Huwebes, Agosto 9, 2012

Sabbath: Kanino Iniutos?


Sabbath:  Kanino Iniutos?

Ni Greg F. Nonato

Pasugo
God’s Message
October 1998
Pages 19-21



ANG MGA SABADISTA ay nangingilin ng araw ng Sabbath o araw ng Sabado at naniniwalang ang pangingilin nito ay para sa lahat ng tao na anupa’t ang hindi pagsasagawa nito ay paglabag sa kautusan ng Diyos.

     Sa Genesis 2:2-3 ay totoong mababasa na ang Diyos ay nangilin sa ikapitong araw pagkatapos ng paglalang:

     At nang ikapitong araw ay nayari ng Dios ang kaniyang gawang ginawa; at nagpahinga ng ikapitong araw sa madlang gawa niyang ginawa.

     “At binasbasan ng Dios ang ikapitong araw at kaniyang ipinangilin, sapagka't siyang ipinagpahinga ng Dios sa madlang gawang kaniyang nilikha at ginawa.

     Gayunman, walang sinasabi rito na ipinag-utos ng Diyos na ipangilin ang ikapitong araw.  At kung sinabi man na ang Diyos ay nagpahinga sa ikapitong araw ay hindi dahil Siya’y napagod na tulad ng tao, sapagkat ang Diyos ay hindi nanlalata o napapagod man (cf. Isa. 40:28).

     Ano, kung gayon, ang ibig sabihin na ang Diyos ay nagpahinga sa ikapitong araw?  Nangangahulugan itong natapos Niya ang paglalang sa ikaanim na araw at sa ikapitong araw ay tumigil na Siya sa paglalang.  Ganito ang sinasabi ng Biblia:

     “NGAYON SA WAKAS ang kalangitan at lupa ay matagumpay na natapos, kasama ang lahat ng bagay nanaroroon  Kaya sa ikapitong araw, nang matapos na ang kaniyang Gawain, tumigil ang Diyos sa gawaing kaniyang ginagawa, at pinagpala ng Diyos ang ikapitong araw at ipinahayag itong banal, sapagkat nang araw na yaon itinigil niya ang gawaing ito ng paglikha. (Gen. 2:1-3, Living Bible, isinalin mula sa Ingles)

Sa panahon ng Patriarka
     Hindi inutusan ng Diyos si Abraham at maging ang ibang mga patriarka na mangilin ng Sabbath.  Ganito ang sinasabi ng Banal na Aklat:

      Hindi pinagtibay ng Panginoon ang tipang ito sa ating mga magulang, kundi sa atin, sa atin ngang nangariritong lahat na buhay sa araw na ito. (Deut. 5:3)

    

     Ayon sa talatang ating sinipi, ang tipan ay hindi pinagtibay ng Diyos sa mga magulang.  Aling tipan ang tinutukoy dito?  Ito ang tipan ng Diyos sa mga Israelita na dapat nilang ipangilin ang ikapitong araw:

     Iyong ipagdiwang ang araw ng sabbath, upang ipangilin, gaya ng iniuutos sa iyo ng Panginoon mong Dios.

     “Anim na araw na gagawa ka, at iyong gagawin ang lahat ng iyong gawain:

     “Nguni't ang ikapitong araw ay sabbath sa Panginoon mong Dios: sa araw na iyan ay huwag kang gagawa ng anomang gawa, ikaw, ni ang iyong anak na lalake ni babae, ni ang iyong aliping lalake ni babae, ni ang iyong baka, ni ang iyong asno, ni anoman sa iyong hayop, ni ang iyong taga ibang lupa na nasa loob ng iyong mga pintuang-daan; upang ang iyong aliping lalake at babae ay makapagpahingang gaya mo. (Deut. 5:12-14)

     Kailan ibinigay ng Diyos ang utos na ipangilin ang araw ng Sabbath?  Ganito ang paliwanag ng Biblia:

     Ito nga ang aking sinasabi: Ang isang pakikipagtipang pinagtibay na nang una ng Dios, ay hindi mapawawalang kabuluhan ng kautusan, na sumipot nang makaraan ang apat na raan at tatlongpung taon, ano pa't upang pawalang kabuluhan ang pangako. (Gal. 3:17)

     Maliwanag na ang kautusan, kasama na ang pangingilin ng Sabbath, ay ibinigay ng Diyos makaraan ang 430 taon.  Ito ang mga taon mula nang makipamayan ang mga Israelita  sa Egipto hanggang sa sila’y ilabas mula sa pagkaalipin dito (cf. Exo. 12:40-41)

     Nang makalabas na ang Israel sa Egipto ay saka pa lamang ibinigay ng Diyos sa kanila ang Sampung Utos, kasama na roon ang pangingilin ng ikapitong araw.  Noon ay matagal nang patay si Abraham.  Kaya, natitiyak natin na si Abraham ay hindi nangilin ng Sabbath.

