Martes, Setyembre 4, 2012

Anti-Cristo Nga Kaya Ang Iglesia Ni Cristo Dahil Sa Turo Nitong Tao Si Cristo?


ANG TUNAY NA KALAGAYAN NI CRISTO

Isang Pagbubunyag
Sa Iglesia ni Cristo
Copyright 1964 By
Church Of Christ
(Iglesia ni Cristo)
Kabanatang XXII
Pahina 188-198



Nagkakamali ang lahat ng pumupuna at nagsasabing hindi sa Diyos ang Iglesia ni Cristo dahil sa kanyang aral tungkol sa tunay na kalagayan ni Cristo na naiiba sa lahat ng relihiyon.  Kung naiiba man ang aral na ito ng Iglesia ni Cristo sa lahat ng iglesia ay hindi sapat na dahilang paratangan nila na ito’y Anti-Cristo at hindi sa Diyos.  Sapagkat kung naiiba man sa lahat ang kanyang aral na ito, ngunit naaayon naman sa aral ng Diyos, ni Cristo, at ng mga Apostol na nasusulat sa Banal na Kasulatan ay hindi maaaring maging Anti-Cristo at Anti-Diyos ang Iglesia ni Cristo.

     Tungkol sa kalagayan ni Cristo, ay walang itinuturo na mula sa sarili ang mga ministro ng Iglesia ni Cristo.  Ang tunay na kalagayan ni Cristo na ipinakikilala ng Diyos, ni Cristo, at ng mga Apostol na natititik sa Biblia ang kanilang itinuturo.

Sino ang unang nagpakilala sa tunay na
Kalagayan ni Cristo ayon sa Biblia?
     Sa Isa. 7:14, ay ganito ang sinasabi:

     “Kaya't ang Panginoon nga ay magbibigay sa inyo ng tanda; narito, isang dalaga ay maglilihi, at manganganak ng isang lalake, at tatawagin ang kaniyang pangalan na Emmanuel.

     Ang talatang ito ay hula ng Diyos na ipinahayag sa pamamagitan ni propeta Isaias.  Ano ang nilalaman ng hula?  Isang batang lalake na ipaglilihi at ipanganganak ng isang dalaga.  Sino ang dalagang maglilihi at manganganak ng isang batang lalake?  Sino naman ang batang lalake na ipaglilihi at ipanganganak ng isang dalaga?  Sa Luc. 1:26-35, ay ganito ang sinasabi na katuparan ng hula:

      Nang ikaanim na buwan nga'y sinugo ng Dios ang anghel Gabriel sa isang bayan ng Galilea, ngala'y Nazaret,

    “Sa isang dalagang magaasawa sa isang lalake, na ang kaniyang ngala'y Jose, sa angkan ni David; at Maria ang pangalan ng dalaga.

      “At pumasok siya sa kinaroroonan niya, at sinabi, Magalak ka, ikaw na totoong pinakamamahal, ang Panginoon ay sumasa iyo.

     “Datapuwa't siya'y totoong nagulumihanan sa sabing ito, at iniisip sa kaniyang sarili kung anong bati kaya ito.

     “At sinabi sa kaniya     ng anghel, Huwag kang matakot, Maria: sapagka't nakasumpong ka ng biyaya sa Dios.

     “At narito, maglilihi ka sa iyong tiyan, at manganganak ka ng isang lalake, at tatawagin mo ang kaniyang pangalang JESUS.

      “Siya'y magiging dakila, at tatawaging Anak ng Kataastaasan: at sa kaniya'y ibibigay ng Panginoong Dios ang luklukan ni David na kaniyang ama:

     “At siya'y maghahari sa angkan ni Jacob magpakailan man; at hindi magkakawakas ang kaniyang kaharian.

     “At sinabi ni Maria sa anghel, Paanong mangyayari ito, sa ako'y hindi nakakakilala ng lalake?

     “At sumagot ang anghel, at sinabi sa kaniya, Bababa sa iyo ang Espiritu Santo, at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataastaasan: kaya naman ang banal na bagay na ipanganganak ay tatawaging Anak ng Dios.

