Lunes, Enero 27, 2014

Ang Malaking Magagawa ng Pagtitiwala sa Diyos

Ang Malaking Magagawa ng Pagtitiwala sa Diyos
sinipi mula sa polyeto ng INC

I. Dapat Magtiwala sa Diyos

1. Dapat magtiwala sa Panginoon nang buong puso – Kaw. 3:5-6 NPV
“Magtiwala ka sa PANGINOON nang buong puso at huwag kang manangan sa sarili mong karunungan; isangguni mo sa kanya ang lahat ng lakad mo, at itutuwid niya ang iyong mga landas.”

2. Sa Panginoon dapat ilagak ang mga kabalisahan – Awit 55:22 NPV
“Ilagak sa PANGINOON ang inyong mga kabalisahan at ikaw’y kanyang aalalayan; hindi niya itutulot na ang mga matuwid ay mabuwal.”

3. Gawin nating kanlungan ang Diyos sa panahon ng kaguluhan – Nahum 1:7 NPV
“Ang PANGINOON ay mabuti, isang kanlungan sa panahon ng kaguluhan. Ipinagmamalasakit niya ang mga nagtitiwala sa kanya.”

4. Dapat sumampalatayang may Diyos – Hebreo 11:6 Living Bible (LB)
“Hindi ninyo kailanman mabibigyang kaluguran ang Diyos kung walang pananampalataya, nang hindi umaasa sa kanya. Sinumang nais lumapit sa Diyos ay dapat sumampalatayang mayroong isang Diyos at ginagantimpalaan niya ang mga taong taos-pusong humahanap sa kanya.”

5. Dapat ipagtiwala sa Panginoon ang ating lakad – Awit 37:5 NPV
“Ipagtiwala mo sa PANGINOON ang iyong lakad; magtiwala ka sa kanya at ito ang gagawin niya.”

6. Dapat magpakatatag sa pananampalataya – I Cor. 16:13 NPV
“Mag-ingat kayo, at magpakatatag sa pananampalataya. Magpakalalaki kayo at magpakalakas.”

II. Ang Magagawa ng Patitiwala sa Diyos

1. Mamahalin ng Diyos – Isaias 30:18 MB
“Ngunit ang Diyos ay naghihintay Upang tulungan kayo at kahabagan; Diyos na makatarungan itong si Yahweh, Mapalad ang lahat ng nagtitiwala sa kanya.”

Awit 32:10 NPV
“Maraming kapighatian ang masasama, ngunit ang di nagmamaliw na pag-ibig ng PANGINOON ang nasa paligid ng taong nagtitiwala sa kanya.”

2. Hindi matatakot ni manlulupaypay – Deut 31:8 NPV
“Mauuna sa inyo ang PANGINOON mismo at sasama sa inyo; hindi niya kayo tatanggihan ni pababayaan. Ikaw ay huwag matatakot ni manlulupaypay.”

3. Matatatag at giginhawa – II Cron. 20:20
“At sila’y nagsibangong maaga sa kinaumagahan, at nagsilabas sa ilang ng Tecoa: at habang sila’y nagsisilabas, si Josaphat ay tumayo, at nagsabi, Dinggin ninyo ako, Oh Juda, at ninyong mga taga Jerusalame; sumampalataya kayo sa Panginoon ninyong Dios, sa gayo’y matatatag kayo; sumampalataya kayo sa kaniyang mga propeta, sa gayo’y giginhawa kayo.”

4. Magiging matibay ang puso – Awit 27:14 LB
“Huwag kayong mainip. Hintayin ninyo ang Panginoon, at siya’y darating at ililigts kayo! Laksan ninyo ang inyong loob, maging matibay ang inyong puso, at kayo’y maging matapang. Oo, maghintay kayo at tutulungan niya kayo.”

5. Iniingatang ligtas – Kaw 29:25 NPV
“Ang takot ng tao ay nagsisilbing patibong, ngunit sinumang nagtitiwala sa PANGINOON ay iniingatang ligtas.”

6. May panangga at pamatay sa masama – Efe 6:16 NPV
“Bukod dito, ay taglayin ninyo ang kalasag ng pananampalataya bilang panangga, at pamatay sa lahat ng nagliliyab na palaso ng masama.”

7. Sa panahon ng bagabag, mapupuntahan ang Diyos – Nahum 1:7 LB
“Ang Panginoon ay mabuti. Kapag dumating ang kabagabagan, siya ang mapupuntahan! At nakikilala niya ang lahat ng nagtitiwala sa kanya!”

8. Walang kasamaang mangyayari sa tahanan – Awit 91:9-10
“Sapagka’t ikaw, Oh Panginoon, ay aking kanlungan! Iyong ginawa ang Kataastaasan na iyong tahanan; Walang kasamaang mangyayari sa iyo, ni anomang salot ay lalapit sa iyong tolda.”

9. Ibibigay at tiyak na tatanggapin ang anumang hingin – Mateo 21:22 NPV
“Kung kayo’y nananampalataya, anumang hingin ninyo sa panalangin ay ibibigay sa inyo.”

Marcos 11:24 LB
“Pakinggan ninyo ako! Maaari kayong humingi ng anumang bagay sa pamamagitan ng panalangin, at kung kayo’y sumasampalataya, tinanggap na ninyo ito; ito’y sa inyo na!”

10. Lahat ay mapangyayari – Mateo 17:20 NPV
“Sumagot siya, ‘Sapagkat mahina ang inyong pananampalataya. Sinasabi ko sa inyo ang katotohanan, kung ang pananampalataya ninyo’y sinlaki man lang ng buto ng mustasa, sabihin ninyo sa bundok na itong lumipat doon, at ito’y lilipat. Lahat ay mapangyayari ninyo.”

