Miyerkules, Agosto 22, 2012

IGLESIA: Gaano Kahalaga Para Sa Kaligtasan?


Iglesia:  Gaano kahalaga para
Sa kaligtasan?

“Na nagpupuri sa Diyos,
at tumatanggap
ng paglingap sa mga tao.
at idinaragdag ng
Panginoon
sa iglesia araw-araw
ang mga nararapat
maligtas.”

Ni ROGELIO E. MALLARI



     Nakatatawag-pansin ang sinabi ng isang pastor na Protestante sa sinulat niyang aklat na pinamagatang Ang Pananampalataya Nating Mga Protetante na ganito ang isinasaad:

     “…tayo’y di inaaring ganap (di tayo magiging katanggap-tanggap sa Dios, ang Ama) sa pamamagitan ng ating pagiging kaanib ng Iglesia, ni sa pagsunod sa mga tuntunin nito, ni ng kautusan ng Diyos.” (p. 17)

     Ipinahayag ni Albert J. Sanders na ang tao raw ay di inaaring-ganap sa pamamagitan ng pagiging kaanib sa Iglesia.  Ang sinabi niyang ito sa isang bahagi ay tama kung ang tinutukoy ay mga hindi tunay na Iglesia.  Bunga nito, marami ang naniniwala na hindi na mahalaga ang pag-anib sa tunay na Iglesia—di na raw ito kailangan pa upang maligtas.

Kaya, marami ang nagtatanong kung bakit patuloy naming ipinangangaral na ang tao ay kailangang umanib sa Iglesia ni Cristo upang maligtas.  Ang iba ay nagkaron pa ng maling isipan na diumano ay higit naming pinahahalagahan ang Iglesia kaysa sa Panginoong Jesucristo.

     Kung binibigyan man namin ng pagdiriin na kailangan ng tao ang Iglesia ni Cristo sa pagtatamo ng kaligtasan ay hindi nangangahulugang hindi namin pinahahalagahan ang Panginoong Jesucristo.  Ang totoo, ang aming pagtuturo na kailangan ang Iglesia ang siyang matibay na katunayan ng aming pagpapahalaga sa Panginoong Jesus sapagkat ito ay bilang pagsunod sa Kaniyang utos.

     Ang Panginoon mismo ang nagturo na ang tao ay dapat pumasok sa Kaniya upang maligtas.  Ganito ang sinabi Niya:

     “Ako ang pintuan; ang sinomang taong pumasok sa akin, ay siya'y maliligtas…” (Juan 10:9)

     Ang pagpasok na binabanggit ng Tagapagligtas ay Kaniyang ipinaliwanag sa talata ring ito:

     “Ako ang pintuan; sinuman na pumasok sa loob ng kawan sa pamamagitan ko ay magiging ligtas.” (Revised English Bible, isinalin mula sa Ingles)

     Ang taong pumasok kay Cristo ay napaloob sa kawan.  Ang kawan na tinutukoy ay ang Iglesia ni Cristo ayon kay Apostol Pablo:

     “Ingatan ninyo kung gayon ang inyong mga sarili at ang buong kawan na rito’y hinirang kayo ng Espiritu Santo na mga katiwala, upang pakanin ang iglesia ni Cristo na binili niya ng kaniyang dugo.” (Gawa 20:28, Lamsa Translation, isinalin mula sa Ingles)

     Ang mga pumasok kay Cristo ay yaong mga pumaloob o umanib sa Iglesia ni Cristo.  Kaya, ang pagtuturong kailangang umanib ang tao sa Iglesiang ito ay hindi nilikha lamang ng mga ministro sa Iglesia ni Cristo.  Bagkus, ito ang kaparaanang itinuro mismo ni Cristo.

