Miyerkules, Agosto 22, 2012

Ang Pinatutunayan Na Tanging May Kaligtasan


Ang Pinatutunayan Na
Tanging May Kaligtasan

Ni INOCENCIO J. SANTIAGO




     Ang mga nakatatag na relihiyon ngayon ay nagsisipag-angkin na sila ang maliligtas.  Ngunit kung ating susuriin ang kanilang mga aral at mga gawain ay kasalungat at hindi naaayon sa itinuturo ng Biblia.  Ang gayong pag-aangkin ay kalaban ng katotohanan.

     Ang dapat pag-ukulan ng pagsusuri ay kung katotohanan o hindi ang sinasampalatayanan ng mga kaanib sa Iglesia ni Cristo na ang Iglesiang ito ang ililigtas ni Cristo.  Hindi kaya ito pag-aangkin lamang tulad ng pag-aangkin ng ibang relihiyon?

     Sinu-sino ang mga nagpapatotoo na ang Iglesia ni Cristo lamang ang may kaligtasan?  Sa Juan 10:9 ay ganito ang mababasa:

     “Ako ang pintuan; sinumang pumasok sa loob ng kawan sa pamamagitan ko ay magiging ligtas.” (Revised English Bible, isinalin mula sa Ingles)

     Dito ay may binabanggit na kawan na kinapalooban ng pumasok kay Cristo.  Sila ay pinangakuang maliligtas.  Alin ang kawan na tinutukoy?  Sa Gawa 20:28:

     “Ingatan ninyo kung gayon ang inyong mga sarili at ang buong kawan na rito’y hinirang kayo ng Espiritu Santo na mga katiwala, upang pakanin ang iglesia ni Cristo na binili niya ng kaniyang dugo.” (Lamsa, isinalin mula sa Ingles)

     Ang kawan ay ang Iglesia ni CristoAno ang garantiya ni Cristo sa Iglesia na itinayo Niya?  Sa Mateo 16:18 ay ganito ang sinasabi:

     “At sinasabi ko naman sa iyo, ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesya, at hindi makapananaig sa kanya kahit ang kapangyarihan ng kamatayan.” (Magandang Balita Biblia)

     Ang Tagapagligtas mismo ang nagpapatotoo na ang Kaniyang Iglesia ang maliligtas.  Sinabi ni Cristo na hindi ito pananaigan kahit ng kapangyarihan ng kamatayan.  Dahil dito, kailangan ng tao ang Iglesia.

     Sino pa ang nagpapatotoo na ang Iglesia ni Cristo ang maliligtas?  Si Apostol Pablo.  Pinatunayan sa unang bahagi nito na ang binili ng dugo ni Cristo ay ang Iglesia ni CristoSa ano tiyak na maliligtas ang mga napawalang-sala sa pamamagitan ng dugo ni Cristo, ayon kay Apostol Pablo?  Sa Roma 5:8-9 ay ganito ang mababasa:

     “Ngunit ipinadama ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin nang mamatay si Cristo para sa atin noong tayo’y makasalanan pa.

     “At ngayong napawalang-sala na tayo sa pamamagitan ng kanyang dugo, lalo nang tiyak na maliligtas tayo sa poot ng Diyos sa pamamagitan niya.” (Ibid.)

     Pinatutunayan din ng apostol na si Pablo na ang Iglesia ni Cristo ang maliligtas sa poot ng Diyos.  Sino, higit sa lahat ang nagpapatotoo na nasa Iglesia ang maliligtas?  Ganito naman ang sinasabi sa Gawa 2:47:

     “Na nagpupuri sa Diyos, at nagtatamo ng kagandahang-loob ng lahat ng tao. At idinaragdag ng Panginoon sa iglesia araw-araw yaong mga dapat maligtas.” (King James Version, isinalin mula sa Ingles)

     Ang Diyos mismo ang nagpapatotoo sa Iglesia; Siya mismo ang naglalagay sa Iglesia ng mga taong maliligtas.

     Tunghayan naman natin ang mga patotoo ng mga tagapagturo ng iba’t-ibang relihiyon.  Unahin natin ang patotoo ng mga tagapagturo ng Iglesia Katolika.  Ganito ang pahayag ng isang naging papa ng Iglesia Katolika:

     “…ang Iglesia ni Cristo, na siyang may banal na pagkakatatag sa kapakanan ng mga kaluluwa at ng walang hanggang kaligtasan…” (Papal Encyclicals, p. 153, isinalin mula sa Ingles)

     Ang papa mismo ng Iglesia Katolika ang nagpapatotoo na kaya itinatag ni  Cristo ang Iglesia ni Cristo ay para sa kaligtasan ng tao.