     Ayon sa katuparan ng hula, sino ang dalagang maglilihi at manganganak ng isang batang lalake?  Si Maria.  Sino naman ang batang lalake na ipaglilihi at ipanganganak ni Maria?  Si JESUS.  Kung gayon, sino ang unang nagpakilala sa tunay  na kalagayan ni Cristo ayon sa Biblia?  Ang Diyos.  Ano ang pagpapakilala ng Diyos kay Cristo?  Isang batang lalake na ipaglilihi at ipanganganak ng isang dalaga.  Samakatuwid, ang tunay na kalagayan ng batang lalake o ni Jesus ay TAO.  Hindi Diyos.  Bakit?  Sapagka’t ang Diyos ay hindi ipinaglilihi at hindi rin ipinanganganak.  At nang dinadala na ni Maria si Jesus sa kanyang sinapupunan, ano ang pagpapakilala ng Diyos sa tunay na kalagayan nito ayon sa pahayag ng anghel na Kanyang isinugo kay Jose?  Sa Mat. 1:18-21, ay ganito ang sinasabi:

     “Ang pagkapanganak nga kay Jesucristo ay ganito: Nang si Maria na kaniyang ina ay magaasawa kay Jose, bago sila magsama ay nasumpungang siya'y nagdadalang-tao sa pamamagitan ng Espiritu Santo.

     “At si Jose na kaniyang asawa, palibhasa'y lalaking matuwid, at ayaw na ihayag sa madla ang kaniyang kapurihan, ay nagpasiyang hiwalayan siya ng lihim.

     “Datapuwa't samantalang pinagiisip niya ito, narito, ang isang anghel ng Panginoon ay napakita sa kaniya sa panaginip, na nagsasabi: Jose, anak ni David, huwag kang mangamba sa pagtanggap kay Maria na iyong asawa: sapagka't ang kaniyang dinadalang-tao ay sa Espiritu Santo.

    “At siya'y manganganak ng isang lalake; at ang pangalang itatawag mo sa kaniya'y JESUS; sapagka't ililigtas niya ang kaniyang bayan sa kanilang mga kasalanan.

     Ano ang pagpapakilala ng Diyos sa pamamagitan ng anghel na isinugo Niya kay Jose tungkol sa tunay na kalagayan ni Jesus na dinadala ni Maria sa kanyang sinapupunan?  Natuklasan ni Jose na si Maria ay may dinadala na sa kanyang sinapupunan nang sila’y magsama.  Sa ganito’y ipinasiya ni Jose na hiwalayan si Maria nang lihim upang huwag mahayag sa madla ang kanyang kapurihan.  Nguni’t ano ang sinabi ng anghel kay Jose?  Sinabi ng anghel kay Jose na huwag mangamba sa pagtanggap kay Maria, sapagka’t ang DINADALANG-TAO nito ay lalang ng Espiritu Santo.  Samakatuwid, ano ang kalagayan ng dinadala ni Maria sa kanyang sinapupunan ayon sa pagpapakilala ng Diyos sa pamamagitan ng anghel na Kanyang isinugo Kay Jose?  TAO ang dinadala ni Maria sa kanyang sinapupunan.  Hindi Diyos!  Bakit?  Sapagka’t ang Diyos ay hindi maaaring dalhin ng tao o ng isang babae sa kaniyang sinapupunan at pagkatapos ay ipanganak.

     Kung gayon, ayon sa pagpapakilala ng Diyos, ang tunay na kalagayan ni Cristo ay TAO!  Kaya ang aral na tao ang tunay na kalagayan ni Cristo ay aral na mula sa Diyos na nasusulat sa Biblia.  Ang Iglesia ni Cristo na nagtuturo ng aral na ito ay sa Diyos.  Ang mga nagtuturo na ang tunay na kalagayan ni Cristo ay Diyos, sila ang mga kalaban ng Diyos at hindi ang Iglesia ni Cristo!

Noong manganak si Maria,
Ano ang ipinanganak niya?
     Sa Luc. 2:6-7, ay ganito ang sinasabi:

     “At nangyari, samantalang sila'y nangaroroon, at naganap ang mga kaarawang dapat siyang manganak.

     “At kaniyang ipinanganak ang panganay niyang anak na lalake; at ito'y binalot niya ng mga lampin, at inihiga sa isang pasabsaban, sapagka't wala nang lugar para sa kanila sa tuluyan.