11. May buhay na walang hanggan – Juan 5:24 NPV
“Sinasabi ko sa inyo ang katotohanan, ang dumirinig sa aking salita, at sumasampalataya sa kanya na nagsugo sa akin, ay may buhay na walang hanggan, at hindi na siya hahatulan. Lumipat na siya sa buhay mula sa kamatayan.”

Awit 37:5 MB
“Ang iyong sarili’y sa Diyos mo ilagak, Pag nagtiwala ka’y tutulungang ganap.”

12. Magmamana ng lupain – Awit 37:9 MB
“Ang nagtitiwala sa Diyos, mabubuhay, Ligtas sa lupain at doon tatahan, Ngunit ang masama’y ipagtatabuyan.”

13. Makakamit ang masaganang gantimpala – Heb. 10:35 NPV
“Kaya huwag kayong mawawalan ng tiwala sa Dios at makakamit ninyo ang masaganang gantimpala.”

III. Ang Makapagtitiwala sa Diyos ay nananatiling tapat sa pagka-Iglesia ni Cristo

1. Hinanap muna ang kaharian – Mateo 6:33
“Datapuwa’t hanapin muna ninyo ang kaniyang kaharian, at ang kaniyang katuwiran; at ang lahat ng mga bagay na ito ay pawing idaragdag sa inyo.”

… na ibinigay sa kawan – Lucas 12:32
“Huwag kayong mangatakot, munting kawan; sapagka’t nakalulugod na mainam sa inyong Ama ang sa inyo’y ibigay ang kaharian.”

… na siyang Iglesia ni Cristo – Gawa 20:28 Lamsa
“Ingatan ninyo kung gayon ang inyong mga sarili at ang buong kawan na rito’y hinirang kayo ng Espiritu Santo na mga katiwala upang pakanin ang Iglesia ni Cristo na binili niya ng kaniyang dugo.”

2. Nananatiling dumadalo sa pagtitipon – Heb. 10:23, 25 MB
“Magpakatatag tayo sa ating pag-asa at huwag mag-alinlangan, sapagkat tapat ang nangako sa atin. At huwag kaligtaan ang pagdalo sa ating mga pagtitipon gaya ng ginawa ng ilan, kundi palakasin ang loob ng isa’t isa, lalo na ngayong nakikita nating nalalapit na ang pagdating ng Panginoon.”

3. Kahit may problema ay patuloy na sumasamba – Awit 27:3-6 MB
“Kahit salakayin ako ng kaaway, Magtitiwala rin ako sa Maykapal. Isang bagay lamang ang aking mithiin, Isang bagay itong kay Yahweh hiniling: Ang ako’y lumagi sa banal na templo Upang kagandahan niya’y mamasdan ko At yaong patnubay niya ay matamo. Iingatan ako kapag may bagabag, Sa banal na templo’y iingatang ligtas; Itataas niya sa batong matatag. Ako’y magwawagi sa aking kaaway. Sa templo’y may galak ako na sisigaw Magpupuri akong may handog na taglay; Kay Yahweh sasamba’t aking aawitan.”

4. Nagpupuring lagi – Awit 52:8(b)-9 NPV
“…nagtitiwala ako sa di nagmamaliw na pag-ibig ng Dios magpakailanman. Dahil sa ginawa Mo, pupurihan kita magpakailanman; aasa ako sa Iyong pangalan, sapagkat ang pangalan Mo ay mabuti. Pupurihin kita sa harapan ng Iyong mga banal.”

IV. Ang Pagpapakilala ng Pagtitiwala sa Diyos

1. Lumapit sa Diyos – Sant. 4:8 LB
“At kapag lumapit kayo sa Diyos, lalapit ang Diyos sa inyo. Hugasan ninyo ang inyong mga kamay, kayong mga makasalanan, at hayaang ang Diyos lamang ang pumuno sa inyong mga puso upang maging dalisay at tapat ang mga ito sa kanya.”

2. Maglingkod na lubos – Awit 116:7 at 16 MB
“Manalig ka, O puso ko, sa Diyos ka magtiwala, Pagkat siya ay mabuti’t di marunong magpabaya. Panginoon, naririto akong inyong abang lingkod, Katulad ng aking ina, maglilingkod akong lubos; Yamang ako’y iniligtas, kinalinga at tinubos.”

3. Tumawag sa Panginoon Awit 55:16 LB
“Ngunit tatawag ako sa Panginoon upang ako’y iligtas – at ililigtas niya ako.”

4. Laging igalang ang Kaniyang mga palatuntunan – Awit 119:117
“Alalayan mo ako, at ako’y maliligtas, At magkakaroon ako ng laging pitagan sa iyong mga palatuntunan.”

5. Sumunod sa Panginoon – Kaw. 16:20 LB
“Pinagpapala ng Diyos ang mga taong sumusunod sa kanya; maligaya ang taong nagtitiwala sa Panginoon.”

6. Nagpapagal at nagtitiis – I Tim 4:10 KJV
“Sapagkat dahil dito ay nagpapagal kami at nagtitiis ng kahihiyan, sapagkat nagtitiwala kami sa buhay na Diyos, na siyang tagapagligtas ng lahat ng tao, lalo na ng mga sumasampalataya.”

7. Hihintayin ang Diyos – Mikas 7-7 LB
“Para sa akin, titingin ako sa Panginoon para sa kanyang tulong; hinihintay ko ang Diyos upang ako’y iligtas; didinggin niya ako.”

