Biyernes, Agosto 10, 2012

Pagkamatay Ng Tao: Ano?


Kung Saan Naroon Ang Mga Patay




Isang Pagbubunyag
Sa Iglesia Ni Cristo
Copyright 1964 by
Iglesia Ni Cristo
Pahina 106-111



     Sa tanong na:  “Saan naroon ang mga patay?” ay may iba’t ibang mga tugon ang iba’t ibang nagtataguyod ng relihiyon sa kasalukuyang panahon.  May mga nagsasabi na may tatlong dako na pinaglalagyan sa mga taong nangamamatay.  Ang mga banal daw ay sa langit o glorya, banal man at hindi naman lubos o ganap na nakapagkawas o nakapaglinis sa pamamagitan ng pagkukumpisal ay sa purgatoryo raw at ang mga makasalanan ay sa impiyerno.  Ang iba naman ay nagtuturong may dalawang dakong pinaglalagyan ng mga namamatay ngayon:—sa langit at sa impiyerno.  Naniniwala rin silang ang mga patay ay tumatanggap na ng kagantihan pagkatapos na mamatay.  Mayroon din namang mga nagtuturo na ang espiritu na siya rin daw kaluluwa ng mga taong nangamamatay ay narito rin sa mundo, na nagpapalipat-lipat daw sa mga bungangkahoy na kung sakali na ang nasabing bungangkahoy ay makain ng isang babaing naglilihi, ang espiritung yaon ang tataglayin ng sanggol na ipanganganak.  Ang Iglesia ni Cristo ay walang anumang pagpapalagay na ilalahad ukol sa mga taong patay at maging sa kanilang kaluluwa at espiritu.  Mayroon lamang sinasabi ang Iglesia ni Cristo kung may sinasabi ang Biblia.  Kailanma’t tahimik ang Biblia ay tahimik din kami.

Ang tawag ni Jesus at ng mga Apostol
Sa mga taong patay
     Bago natin liwanagin mula sa Biblia kung saan napapatungo ang mga patay, sa lalong ikatitiyak at ikalulutas ng ating suliranin, ang dapat munang malaman ay kung ano ang tawag ni Jesus at ng mga Apostol sa mga patay ng tao.  Kung hindi natin malalaman ang tawag ni Jesus at ng mga Apostol sa mga patay na tao, hindi rin natin ganap na mauunawa kung saan naroon ngayon ang mga taong nangamatay.

     Sa Juan 11:11-14, mauunawaan natin sa pahayag sa pahayag ni Jesus kung ano ang tawag niya sa patay:   

     “Ang mga bagay na ito'y sinalita niya: at pagkatapos nito'y sinabi niya sa kanila, Si Lazaro na ating kaibigan ay natutulog; nguni't ako'y paroroon, upang gisingin ko siya sa pagkakatulog.

     “Sinabi nga ng mga alagad sa kaniya, Panginoon, kung siya'y natutulog, ay siya'y gagaling.

     “Sinalita nga ni Jesus ang tungkol sa kaniyang pagkamatay: datapuwa't sinapantaha nila na ang sinalita ay ang karaniwang pagtulog.

     “Nang magkagayon nga ay sinabi sa kanila ni Jesus ng malinaw, Si Lazaro ay patay.

     Malinaw ang pahayag na ito ng ating Panginoong Jesucristo.  Ang tawag Niya sa taong patay ay natutulog.  Ganito rin kaya ang natutuhan ng mga Apostol kay Cristo?  Sa I Tes. 4:13, ganito ang turo ni Apostol Pablo ukol sa mga taong patay:

     “Nguni't hindi namin ibig na kayo'y di makaalam, mga kapatid, tungkol sa nangatutulog; upang kayo'y huwag mangalumbay, na gaya ng mga iba, na walang pagasa.

     Sa pamamagitan ng mga talatang ito ng Biblia ay mauunawaan natin na si Jesus at ang mga Apostol ay iisa sa tawag nila sa taong patay—natutulog.

     Saan naroroon ang mga natutulog o ang mga patay?  Nasa glorya kaya ang mga banal?  Nasa purgatoryo kaya ang mga banal na hindi lubos na nakapaglinis o hindi lubos na nakapagkawas ng kasalanan ayon sa mga pari?  Nasa impiyerno kaya naman ang mga makasalanan?