     Ano ang ipinanganak ni Maria?  Ipinanganak niya ang panganay niyang anak na  lalake.  Samakatuwid, TAO ang kanyang ipinanganak.  Bakit?  Sapagka’t TAO ang kanyang dinadala sa kanyang sinapupunan.  Ano ang kanyang ginawa sa bata o sanggol na kanyang ipinanganak?  Ito’y binalot niya ng mga lampin.  Ang Diyos ba’y nilalampinan?  HINDI!  Ano ang isa sa karapatan ng batang ito na ipinanganak ni Maria?  Sa Luc. 2:11-12, ay ganito ang tinitiyak:

     “Sapagka't ipinanganak sa inyo ngayon sa bayan ni David ang isang Tagapagligtas, na siya ang Cristo ang Panginoon.

     “At ito ang sa inyo'y magiging pinakatanda: Masusumpungan ninyo ang isang sanggol na nababalot ng lampin, at nakahiga sa isang pasabsaban.

     Ano ang karapatan ng sanggol na ito at sino siya?  Siya ang Cristo, ang Panginoon, na iisang tagapagligtas.  Nababago ba ang tunay na kalagayan ng sanggol na ito samantalang siya’y lumalaki?  Sa Luc. 2:40, ay sinasabi ang ganito:

     “At lumalaki ang bata, at lumalakas, at napupuspos ng karunungan: at sumasa kaniya ang biyaya ng Dios.

     Samantalang lumalaki si Jesus ay hindi nagbabago ang Kanyang tunay na kalagayang TAO.  Siya’y lumalaking bata—hindi lumalaking Diyos!  Hindi rin Siya ang Diyos, kundi nagtatamo ng kalakasan, karunungan at biyaya na mula sa Diyos.  Baka naman nang lumaki nang ganap si Jesus ay naging Diyos na ang Kanyang kalagayan?  Ano ba ang pagpapakilala Niya sa Kanyang sarili nang Siya’y malaki na at nangangaral?  Sa Juan 8:40, ay tiniyak Niya ang ganito:

     Datapuwa't ngayo'y pinagsisikapan ninyo akong patayin, na taong sa inyo'y nagsaysay ng katotohanan, na aking narinig sa Dios: ito'y hindi ginawa ni Abraham.

      Ano ang pagpapakilala ni Jesus sa Kanyang sarili nang malaki na Siya at nangangaral?  Tiniyak niyang TAO ang Kanyang tunay na  kalagayan.  Siya’y TAO na nagsaysay ng katotohanang Kanyang narinig sa Diyos at hindi Siya ang Diyos!  Ano ang isa sa Kanyang katangian sa lahat ng tao?  Sa talatang 46, ay sinabi Niya ang ganito:

     “Sino sa inyo ang makasusumbat sa akin tungkol sa kasalanan? Kung sinasabi ko ang katotohanan, bakit hindi ninyo ako sinasampalatayanan?

     Si Cristo ang tanging TAO na hindi nagkasala.  Pinatutunayan din ba ng mga apostol na talagang hindi nga nagkasala ang ating Panginoong Jesucristo?  Sa Heb. 4:15, ay tiniyak ang ganito:

     “Sapagka't tayo'y walang isang dakilang saserdote na hindi maaaring mahabag sa ating kahinaan, kundi isa na tinukso sa lahat ng mga paraan gaya rin naman natin gayon ma'y walang kasalanan.

      Samakatuwid, ang tunay na kalagayan ni Cristo ay TAO, tanging TAO na tinukso na gaya rin natin, nguni’t walang kasalanan o hindi nagkasala.  TAO rin ba ang kalagayan ng ating Panginoong Jesucristo nang Siya’y mabuhay na mag-uli?  Sa Luc. 24:37-39, ay ganito ang ipinakikilala:

     “Datapuwa't sila'y kinilabutan, at nangahintakutan, at inakala nila na nakakakita sila ng isang espiritu.

     “At sinabi niya sa kanila, Bakit kayo'y nangagugulumihanan? at bakit nangyayari ang pagtatalo sa inyong puso?

     “Tingnan ninyo ang aking mga kamay at ang aking mga paa, ako rin nga: hipuin ninyo ako, at tingnan; sapagka't ang isang espiritu'y walang laman at mga buto, na gaya ng inyong nakikita na nasa akin.