8. Hanapin ang Diyos nang buong puso at kaluluwa – Deut. 4:29 NPV
“Ngunit kung hahanapin ninyo roon ang PANGINOON ninyong Dios, makikita ninyo siya kung hahanapin ninyo siya nang buong-puso at buong kaluluwa.”

9. Alalahanin ang Panginoon at manalangin sa Kaniyang templo – Jonas 2:7
“Nang ang aking kaluluwa ay nanglupaypay sa loob ko, naaalaala ko ang Panginoon; At ang aking dalangin ay umabot sa loob ng iyong banal na templo.”

10. Ipahayag na tayo’y Kaniyang lingkod – Neh. 2:20(a) MB
“Tinugon ko sila, ‘Pagtatagumpayin kami ng Diyos ng kalangitan, pagkat kami ay kanyang lingkod.’”

11. Huwag magsawa sa pagsunod sa Kautusan – II Hari 18:5-6 MB
“Ang pananalig ni Ezequias kay Yahweh, sa Diyos ng Israel, ay hindi natularan ng mga naging hari sa Israel, maging sa mga sinundan niya o sumunod sa kanya. Nanatili siyang tapat kay Yahweh at hindi nagsawa sa pagsunod sa Kautusan.”

12. Mabuhay sa pananampalataya – II Cor 5:7 NPV
“Nabubuhay kami sa pananampalataya, hindi sa pamamagitan ng paningin.”

13. Makipagbaka ng mabuting pakikipagbaka – I Tim. 6:12 NPV
“Makipagbaka ka ng mabuting pakikipagbaka ng pananampalataya. Panghawakan mo ang buhay na walang hanggan yamang diyan ka tinawag nang ipahayag mo ang iyong pananampalataya sa harap ng maraming saksi.”

14. Gumawa ng mabuti – Sant. 2:17 LB
“Kaya nakikita mo na hindi sapat na magkaroon lamang ng pananampalataya. Dapat din kayong gumawa ng mabuti upang patunayang taglay nga ninyo ito. Ang pananampalatayang hindi pinatutunayan ang kanyang sarili sa pamamagitan ng mabubuting gawa ay hindi pananampalataya sa anumang paraan – ito’y patay at walang kabuluhan.”

15. Kung bumagsak man ay muling tumayo – Mikas 7:8 NPV
“Huwag mo akong pagtawanan, aking kaaway! Kahit ako bumagsak, muli akong tatayo. Kahit ako umupo sa kadiliman, ang PANGINOON ang magiging liwanag ko.”

16. Huwag mag-alinlangan – Sant. 1:6
“Nguni’t humingi siyang may pananampalataya, na walang anomang pagaalinlangan: sapagka’t yaong nagaalinlangan ay katulad ng isang alon ng dagat na itinutulak ng hangin at ipinapadpad sa magkabikabila.”

17. Huwag umurong – Heb 10:39 NPV
“Ngunit hindi tayo kabilang sa mga umuurong at napapahamak, kundi sa mga sumasampalataya at naligtas.”

18. Panatag na hintayin ang mga pangako ng Diyos – Heb. 11:1 NPV
“Ngayon, ang pananampalataya ay ang kapanatagan ng mga bagay na hinihintay at katunayan ng mga bagay na hindi nakikita.”

19. Huwag pagmatigasin ang puso – Heb 3:16 LB
“Ngunit ngayon na ang panahon. Huwag ninyong kalilimutan ang babala, ‘Kung marinig ninyo ngayon ang tinig ng Diyos na nagsasalita sa inyo, huwag ninyong pagmatigasin ang inyong mga puso laban sa kanya, tulad ng ginawa ng baying Israel nang sila’y maghimagsik laban sa kanya sa ilang.”

20. Magbalik-loob sa Diyos – Oseas 12:6
“Kaya’t magbalik-loob ka sa iyong Dios mag-ingat ka ng kaawaan at ng kahatulan, at hintayin mong lagi ang iyong Dios.”

21. Kilalanin ang Diyos at si Cristo – Mat. 10:32-33 NPV
“Sinumang kumilala sa akin sa harap ng mga tao ay kikilalanin ko rin sa harap ng aking Ama sa langit. Ngunit ang magtatwa sa akin sa harap ng mga tao ay itatwa ko rin naman sa harap ng aking Ama sa langit.”

22. Huwag matakot – Isa. 12:2 NPV
“Tiyak na ang Dios ang aking kaligtasan; magtitiwala ako at hindi matatakot. Ang PANGINOON, ang PANGINOON ay aking kalakasan at aking awit. Siya ang aking naging kaligtasan.”

23. Hilinging dagdagan ang pananampalataya – Lukas 17:5 NPV
“Sinabi ng mga apostol sa Panginoon, ‘Dagdagan po ninyo ang aming pananampalataya!’”

24. Ibigin ang Diyos – Roma 8:28 LB
“At nalalaman natin ang lahat ng bagay na nangyayari sa atin ay sa ating ikabubuti kung iniibig natin ang Diyos at tayo’y karapat-dapat sa kanyang panukala.”

25. Matamang makinig sa Kaniyang mga salita Roma 10:17 KJV
“Kaya nga ang pananampalataya ay nanggagaling sa pakikinig, at ang pakikinig ay sa pamamagitan ng salita ng Diyos.”