     Sa Dan. 12:2, ganito ang sagot sa mga tanong na iyan:

     At marami sa kanila na nangatutulog sa alabok ng lupa ay mangagigising, ang iba'y sa walang hanggang buhay, at ang iba'y sa kahihiyan at sa walang hanggang pagkapahamak.

     Alinsunod sa talatang ito’y nasa alabok ng lupa ang nangatutulog o ang mga patay.  Dito rin sa talatang ito’y ipinahahayag na sa alabok ng lupa magmumula ang magtatamo ng walang hanggang buhay at ang iba nama’y sa walang hanggang pagkapahamak.  May dalawa lamang na hahantungan ang mga patay ayon sa talatang ito ng Biblia.

     Hanggang kalian kaya manantili sa alabok ng lupa o sa libingan ang mga patay?  Gaano katagal mananatili sa libingan ang mga patay na tao?  Sa Job. 14:12, ganito ang sagot:

       “Gayon ang tao ay nabubuwal at hindi na bumabangon: hanggang sa ang langit ay mawala, sila'y hindi magsisibangon, ni mangagigising man sa kanilang pagkakatulog.

     Dito’y nililiwanag na ang mga patay o ang mga natutulog ay hindi magsisibangon hanggang sa mawala ang langit.  Kaya hanggang nananatili pa ang langit, ang mga patay ay namamalagi pa sa libingan.  Hindi totoo kung gayon ang itinuturo ng iba na pagkamatay ng tao’y tumatanggap na agad ng kagantihan.

     Kailan kaya mawawala ang langit na siyang panahon ng pagbangon ng mga taong nangamamatay?

     Datapuwa't darating ang araw ng Panginoon na gaya ng magnanakaw; na ang sangkalangitan sa araw na iyan ay mapaparam na kasabay ng malaking ugong, at ang mga bagay sa langit ay mapupugnaw sa matinding init, at ang lupa at ang mga gawang nasa lupa ay pawang masusunog. (II Pedro 3:10)

     Iyan ang pahayag ni Apostol Pedro tungkol sa panahon ng pagkawala ng langit na siya ring panahon ng pagbangon ng mga patay na tao sa kanilang libingan.  Pagdating ng  ating Panginoon, sa araw na iyan ay mapaparam ang langit at ang mga bagay sa langit ay mapupugnaw dahil sa matinding init.  Ito ang araw ng paghuhukom—sa ikalawang pagparito ni Cristo.  Kaya kabulaanan ang pagtuturo ng iba na hinuhukuman na ang mga tao pagkamatay.  Iyan ay malinaw na pagdaraya!

     May sinasabi pa ba ang Diyos kung hanggang kalian mananatili sa libingan ang mga patay na tao?  Ganito ang sabi sa Job. 14:14:

     “Kung ang isang tao ay mamatay, mabubuhay pa ba siya? Lahat ng araw ng aking pakikipagbaka ay maghihintay ako, hanggang sa dumating ang pagbabago.

     Sa talatang iyan ng Santong Sulat ay hindi kailangan ang pagpapaliwanag, sapagka’t malinaw ang pahayag.   Mananatili ang mga patay sa libingan hanggang sa panahon ng pagbabago.  Ang panahon ng pagbabago’y gaya ng mababasa sa I Cor. 15:51-53, na ganito:

     “Narito, sinasaysay ko sa inyo ang isang hiwaga: hindi tayong lahat ay mangatutulog, nguni't tayong lahat ay babaguhin,

     “Sa isang sangdali, sa isang kisap-mata, sa huling pagtunog ng pakakak: sapagka't tutunog ang pakakak, at ang mga patay ay mangabubuhay na maguli na walang kasiraan, at tayo'y babaguhin.

     “Sapagka't kinakailangan na itong may kasiraan ay magbihis ng walang kasiraan, at itong may kamatayan ay magbihis ng walang kamatayan.

     Ayon sa mga talatang ito ng Biblia, sa pahayag ni Apostol Pablo, ang panahon ng pagbabago’y sa huling pagtunog ng pakakak, at ayon sa pahayag ni Apostol Pablo ang panahon ng huling pagtunog  ng pakakak ay sa pagbaba ni Cristo mula sa langit (I Tes. 4:16).  Diyan din sa panahong iyan bubuhayin ang mga patay.  Ang mga unang mabubuhay na mag-uli ay ang mga kay Cristo.  Sapagka’t sa panahong ito lamang bubuhayin ang mga patay, papaano magiging katotohanan pa rin ang sinasabi ng mga ibang tagapagturo gaya ng pari at pastor protestante na pagkamatay ng mga tao ay tumatanggap na ng kagantihan?  Hindi totoo iyan.  Laban iyan sa pagtuturo ng Biblia.  Iyan ang dayang aral.