     TAO rin ba ang kalagayan ng ating Panginoong Jesucristo nang Siya’y mabuhay na mag-uli?  TAO! Natakot at kinilabutan ang mga alagad nang makita Siya sapagka’t inakala nilang sila’y nakakita ng isang espiritu.  Ngunit tiniyak sa kanila ni Cristo na Siya’y hindi isang espiritu, kundi Siya rin nga ang TAO na may laman at mga buto, na ito’y wala sa isang espiritu o sa Diyos.  Sino ang Diyos na itinuturo ni Cristo?  Sa Juan 20:17, ay tiniyak Niya ang ganito:

     “Sinabi sa kaniya ni Jesus, Huwag mo akong hipuin; sapagka't hindi pa ako nakakaakyat sa Ama, nguni't pumaroon ka sa aking mga kapatid, at sabihin mo sa kanila, Aakyat ako sa aking Ama at inyong Ama, at aking Dios at inyong Dios.

    Sino ang Diyos na itinuturo ni Cristo?  Ang Ama ang Diyos na itinuturo ni Cristo, na Kanyang Ama at Kanyang Diyos na dapat kilalanin ng lahat na kanila ring Ama at kanilang Diyos.  Ilan ang Diyos na ipinakikilala ni Cristo?  Sa Juan 17:3, ay sinasabi ang ganito:

     “At ito ang buhay na walang hanggan, na ikaw ay makilala nila na iisang Dios na tunay, at siyang iyong sinugo, sa makatuwid baga'y si Jesucristo.

     Sino ang “ikaw” na itinuturo ni Cristo na IISANG Diyos na tunay?  Ang Ama (talatang 1).  Kung gayon, ang Ama lamang ang IISANG Diyos na tunay.  Hindi si Cristo!  Ano si Cristo?  Sinugo ng Diyos na tunay.  Sinugo na ano?  Sinugo na TAONG nagsaysay ng katotohanang Kanyang narinig sa Diyos (Juan 8:40).  Baka naman naging Diyos na ang kalagayan ni Cristo nang Siya’y umakyat na sa langit?  Sa Gawa 1:9-11, ay sinasabi ang ganito:

    “At pagkasabi niya ng mga bagay na ito, nang siya'y tinitingnan nila, ay dinala siya sa itaas; at siya'y tinanggap ng isang alapaap at ikinubli sa kanilang mga paningin.

     “At samantalang tinititigan nila ang langit habang siya'y lumalayo, narito may dalawang lalaking nangakatayo sa tabi nila na may puting damit;

     “Na nangagsabi naman, Kayong mga lalaking taga Galilea, bakit kayo'y nangakatayong tumitingin sa langit? itong si Jesus, na tinanggap sa langit mula sa inyo, ay paparitong gaya rin ng inyong nakitang pagparoon niya sa langit.

     Diyos ba ang kalagayan ni Cristo nang umakyat sa langit?  Hindi.  TAO rin ang kanyang kalagayan nang Siya’y umakyat sa langit.  Bakit?  Sapagka’t nakita ng Kanyang mga alagad ang Kanyang pag-akyat sa langit at pinatunayan ng mga anghel sa kanila, na kung paano nilang nakita si Cristo nang pag-akyat sa langit ay gayon din makikita nila Siya sa muling pagparito. TAO rin ba ang kalagayan ni Cristo nang nasa langit na?  Saan ba nakalugar si Cristo sa langit?  Sa Col. 3:1, ay ganito ang sinasabi:

     “Kung kayo nga'y muling binuhay na kalakip ni Cristo, ay hanapin ninyo ang mga bagay na nangasa itaas, na kinaroroonan ni Cristo, na nakaupo sa kanan ng Dios.

     Si Cristo ay nakaupo sa kanan ng Diyos sa langit.  Diyos ba si Cristo na nakaupo sa kanan ng Diyos?  Sa Awit 80:17, ay tinitiyak ang ganito:

     “Mapatong nawa ang iyong kamay sa tao na iyong kinakanan. Sa anak ng tao na iyong pinalakas sa iyong sarili.

     TAO rin ang kalagayan ni Cristo na nakaupo sa kanan ng Diyos sa langit.  Tao rin ba ang Kanyang kalagayan sa muling pagparito?  Sa Mat. 25:31-34, ay ganito ang ipinakikilala:

     “Datapuwa't pagparito ng Anak ng tao na nasa kaniyang kaluwalhatian, na kasama niya ang lahat ng mga anghel, kung magkagayo'y luluklok siya sa luklukan ng kaniyang kaluwalhatian:

     “At titipunin sa harap niya ang lahat ng mga bansa: at sila'y pagbubukdinbukdin niya na gaya ng pagbubukodbukod ng pastor sa mga tupa at sa mga kambing;

     “At ilalagay niya ang mga tupa sa kaniyang kanan, datapuwa't sa kaliwa ang mga kambing.