     Ayon sa Biblia, ang pangingilin ng Sabbath ay ibinigay ng Diyos sa mga Israelita upang alalahanin nilang sila’y naging alipin sa Egipto at sila’y inilabas ng Panginoon sa pamamagitan ng Kaniyang kapangyarihan:

     At iyong aalalahanin na ikaw ay naging alipin sa lupain ng Egipto, at ikaw ay inilabas ng Panginoon mong Dios doon sa pamamagitan ng isang makapangyarihang kamay at unat na bisig: kaya't iniutos sa iyo ng Panginoon mong Dios, na ipangilin mo ang araw ng sabbath. (Deut. 5:15)

Paraan ng pangingilin
      Ipinagbilin ng Panginoong Diyos kung paano dapat tuparin ng bayang Israel ang pangingilin ng Sabbath.  Ang mga sumusunod ay mahigpit na ipinagbawal sa mga Israelita sa pangingilin ng ikapitong araw:

1.   Bawal ang gumawa ng anumang gawain sa araw ng Sabbath.  Ang mga anak na lalake o babae, mga alilang lalake o babae, mga taga-ibang bayan na nakikipamayan sa Israel, maging ang mga hayop tulad ng baka ay hindi dapat pagawain sa araw ng Sabbath.  Bagkus ay dapat magpahinga sa ikapitong araw (cf. Exo. 20:8-10).

2.   Bawal ang magpaningas ng apoy sa buong tahanan (cf. Exo. 35:3)

3.   Sa ikaanim na araw pa lamang, bago lumubog ang araw, ay ihawin na ang dapat ihawin at lutuin na ang dapat lutuin sapagkat sa ikapitong araw ay hindi ipinahihintulot ang pagluluto o pagpapaningas ng apoy (cf. Exo. 16:23, 35:3).

Kaugnay nito, noong naglalakbay ang mga Israelita sa ilang ay ibinigay na sa kanila ng Diyos sa ikaanim na araw pa lamang ang manna para sa dalawang araw sapagkat sa araw ng Sabbath ay hindi sila pinahihintulutang umalis sa kanilang kinaroroonan upang mamulot ng manna bilang pagkain (cf. Exo. 16:29).

4.   Bawal ang makipagkalakalan at bumili ng pagkain.  Kaya, ang mga Israelitang inutusang mangilin ay nangakong hindi nila gagawin ang mga yaon sa tuwing araw ng Sabbath (cf. Neh. 10:31).

5.   Bawal magdala ng pasan sa araw ng Sabbath (cf. Jer. 17:21-22).

Ang itinakdang parusa
     Ang sinumang Israelitang masumpungang gumagawa ng anumang gawain sa araw ng Sabbath ay tinakdaan ng Diyos ng parusang kamatayan:

     “ Anim na araw na gagawa, datapuwa't ang ikapitong araw ay ipangingilin ninyo, isang sabbath na takdang kapahingahan sa Panginoon: sinomang gumawa ng anomang gawa sa araw na iyan ay papatayin. (Exo. 35:2)

      Ang sinumang lumabag sa mga bilin kaugnay ng Sabbath ay binabato hanggang sa mamatay:

     “At samantalang ang mga anak ni Israel ay nangasa ilang, ay nakasumpong sila ng isang lalake na namumulot ng kahoy sa araw ng sabbath.

     “At silang nakasumpong sa kaniya na namumulot ng kahoy, ay dinala siya kay Moises, at kay Aaron, at sa buong kapisanan.

     “At kanilang inilagay siya sa bilangguan, sapagka't hindi pa ipinahahayag kung ano ang gagawin sa kaniya.