26. Ibigin ang ating kapwa laluna ang kapatid – I Cor. 13:2 LB
“Kung taglay ko man ang kaloob na panghuhula at nalalaman ang lahat ng bagay na mangyayari sa hinaharap, nalalaman ang lahat tungkol sa lahat ng bagay, ngunit wala akong pag-ibig sa ibang tao, ano’ng kabutihan ang magagawa nito? Kahit na taglay ko ang kaloob na pananampalataya kung kaya nakapagsasalita ako sa isang bundok at naililipat ito, kung walang pag-ibig, wala pa rin akong kabuluhan sa anumang paraan.”

27. Idagdag ang kabutihang-asal – II Pedro 1:5 NPV
“Dahil dito, sikapin ninyong idagdag sa inyong pananampalataya ang kabutihang-asal; sa kabutihang-asal ang kaalaman.”

28. Buksan natin ang ating puso sa Diyos – Awit 62:8
“Magsitiwala kayo sa kaniya buong panahon, kayong mga bayan; Buksan ninyo ang inyong dibdib sa harap niya; Dios ay kanlungan sa atin.”
_______________________________________________________________________________

Ang wastong pagpili ng kapalaran

Ang wastong pagpili ng kapalaran
Published in God's Message (Pasugo) Sept 2007

ANG AKALA NG IBA ay nakatakda na ang guhit ng kanilang palad at wala na silang magagawang anuman ngayon upang mabago pa ang mangyayari sa kanila sa hinaharap. “Bahala na,” ang wika nila, “kung ano ang mangyayari sa darating.”

Hindi lamang sa pang araw-araw na pamumuhay nila ginagamit ang gayong pananaw kundi maging sa usapan tungkol sa relihiyon, kaya ipinagwawalang-bahala ng mga nagtataglay ng gayong paniniwala ang bagay na espirituwal. Iniisip nilang kung sila’y nakatalagang magtamo ng pagpapala ay mapapasakanila iyon kahit hindi nila hanapin at kung hindi naman iyon para sa kanila ay wala rin silang magagawa upang ito’y kanilang makamit.

Salungat sa mga aral na itinuturo ng Biblia ang gayong kaisipan. Ayon sa Biblia, ang tao ay binigyan ng Diyos ng kalayaan ng kalooban upang piliin ang kaniyang magiging kapalaran. Inilagay ng Diyos sa harap ng tao ang buhay at ang kamatayan, ang papapala at ang sumpa. Ganito ang sinasabi sa Deuteronimo 30:19-20: “Aking tinatawag ang langit at ang lupa na pinakasaksi laban sa inyo sa araw na ito, na aking ilagay sa harap mo ang buhay at ang kamatayan, ang pagpapala at ang sumpa; kaya’t piliin mo ang buhay, upang ikaw ay mabuhay, ikaw at ang iyong binhi; Na iyong ibigin ang Panginoon mong Dios, na sundin ang kaniyang tinig, at lumakip sa kaniya: sapagka’t siya ang iyong buhay, at ang kalaunan ng iyong mga araw;…”

Kapag ang patakarang sinunod ng tao sa kaniyang buhay ay ang pagwawalang-bahala sa hinaharap, ang pinababayaan niya ay ang kaniyang sariling kapakanan. Wala siyang ibang masisisi kundi ang sarili na rin, kung sa halip na siya’y magtamo ng magandang kapalaran ay humantong siya sa kasawian. Ang panukalang inihanda ng Diyos ay para sa ikabubuti ng mga taong nilalang Niya. Ito ang dahilan kung bakit bagaman pinagkalooban Niya ang tao ng kalayaan ng kalooban na makagawa ng pagpapasiya para sa kaniyang sariling kapalaran ay sinabi rin Niyang ang dapat piliin ng tao ay ang buhay.

“Piliin mo ang buhay,” ang sabi ng Diyos, “upang ikaw ay mabuhay.” Hindi na kailangang magbakasakali ang tao o sumangguni pa sa mga nagpapakilalang manghuhula upang malaman niya kung magiging mabuti o hindi ang kaniyang kapalaran. Itinuro ng Diyos kung paano mapaghahandaan ng tao ang buhay na darating. Sinabi ng Diyos kung paano magagawa ng tao ang pagpili sa buhay: dapat niyang ibigin ang Panginoong Diyos at sundin ang Kaniyang mga utos. Kapag inibig at sinunod ng tao ang Diyos o pinili niya ang buhay, tiyak na mabubuhay siya. Ang pahayag na ito ay hindi masisira kailanman sapagkat ang nagsabi nito at nag-aalok ng magandang kapalaran sa tao ay ang Lumikha sa kaniya, ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat.

Sa kabilang dako, mayroon ding iniaalok ang diablo sa tao, na alam nating kung iyon ang pipiliin ng sinuman, ang ibubunga ay kamatayan at sumpa. Ang nais ng diablo ay ipahamak ang tao sa pamamagitan ng kaniyang pandaraya at panlilinlang tulad ng ginawa niya sa mga unang taong nilalang ng Diyos.

Tinukso ng diablo sina Eva at Adan upang sila’y kumain ng bunga ng punongkahoy na ipinagbawal sa kanila na kainin. Lumabag sa utos ang mga unang tao hindi dahil sa hindi nila alam ang ipinagagawa sa kanila ng Diyos. Ang totoo’y nagawa pa nga nilang ulitin sa diablo ang utos na tinanggap nila mula sa Diyos. Subalit higit nilang pinaniwalaan ang diablo na kumumbinsi sa kanila na mapapabuti ang kanilang kapalaran kung susuwayin nila ang utos ng Diyos na ibinigay sa kanila. Ganito ang sabi sa Genesis 3:6: “At nang makita ng babae, na ang bunga ng punong kahoy ay mabuting kanin, at nakalulugod sa mga mata, at kahoy na mananasa upang magpapantas sa tao, ay pumitas siya ng bunga niyaon at kinain; at binigyan din niya ang kaniyang asawang kasama niya, at ito’y kumain.”