     “Kung magkagayo'y sasabihin ng Hari sa nangasa kaniyang kanan, Magsiparito kayo, mga pinagpala ng aking Ama, manahin ninyo ang kahariang nakahanda sa inyo buhat nang itatag ang sanglibutan.

     TAO rin ang kalagayan ng ating Panginoong Jesucristo sa Kanyang muling pagparito sa araw ng paghuhukom.  Hindi nagbabago ang Kanyang kalagayan.  Hindi Siya naging Diyos kailanman!  TAO nang ipanganak, TAO nang lumaki na at mangaral, TAO nang mabuhay na mag-uli, TAO nang umakyat sa langit, TAO nang nasa langit na nakaupo sa kanan ng Diyos, at TAO rin Siya na muling paririto.  Kung gayon, ang aral ng Iglesia ni Cristo na si Cristo’y TAO ay aral na mula kay Cristo.  Kaya ang Iglesia ni Cristo ay hindi maaaring maging Anti-Cristo.  Ang mga nagtuturo na si Cristo ay DIYOS ay laban kay Cristo.  Sila ang mga Anti-Cristo!

Ano ang pagpapakilala ng mga Apostol
Sa tunay na kalagayan ni Cristo?
       Sa I Tim. 2:5, ay ganito ang itinuturo:

     “Sapagka't may isang Dios at may isang Tagapamagitan sa Dios at sa mga tao, ang taong si Cristo Jesus.

     Ano ang pagkakilala ng mga Apostol sa tunay na kalagayan ni Cristo?  TAO!  TAO na Tagapamagitan ng mga tao sa Diyos!  E, sino ang Diyos na ipinakikilala ng mga Apostol?  Sa I Cor. 8:6, ay ganito ang kanilang tinitiyak:

     Nguni't sa ganang atin ay may isang Dios lamang, ang Ama, na buhat sa kaniya ang lahat ng mga bagay, at tayo'y sa kaniya; at isa lamang Panginoon, si Jesucristo, na sa pamamagitan niya ang lahat ng mga bagay, at tayo'y sa pamamagitan niya.

     Ipinakikilala ng mga Apostol na may isang Diyos lamang, ang Ama, at isa lamang Panginoon, si Jesucristo.  Bakit naging Panginoon si Cristo?  Diyos ba Siya kaya naging Panginoon?  Sa Gawa 2:36, ay ganito ang sinasabi:

     “Pakatalastasin nga ng buong angkan ni Israel, na ginawa ng Dios na Panginoon at Cristo itong si Jesus na inyong ipinako sa krus.

     Diyos ba si Cristo kaya naging Panginoon?  Hindi, kundi ginawa Siya ng Diyos na maging Panginoon.  Ang pagka-Panginoon ng Diyos ay katutubo, ngunit ang pagiging Panginoon ni Cristo ay gawa ng Diyos sa Kanya.  Bakit ginawa ng Diyos si Cristo na maging Panginoon?  Ano ba ang ipinutong sa Kanya ng Diyos?  Sa Heb. 2:9, ay ganito ang sinasabi:

     Kundi nakikita natin ang ginawang mababa ng kaunti kay sa mga anghel, sa makatuwid ay si Jesus, na dahil sa pagbata ng kamatayan ay pinutungan ng kaluwalhatian at karangalan, upang sa pamamagitan ng biyaya ng Dios ay lasapin niya ang kamatayan dahil sa bawa't tao.

     Bagaman si Cristo’y ginawang mababa ng kaunti kaysa mga anghel, ginawa Siya ng Diyos na maging Panginoon na sa pagbata ng kamatayan ay pinutungan Siya ng kaluwalhatian at karangalan.  Anong kaluwalhatian at karangalan ang ipinutong sa Kanya ng Diyos?  Sa Efe. 1:20-23, ay ganito ang sinasabi:

     “ Na kaniyang ginawa kay Cristo, nang ito'y kaniyang buhaying maguli sa mga patay, at pinaupo sa kaniyang kanan sa sangkalangitan,

     Sa kaibaibabawan ng lahat na pamunuan, at kapamahalaan, at kapangyarihan, at pagkasakop, at sa bawa't pangalan na ipinangungusap, hindi lamang sa sanglibutang ito, kundi naman sa darating:

     “At ang lahat ng mga bagay ay pinasuko niya sa ilalim ng kaniyang mga paa, at siyang pinagkaloobang maging pangulo ng lahat ng mga bagay sa iglesia,

    “Na siyang katawan niya, na kapuspusan niyaong pumupuspos ng lahat sa lahat.

