ng malimit nitong
ginagawa, kinondena nito ang tama at iningatan ang mali .” (The
Jesus Establishment, pp. 175-176)
Sa harap ng mga
pangyayaring naganap sa konsilyo na kung saan ang sariling kagustuhan lamang ng emperador at hindi ang tama na
nasa Biblia ang siyang nakapanaig, ang Iglesia ay natalikod sa tunay at dalisay
na aral na mayroon lamang iisang tunay na Diyos, ang Ama. Si Cristo na Kaniyang Anak ay isinugo
Niya. Kaya, “Ang
nagtagumpay sa Nicea ay hindi ang Iglesia, kundi ang isang emperador na
naniniwala sa diyos na araw bilang isa sa maraming mga diyos, at hindi alintana
kung pilipitin man niya ang Cristianismo matugma lamang ito sa kaniyang
sariling kaisipan.” (Ibid.,
pp. 173-174)
Kaya, sa
pagkakabuo ng aral na si Cristo ay Diyos ay walang kinalaman ang mga apostol o ang sinumang tapat na lingkod ng
Diyos sa Biblia. Ang may malaking
kinalaman dito ay ang Emperador Romano na si Constantino, isang pagano na
naniniwala sa maraming mga diyos, na sa kagustuhang matapos na ang hidwaan
tungkol sa likas na kalagayan ni Cristo para sa kapayapaan ng kaniyang imperyo,
ay nagpasiyang gawing isang Diyos si
Cristo.
Ibinabala ng mga apostol
Ang pagpasok sa Iglesia ng maling doktrina tungkol kay
Cristo sa pamamagitan ni Constantino ay hindi dapat na ipagtaka. Nang ibabala ng mga apostol ang tungkol sa
pagtalikod ng Iglesia sa tunay na pananampalataya at sa mga aral ng Diyos,
kasama sa kanilang binanggit ang mga kakasangkapanin upang ito ay
maisakatuparan. Sinabi ni Apostol Pablo
sa pulong ng mga obispong taga-Efeso na ipinatawag niya sa Mileto ang ganito:
“Alam kong pagkaalis ko’y magsisipasok ang mababangis na asong-gubat at
walang patawad na sisilain ang kawan. Mula na rin sa inyo’y lilitaw ang mga
taong magsasalita ng kasinungalingan upang mapasunod ang mga alagad, at sa
gayo’y mailigaw sila.” (Gawa 20:29-30, Magandang Balita Biblia)
Sa magaganap ng
pagliligaw sa kawan o sa Iglesia pagkaalis o pagkamatay ng mga apostol,
ibinabala ni Apostol Pablo ang pagpasok ng mababangis na asong-gubat na walang
patawad na sisilain ang kawan. Kasama
rin niyang ibinabala na mula na rin sa kapulungan ng mga obispong kausap niya,
lilitaw ang mga taong magsasalita ng kasinungalingan upang iligaw ang mga
alagad. Kaya, hindi kataka-taka
kung mga obispo rin sa Iglesia ang
nag-usap-usap upang mabuo ang aral na si Cristo ay Diyos, bagaman labag ito sa
Bibliya. Hindi rin dapat na pagtakhan
kung ang isang pinuno ng estado, tulad ni Emperador Constantino, ang naging
kasangkapan upang ito ay ganap nilang mapagtibay at mapagpasiyahan. Bakit? Sa
Ezekiel 22:27 ay nakasulat ang ganito:
“Ang mga pinuno nila’y parang hayok na asong gubat kung
lumapa ng kanilang biktima. Sila’y
walang awing pumapatay upang yumaman.” (Ibid.)
Ang masasamang
pinuno ay itinulad rin ng Bibliya sa mga asong-gubat. Kaya, may mga pinuno o lider ng estado na
talagang magiging kasangkapan upang italikod sa aral ng Diyos at sa tunay na
pananampalataya ang Iglesia. Ang
pakikialam ni Constantino sa Iglesia kung gayon ay katuparan lamang ng
ibinabala ng mga apostol tungkol sa mga magiging kasangkapan upang makapasok
ang maling turo tungkol sa Diyos at sa ating Panginoong Jesucristo.