Samakatuwid, nang sila’y nasa sitwasyong kailangan silang mapasiya at pumili kung alin sa iniaalok ng Diyos at sa iniaalok ng diablo ang kanilang pahahalagahan, ang pinili nila’y ang waring mabuting alok ng diablo, kaysa sa utos ng Diyos. Alam nating hindi sila napabuti. Bagkus, ano ang masamang ibinunga sa mag-asawa dahil hindi naging wasto ang kanilang pagpili sa magiging kapalaran ng kanilang buhay? Sinumpa ng Diyos, hindi lamang ang kanilang pamumuhay, kundi maging ang kanilang buhay mismo – ito ay tinakdaan ng kamatayan (Gen. 3:16-19, 23). At upang matupad ang sumpa sa kanila, pinalayas sila sa halamanan ng Eden. Inalis sa kanila ang karapatang mabuhay sa piling ng Diyos. Napahamak sila sapagkat hindi nila natutuhang pahalagahan ang mga kautusang ibinigay sa kanila ng Diyos.

Ang Panginoong Jesucristo ay inalok din ng diablo ng pagkain at iba pang pakinabang na pansanlibutan subalit pinili Niya ang pagsunod at pagpapahalaga sa mga utos ng Diyos, kaya hindi nagtagumpay ang pandaraya ng diablo sa Kaniya.

Noong ang Panginoong Jesucristo ay nasa sitwasyong kailangang-kailangan Niya ang pagkain, sapagkat katatapos lamang Niyang mag-ayuno ng 40 araw at 40 gabi, tinukso Siya ng diablo at sinabing kung Siya ang Anak ng Diyos ay ipag-utos Niyang ang mga bato ay maging tinapay. Sa halip na matukso sa inialok ng diablo ay sinabi Niya ritong “Hindi sa tinapay lamang mabubuhay ang tao, kundi sa bawa’t salitang lumalabas sa bibig ng Dios” (Mat. 4:4). Bakit hindi natukso o nadaya si Cristo kahit nang alukin Siya ng kayamanan at kapangyarihan sa sanlibutan? Sapagkat nanghawak Siya sa mga salita ng Diyos na nakasulat sa Biblia. Nanindigan Siya sa pagsunod sa mga aral ng Diyos. “Kaya,” ayon kay Apostol Pablo, “siya naman ay pinadakila ng Dios, at siya’y binigyan ng pangalang lalo sa lahat ng pangalan; Upang sa pangalan ni Jesus ay iluhod ang lahat ng tuhod, ng nangasa langit, at ng nangasa ibabaw ng lupa, at ng nangasa ilalim ng lupa, At upang ipahayag ng lahat ng mga dila na si Jesucristo ay Panginoon, sa ikaluluwalhati ng Dios Ama” (Filip. 2:9-11).

Ano ang ipinagagawa sa atin upang hindi tayo mapagtagumpayan ng diablo? Sa Efeso 6:11 ay sinasabi ang ganito: “Isuot ninyo ang baluting kaloob ng Diyos, upang mapaglabanan ninyo ang mga lalang ng diyablo” (Magandang Balita Biblia). Ito ang nagagawa natin kung ginagamit din natin ang mga salita ng Diyos na nakasulat sa Biblia at itinuro sa atin upang labanan ang pandaraya ng diablo.

Dapat nating labanan ang diablo sapagkat ang layunin nito’y hadlangan ang tao sa pagtatamo ng mabuting kapalaran at, lalo na, ng kaligtasan.

Sa panahong Cristiano, dalawang magkaibang daan na may magkaibang tunguhin ang kailangang pagpilian ng tao at sa pagpapasiyang ito’y buhay at kapahamakan din ang nakataya. Sabihin pa, ang nais ni Cristo na piliin ng tao ay ang daang patungo sa buhay: “Pumasok kayo sa makipot na pintuan; sapagkat maluwang ang pintuan at malapad ang daang patungo sa kapahamakan, at ito ang dinaraanan ng marami. Ngunit makipot ang pintuan at makitid ang daang patungo sa buhay, at kakaunti lang ang nakasusumpong niyon” (Mat. 7:13-14, Ibid.)

Maliwanag na nakataya rin sa gagawing pagpili ng tao sa dalawang magkaibang pintuan ang kaniyang magiging kapalaran. Ang malapad na daan ay patungo sa kapahamakan at ang makipot nama’y patungo sa buhay. Sino ang makipot na pintuang patungo sa buhay? Ang sabi ni Cristo’y “Ako ang pintuan, sinumang pumasok sa loob ng kawan sa pamamagitan ko ay magiging ligtas…” (John 10:9, salin sa Pilipino mula sa Revised English Bible). Ang kawan na kinapapalooban ng mga pumasok kay Cristo ay ang Iglesia na binili o tinubos ng dugo ni Cristo, gaya ng pinatutunayan sa Gawa 20:28 sa salin ni Lamsa: “Ingatan ninyo kung gayon ang inyong sarili at ang buong kawan na rito’y hinirang kayo ng Espiritu Santo na binili niya ng kaniyang dugo.” Ang pagpasok ng tao sa Iglesia ni Cristo ay isang malinaw na katibayan na ang pintuang pinili niyang pasukan ay yaong patungo sa buhay.