     “At sinabi ng Panginoon kay Moises, Ang lalake ay walang pagsalang papatayin; babatuhin siya ng buong kapisanan sa labas ng kampamento.

     “At inilabas siya ng buong kapisanan sa kampamento at kanilang binato siya hanggang sa mamatay ng mga bato; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises. (Blg. 15:32-36)

Kung ang pangingilin ng Sabbath ay namamalaging ipinatutupad sa panahong ito, ang maraming pangkatin ng pananampalataya na diumano’y nangingilin ng Sabbath ay hahantong sa pagpapatupad ng ganitong parusa sa lalabag, sapagkat ang karamihan ay hindi ganap na nakasusunod sa mga bilin ng Diyos ukol dito.

May panahong kapahingahan
     Kalakip ng pag-aatas ng Diyos sa mga Israelita na sila’y mangilin o magpahinga sa ikapitong araw, pinangakuan sila ng Diyos na kapag sila ay nakatawid sa Jordan at nakarating sa lupaing kanilang magiging mana, sila’y pagkakalooban ng kapahingahan na anupa’t sila’y tatahang tiwasay sa lupang ibibigay sa kanila ng Panginoon.  Ganito ang sinasabi ng Biblia:

     “Sapagka't hindi pa kayo nakararating sa kapahingahan at sa mana, na ibinibigay sa iyo ng Panginoon ninyong Dios.

     “Datapuwa't pagtawid ninyo ng Jordan, at pagtahan sa lupain na ipinamamana sa inyo ng Panginoon ninyong Dios, at pagkabigay niya sa inyo ng kapahingahan sa lahat ng inyong mga kaaway sa palibot, na ano pa't kayo'y tumahang tiwasay; (Deut. 12:9-10)

     Ngunit hindi lahat ng Israelitang lumabas sa Egipto ay nagkamit ng pangakong kapahingahan.  Ganito ang pahayag ng biblia:

     “At ang galit ng Panginoon ay nagningas nang araw na yaon, at siya'y sumumpa na sinasabi,

     “Tunay na walang taong lumabas sa Egipto, mula sa dalawang pung taong gulang na patanda, ay makakakita ng lupain na aking isinumpa kay Abraham, kay Isaac, at kay Jacob; sapagka't sila'y hindi lubos na sumunod sa akin:

     “Liban si Caleb na anak ni Jephone na Cenezeo, at si Josue na anak ni Nun: sapagka't sila'y sumunod na lubos sa Panginoon.

     “At ang galit ng Panginoon ay nagningas laban sa Israel, at kaniyang pinagala sila sa ilang, na apat na pung taon hanggang sa ang buong lahing yaon na gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon, ay nalipol. (Blg. 32:10-13)

     Sumumpa ang Panginoong Diyos na walang lumabas sa Egipto na mula sa edad na 20 taon pataas ang makapapasok sa lupaing Kaniyang ipinangako kay Abraham.  Sumumpa rin Siya na ang mga israelitang ito ay hindi makapapasok sa kapahingahang Kaniyang ipinangako (cf. Awit 95:11).  Kaya, ang mga Israelita ay pinagala ng Diyos nang 40 taon sa ilang hanggang sa malipol ang lahi ng mga gumawa ng masama sa Kaniyang paningin.

     Tinupad ba ng Diyos ang Kaniyang pangako sa mga Israelita na bibigyan sila ng kapahingahan sa lupaing kanilang magiging mana?  Ganito ang sinasabi ng Biblia:

     At ngayo'y binigyan ng kapahingahan ng Panginoon ninyong Dios ang inyong mga kapatid, gaya ng sinalita niya sa kanila: kaya't ngayo'y pumihit kayo at yumaon kayo sa inyong mga tolda sa lupain na inyong ari, na ibinigay sa inyo ni Moises na lingkod ng Panginoon sa dako roon ng Jordan.