     Sa isa pang aklat-Katoliko na may pamagat na Religion:  Doctrine and Practice na isinulat ni Fracis B. Cassilly ay ganito pa ang sinasabi:

     “Ang iglesiang ito, na itinatag at binalangkas ni Cristo at ipinangaral ng mga Apostol, ay ang Iglesia ni Cristo,…ito lamang ang tunay na Iglesia, at siyang ipinag-uutos ng Diyos na aniban ng lahat ng tao.” (pp. 444, isinalin mula sa Ingles)

     Ayon kay G. Francis B. Cassilly, ang Iglesia ni Cristo ay itinatag ni Cristo at ipinangaral ng mga apostol.  Ito ang ipinag-utos ng Diyos na aniban ng lahat ng mga tao.  Kaya mahalaga ang Iglesia ni Cristo at ito’y kailangan ng lahat sa ikaliligtas.

     Maliligtas ba ang tumangging pumasok sa Iglesia ni Cristo?  Ganito ang pahayag ng isang paring Katoliko:

     “…ang Iglesia ni Cristo ngayon sa kalagayan, sa kapangyarihan, sa aral ay dapat maging katulad ng kaniyang dating kalagayan nang ito ay maglingkod sa mga tao sa pamamagitan ng labindalawang Apostol.  Sa Iglesiang ito ang lahat ay nananagot na umanib upang maligtas.  Yaong mga taong sa pamamagitan ng kanilang lubhang kapabayaan ay hindi  nakilala ang Iglesia, o nakilala man ito, ngunit tumangging umanib dito, ay hindi maliligtas.” (Father Smith Instructs Jackson, pp.35-36, isinalin mula sa Ingles)

     Maliwanag ang pahayag ng paring si John Francis Noll, na mahalaga ang Iglesia ni Cristo.  Ayon sa kaniya, obligadong umanib ang lahat sa Iglesiang ito.  Sinumang tumangging umanib dito ay hindi maliligtas.

     Ang mga Protestante man ay may patotoo rin na ang Iglesia ni Cristo ang maliligtas.  Tunghayan natin ang kanilang pahayag:

     “Ang Iglesia ay ang katawan ni Cristo, at si Cristo ang Tagapagligtas ng katawan; kung gayon lahat ng maliligtas ay ang nasa katawang iyon, at sa labas ng katawang iyon ay walang kaligtasan.

     “…Ang Iglesia ni Cristo ay nangangahulugang yaong mga naligtas magpakailanman sa pamamagitan ng Kaniyang biyaya…”

     “…Ikaw ba ay nasa Iglesia ni Cristo?  Ikaw ba ay miyembro ng Kaniyang Iglesia?  Ito ay isang dakilang pribilehiyo.  Ang Iglesia ang siyang babaing Kaniyang iniibig at ganap na inayos.  Ang Iglesia ang Kaniyang katawan na kaniyang binubuhay at minamahal.  Ang Iglesia ang Kaniyang templo na kung saan pinupuno Niya ng Kaniyang Banal na Espiritu.  Ang pintuan ng impiyerno ay hindi makapananaig laban dito.  Isang dakilang pribilehiyo ang maging miyembro ng Iglesia ni Cristo… Ang paraan upang mapaanib sa Iglesia ni Cristo ay ang pag-anib kay Cristo.” (A Time to Unite, pp. 31, 25, 27, isinalin mula sa Ingles)

     Pinatutunayan ng mga Protestante na mahalaga ang Iglesia ni Cristo, sapagkat ang Iglesia ang katawan ni Cristo at sa labas ng katawang iyon ay walang kaligtasan.  Pinatutunayan din nila na ang Iglesia ni Cristo ay hindi pananaigan ng pintuan ng impiyerno.  Isa raw dakilang pribilehiyo ang maging kaanib sa Iglesia ni Cristo.  Dahil dito ang sinumang pumasok sa Iglesia ni Cristo ay tiyak na maliligtas. 

     Tanungin naman natin ang mga Sabadista.  Sino ang pinatutunayan nila na maliligtas?  Basahin natin ang kanilang aklat at ganito ang sinasabi:

     “Ang Iglesiya ni Kristo ay siyang hinirang ng Diyos upang gamitin sa pagliligtas sa mga tao.” (Paglapit kay Cristo, p. 111)

     Ayon kay Gng. Ellen G. White, ang Iglesia ni Cristo ang hinirang ng Diyos upang gamitin sa pagliligtas  sa mga tao.