Si Cristo mismo ang nagbigay ng garantiya na ang Iglesiang itinayo Niya, na tinawag sa Kaniyang pangalan (Roma 16:16), ay hindi mapananaigan kahit ng kapangyarihan ng kamatayan (Mat. 16:18, MB), kaya tiyak na ang mga pumasok o umanib sa Iglesia ni Cristo ang pumasok sa pintuang patungo sa buhay.

Yaong mga hindi pa nagagawang piliin ang daang patungo sa buhay ay may pagkakataon pang gawin ito. At sa panig naman ng mga nakasunod na sa utos ng Panginoong Jesucristo na pumasok sa Kaniya bilang pintuang patungo sa kaligtasan at sa buhay na walang hanggan, itinuro rin ng Biblia ang paraan kung paano maiingatan ang karapatan sa pagtatamo ng buhay. Ganito ang sinasabi sa Kawikaan 4:11-13: “Aking itinuro ka sa daan ng karunungan; Aking pinatnubayan ka sa landas ng katuwiran. Pagka ikaw ay yumayaon hindi magigipit ang iyong mga hakbang; At kung ikaw ay tumatakbo, hindi ka matitisod. Hawakan mong mahigpit ang turo; huwag mong bitawan: Iyong ingatan: sapagka’t siya’y iyong buhay.”

Samakatuwid, anuman ang mangyari, ang mga pumili sa buhay ay dapat manindigan at manghawak na mabuti sa turo ng Diyos. Ang nag-iingat at nanghahawak sa turo ay hindi lumalakad sa landas ng masama, manapa’y nagbabagong-buhay at lumalayo siya sa lahat ng tukso at kasamaan. Samakatuwid, maging sa landas na nilalakaran ng tao araw-araw ay mayroon siyang dapat gawing pagpili.

Malinaw na sinasabi sa Biblia ang ganito: “Huwag kang pumasok sa landas ng masama, At huwag kang lumakad ng lakad ng mga masasamang tao. Ilagan mo, huwag mong daanan; Likuan mo, at magpatuloy ka” (Kaw. 4:14-15).

Inuutusan tayong magpasiya na ilagan ang lakad at landas ng masamang tao. Sapagkat nais ng Diyos na piliin natin ang maghahatid sa atin sa pagpapala at buhay upang matupad ang panukala Niya sa paglalang sa atin.

Ang Kapalaran ng Mapagpakumbaba sa Ama

Ang Kapalaran ng Mapagpakumbaba sa Ama 

Published in God's Message (Pasugo) Oct 2007



“Kung gayon, isuko ninyo ang inyong sarili sa Dios. … Lumapit kayo sa Dios at siya’y lalapit sa inyo. … Magpakumbaba kayo sa harapan ng Panginoon at itataas niya kayo.”
- Santiago 4:7, 8, 10, New Pilipino Version

“IKAW ANG AKING PANGINOON, kung hindi sa iyo, walang bagay na mabuti sa akin” (Awit 16:2, New Pilipino Version). Ito ang buong pusong ipinahayag ni Haring David ng Israel sa Diyos. Ito rin ang pagkakilala ng lahat ng tunay na lingkod ng Diyos sa lahat ng panahon. Palibhasa’y nauunawaan nilang isang dakilang kapalaran ang maging malapit sa Ama, lalo na kapag nahaharap sila sa mga kahirapan, panganib, karahasan, kasamaan, at mga kasawian.

‘Isuko ang sarili at magpakumbaba’
Nagbigay ang Diyos ng mga kondisyon upang matamo rin natin ang Kaniyang basbas, pagtulong, at pagpapala. Kabilang sa mga kondisyong iyon ang pagsuko at pagpapakumbaba sa Kaniya. Ganito ang pahayag ng Banal na Kasulatan:

“Kung gayon, isuko ninyo ang inyong sarili sa Dios. …Lumapit kayo sa Dios at siya’ya lalapit sa inyo. … Magpakumbaba kayo sa harapan ng Panginoon at itataas niya kayo.” (Sant. 4:7, 8, 10, Ibid.)

Hindi nangangahulugang inaalisan tayo ng Diyos ng kalayaan; katunayan ay may free will tayo o kalayaang magpasiya kung susunod tayo o hindi, na katumbas na rin ng pagpili ng ating kapalaran. Ganito ang sabi Niya:

“Nasa inyo ngayon ang kapasyahan. Kayo ang pipili ng buhay at kasaganaan o ng kahirapan at kamatayan. … inilahad ko sa inyo ang buhay o kamatayan, at ang pagpapala o sumpa. Kaya, piliin ninyo ang buhay para kayo at ang inyong lahi ay magtagal.” (Deut. 30:15, 19, Magandang Balita Biblia)

Ang pagpili sa buhay at pagpapala ay sa paraang lumakad tayo sa landas na iniaalok Niya:

“Kapag sinunod ninyo ang kautusan, inibig si Yahweh, at nilakaran ang kanyang mga landas, pagpapalain niya kayo sa lupaing ibibigay niya sa inyo. Mabubuhay kayo nang matagal at kanyang pararamihin kayo. Ngunit kapag tumalikod kayo sa kanya at naglingkod sa ibang diyos, ngayon pa’y sinasabi ko sa inyong malilipol kayo. …” (Deut. 30:16-18, Ibid.)

Kaya, masama na ang sarili lamang natin ang ating sinusunod. Kapag ginawa natin ang anumang ating magustuhan kahit labag sa kalooban ng Diyos ay hindi tayo makatutugon sa kondisyong inilagda Niya upang tayo ay pagpalain.