     “At binigyan sila ng kapahingahan ng Panginoon sa palibot, ayon sa lahat ng kaniyang isinumpa sa kanilang mga magulang: at walang tumayong isang lalake sa lahat ng kanilang mga kaaway sa harap nila; ibinigay ng Panginoon ang lahat nilang mga kaaway sa kanilang kamay.
     “Walang nagkulang na isang mabuting bagay na sinalita ng Panginoon sa sangbahayan ng Israel, lahat ay nangyari. (Jos. 22:4; 21:44-45)

     Tinupad ng Diyos sa Israel ang Kaniyang pangako.  Binigyan ng Diyos ng kapahingahan ang mga Israelita nang sila’y makarating sa lupaing ipinangako sa kanila.  Dapat mapansin na lubhang naiiba ang utos sa mga Israelita na mangilin o magpahinga sa ikapitong araw kaysa sa ipinangako ng Diyos sa kanila na kapahingahan.

Winakasan na ng Diyos
     Ang kautusan ukol sa Sabbath ay winakasan na ng Panginoong Diyos.  Ganito ang sinasabi ng Biblia:

    “Wawakasan ko na ang lahat ng kanyang kasayahan, mga kapistahan, mga araw ng pangilin at lahat ng itinakda niyang pagdiriwang.” (Ose. 2:11, Magandang Balita Biblia)

     Ayon sa Biblia, wawakasan na ng Diyos ang pangingilin ng mga araw.  Aling mga araw ng pangingilin ang wawakasan ng Diyos?

     Akin din namang papaglilikatin ang kaniyang mga kalayawan, ang kaniyang mga kapistahan, ang kaniyang mga bagong buwan, at ang kaniyang mga sabbath, at lahat ng kaniyang takdang kapulungan. (Ose. 2:11)

     Tiniyak dito na ang mga araw ng pangingilin na wawakasan ng Diyos ay ang mga araw ng Sabbath.

Kaya, sa Bagong Tipan ay hindi ipinag-utos ng
Panginoong Jesucristo at ng mga apostol sa
mga Cristiano ang pangingilin ng Sabbath.

     Bagkus, masusumpungan pa nga ang maraming katunayan na si Cristo at ang kaniyang mga alagad ay hindi nangilin nito:

     Nang panahong yaon ay naglalakad si Jesus nang araw ng sabbath sa mga bukiran ng trigo; at nangagutom ang kaniyang mga alagad at nangagpasimulang magsikitil ng mga uhay at magsikain. (Mat. 12:1)

     Araw ng Sabbath nang ang mga alagad ay magutom sa kanilang paglalakad.  Sila’y nagsikitil ng mga uhay, isang bagay na hindi ipinahihintulot gawin ng nangingilin ng Sabbath.  Samakatuwid, ang ginawa ng mga alagad na pagkitil ng uhay sa araw ng Sabbath ay katunayang sila’y hindi nangilin ng Sabbath.

     Araw din ng Sabbath nang pagalingin ni Cristo ang isang taong malaon nang may karamdaman.  Ganito ang isinasaad sa Juan 5:8-9:

     “Sinabi sa kaniya ni Jesus, Magtindig ka, buhatin mo ang iyong higaan, at lumakad ka.

     “At pagdaka'y gumaling ang lalake, at binuhat ang kaniyang higaan at lumakad. Noon nga'y araw ng sabbath.

     Pinatutunayan nito na hindi itinaguyod ni Cristo at ng Kaniyang mga alagad ang pangingilin ng Sabbath.  Hindi rin nagkasala si Cristo (cf. I Ped. 2:21-22) ni ang Kaniyang mga alagad nang hindi nila ito ipangilin.  Ito’y hindi paglabag sa kautusan, manapa’y ang patuloy na pangingilin ng Sabbath ang siyang paglabag sapagkat ito’y winakasan na ng Diyos.  Kaya, makatuwiran lamang ang sinabi ni Apostol Pablo sa mga Cristiano na hindi dapat ihatol ang tungkol sa pangingilin ng araw ng Sabbath:

     “Sinoman nga ay huwag humatol sa inyo tungkol sa pagkain, o sa paginom, o tungkol sa kapistahan, o bagong buwan o araw ng sabbath: (Col. 2:16)

Nagsipagpahinga sa araw ng Sabbath
     Sa Lucas 23:55-56 ay may binabanggit na mga babaeng nagsipagpahinga sa araw ng Sabbath.  Gayunma’y hindi ito katunayang ang mga Cristiano ay inuutusang mangilin ng Sabbath.  Hindi kailanman ipinag-utos ni Cristo sa Kaniyang mga alagad na ipangilin ang Sabbath.  Ang mga babaeng tinutukoy ay nahirati sa dati nilang kaugalian na kanilang taglay nang sila’y magsisampalataya kay Cristo.  Ngunit ang mga Cristiano ay hindi pinahihintulutang magtaglay ng gayong mga kaugalian.  Ganito ang sinabi ni Apostol Pablo:

     “Datapuwa't ngayon yamang nakikilala na ninyo ang Dios, o ang lalong mabuting sabihin, kayo'y nangakikilala ng Dios, bakit muling nangagbabalik kayo doon sa mahihina at walang bisang mga pasimulang aral, na sa mga yao'y ninanasa ninyong magbalik sa pagkaalipin?