Ang kalagayan ng mga taong patay
     Datapuwa’t sa kabila ng mga katotohanang inilalahad ng Biblia ukol sa kalagayan ng mga taong patay, ang mga pari ng Iglesia Katolika’y ipinipilit pa rin na ang mga banal daw na nangamatay ay nasa langit na nga at maaaring dalanginan upang sila’y ipamagitan sa Diyos.  Mayroon bang kamalayan ang mga patay na nasa libingan?  Sa araw na ang tao’y mamatay, mayroon pa ba siyang pag-iisip?  Sa Awit 146:4, ganito ang pahayag:

     Ang hininga niya ay pumapanaw, siya'y nanunumbalik sa kaniyang pagkalupa; sa araw ding yaon ay mawawala ang kaniyang pagiisip.

     Paano kaya mapananalanginan ang taong wala nang hininga at bumalik na sa kaniyang pagkalupa o naging alabok na muli?  Papaano makasasagot ang walang pag-iisip?  Ang taong namatay ay wala nang hininga, nalulusaw at nagiging lupa at wala nang pag-iisip.  Yaon lamang sira ang bait o baliw ay hindi dapat pakipag-usapan sapagka’t sira nga ang isip.  Hindi kaya ibayong sira ang tumawag o manalangin sa walang pag-iisip?  Kayo na ang humatol.  At upang patibayan pa ng Santong Sulat na talagang walang malay at ni walang bahagi ang mga patay sa mga ginagawa sa ilalim ng araw ay ganito ang mababasa sa Ecles. 9:5-6:

     “Sapagka't nalalaman ng mga buhay, na sila'y mangamamatay: nguni't hindi nalalaman ng patay ang anomang bagay ni mayroon pa man silang kagantihan; sapagka't ang alaala sa kanila ay nakalimutan.

     “Maging ang kanilang pagibig, gaya ng kanilang pagtatanim at ng kanilang pananaghili ay nawala ngayon; na wala man silang anomang bahagi pa na magpakailan man sa anomang bagay na nagawa sa ilalim ng araw.

     Napakalinaw ng mga pangungusap na iyan ng Bibliya.  Ang patay ay walang anumang nalalaman; kahit ang kanilang kagantihan, sapagka’t ang alaala sa kanila ay nakalimutan ng lahat.  Anumang gawin ng mga buhay patungkol sa mga patay, gaya ng pagdarasal o anumang pag-aalay sa kanila ay wala silang anumang bahagi.  Lalong hindi naman makapapamagitan ang mga patay para sa mga buhay, sapagka’t “ang patay ay hindi pumupuri sa Panginoon ni sinumang nabababa sa katahimikan o sa libingan.” (Awit 115:17).  Maging si David na hari ng Israel ay hindi pa rin umakyat sa langit bagaman siya’y inaring banal  (Gawa 2:29, 34).

Namamatay ang kaluluwa
      Ngunit ang mga tagapagturo na nagsasabing ginanti na raw ang mga taong namatay, ay nagmamatuwid ng ganito:  Na di-umano ang mananatili raw sa libingan ay ang katawang lupa lamang, datapuwa’t ang kaluluwa raw ang umaakyat sa langit.  Kung ang tao kaya’y mamatay, ano ang nangyayari sa kaluluwa?  Sa Ezek. 18:4,  ganito ang patotoo ng Diyos:

     Narito, lahat ng kaluluwa ay akin; kung paano ang kaluluwa ng ama, gayon din ang kaluluwa ng anak ay akin: ang kaluluwa na nagkakasala ay mamamatay.