Sa Iglesia idinaragdag
     Kalooban ng Diyos na ang tao ay umanib sa Iglesia ni Cristo.  Pinatutunayan ng mga apostol na sa Iglesia idinaragdag ng Panginong Diyos ang mga maliligtas:

     “Na nagpupuri sa Diyos, at tumatanggap ng paglingap sa mga tao.  At idinaragdag ng Panginoon sa iglesia araw-araw ang mga nararapat na maligtas.” (Gawa 2:47, King James Version, isinalin mula sa Ingles)

     Sa Iglesia ni Cristo idinaragdag ng Panginoong Diyos ang mga maliligtas sapagkat ito ang katuparan ng Kaniyang kalooban na ang lahat ng tao ay matipon kay Cristo:

     “At ipinakilala niya sa atin ang hiwaga ng kanyang kalooban ayon sa kanyang kaluguran na kanyang itinakda kay Cristo, upang isakatuparan sa takdang panahon—upang tipunin ang lahat ng bagay sa langit at sa lupa at ipailalim sa isang pangulo, na walang iba kundi si Cristo.” (Efe. 1:9-10, New Pilipino Version)

     Ipinakilala ni Apostol Pablo kung alin ang pinangunguluhan ng Panginoong Jesucristo.  Ganito ang nakasulat sa Efeso 1:22-23:

     “At ang lahat ng mga bagay ay pinasuko niya sa ilalim ng kaniyang mga paa, at siyang pinagkaloobang maging pangulo ng lahat ng mga bagay sa iglesia,

     “Na siyang katawan niya, na kapuspusan niyaong pumupuspos ng lahat sa lahat.” (Ibid)

     Ang Iglesia na tinutukoy ng mga apostol ay ang iglesiang kinikilala ni Cristo na Kaniya.  Ganito ang pahayag ng Tagapagligtas:

     “At sinasabi ko naman sa iyo, na ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesia; at ang mga pintuan ng Hades ay hindi magsisipanaig laban sa kaniya.” (Mat. 16:18)

     Ang pangalan ng Iglesiang kinikilala ni Cristo, na Kaniyang pinangunguluhan dahil ito ang Kaniyang katawan, ay Iglesia ni Cristo (cf. Roma 16:16).  Samakatuwid, kalooban ng Diyos na ang tao ay matipon kay Cristo o maging kaanib sa Iglesia ni Cristo.

Patotoo ng iba’t ibang relihiyon
     Maging ang mga tagapagturo sa iba’t ibang relihiyon at ang mga nagsaliksik ng Bibliya ay sumasang-ayon sa kahalagahan ng Iglesia sa ikapagtatamo ng kaligtasan.

     Ipinahayag ng mga paring Katoliko ang kahalagahan ng Iglesia sa aklat na Religion:  Doctrine ang Practice na sinulat ni Francis B. Cassilly:

     “2 Si Jesucristo ba ay nagtatag ng Iglesia?

     “Oo, mula sa lahat ng kasaysayan, kapuwa panlupa at hindi pangkabanalan, gayundin mula sa Biblia na kinikilalang isang makataong kasulatan, ating nalaman na si Jesucristo ay nagtatag ng isang Iglesia, na mula sa kauna-unahang panahon ay tinawag na sunod sa Kaniyang Pangalan ang Iglesia Cristiana o ang Iglesia ni Cristo.

     “Ang Iglesiang ito, na itinatag at binalangkas ni Cristo at ipinangaral ng mga apostol, ay ang Iglesia ni Cristo….Ito lamang ang tunay na Iglesia, at siyang ipinag-uutos ng Diyos na aniban ng lahat ng tao.” (pp.329,330, isinalin mula sa Ingles)

     Ang Papa, ang kinikilalang pinaka-mataas na pinuno ng Iglesia Katolika, ay nagpahayag ng ganito sa aklat na The Papal Encyclicals In Their Historical Context:

     “Sinuman siya at anuman siya, siya na wala sa Iglesia ni Cristo ay hindi isang Cristiano.” (p. 39, isinalin mula sa Ingles)

     Maging si Ellen G. White, kiniki-lalang sugo ng mga kaanib sa Iglesia Adventista, ay ganito ang sinabi sa aklat na Paglapit kay Cristo:  Patnubay sa Mabuting Pamumuhay na kaniyang sinulat:

     “Ang iglesia ni Kristo ay siyang hinirang ng Diyos upang gamitin sa pagliligtas sa mga tao.” (p. 111)

     Ang kalooban ng Diyos at utos ni Cristo na ang tao ay umanib sa Iglesia ni Cristo ay sinang-ayunan ng Protestanteng iskolar ng Biblia na si Matthew Henry.  Ganito ang kaniyang sinabi sa aklat na Matthew Henry’s Commentary on the Whole Bible:

     “[2] Si Cristo ang pintuan ng mga tupa (tal. 9):  Sa pamamagitan ko (…--sa pamamagitan ko bilang pintuan) kung ang sinomang tao ay pumasok sa kulungan ng mga tupa, bilang isa sa kawan, siya ay maliligtas…. Walang makapapasok sa iglesia ng Diyos malibang pumasok sa iglesia ni Cristo; ni walang sinuman sa mga tao na kinikilalang kaanib sa kaharian ng Diyos maliban doon sa mga nakahandang pasakop sa biyaya at pamamahala ng Manunubos.” (p. 1030, isinalin mula sa Ingles)

     Kaya, ang pagsasabing hindi kailangan ang Iglesia ni Cristo ay katumbas ng pagsasabing hindi kailangan ang kaligtasan.

     Higit sa mga patotoong sinipi, ang Biblia mismo ang nagpapatunay na ang mga umanib sa Iglesia ni Cristo ay ang mga tunay na nakasunod sa kalooban ng Diyos at nakatupad sa utos ng Panginoong Jesucristo.  Sila ang mga nakatitiyak ng kaligtasan.

Pasugo, February 1998, Pages 14-15
____________________________________________
Basahin din:

Bisitahin:

________________________________________________
Bible Study Suggestion: If you have further questions, please feel free to visit the Iglesia ni Cristo congregation nearest you. A minister or an evangelical worker would be happy to answer any biblical question you have in mind. 
________________________________________________________________________