      “Ipinangingilin ninyo ang mga araw, at mga buwan, at mga panahon, at mga taon.(Gal. 4:9-10)

     Sinaway ni Apostol Pablo ang mga Cristiano dahil sa kanilang pagbabalik sa mga mahihina at walang bisang aral gaya ng pangingilin ng mga araw na kaya ibinigay ng Diyos sa mga Israelita ay upang kanilang maalalala na sila’y naging alipin sa lupain ng Egipto. (cf. Deut. 5:15)

Kaya, ang pangingilin ng Sabbath
ay hindi para sa mga Cristiano.
Ito ay para sa mga Israelita lamang
na inilabas sa pagkaalipin sa Egipto.

      Walang talata sa Biblia na nagsasaad na ang mga Cristiano ay dapat mangilin ng Sabbath.  Isinulat ni Apostol Pablo sa mga Cristiano ang ganito:

     “Kaya’t huwag na kayong pasasakop sa anumang tuntunin tungkol sa pagkain o inumin, tungkol sa kapistahan, sa bagong buwan o sa Araw ng Pamamahinga.” (Col. 2:16, MB)

Natitirang pamamahingang Sabbath
     Sa Hebreo 4:9 ay may binabanggit na pamamahingang Sabbath para sa mga Cristiano:

     “May natitira pa ngang isang pamamahingang sabbath, ukol sa bayan ng Dios.

     Bagaman sa talatang sinipi ay may binabanggit na natitirang pamamahingang Sabbath para sa bayan ng Diyos, hindi sinasabing ang mga Cristiano ay inuutusang mangilin ng Sabbath.  Sipiin natin ang sinasabi sa Hebreo 4:1:

     “Mangatakot nga tayo, yamang may iniwang pangako ng pagpasok sa kaniyang kapahingahan, baka sakaling sinoman sa inyo ay maging tulad sa di nakaabot niyaon.

     Ang kapahingahang binabanggit dito ay hindi tumutukoy sa utos na magpahinga sa ikapitong araw kundi sa pangakong kapahingahan na ipagkakaloob ng Diyos sa Kaniyang bayan.  Binababalaan ang mga Cristiano na baka sila matulad sa mga di nakaabot o di nakapasok sa pangakong kapahingahan.  Sino ang mga hindi nakaabot o hindi nakapasok sa kapahingahan?  Ganito ang sinasabi sa Hebreo 3:16-19:

     “Sino ba silang nakinig at naghimagsik?  Hindi ba silang lahat na inilabas ni Moises sa Egipto?  At sino ang kinagalitan niya sa loob ng apatnapung taon?  Hindi ba silang nagkasala at namatay sa ilang?  At sino ang mga isinumpa ng Dios na hindi makapapasok sa kanyang kapahingahan, hindi ba silang mga suwail?  Kaya hindi nga sila nakapasok doon dahil sa di nila pagsampalataya.” (New Pilipino Version)

     Ang hindi nakapasok sa kapahingahan ay ang mga Israelitang inilabas sa Egipto na dahil sa kawalan ng pananampalataya ay nangabuwal sa ilang at di nakapasok sa lupaing ipinangako.

     Kung paanong ang mga Isrelitang naging tapat ay pinangakuan ng kapahingahan sa lupaing kanilang magiging mana, ang mga Cristiano naman ay pinangakuan din ng kapahingahan—ang natitirang pamamahingang Sabbath.  Hindi ito nangangahulugan na ang mga Cristiano ay dapat mangilin ng ikapitong araw, kundi ito ay nagpapatunay na mayroong pamamahingang ipinangako sa kanila—sa Bayang Banal.@@@@@
_____________________________________________________
_________________________________________________________________