     Tiyak ang pahayag ng Diyos na ang kaluluwa na nagkakasala ay mamamatay.  Kaya kapag ang tao’y namatay, kasamang namamatay ang kanyang kaluluwa.  Kung ang namatay ay inilibing, saan kaya naroroon ang kaluluwa?  Ang kaluluwa ay dumidikit sa alabok (Awit 119:25, 26).  Dito’y may pagmamatuwid ang mga pari ng Iglesia Romana.  Ano ang kanilang pagmamatuwid?  Ang kaluluwa raw na mamamatay ay yaong sa mga nagkasala.  Iyan ay tama!  Ngunit ilan ba ang nagkasala?  Sa Roma 5:12 ay sinasabi ang ganito:

     “Kaya, kung paano na sa pamamagitan ng isang tao ay pumasok ang kasalanan sa sanglibutan, at ang kamataya'y sa pamamagitan ng kasalanan; at sa ganito'y ang kamatayan ay naranasan ng lahat ng mga tao, sapagka't ang lahat ay nangagkasala.

     Sapagka’t ayon sa talatang ito ng Biblia ang lahat ng tao’y nagkakasala, kaya ang lahat ng mga kaluluwa ng mga taong nagkakasala ay tiyak na mamamatay rin.

Iba ang kaluluwa sa espiritu
     Dahil sa talaga namang masuwayin sa Diyos ang mga tagapagturo ng maling pananampalataya, kaya isinisiksik na pilit ang kanilang mga maling aral.  Iyon daw kaluluwa ay siya ring espiritu, at ang espiritu ay siya ring kaluluwa.  Pagkatapos ay kukunin ang nasa Ecles. 12:7 na ang diwa o espiritu ay bumabalik sa Diyos.  Totoo ang nasa Ecles. 12:7, na ang diwa o espiritu ay bumabalik sa Diyos, datapuwa’t ang maling-mali ay ang pagtuturong ang espiritu’y siya ring kaluluwa.  Bakit?  Mayroon bang tiyak na pagtuturo ang Diyos sa pamamagitan ng mga Apostol na iba ang kaluluwa sa espiritu?

     Tunghayan natin ang talatang ito na ipinahayag ni Apostol Pablo sa I Tes. 5:23, ganito ang mababasa:

     At pakabanalin kayong lubos ng Dios din ng kapayapaan; at ang inyong espiritu at kaluluwa at katawan ay ingatang buo, na walang kapintasan sa pagparito ng ating Panginoong Jesucristo.

     Sa Heb. 4:12, ganito pa ang sabi:

     “Sapagka't ang salita ng Dios ay buhay, at mabisa, at matalas kay sa alin mang tabak na may dalawang talim, at bumabaon hanggang sa paghihiwalay ng kaluluwa at espiritu, ng mga kasukasuan at ng utak, at madaling kumilala ng mga pagiisip at mga haka ng puso.

     Diyan sa mga talatang iyan ay malinaw na iba nga ang espiritu sa kaluluwa.  Ang espiritu at ang kaluluwa ay dalawang magkaibang sangkap ng tao, sapagka’t malinaw na sinasabing ang tao’y may tatlong dakilang sangkap:  ang espiritu, kaluluwa at katawan, na dapat ingatang buo na walang kapintasan hanggang sa pagparito ni Cristo at dahil sa bisa ng salita ng Diyos ang espiritu at kaluluwa ay mapaghihiwalay.  Tunay nga na magkaibang bagay ang espiritu at kaluluwa.  Dahil dito, ang espiritu lamang ang bumabalik sa Diyos pagkamatay ng tao at ang kanyang kaluluwa ay dumidikit sa alabok hanggang sa panahon ng pagbabago sa ikalawang pagparito ni Cristo sa araw ng Paghuhukom.

     Kaya isang malaking pagdaraya sa mga tao ang pagpapanggap na may kaluluwang hinahango sa purgatoryo.  Iya’y isang malaking komersiyo ng mga bulaang ministro.  Pati mga kaluluwa ng mga tao’y kinakalakal.

Huwag kayong padaya. (Apoc. 18:13; II Pedro 2:3). 
___________________________________________________________

Basahin din:  [Mayroon Bang Purgatoryo?]


Bisitahin:  [Study IglesiaNi Cristo]

INDEX

 _________________________________________

Inaanyayahan ka naming dumalo
sa mga pagsamba ng
Iglesia ni Cristo.

________________________________________________________________________________
Bible Study Suggestion: If you have further questions, please feel free to visit the Iglesia ni Cristo congregation nearest you. A minister or an evangelical worker would be happy to answer any biblical question you have in mind. 
_______________________________________________________________________