Isang Paanyaya Para Maging Lingkod Ng Diyos


Isang Paanyaya Para Maging Lingkod Ng Diyos
                   
Pangulong Tudling
Pasugo God’s Message
July 2012
Pages 31-32



Ang mundo sa kabuuan, ay larawan ng isang malungkot at nakalulunos na trahedya—makikita rito sa araw-araw ang kahapisan, poot, pagdurusa, kaguluhan, karamdaman, at kamatayan sa iba’t-ibang di-mailarawang paraan.  At walang ibang maaaring sisihin ang tao sa mga pangyayaring ito kundi ang kaniyang sarili.
     Ipinahayag ng propetang si Isaias:  “Ang lupain ay nagdurusa dahil sa kasalanan ng mga naninirahan dito.  Ang daigdig ay natutuyo, ang mga pananim ay nalalanta… Ang lupain ay dinumhan ng krimen; binaluktot ng mga tao ang batas ng Diyos at sinira ang Kaniyang walang hanggang mga utos.  Kaya naman ang sumpa ng Diyos ay sumasa kanila” (Isa. 24:4-6, Living Bible, isinalin sa Filipino).
     Tunay nga, sinira ng tao ang mga banal na kautusan ng Diyos kaya siya naman ay tinakdaan ng hatol na kamatayan (Rom. 5:12) na itinaan sa Araw ng Paghuhukom (Apoc. 21:8), maliban na lamang kung matamo niya ang pagpapatawad ng Diyos.  Ang Diyos ay pag-ibig.  Kaya, upang ang tao ay makaligtas sa mabigat na parusa dahil sa kaniyang kasalanan, buong pagkahabag na nagpanukala ang Diyos ng paraan para ang tao’y mapatawad nang ayon sa itinuturo ng ebanghelyo.
      Bagama’t totoong hindi nakalulugod sa Diyos ang kapalaluan, kahalayan, pagmamataas, at kahambugan ng tao, makikita pa rin ang Kaniyang habag nang Kaniyang isugo ang Kaniyang Anak (Gawa 4:10-12) upang maging pampalubag-loob sa kasalanan ng tao—na pumayag na mamatay sa krus upang matupad ang kalooban ng Diyos—na siyang nagbibigay ng pagkakataon sa mga makasalanan upang muling makasundo ng Diyos.
     Kaya, ano ang paanyaya ng Tagapaglitas sa lahat ng tao upang makabahagi sa dakilang habag na ito ng Diyos?  Ganito ang pahayag ng Panginoong Jesucristo.  “Ako ang pintuan; ang sinomang taong pumasok sa akin, ay siya’y maliligtas, at papasok at lalabas, at makasusumpong ng pastulan… Muli ngang sinabi sa kanila ni Jesus, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ako ang pintuan ng mga tupa” (Juan 10:9, 7).
     Ang paanyaya ng Tagapagligtas ay malinaw at magiliw:  “pumasok sa Akin.”  Pansinin din ang  paanyaya ay para sa “sinoman” o kaninuman, na ang kahuluga’y para sa lahat—anumang nasyonalidad, kulay ng balat, kalagayan sa lipunan o antas ng pinag-aralan.  Tiyak din ang pangako sa tutugon:  “siya’y maliligtas.”
     Hindi magagawa ng sinuman na literal na “pumasok kay Cristo yamang Siya ay nasa langit na at nakaupo sa kanan ng Diyos (Awit 80:17).  Ang pagtugon sa panawagang ito ni Cristo ay sa pamamagitan ng pagsangkap o pag-anib sa Kaniyang katawan na ito nga ay ang Iglesia (Col. 1:18), na ang pangalan ay Iglesia ni Cristo (Gawa 20:28, Lamsa Translation).  Ang nakatugon sa Kaniyang panawagang ito na umanib sa Iglesia ni Cristo ang tunay na nakinabang sa Kaniyang kamatayan.
     Tandaan na ang pagkabuhos ng dugo ang kahayagan na ang parusang nakalaan para sa kasalanan ay nabayaran na; isang buhay ang isinakripisyo alang-alang sa buhay ng mga makasalanan bilang pagtugon sa paraang itinakda ng Diyos upang mapawalang-sala ang tao.  Walang kapangyarihan ni karapatan ang tao na baguhin ang itinuturo ng Biblia ukol sa paraan ng pagtatamo ng kaligtasan.
     Subalit bakit sa Iglesia ni Cristo dapat umanib ang tao upang maligtas?  Ayon sa talinghaga ng Panginoong Jesucristo, sa ano itinulad ang kaharian ng langit o ang Iglesia ni Cristo?  Ganito ang isinasaad ng talinghaga:  “At sumagot si Jesus at muling pinagsalitaan sila sa mga talinghaga, na sinasabi, Tulad ang kaharian ng langit sa isang hari na naghanda ng piging ng kasalan ng kaniyang anak na lalake, At sinugo ang kaniyang mga alipin upang tawagin ang mga inanyayahan sa piging ng kasalan:  at sila’y ayaw magsidalo” (Mat. 22:1-3).
     Ang kaharian ng langit ay inihalintulad sa isang hari na naghanda ng magarbong piging para sa kasal ng kaniyang anak na lalake.  Hindi matututulang ang tinutukoy na Anak ay ang Panginoong Jesucristo.  Nakalulungkot, subalit may binabanggit din ang talinghaga na mga taong walang interes na tugunin ang paanyaya.  Maraming panauhin ang inanyayahan—nagsugo pa nga ng mga alipin ang hari upang sabihan ang mga inanyayahan na panahon na para dumalo sa piging—subalit lahat sila ay nagsitanggi.
     Paano ito nakakahalintulad ng ating daigdig sa kasalukuyan?  Isinugo ng Diyos ang Kaniyang mga lingkod—mga sugo sa pangalan ni Cristo (II Cor. 5:18-20)—upang akitin ang mga tao na magsisi, sa maaabot ng kanilang pangngaral.  Marapat lamang na tugunin ng tao ang paanyaya, ngunit lubhang nakalulungkot na sa maraming pagkakataon, ang mga sinugo ay binabalewala.  Ang pagiging abala ukol sa mga pakinabang na panlaman ay nagiging hadlang sa marami upang tumugon sa paanyaya ng Diyos.  Kadalasan, ang mas pinipili ng mga tao na hanapin ay ang karangyaan ng buhay dito sa mundo.
