Isang
Paanyaya Para Maging Lingkod Ng Diyos
Pangulong
Tudling
Pasugo
God’s Message
July
2012
Pages
31-32
Ang mundo sa kabuuan, ay larawan ng isang malungkot at
nakalulunos na trahedya—makikita rito sa araw-araw ang kahapisan, poot,
pagdurusa, kaguluhan, karamdaman, at kamatayan sa iba’t-ibang di-mailarawang
paraan. At walang ibang maaaring sisihin
ang tao sa mga pangyayaring ito kundi ang kaniyang sarili.
Ipinahayag ng
propetang si Isaias: “Ang lupain ay nagdurusa dahil sa kasalanan ng mga naninirahan
dito. Ang daigdig ay natutuyo, ang mga
pananim ay nalalanta… Ang lupain ay dinumhan ng krimen; binaluktot ng mga tao
ang batas ng Diyos at sinira ang Kaniyang walang hanggang mga utos. Kaya naman ang sumpa ng Diyos ay sumasa
kanila” (Isa. 24:4-6, Living
Bible, isinalin sa Filipino).
Tunay nga, sinira
ng tao ang mga banal na kautusan ng Diyos kaya siya naman ay tinakdaan ng hatol
na kamatayan (Rom. 5:12) na itinaan sa Araw ng Paghuhukom (Apoc. 21:8), maliban
na lamang kung matamo niya ang pagpapatawad ng Diyos. Ang Diyos ay pag-ibig. Kaya, upang ang tao ay makaligtas sa mabigat
na parusa dahil sa kaniyang kasalanan, buong pagkahabag na nagpanukala ang Diyos ng
paraan para ang tao’y
mapatawad nang
ayon sa itinuturo ng ebanghelyo.
Bagama’t totoong
hindi nakalulugod sa Diyos ang kapalaluan, kahalayan, pagmamataas, at
kahambugan ng tao, makikita pa rin ang Kaniyang habag nang Kaniyang isugo ang
Kaniyang Anak (Gawa 4:10-12) upang maging pampalubag-loob sa kasalanan ng
tao—na pumayag na mamatay sa krus upang matupad ang kalooban ng Diyos—na siyang
nagbibigay ng pagkakataon sa mga makasalanan upang muling makasundo ng Diyos.
Kaya, ano ang paanyaya ng Tagapaglitas sa lahat ng tao upang
makabahagi sa dakilang habag na ito ng Diyos? Ganito ang pahayag ng Panginoong
Jesucristo. “Ako
ang pintuan; ang sinomang taong pumasok sa akin, ay siya’y maliligtas, at
papasok at lalabas, at makasusumpong ng pastulan… Muli ngang sinabi sa kanila
ni Jesus, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ako ang pintuan ng mga
tupa” (Juan 10:9, 7).
Ang paanyaya ng
Tagapagligtas ay malinaw at magiliw: “pumasok sa Akin.”
Pansinin din ang paanyaya ay para
sa “sinoman” o kaninuman, na ang kahuluga’y para sa lahat—anumang nasyonalidad, kulay ng
balat, kalagayan sa lipunan o antas ng pinag-aralan. Tiyak din ang pangako sa tutugon: “siya’y maliligtas.”
Hindi magagawa ng
sinuman na literal na “pumasok kay Cristo yamang Siya ay nasa langit na at
nakaupo sa kanan ng Diyos (Awit 80:17). Ang pagtugon sa panawagang
ito ni Cristo ay sa pamamagitan ng pagsangkap o pag-anib sa Kaniyang katawan na
ito nga ay ang Iglesia (Col.
1:18), na ang pangalan ay Iglesia ni Cristo (Gawa 20:28, Lamsa Translation). Ang
nakatugon sa Kaniyang panawagang ito na umanib sa Iglesia ni Cristo ang tunay na nakinabang sa Kaniyang kamatayan.
Tandaan na ang
pagkabuhos ng dugo ang kahayagan na ang parusang nakalaan para sa kasalanan ay
nabayaran na; isang buhay ang isinakripisyo alang-alang sa buhay ng mga
makasalanan bilang pagtugon sa paraang itinakda ng Diyos upang mapawalang-sala
ang tao. Walang kapangyarihan ni
karapatan ang tao na baguhin ang itinuturo ng Biblia ukol sa paraan ng
pagtatamo ng kaligtasan.