     Anong kaluwalhatian at karangalan ang ipinutong ng Diyos sa ating Panginoong Jesucristo?  Pagkatapos na buhaying mag-uli ng Diyos si Cristo ay pinaupo Siya sa Kanyang kanan sa sangkalangitan at inilagay sa kaibaibabawan ng lahat ng pamunuan at kapamahalaan, kapangyarihan at pagkasakop.  Pinasuko ng Diyos ang lahat ng mga bagay sa ilalim ng paa ni Cristo at pinagkaloobang maging pangulo ng lahat ng mga bagay sa Iglesia na katawan Niya.  Kung mapasuko na ng Diyos ang lahat ng mga bagay sa ilalim ng paa ni Cristo, ano naman ang gagawin ng Diyos kay Cristo?  Sa I Cor. 15:27-28, ay sinasabi ang ganito:

     “Sapagka't kaniyang pinasuko ang lahat ng mga bagay sa ilalim ng kaniyang paa. Datapuwa't kung sinasabi, ang lahat ng mga bagay ay pinasuko, ay maliwanag na itinangi yaong nagpasuko ng lahat ng mga bagay sa kaniya.

     “ At kung ang lahat ng mga bagay ay mapasuko na sa kaniya, kung magkagayo'y ang Anak rin ay pasusukuin naman sa nagpasuko ng lahat ng mga bagay sa kaniya, upang ang Dios ay maging lahat sa lahat.

     Kung mapasuko na ang lahat ng mga bagay sa ilalim ng paa ng ating Panginoong Jesucristo ay SUSUKO naman si Cristo sa Diyos na nagpasuko ng lahat ng mga bagay sa Kanya.  Dahil dito, ang tunay na kalagayan ni Cristo ay HINDI DIYOS!  Bakit?  Sapagka’t Siya’y susuko sa Diyos!  Ang Diyos ay hindi sumusuko sa kaninuman.  Binigyan nga ba ng Diyos si Cristo ng kapamahalaan?  Binigyan.  Ano ang kapamahalaang ibinigay sa Kanya?  Sa Mat. 28:18, ay tinitiyak ang ganito:

     “At lumapit si Jesus sa kanila at sila'y kaniyang kinausap, na sinasabi, Ang lahat ng kapamahalaan sa langit at sa ibabaw ng lupa ay naibigay na sa akin.

     Ang kapamahalaan sa langit at sa ibabaw ng lupa ay ibinigay ng Diyos kay Cristo.  Dahil ba rito, si Cristo ay nagiging Diyos na?  Hindi.  Ano ang ibig sabihin ng pagbibigay ng Diyos kay Cristo ng kapamahalaan sa langit at sa lupa?  Ito ay siyang katuparan ng hula.  Ano ang hulang iyon?  Sa Isa. 9:6, ay sinasabi ang ganito:

     “Sapagka't sa atin ay ipinanganak ang isang bata, sa atin ay ibinigay ang isang anak na lalake; at ang pamamahala ay maaatang sa kaniyang balikat: at ang kaniyang pangalan ay tatawaging Kamanghamangha, Tagapayo, Makapangyarihang Dios, Walang hanggang Ama, Pangulo ng Kapayapaan.

     Sino ang tinutukoy na isang batang ipanganganak na maaatangan ng pamamahala sa kaniyang balikat?  Ang ating Panginoong Hesucristo, ayon sa katuparan.  Ano ang pangalan ng kapamahalaang maaatang sa balikat ng bata?  Ang pamamahalang maaatang sa Kanyang balikat ay tatawaging Makapangyarihang Diyos.  Bakit?  Sapagka’t ang pamamahalang iyon ay pamamahalang mula sa Diyos.  Hindi si Cristo o ang bata ang tatawaging Diyos, kundi ang pamamahala ng Diyos na nakaatang sa Kanyang balikat.  Samakatuwid, ayon sa pagpapakilala ng mga Apostol, ang tunay na kalagayan ni Cristo ay TAO.  TAO na Tagapamagitan sa Diyos ng mga tao.  TAO na ginawa ng Diyos na Panginoon.  TAO na ginawang mababa ng kaunti sa mga anghel na pinutungan ng kaluwalhatian at karangalan na ginawang maging pangulo ng Iglesia na katawan Niya.  TAO na susuko sa Diyos upang ang Diyos ay maging lahat sa lahat.  TAO na pinagkalooban ng pamamahala ng Diyos sa langit at sa ibabaw ng lupa.  Kaya ang mga nagpapakilala na si Cristo’y Diyos ay LABAN  din sa aral ng mga Apostol.  Sila’y mga Anti-Apostol!