Halimbawa ng nagpakumbaba sa Diyos
Upang lalo nating maunawaan kung paano ang pagsuko at pagpapakumbaba sa Diyos at kung gaano ito kahalaga, tingnan natin ang nangyari kay Job na isa sa mga lingkod Niya noong una. Hindi pangkaraniwan ang mga kasawiang dumating kay Job. Sa isang iglap, nawala ang buo niyang kabuhayan, sa isang sakuna lamang ay sabay-sabay na namatay ang lahat ng mga anak niya, at nagkasakit siya nang malubha. Sa kabila ng mga pangyayaring ito, pinuri at sinamba pa rin niya ang Diyos at sinabi:

“… Ang Panginoon ang nagbigay, at ang Panginoon ang nagalis; purihin ang pangalan ng Panginoon.” (Job 1:21)

Sinulsulan pa siya ng kaniyang asawa na nagsabing, “…Sumpain mo na ang Diyos nang mamatay ka na!” (Job 2:9, MB). Sinaway siya ni Job at ang sabi’y:

“… Hindi mo nalalaman ang iyong sinasabi. Kaginhawahan lang ba ang tatanggapin mo sa Diyos at hindi pati kahirapan? …” (Job 2:10, Ibid.)

Sa harap ng sunod-sunod na kalamidad at kapighatian ay hindi sumuko si Job. Hindi niya tinalikuran ang Diyos. Inunawa niya na ang lahat ng nangyari ay pagsubok sa kaniya ng Diyos upang siya’y dalisayin:

“… Kahit na subukin n’ya, ako’y parang gintong lantay. Pagkat tinalunton ko ang kanyang tuntunin, At sa ibang landas, hindi ako bumaling. Ako’y hindi lumabag sa Kautusan ng Diyos, At ang kanyang kalooban ang aking sinusunod.” (Job 23:10-12, Ibid.)

Sa tindi ng kaniyang pananalig sa ipinangako ng Diyos na pagkabuhay na mag-uli at buhay na walang hanggan ay sinabi ni Job:

“Alam kong di natutulog ang aking Tagapaglitas Na sa aki’y magtatangol pagdating noong wakas. Pagkatapos na maluray itong aking buong balat, Ang Diyos ko’y mamamalas kahit laman ay maagnas. Siya’y aking mamamasdan at mukhaang makikita …” (Job 19:25-27, Ibid.)

Kaya naman pagkatapos subukin ay muling pinagpala ng Diyos si Job. Binigyan siya ng mga tinatangkilik na higit pa sa mga nawala sa kaniya. Pinagkalooban siya ng pitong anak na lalaki at tatlong anak na babae, at nabuhay pa ng 140 taon (Job 42:12-16). Lahat ng ito ay tinamasa ni Job sapagkat natuto siyang magpakumbaba at ipaubaya o isuko nang lubos ang sarili sa Diyos.

Ang di nakapanindigan
Sa kabilang dako, may mga taong tinuruan ng mabuti at nagkaroon ng magandang kalagayan noong una subalit hindi natugunan ang kondisyong ibinigay sa kanila ng Diyos. Kaya hindi nakapanatili sa Kaniyang pagpapala. Ang halimbawa nito ay ang mga Israelita sa pangunguna ng kanilang haring si Saul. Sinabi ni Propeta Samuel sa kanila:

“Kung magkakaroon kayo ng takot sa PANGINOON, paglilingkuran siya, susundin at hindi kayo maghihimagsik laban sa kanyang mga utos, at kung kayo at ang haring mamamahala sa inyo ay susunod sa PANGINOON ninyong Dios – mabuti!” (I Sam. 12:14, NPV)

Paano nahayag na hindi natugunan ni Saul at ng mga Israelita ang kondisyong ito? Nahayag ito nang sila’y nasa gitna ng kagipitan nang sila’y nakikipagdigma sa mga Filisteo. Nagtipun-tipon ang mga Filisteo, nag-ipon ng lakas at pinaghandaan nila ang pagsalakay sa mga Israelita. Nang makita ng mga Israelita ang mapanganib nilang kalagayan, sila’y labis na natakot kaya sila’y tumakas at nagsipagtago, bagaman may pangako ang Diyos sa kanila (I Sam. 13:1-8).

Noon, bago makapagdigma ang Israel ay sumamba muna sila sa Diyos. Pitong araw nilang hinintay si Samuel na saserdote ng Diyos upang siyang maghain ng handog na susunugin. Bago pa man siya dumating ay isa-isa nang umalis ang mga tauhan ni Saul dahil sa malaking takot sa mga Filisteo. Dahil sa malaking kagipitan at pagkainip, pinangahasan ni Saul na gawin ang hindi niya karapatan – siya na ang naghain ng handog na susunugin (I Sam. 13:1-13).

Napakasama ng ginawa ni Saul na pagsuway sa utos ng Diyos at maging ng kawalan ng pagtitiwala ng mga Israelita sa Diyos sa panahon ng kagitpitan. Sinabi ni Samuel kay Saul:

“… Malaking kahangalan ang ginawa mo. Hindi mo sinunod ang utos na ibinigay sa iyo ng PANGINOON mong Dios. Kung sinunod mo lang, sana ay napatatag mo sa habang panahon ang paghahari mo sa Israel. Ngunit ngayon, hindi mananatili ang iyong paghahari. …” (I Sam. 13:13-14, NPV)

May iba pang mga paglabag si Saul na ikinagalit ng Diyos. Kaya, masaklap ang kaniyang naging wakas. Nagpakamatay siya nang tiyak na niyang malulupig sila ng kaaway; pinugot pa ng mga kaaway ang kaniyang ulo at inilagay ang kaniyang bangkay sa isang pader (I Sam. 31:1-13). Ang malaki niyang kamalian at kasalanan ay hindi siya natutong sumuko at magpakumbaba sa Diyos.