Subalit bakit sa Iglesia ni Cristo dapat umanib ang tao upang
maligtas? Ayon sa talinghaga ng Panginoong Jesucristo, sa ano itinulad ang kaharian
ng langit o ang Iglesia ni Cristo? Ganito ang isinasaad ng talinghaga: “At sumagot si
Jesus at muling pinagsalitaan sila sa mga talinghaga, na sinasabi, Tulad ang
kaharian ng langit sa isang hari na naghanda ng piging ng kasalan ng kaniyang
anak na lalake, At sinugo ang kaniyang mga alipin upang tawagin ang mga
inanyayahan sa piging ng kasalan: at
sila’y ayaw magsidalo” (Mat. 22:1-3).
Ang kaharian ng
langit ay inihalintulad sa isang hari na naghanda ng magarbong piging para sa
kasal ng kaniyang anak na lalake. Hindi
matututulang ang tinutukoy na Anak ay ang Panginoong Jesucristo. Nakalulungkot, subalit may binabanggit din
ang talinghaga na mga taong walang interes na tugunin ang paanyaya. Maraming panauhin ang inanyayahan—nagsugo pa
nga ng mga alipin ang hari upang sabihan ang mga inanyayahan na panahon na para
dumalo sa piging—subalit lahat sila ay nagsitanggi.
Paano ito nakakahalintulad ng ating daigdig sa kasalukuyan? Isinugo ng Diyos ang Kaniyang mga
lingkod—mga
sugo sa pangalan ni Cristo (II Cor. 5:18-20)—upang akitin ang mga tao na magsisi, sa maaabot ng kanilang
pangngaral. Marapat lamang na tugunin ng
tao ang paanyaya, ngunit lubhang nakalulungkot na sa maraming pagkakataon, ang
mga sinugo ay binabalewala. Ang pagiging
abala ukol sa mga pakinabang na panlaman ay nagiging hadlang sa marami upang
tumugon sa paanyaya ng Diyos. Kadalasan,
ang mas
pinipili ng mga tao na
hanapin ay ang karangyaan ng buhay dito sa mundo.
Naging masyadong
abala ang mga tao sa kanilang makalupang gawain at hanapbuhay para mapakinggan
ang mensahe ukol sa kaligtasan—kaya ang paanyaya ay winawalang-halaga
nila. Sadya man o hindi, marami ang tumatangging pakinggan ang alok ng Diyos dahil sa
kanilang kawalan ng interes at hayagang paghihimagsik sa Diyos na kahit
nalalaman nilang lubos ang Kaniyang kalooban (I Tim. 2:3-4) ay tinatanggihan pa
rin ang kasaganaan ng Kaniyang kahabagan.
Ang iba naman,
dahil hindi nila nakilala ang katuwiran ng Diyos ay nagtayo ng sarili nilang
katuwiran, gaya
ng patotoo ni Apostol Pablo: “Sapagka’t sila’y pinatotohanan ko na may mga pagmamalasakit
sa Dios, datapuwa’t hindi ayon sa pagkakilala.
Sapagka’t sa hindi nila pagkaalam ng katuwiran ng Dios, at sa
pagsusumakit na maitayo ang sariling kanila, ay hindi sila napasakop sa
katuwiran ng Dios” (Rom.
10:2-3).
Ito ang hayagang
ginagawa ng mga tao sa kasalukuyan—naghahangad ng kaligtasan ngunit ang
kanilang paraan para ito matamo ay taliwas sa itinuturo ng mga Banal na Kasulatan.
Maaari silang magkunwari, subalit hindi nila makikita ang katuparan ng
kanilang pag-asa—sapagkat ang Diyos ay hindi maaaring linlangin.
Ang iba naman ay
ipagpaparangalan ang kanilang mga gawa sa Panginoong Jesus sa pag-asang sila ay
Kaniyang tatanggapin, gayunma’y hindi sila kikilalanin bagkus ay itataboy pa, gaya ng sinabi mismo ng
Tagapagligtas: “Hindi
lahat ng mga wari’y relihiyoso ay totoo ngang mga taong banal. Maaaring tinatawag nila Akong ‘Panginoon,’
ngunit hindi pa rin sila mapupunta sa langit.