Dahil dito, ano ang ikinatatakot ni
Apostol Pablo na darating?
     Sa II Cor. 11:3-4, ay sinasabi ang ganito:

     “Nguni't ako'y natatakot, baka sa anomang paraan, kung paanong si Eva ay nadaya ng ahas sa kaniyang katusuhan, ang inyong walang malay at malinis na mga pagiisip na kay Cristo ay pasamain.

     “Sapagka't kung yaong paririto ay mangaral ng ibang Jesus, na hindi namin ipinangaral, o kung kayo'y nagsisitanggap ng ibang espiritu na hindi ninyo tinanggap, o ibang evangelio na hindi ninyo tinanggap, ay mabuting pagtiisan ninyo.”     

     Ano ang ikinatatakot ni Apostol Pablo na darating?  Ikinatatakot niya na baka madaya tayo na katulad ng pagkadaya kay Eva sa katusuhan ng ahas at ang malinis at walang malay na pag-iisip na kay Cristo ay pasamain.  Ano ang ipagdaraya na magpapasama ng ating pag-iisip at sino ang gagawa ng pagdaraya?  Ang darating na mangangaral ng IBANG JESUS.  Anong ibang Jesus iyon?  Ang Jesus na hindi ipinangaral ng mga Apostol.  Ano ba ang kalagayan ng Jesus na ipinangaral ng mga Apostol?  TAO ang Jesus na ipinangaral ng mga Apostol (I Tim. 2:5).  Ano namang Jesus ang itinuturo ng mga magdaraya?  Sa II Juan 1:7, ay tinitiyak ang ganito:

     “Sapagka't maraming magdaraya na nangagsilitaw sa sanglibutan, sa makatuwid ay ang mga hindi nangagpapahayag na si Jesucristo ay napariritong nasa laman. Ito ang magdaraya at ang anticristo.

     Ano ang ibig sabihin na si Cristo’y naparitong nasa laman?  Naparitong may laman at mga buto, TAO (Luc. 24:39).  Ano naman ang Jesus na ituturo ng mga magdaraya?  Ang Jesus na naparitong HINDI sa laman o TAO, kundi naparitong DIYOS.  Sino ang una sa lahat ng mga relihiyon na nagpapakilala na si Jesus ay DIYOS?  Ang Iglesia Katolika Apostolika Romana.  Paano nila ginawang maging Diyos si Cristo?  Sa “The Apostles’ Creed” ni Pari Clement H. Crock, sa dahong 206, ay sinasagot niya tayo ng ganito:

     “Thus, for example, it was not until 325 A.D., at the Council of Nicea, that the Church defines for us that it was an article of faith that Jesus is truly God.”

Sa Pilipino:
     “Kaya’t, isang halimbawa, na noon lamang taong 325 A.D., sa Konsilyo sa Nicea, ay ipinahayag ng Iglesia (Katolika) sa atin na isang tuntunin ng pananampalataya na si Jesus ay tunay na Diyos.”

     Paano naging Diyos si Cristo sa Iglesia Katolika?  Pinagtibay lamang ng Iglesia Katolika sa kanilang Konsilyo sa Nicea noong 325 A.D., na si Cristo’y dapat kilalaning tunay na Diyos.  Hindi ang Diyos, ni si Cristo, ni ang mga Apostol ang nagpakilala na si Cristo ay tunay na Diyos.  Kaya ang lahat ng nagpapakilala na si Cristo’y Diyos ay mga magdaraya at Anti-Cristo!  Hindi ang Iglesia ni Cristo ang dapat paratangang hindi sa Diyos at Anti-Cristo sa kanilang aral na ang tunay na kalagayan ni Cristo ay TAO.  Ano ang patotoo ng Diyos sa mga nagpapahayag na si Cristo’y naparitong nasa laman o TAO at hindi naparitong Diyos?  Sa I Juan 4:2, ay ganito ang tinitiyak:

     “Dito'y nakikilala ninyo ang Espiritu ng Dios: ang bawa't espiritung nagpapahayag na si Jesucristo ay naparitong nasa laman ay sa Dios.