Huwag tutulan ang kalooban Niya
Ang isa pang napakasamang gawin ng sinuman ay ang tutulan o kuwestiyunin ang pasiya o kalooban ng Diyos. Ganiyan ang ginawa ni Jonas, isang lingkod sa Diyos sa panahon ng mga propeta. Nang hindi ituloy ng Diyos ang paglipol sa mga taga- Nineve dahil sila, sa pangunguna ng kanilang hari, ay nagsisi, nag-ayuno, at tumalikod sa kanilang kasamaan (Jon. 3:1-10) ay hindi nagustuhan ni Jonas at ikinagalit pa ang pasiya ng Diyos (Jon. 4:1). Ito pa ang pagkakamali ni Jonas: tuwing magkakaroon ng problema at ang pasiya ng Diyos ay hindi Niya magustuhan, ang bukambibig ay gusto na niyang mamatay. Kinukuwestiyon ang kapasiyahan ng Diyos na wari’y marunong pa siya sa Kaniya na Makapangyarihan sa lahat (Jon. 4:1-11, MB).

Bakit walang karapatan ang sinuman na pangunahan o kuwestiyunin ang ipinapasiya ng Diyos? Ganito ang sabi Niya:

“… Ang aking isipa’y di ninyo isipan, At magkaiba ang ating daan. Kung paanong ang langit Higit na mataas, mataas sa lupa, Ang daa’t isp ko’y Hindi maaabot ng inyong akala.” (Isa. 55:8-9, Ibid.)

Ang kapasiyahan o kalooban ng Diyos ang dapat maghari sa ating lahat. Ngunit, hindi ito mangyayari kung hindi natin isusuko ang ating sarili sa Diyos at magpapakumbaba sa Kaniya. Kahit may pagkakataon na may balak o panukala tayo na hindi Niya pinapangyayari, o kaya’y may hinihiling tayo na hindi Niya ibinibigay, o kahit pa may mga itinutulot Siyang mangyari sa buhay natin na hindi ayon sa ating sariling gusto at panukala, huwag nating isiping inaapi Niya tayo. Ang mahalaga ay sundin nating lagi ang Kaniyang kalooban. Ito ay kahayagan ng pagpapakumbaba sa Kaniya at ng pagkilalang Siya na Lumalang ang tunay na nakaaalam ng ating ikabubuti.

Ang dapat unahin
Suriin natin: Sa larangan ng pagrerelihiyon, natupad na ba natin kung ano ang kapasiyahan o kalooban ng Diyos na dapat nating sundin? Mahalaga ito dahil sa panahong ito ng kabalisahan, kagipitan, at kahirapan ay may mga nagsasabing hindi na kailangang sumunod sa Diyos at kay Cristo. Ang sariling kabuhayan na lamang daw ang pagbuhusan ng buong magagawa. Ito ay mali. Narito ang kalooban ng Diyos na itinuro ng ating Panginoong Jesucristo:

“… Huwag kayong mabalisa tungkol sa inyong buhay, kung ano ang inyong kakanin at iinumin, ni ang inyong daramtin. Ang buhay ay higit sa pagkain, at ang katawan sa pananamit. … Huwag kayong mabalisa tungkol sa inyong kakanin, iinumin at daramtin. …Alam ng inyong Ama sa langit na kailangan ninyo ang lahat ng ito. Datapuwat hanapin muna ninyo ang kanyang kaharian at ang kanyang katuwiran, at ang mga bagay na ito’y idaragdag sa inyo.” (Mat. 6:25, 31-33, NPV)

Sa halip na mabalisa sa buhay at ang pagbuhusan na lamang ng panahon ay ang paghahanap ng makakain, maiinom, maisusuot, at matitirhan, ang dapat unahin, ayon sa Panginoong Jesus, ay ang paghanap sa kaharian at katuwiran ng Diyos. Ang kahariang ito ay ang kaharian ng Anak o ng Panginoong Jesuscristo na Kaniyang tinubos, kaya’t ang mga naroon ay napatawad na sa kasalanan, ligtas, at mga tagapagmana ng mga pangako ng Diyos (Col. 1:12-14, Ibid.). Ang Iglesia ni Cristo ang binili o tinubos ng Panginoong Jesucristo sa pamamagitan ng Kaniyang dugo (Gawa 20:28, Lamsa Translation). Ito ang kahariang dapat na hanapin muna ng tao. Ang katuwiran naman na dapat ding ipagpaunang hanapin, na kung tutuparin ay ikaliligtas, ay ang ebanghelyo (Roma 1:16-17).

Aanhin natin ang lahat ng katangian, kayamanan, at tinatangkilik na panlupa kung mapaparusahan naman tayo sa dagat-dagatang apoy? Kaya, marapat lamang na isuko natin ang ating sarili sa kalooban ng Diyos. Ipagpauna natin ang pag-anib at pananatili sa tunay na Iglesia, at ang pagsunod sa ebanghelyo – ito ang ating ikaliligtas at ikapagtatamo ng buhay na walang hanggan. Sa kabilang dako ay mapapahamak (Jer. 6:16, 19, MB) tayo kapag tinaggihan natin ang pasiya o kagustuhan ng Diyos.