Sapagkat ang napakahalagang tanong ay kung sinusunod nila ang Aking Ama
na nasa langit. Sa paghuhukom, maraming
magsasabi sa Akin, ‘Panginoon, ipinahayag namin sa iba ang tungkol sa Iyo at
ginamit ang Iyong pangalan sa pagpapalayas ng mga demonyo at paggawa ng marami
pang ibang dakilang himala. Ngunit
sasagot Ako, ‘Kailanman ay hindi kayo naging Akin. Lumayas kayo, sapagkat masasama ang inyong
mga gawa” (Mat 7:21-23, isinalin mula sa Living Bible).
Hindi lahat ng wari’y
relihiyoso ay tunay ngang maka-Diyos, ayon sa Panginoong Jesus. Oo nga’t tinatawag nila Siya na Panginoon,
subalit hindi pa rin sila makapapasok sa langit sapagkat ang hindi nila
sinusunod ay ang kalooban ng Amang nasa langit.
Tangi rito, marami ang nag-aakala na dahil sila diumano ay mabubuting
magulang sa kanilang mga anak o kaya naman ay mabubuting kapitbahay, ang gayong
mga gawa ay ibibilang nang kanilang kabanalan sa paningin ng Diyos. Ang totoo, maaaring buong taimtim na sinusunod ng iba ang tinatawag
na “golden
rule” na nagsasaad na huwag gawin ng tao sa
iba ang ayaw niyang gawin nila sa kaniya (batay sa Mat. 7:12), gayunma’y hindi pa rin sila kabilang
sa mga lingkod na hinirang ng Diyos. Ang pagtanggap ng
lipunan ay hindi nangangahulugang katanggap-tanggap ito sa Diyos.
Mayroon din
namang nagsisikap magtamo ng kaligtasan sa pamamagitan lamang ng pagpapahayag
ng kanilang pananampalataya ngunit wala namang kalakip na gawa na nagpapatunay
dito, gaya ng itinuro ni Apostol Santiago : “Anong
pakikinabangin, mga kapatid ko, kung sinasabi ng sinoman na siya’y may
pananampalataya, nguni’t walang mga gawa? Makapagliligtas baga sa kaniya ang
pananampalatayang iyan?... Gayon din naman ang pananampalataya na walang mga
gawa, ay patay sa kaniyang sarili… Ikaw ay sumasampalataya na ang Dios ay
iisa: mabuti ang iyong ginagawa: ang mga demonio man ay sumasampalataya, at
nagsisipanginig” (Sant. 2:14, 17, 19).
Malinaw ang
pasiya sa sinumang nag-aangking may pananampalataya at diumano’y Cristiano
ngunit hindi naman pinatutunayan sa gawa—ang gayong uri ng pananampalataya ay
hindi makapagliligtas. Ang gayong
pananampalataya ay patay at walang silbi.
Ang mga gawang pagsunod ay kailangan upang patunayan ng isang tao ang
kaniyang pananampalataya. Kaya, ang
pananampalatayang hindi pinatutunayan ng mabubuting gawa ay hindi tunay na
pananampalataya—bakus ay walang kabuluhan.
Ang
tunay na pananampalataya kay Cristo ay ang pananampalatayang may kalakip na
“pagtalima” (Rom.
1:5). Ang sumasampalataya, tumatalima,
at nabubuhay nang matuwid—ang mga tunay na hinirang ng Diyos.
Subalit dapat
itimo sa isipan at puso ng bawat isa na ang pagiging hinirang ay hindi lamang
isang pribilehiyo kundi isa ring pananagutan.
Ito ay napakahalaga mula pa sa pasimula:
“Kundi ang bagay na ito ang iniutos ko sa
kanila, na aking sinasabi, Inyong dinggin ang aking tinig, at ako’y magiging
inyong Dios, at kayo’y aking magiging bayan…sa ikabubuti ninyo” (Jer.
7:23)
Tunay ngang ang
pagiging hinirang ay may kaakibat na pananagutan at mga pagpapala, gaya ng inilarawan ng
tipan ng Diyos na nakasulat sa Biblia.
Ang mga sumasampalataya na tumanggap sa paanyaya ng Diyos at naging mga
sangkap ng katawan ni Cristo—ang Iglesia
ni Cristo—ay makakabilang sa mga pinili o hinirang ng Diyos (I Ped. 2:9-10)
na magtatamo ng Kaniyang habag at kaligtasan sa Araw ng paghuhukom, upang
makasalo sa piging kapiling ng Panginoong Jesus sa Kaniyang banal na
kaharian.*****
--RICHARD J. RODAS
Editor-in-Chief
_______________________________________________
Basahin din:
Bisitahin:
_____________________________________________________________________________________