     Ano naman ang patotoo ng mga Saksi ni Jehovah?  Basahin natin sa kanilang aklat:

     “…Sapagkat ang mga kasapi sa katawang-iglesia ni Cristo ay ‘itinatanim na katawang-ukol sa lupa; binubuhay na mag-uli na katawang ukol sa espiritu’, ang pagkabuhay na mag-uli ng mga natutulog na yaon ay sa buhay espiritu.” (Ang Katotohanan Ang Magpapalaya Sa Inyo, p. 300)

     Lumilitaw ayon sa mga patotoo na nakasulat sa mga aklat na ating nabasa ay walang Katoliko, Protestante, Sabadista, at Saksi ni Jehovah na maliligtas.  Sapagkat ayon sa kanila, ang Iglesia ni Cristo ang maliligtas.

     Sinasabi ng iba’t ibang tagapangaral na ang Iglesia ni Cristo ay ang lahat ng taong sumasampalataya kay Cristo kahit sa alimang relihiyon kaanib.  Totoo ba iyon?  Basahin naman natin ngayon ang Smith’s Bible Dictionary:

     “Dito ay nakikita natin kung ano ang bumubuo sa pagkakaisa ng iglesia sa isipan ng mga apostol… Ang iglesia kung gayon, sa panahong ito ay isang katawan (o pulutong) ng mga bautisadong lalake at babae na sumasampalataya kay Jesus bilang Cristo… Ano ang bumubo sa katawang ito?  Sa gabi ng araw ng pentecostes, ang tatlong libo, isang daan at apat na pung miyembrong bumubuo dito ay ang (1) mga Apostol (2) mga unang alagad; (3) mga nagbalik-loob.  Sa panahong ito ang Iglesia ay hindi lamang halos kundi talagang iisang kongregasyon.” (pp. 109-110, isinalin mula sa Ingles)

     Malinaw na sinasabi rito na ang sumasampalataya kay Cristo ay nasa iisang organisasyon lamang.  Ano raw ang dapat maging katangian ng iisang Iglesia ni Cristo?  Basahin natin ang isang lathalaing Protestante na ganito ang sinasabi:

     “Sa pagpihit ng siglong ito, isinulat ng teologong si John Murray:  ‘Dapat ay magkaroon ng iisa lamang Iglesia Criatiana sa buong mundo, ang Iglesia ni Cristo, iisa sa doktrina, iisa sa pagsamba, iisa sa pamamahala, iisa sa disiplina’.” (Monthly Moody, p.28, isinalin mula sa Ingles)

     Ayon sa ating nabasa ay dapat magkaroon ng iisa lamang na Iglesia Cristiana sa buong mundo, ang Iglesia ni Cristo, iisa sa doktrina, iisa sa pagsamba, iisa sa pamamahala, at iisa sa disiplina.  Ito ang dapat maging katangian ng tunay na Iglesia.

     Ganito ba ang mga Iglesiang Protestante?  Sa pahina 28 ay ganito ang sinasabi:

     “Minarkahan ng pagkakabaha-bahagi at ng duplikasyon, ang mga kasalukuyang iglesia ay bahagya ng makahawig ng unang siglong huwaran [iglesia noong unang siglo].” (Ibid.)

     Bahagya na raw mahawig sa unang siglong huwaran ang Protestantismo.  Bakit?  Gaano karami na ba ang pangkating Protestante?  Ituloy pa natin ang pagbasa sa pahina 28:

     “Sa pamamagitan ng 20,800 denominasyon sa mundo, na dinagdagan pa ng mahigit na 15,000 bukod na ahensiyang pang-iglesia, tayo ay mayroong ‘isang bagay para sa bawa’t isa’, ang karnabal sa pagitan ng Cristianismo.  Subalit ang paligsahan sa mga tanghalan ng karnabal na ito ay hindi nakalilibang.” (ibid.)

     Ang mga Protestante ay bumibilang na 20,800 at 15,000 pangkatin ay nagkabaha-bahagi, hiwa-hiwalay, at hindi iisang organisasyon.  Kaya itanong natin sa Biblia, sa Diyos ba ang mga baha-bahagi at pangkat-pangkat?  Sa Santiago 3:14-15 ay ganito naman ang sinasabi:

     “Nguni't kung kayo'y mayroong mapapait na paninibugho at pagkakampikampi sa inyong puso, ay huwag ninyong ipagmapuri at huwag magsinungaling laban sa katotohanan.

Hindi ito ang karunungang bumababa mula sa itaas, kundi ang nauukol sa lupa, sa laman, sa diablo.

     Kung gayon, ayon sa Biblia, ang nagkakabaha-bahagi o pangkat-pangkat ay hindi kay Cristo, hindi sa Diyos kundi sa Diablo.  Ganito ang mga Protestante ayon na rin sa kanila.  Baha-bahagi at nasa iba’t ibang pangkat, wala sa iisang organisasyon.  Kaya tiyak na walang kaligtasan.