     Naging masyadong abala ang mga tao sa kanilang makalupang gawain at hanapbuhay para mapakinggan ang mensahe ukol sa kaligtasan—kaya ang paanyaya ay winawalang-halaga nila.  Sadya man o hindi, marami ang tumatangging pakinggan ang alok ng Diyos dahil sa kanilang kawalan ng interes at hayagang paghihimagsik sa Diyos na kahit nalalaman nilang lubos ang Kaniyang kalooban (I Tim. 2:3-4) ay tinatanggihan pa rin ang kasaganaan ng Kaniyang kahabagan.
     Ang iba naman, dahil hindi nila nakilala ang katuwiran ng Diyos ay nagtayo ng sarili nilang katuwiran, gaya ng patotoo ni Apostol Pablo:  “Sapagka’t sila’y pinatotohanan ko na may mga pagmamalasakit sa Dios, datapuwa’t hindi ayon sa pagkakilala.  Sapagka’t sa hindi nila pagkaalam ng katuwiran ng Dios, at sa pagsusumakit na maitayo ang sariling kanila, ay hindi sila napasakop sa katuwiran ng Dios” (Rom. 10:2-3).
     Ito ang hayagang ginagawa ng mga tao sa kasalukuyan—naghahangad ng kaligtasan ngunit ang kanilang paraan para ito matamo ay taliwas sa itinuturo ng mga Banal na Kasulatan.  Maaari silang magkunwari, subalit hindi nila makikita ang katuparan ng kanilang pag-asa—sapagkat ang Diyos ay hindi maaaring linlangin.
     Ang iba naman ay ipagpaparangalan ang kanilang mga gawa sa Panginoong Jesus sa pag-asang sila ay Kaniyang tatanggapin, gayunma’y hindi sila kikilalanin bagkus ay itataboy pa, gaya ng sinabi mismo ng Tagapagligtas:  “Hindi lahat ng mga wari’y relihiyoso ay totoo ngang mga taong banal.  Maaaring tinatawag nila Akong ‘Panginoon,’ ngunit hindi pa rin sila mapupunta sa langit.  Sapagkat ang napakahalagang tanong ay kung sinusunod nila ang Aking Ama na nasa langit.  Sa paghuhukom, maraming magsasabi sa Akin, ‘Panginoon, ipinahayag namin sa iba ang tungkol sa Iyo at ginamit ang Iyong pangalan sa pagpapalayas ng mga demonyo at paggawa ng marami pang ibang dakilang himala.  Ngunit sasagot Ako, ‘Kailanman ay hindi kayo naging Akin.  Lumayas kayo, sapagkat masasama ang inyong mga gawa” (Mat 7:21-23, isinalin mula sa Living Bible).
     Hindi lahat ng wari’y relihiyoso ay tunay ngang maka-Diyos, ayon sa Panginoong Jesus.  Oo nga’t tinatawag nila Siya na Panginoon, subalit hindi pa rin sila makapapasok sa langit sapagkat ang hindi nila sinusunod ay ang kalooban ng Amang nasa langit.  Tangi rito, marami ang nag-aakala na dahil sila diumano ay mabubuting magulang sa kanilang mga anak o kaya naman ay mabubuting kapitbahay, ang gayong mga gawa ay ibibilang nang kanilang kabanalan sa paningin ng Diyos.  Ang totoo, maaaring buong taimtim na sinusunod ng iba ang tinatawag na “golden rule” na nagsasaad na huwag gawin ng tao sa iba ang ayaw niyang gawin nila sa kaniya (batay sa Mat. 7:12), gayunma’y hindi pa rin sila kabilang sa mga lingkod na hinirang ng Diyos.  Ang pagtanggap ng lipunan ay hindi nangangahulugang katanggap-tanggap ito sa Diyos.
      Mayroon din namang nagsisikap magtamo ng kaligtasan sa pamamagitan lamang ng pagpapahayag ng kanilang pananampalataya ngunit wala namang kalakip na gawa na nagpapatunay dito, gaya ng itinuro ni Apostol Santiago:  “Anong pakikinabangin, mga kapatid ko, kung sinasabi ng sinoman na siya’y may pananampalataya, nguni’t walang mga gawa? Makapagliligtas baga sa kaniya ang pananampalatayang iyan?... Gayon din naman ang pananampalataya na walang mga gawa, ay patay sa kaniyang sarili… Ikaw ay sumasampalataya na ang Dios ay iisa:  mabuti ang iyong ginagawa:  ang mga demonio man ay sumasampalataya, at nagsisipanginig” (Sant. 2:14, 17, 19).   
     Malinaw ang pasiya sa sinumang nag-aangking may pananampalataya at diumano’y Cristiano ngunit hindi naman pinatutunayan sa gawa—ang gayong uri ng pananampalataya ay hindi makapagliligtas.  Ang gayong pananampalataya ay patay at walang silbi.  Ang mga gawang pagsunod ay kailangan upang patunayan ng isang tao ang kaniyang pananampalataya.  Kaya, ang pananampalatayang hindi pinatutunayan ng mabubuting gawa ay hindi tunay na pananampalataya—bakus ay walang kabuluhan.
     Ang tunay na pananampalataya kay Cristo ay ang pananampalatayang may kalakip na “pagtalima” (Rom. 1:5).  Ang sumasampalataya, tumatalima, at nabubuhay nang matuwid—ang mga tunay na hinirang ng Diyos.
     Subalit dapat itimo sa isipan at puso ng bawat isa na ang pagiging hinirang ay hindi lamang isang pribilehiyo kundi isa ring pananagutan.  Ito ay napakahalaga mula pa sa pasimula:  “Kundi ang bagay na ito ang iniutos ko sa kanila, na aking sinasabi, Inyong dinggin ang aking tinig, at ako’y magiging inyong Dios, at kayo’y aking magiging bayan…sa ikabubuti ninyo” (Jer. 7:23)
     Tunay ngang ang pagiging hinirang ay may kaakibat na pananagutan at mga pagpapala, gaya ng inilarawan ng tipan ng Diyos na nakasulat sa Biblia.  Ang mga sumasampalataya na tumanggap sa paanyaya ng Diyos at naging mga sangkap ng katawan ni Cristo—ang Iglesia ni Cristo—ay makakabilang sa mga pinili o hinirang ng Diyos (I Ped. 2:9-10) na magtatamo ng Kaniyang habag at kaligtasan sa Araw ng paghuhukom, upang makasalo sa piging kapiling ng Panginoong Jesus sa Kaniyang banal na kaharian.*****



