Huwag Tayong Padaya
Kaninuman
Iba’t
ibang pamamaraan ang ginagamit ng mga bulaang tagapangaral sa panlilinlang ng
kapuwa. Upang hindi nila tayo mabiktima,
mahalagang kilalanin natin kung sino sila at kung paano nila inaakit ang mga
mapaniwalain na sumunod sa kanila.
Ganito inilalarawan ng Biblia ang mga huwad ng propeta:
‘Ako’y
nanaginip’
Sinasabi ng mga nagpapanggap na propeta na
napakita raw sa kanila ang Diyos at sila’y kinausap sa panaginip o
pangitain. Noon pa man, nagbabala na ang
Diyos ukol sa mga gayon:
“Narinig ko ang sinasabi ng mga propetang
nagpapahayag ng kasinunglingan sa aking pangalan. Ang sabi nila, ‘Mayroon akong panaginip! Ako’y nanaginip!’” (Jer. 23:25, New Pilipino
Version)
Di nga ba’t ganito rin ang sinasabi ng mga
nagpapakilalang propeta ngayon?
Nanghuhula sila at sinasabi kung ano ang mangyayari sa hinaharap
sapagkat diumano’y nakausap daw nila ang Diyos sa kanilang panaginip. Subalit tiniyak ng Diyos na ang pag-asang
kanilang iniaalok ay huwad at walang katuturan:
“… ‘Huwag ninyong pakikinggan ang anumang
ipinapahayag sa inyo ng mga propeta; binubusog lamang nila kayo ng huwad na
pag-asa. Nagsasalita sila ng mga
pangitain mula sa sariling kathang-isip, hindi mula sa bibig ng PANGINOON’.”
(Jer. 23:16, Ibid.)
Mag-ingat tayo sa mga bulaang propeta at
sa kanilang maririkit na pangungusap.
Huwag tayong paaakit sa kanilang matatamis na pangako, katulad ng
pagyaman, sapagkat ang mga ito’y pawang kasinungalingan at magbubulid sa atin
sa kapahamakan:
“Tunay na laban ako sa mga nagpapahayag ng
huwad na pangitain’, pahayag ng PANGINOON.
‘Sinasabi nila ito at inililigaw ang aking bayan sa pamamagitan ng
walang pakundangan nilang pagsisinungaling bagaman hindi ko sila sinusugo ni
hinihirang. Hindi sila nakatutulong sa
mga tao kahit kaunti’, pahayag ng PANGINOON.” (Jer. 23:32, Ibid.)
‘Sa
pangalan ni Jesus’
Ang isa pa sa mga paraan ng mga bulaang
propeta upang makahikayat ay ang paggamit ng pangalan ni Jesucristo sa
pagpapagaling ng maysakit, pagpapalayas ng masamang espiritu, at paggawa ng mga
milagro. May ibinabala tungkol dito ang
Panginoong Jesucristo:
“Sa huling araw, marami ang magsasabi,
‘Panginoon, Panginoon, nanghula kami sa pangalan mo, nagpalayas ng mga demonyo
at gumawa ng mga kababalaghan’.
Sasabihin ko naman sa kanila, ‘Lumayas kayo sa harapan ko, mga
manggagawa ng katampalasanan! Hindi ko
kayo nakikilala’.” (Mat. 7:22-23, NPV)
Inaakala ng marami na dahil sa ang isang
tagapangaral ay nakagagawa ng mga himala sa pangalan ni Cristo, ay
nangangahulugan nang siya’y sugo ng Diyos.
Ngunit hindi ito ang wastong panukat.
Ang kakayahang makagawa ng himala ay hindi katunayan ng pagiging sa
Diyos. Ang Diablo man ay nakagagawa rin
ng mga himala:
“Lilitaw ang Suwail na taglay ang
kapangyarihan ni Satanas. Gagawa siya ng
lahat ng uri ng himala at nakalilinlang na tanda at kababalaghan. At gagamit siya ng lahat ng uri ng pandaraya
sa mga mapapahamak—mga taong maliligtas sana
kung kanilang tinanggap at inibig ang katotohanan.” (IITes. 2:9-10, Magandang
Balita Biblia)
Kaya hindi lahat ng kababalaghan ay mula
sa Diyos at hindi lahat ng gumagawa ng himala ay sinugo Niya. Ang mga himala, tanda, at kababalaghan ay
ginagamit ding kasangkapan ni Satanas upang dayain ang mga tao sa mga huling
araw na ito. Kaya, hindi dahil sa ang
isang tao’y nakagagawa ng mga himala’t kababalaghan ay tunay na siyang
tagapangaral.
‘Bakit
parang totoo?’