Ang Iglesia ni Cristo ngayon
     Tinatanggap nila na totoo ang Iglesia ni Cristo noong unang siglo, ngunit ang Iglesia ni Cristo na lumitaw dito sa Pilipinas ay hindi nila matanggap.  Sinu-sino ang mga nagpapatotoo sa Iglesia ni Cristo sa huling araw?  Ating babasahin ang Juan 10:16:

     May iba pa Akong mga tupa, na wala pa sa kulungang ito.  Kailangang dalhin Ko rin sila rito.  Makikinig sila sa Akin, kaya’t magiging isang kawan na lamang silang lahat, at iisa ang kanilang Pastol.” (Salita ng Buhay

     Sino ang nagpapatotoo sa Iglesia ni Cristo sa huling araw?  Ang ating Panginoong Jesucristo.  Sinabi Niyang mayroon pa Siyang ibang mga tupa na wala sa kulungan noon.  Sila’y dapat din Niyang dalhin upang maging isang kawan, at magkaroon ng isang pastol.

     Kailan itinakda na ang ibang mga tupa ni Cristo ay maging isang kawan?  Sa isang salin naman ng Bagong Tipan, ang Easy-to-Read New Testament ay ganito ang sinasabi sa Juan 10:16, sa wikang Pilipino:

“At mayroon
pa akong
ibang mga tupa.
Sila ay wala
sa kawang narito.
Akin din silang
pangungunahan.
Sila’y makikinig
sa aking tinig.
Sa hinaharap
ay magkakaroon
ng isang kawan
at isang pastor.”

     Sa hinaharap ay magkakaroon ng isang kawan at isang pastor.  Ang tinutukoy dito ay ang Iglesia ni Cristo sa mga huling araw.  Ito ang patotoo ni Cristo.

     Hinulaan din ba ng mga apostol ang Iglesia ni Cristo sa huling araw?  Sa Gawa 2:39 ganito naman ang nakasulat:

     “Sapagkat sa inyo ang pangako, at sa inyong mga anak, at sa lahat ng nasa malayong mga panahon at mga dako, maging ilan man ang tawagin ng Panginoon nating Diyos.” (Rieu, isinalin mula sa Ingles)

     Ito naman ang patotoo ng mga apostol, na sa malayong mga panahon at sa malayong mga dako ay mayroong tatawagin ang Diyos na kasama sa mga pinangakuan ng Espiritu Santo.  Ang naunang grupo (sa inyo) na may pangako ay ang mga Judio na nata-wag sa Iglesia sa panahon ni Cristo; ikalawa’y ang mga Gentil (sa inyong mga anak) na natawag sa panahon ng mga apostol; at ang ikatlo’y ang mga tatawagin ng Diyos mula sa malayong mga panahon at mga dako.  Ito ang Iglesia ni Cristo na lumitaw sa mga wakas ng lupa (1914) sa Malayong Silangan o Pilipinas.

     Ano naman ang patotoo ng Diyos mismo sa Iglesia ni Cristo sa huling araw?  Basahin natin ang Isaias 43:5-6:

     “Huwag kang matakot, sapagka't ako'y sumasaiyo: aking dadalhin ang iyong lahi mula sa silanganan, at pipisanin kita mula sa kalunuran;

     “Aking sasabihin sa hilagaan, Bayaan mo, at sa timugan, Huwag mong pigilin; dalhin mo rito ang aking mga anak na lalake na mula sa malayo, at ang aking mga anak na babae na mula sa wakas ng lupa.

Sinabi ng
Diyos na
sa Malayong Silangan,
sa mga wakas
ng lupa,
ay tatawagin
Niya ang
Kaniyang mga
anak na
lalake at
babae.

     Aling Silangan ang pagmumulan ng mga hinuhulaan dito na mga anak ng Diyos na lalake at babae?

     “Huwag kang matakot, Ako’y kasama mo, Mula sa dulong silangan hanggang sa kanluran.  Ay titipunin ko kayo At ibabalik sa dating tahanan.” (MB)

     Ang Pilipinas ang Malayong Silangan.  Dito sa Pilipinas natupad ang hulang ito ng Diyos.  Dito bumangon ang Iglesia ni Cristo na kinikilala ng Diyos na Kaniyang mga anak na lalake at babae sa pamamagitan ng Kaniyang pagsusugo kay Kapatid na Felix Y. Manalo.@@@@@

Pasugo God’s Message, September 1994. pp. 10-13
________________________________________________
Basahin din:
____________________________________________________________________________________

Bisitahin:
 [Study Iglesia NiCristo]

 INDEX

____________________________________________________________________________________