     Sa Diyos ang mga nagpapahayag na si Cristo’y naparitong TAO, ayon sa patotoo ng Diyos.  Kaya ang Iglesia ni Cristo na nagpapahayag na si Cristo’y TAO ay tunay na sa Diyos!  Ano ang pananampalataya ng mga taong sa Diyos tungkol sa ating Panginoong Jesucristo?  Sa I Juan 5:5; 4:15, ay sinasabi ang ganito:

     “At sino ang dumadaig sa sanglibutan, kundi yaong nananampalatayang si Jesus ay anak ng Dios?

     “Ang sinomang nagpapahayag na si Jesus ay Anak ng Dios, ang Dios ay nananahan sa kaniya, at siya'y sa Dios.”

     Ano ang pananampalataya kay Jesus ng mga taong sa Diyos?  Sinasampalatayanan nilang si Jesus ay Anak ng Diyos.  Hindi tunay na Diyos!  Anak ng Diyos at ang tunay na kalagayan ay TAO, na ipinanganak ni Maria at lalang ng Espiritu Santo (Mat. 1:20).  Bakit sa Diyos ang nananampalatayang si Jesus ay Anak ng Diyos?  Ito ba ang patotoo ng Diyos sa Kanya?  Sa Mat. 3:16-17; 17:5, ay ganito ang tinitiyak:

     “At nang mabautismuhan si Jesus, pagdaka'y umahon sa tubig: at narito, nangabuksan sa kaniya ang mga langit, at nakita niya ang Espiritu ng Dios na bumababang tulad sa isang kalapati, at lumalapag sa kaniya;

     “At narito, ang isang tinig na mula sa mga langit, na nagsasabi, Ito ang sinisinta kong Anak, na siya kong lubos na kinalulugdan.

     “Samantalang nagsasalita pa siya, narito, ang isang maningning na alapaap ay lumilim sa kanila: at narito, ang isang tinig na mula sa alapaap, na nagsasabi, Ito ang sinisinta kong Anak, na siya kong kinalulugdan; siya ang inyong pakinggan.

     Ano ang patotoo ng Diyos kay Jesus?  Sinabi ng Diyos na si Jesus ay sinisinta Niyang ANAK.  Kailan pinatunayan ng Diyos na si Jesus ay Kanyang sinisintang Anak?  Noong Siya’y bautismuhan ni Juan Bautista sa ilog ng Jordan at nang Siya’y magbagong-anyo sa isang mataas na bundok.  Ano ang maling palagay ng mga naniniwalang si Cristo’y Diyos sa pagiging Anak ng Diyos ni Cristo?  Si Cristo raw ay Anak ng Diyos, kaya si Cristo ay dapat ding maging Diyos.  Anak daw ng Diyos, kaya Diyos.  Walang itinuturo ang Diyos, si Cristo at ang mga apostol na si Cristo’y Diyos, sapagka’t Siya’y Anak ng Diyos.  Si Cristo’y Anak ng Diyos, ngunit kailanman ay hindi naging Diyos!  Ang Kanyang tunay na kalagayang TAO ay hindi nababago kailanman.  Tao Siya nang ipaglihi at ipanganak.  Tao Siya nang lumaki at mangaral na.  Tao Siya nang mamatay at mabuhay na mag-uli.  Tao rin Siya nang umakyat sa langit at umupo sa kanan ng Ama at Tao rin Siyang paririto sa araw ng paghuhukom.

     Totoo ba ang itinuturo ng iba’t-ibang iglesia na si Cristo raw ay Diyos sa pasimula na nagkatawang-tao?  Basahin ang susunod na [kabanata].*****
___________________________________________________________
Basahin din:
[Ang Orihinal Na Paniniwala kay Cristo Ng Mga Unang Cristiano]
[Kung Paano Nila Nilikha Ang Aral Na Si Cristo Ay Diyos]
[Si Cristo Ba Ay Tunay Na Diyos Ayon Sa Filipos 2:6-8?] 
[Frequently Asked Questions About Jesus Christ]
[Compare Beliefs In Jesus Christ]

Bisitahin:
[Study Iglesia Ni Cristo]

 INDEX
________________________________________________________________________
Bible Study Suggestion: If you have further questions, please feel free to visit the Iglesia ni Cristo congregation nearest you. A minister or an evangelical worker would be happy to answer any biblical question you have in mind.   
________________________________________________________________________