Ang iba’y naiiyak pa habang nagpapatotoo
kung paanong sila’y napagaling sa sakit o kaya’y umunlad ang kanilang kabuhayan
sa bisa ng himala ng mga kinikilala nilang tagapangaral. Subalit kahit na mangyari pa ang mga bagay na
ito, hindi pa rin tayo dapat na maniwala agad sa mga mangangaral na diumano’y
gumawa nito. Sa Biblia ay sinasabi:
“Kung may lilitaw sa inyo na isang propeta
na nagbibigay kahulugan sa mga panaginip at nagpapahayag sa inyo ng isang
kahanga-hangang tanda o kababalaghan, at kung mangyari nga ang tanda o
kababalaghang binanggit niya, at sasabihin, ‘Sumunod tayo sa ibang mga dios’,
(mga dios na hindi ninyo kilala)’ at sambahin natin sila’, huwag kayong
makikinig sa propeta o taga-pagbigay kahulugan sa panaginip. Sinusubok lang kayo ng PANGINOON ninyong Dios
para malaman kung iniibig ninyo siya nang buong puso at buong kaluluwa.” (Deut.
13:1-3, NPV)
Upang matiyak natin kung ang isang tanda o
himala ay sa Diyos o hindi, marapat muna nating suriin kung saan tayo dadalhin
ng mga ito. Magkatotoo man ang pangitain
ng mga bulaang propeta at matupad man ang mga tanda o kababalaghang kanilang
ginawa, ngunit dinadala naman tayo nito sa pagsamba sa mga rebulto o
diyus-diyusan, ang mga himalang iyon ay hindi sa Diyos. Hindi ba’t ganito ang mga himalang diumano’y
nagaganap ngayon? Sa likod ng mga
nagpapagaling at panghuhula ng mga nagpapanggap na mangangaral ay mga rebulto
at larawang niluluhuran, dinadasalan, at sinasamba.
Ang tumatangging kilalanin ang Diyos at
sumusuway sa Kaniyang mga utos ay tiyak na hahantong sa walang hanggang
kaparusahan (II Tes. 1:8-9). Kaya,
manindigan tayo at huwag pumayag na madaya ninuman sa anumang paraan.*****
***
Ano kaya’t niloko ka ng
kasosyo mo sa negosyo at kinupit
ang bahagi mo sa kita; o, pinag-
nakawan ka ng iyong katulong sa
bahay; o kaya’y ang alahas na
ipinagbili sa iyo nang napakamahal
ay peke pala?
Ayaw nating mangyari ang
alinman sa mga ito sa atin. Masakit
ang malinlang ng kapuwa lalo na
ng mga taong ating pinagtiwalaan
at inasahang gagawa ng mabuti sa
atin.
Ngunit hindi lamang sa larangan
ng negosyo o kalakalan laganap
ang pandaraya. Sa ating panahon,
napakaraming mga bulaang
tagapangaral ng relihiyon na nag-
aangking sila’y may pambihirang
kapangyarihan, nag-aalok ng
material na pakinabang, pagpa-
pagaling sa karamdaman, at pag-
unlad ng kabuhayan.
Dapat din tayong mag-ingat sa
kanila, sapagkat higit sa alinmang
bagay, ang nakataya rito ay ang
kaligtasan ng ating kaluluwa.
***
Panghawakan ang katotohanan
Ang pinakamabuting pananggalang sa anumang
uri ng pandaraya ay ang katotohanan.
Ayon kay Apostol Pablo, kaya nalinlang at napahamak ang iba ay dahil sa
hindi nila tinanggap at inibig ang katotohanan (II Tes. 2:10).
Kaya, dapat tayong manghawak sa
katotohanan o sa mga salita ng Diyos na nakasulat sa Biblia upang huwag tayong
madaya ng mga bulaang tagapangaral ng relihiyon. Lagi nating alalahanin ang itinagubilin ng
mga apostol:
“Kayo’y magsipag-ingat, baka sa inyo’y may
bumihag sa pamamagitan ng kaniyang pilosopiya at walang kabuluhang pagdaraya,
ayon sa sali’t saling sabi ng mga tao, ayon sa mga pasimulang aral ng
sanglibutan, at di ayon kay Cristo.” (Col. 2:8)
____________________________________
Ang polyetong ito ay
nanggaling kay:
BAGWIS NG AGILA
Inaanyayahan ka
naming dumalo
sa mga pagsamba ng
Iglesia ni Cristo.
Inilathala ng Iglesia
ni Cristo
Patnugutan: Iglesia ni Cristo Central Office
Lungsod ng Quezon
1107 Pilipinas
__________________________________
Pamphlets: Pasugo God’s Message
___________________________________
________________________________________________
Bible Study Suggestion: If you have further questions, please feel free to visit the Iglesia ni Cristo congregation nearest you. A minister or an evangelical worker would be happy to answer any biblical question you have in mind.
_____________________________________________________________________
___________________________________
Basahin din:
Bisitahin:
________________________________________________
Bible Study Suggestion: If you have further questions, please feel free to visit the Iglesia ni Cristo congregation nearest you. A minister or an evangelical worker would be happy to answer any biblical question you have in mind.
_____________________________________________________________________