Patuloy ang mga pagtatalo
Sa kabila ng pagpapatibay ng konsilyo sa aral na si Cristo
ay Diyos, hindi nito napahinto ang mga pagtatalo at hidwaan tungkol sa likas na
kalagayan ni Cristo. Manapa, ang
pangyayari sa konsilyo ang siya lamang simula ng lalo pang mga mainitan at
masalimuot na pagtatalo tungkol sa isyung ito.
Sinasabi sa kasaysayan na:
“Ang pasiya ng konsilyo ay hindi tumapos sa kontrobersiya kundi bagkus
ito lamang ang simula nito. Ang
kalutasan na ipinilit sa Iglesia ng malakas na kamay ng emperador ay hindi
kasiya-siya at hindi tiyak kung kalian tatagal.
Ginawa nitong batayan ang imperial na kagustuhan at mga intriga sa korte
sa pagpapasiya hinggil sa pananampalatayang Cristiano.” (The History of Christian Doctrines, p.
87)
Kaya, ang
konsilyo ay lumikha ng mas maraming mga suliranin kaysa sa hinahangad nitong
kalutasan. Ang mga panahong sumunod
pagkatapos na pagpassiyahan ng konsilyo ang pagiging Diyos ni Cristo ay nagbunga
ng mas marami pang kontrobersiya s Cristolohiya at Teolohiya gaya ng pinatutunayan ng aklat ng kasaysayan:
“Ang Konsilyo ng Nicea ay naglatag ng maraming pang-unang
halimbawa. Ito ay tinawag ng emperador, kaniyang inimpluwensiyahan ang pagpapasiya
at ginamitan niya ng kaniyang kapangyarihang sibil upang itaas ang kaniyang
mga batas sa kalagayang tulad sa batas ng imperyo. Ipinakilala ng Konsilyo ang isang bagong uri ng
ortodoksiya, na sa kauna-uanahang pagkakataon ay nagbigay ng di kawasang pagpapahalaga
sa mga terminong wala sa Biblia. Ang
sariling anyo ng pagpapahayag ng kredo ay naimpluwensiyahan ng erehiyang
kaniyang idineklarang labag sa batas. …
Ang Nicea ay
sinundan ng mahigit sa kalahating siglong di pagkakasundo at kaguluhan sa Iglesia
sa Silangan, na manaka-naka ay umaabot sa Kanluran.” (Eerdmans’ Handbook to the History of
Christianity, p. 160)
Hindi nalutas ng
konsilyo sa Nicea ang kontrobersiya tungkol sa pagiging Diyos ni Cristo. Bagaman ang konsilyo ay nagtagumpay na maglabas
ng kredo tungkol sa opisyal na doktrina ng Iglesia Katolika, nagpatuloy ang
kontrobersiya at mga hidwaan sa isyung ito.
Ang totoo, hanggang sa
kasalukuyang panahon, ang pagtatalo tungkol sa likas na kalagayan ni Cristo ay
namamalagi. Kung nanghawak lamang
ang mga sumunod sa panahon ng mga apostol sa mga aral na kanilang itinuro,
tulad ng panghahawak ngayon ng Iglesia ni Cristo sa mga aral na ito, hindi sana
sila nahiwalay sa wastong pagkakilala sa kung sino ang tunay na Diyos at kung
ano ang likas na kalagayan ni Cristo.
Ganito ang payo ng mga apostol na hindi naman tinupad ng marami sa mga
unang Cristiano, kaya sila ay natalikod sa tamang pagkakilala at
pananampalataya:
“Kaya nga, mga kapatid, kayo’y mangagpakatibay, at inyong panghawakan ang
mga aral na sa inyo’y itinuro, maging sa pamamagitan ng salita, o ng aming
sulat.” (II Tes. 2:15)@@@@@
________________________________________________
_______________________________________________________________________
________________________________________________
_______________________________________________________________________
________________________________________________
Bible Study Suggestion: If you have further questions, please feel free to visit the Iglesia ni Cristo congregation nearest you. A minister or an evangelical worker would be happy to answer any biblical question you have in mind.
_________________________________________________________________________