--RICHARD J. RODAS
   Editor-in-Chief
_______________________________________________
Basahin din: 
Bisitahin: 
_____________________________________________________________________________________

Biyernes, Agosto 10, 2012

Pagkamatay Ng Tao: Ano?


Kung Saan Naroon Ang Mga Patay




Isang Pagbubunyag
Sa Iglesia Ni Cristo
Copyright 1964 by
Iglesia Ni Cristo
Pahina 106-111



     Sa tanong na:  “Saan naroon ang mga patay?” ay may iba’t ibang mga tugon ang iba’t ibang nagtataguyod ng relihiyon sa kasalukuyang panahon.  May mga nagsasabi na may tatlong dako na pinaglalagyan sa mga taong nangamamatay.  Ang mga banal daw ay sa langit o glorya, banal man at hindi naman lubos o ganap na nakapagkawas o nakapaglinis sa pamamagitan ng pagkukumpisal ay sa purgatoryo raw at ang mga makasalanan ay sa impiyerno.  Ang iba naman ay nagtuturong may dalawang dakong pinaglalagyan ng mga namamatay ngayon:—sa langit at sa impiyerno.  Naniniwala rin silang ang mga patay ay tumatanggap na ng kagantihan pagkatapos na mamatay.  Mayroon din namang mga nagtuturo na ang espiritu na siya rin daw kaluluwa ng mga taong nangamamatay ay narito rin sa mundo, na nagpapalipat-lipat daw sa mga bungangkahoy na kung sakali na ang nasabing bungangkahoy ay makain ng isang babaing naglilihi, ang espiritung yaon ang tataglayin ng sanggol na ipanganganak.  Ang Iglesia ni Cristo ay walang anumang pagpapalagay na ilalahad ukol sa mga taong patay at maging sa kanilang kaluluwa at espiritu.  Mayroon lamang sinasabi ang Iglesia ni Cristo kung may sinasabi ang Biblia.  Kailanma’t tahimik ang Biblia ay tahimik din kami.

Ang tawag ni Jesus at ng mga Apostol
Sa mga taong patay
     Bago natin liwanagin mula sa Biblia kung saan napapatungo ang mga patay, sa lalong ikatitiyak at ikalulutas ng ating suliranin, ang dapat munang malaman ay kung ano ang tawag ni Jesus at ng mga Apostol sa mga patay ng tao.  Kung hindi natin malalaman ang tawag ni Jesus at ng mga Apostol sa mga patay na tao, hindi rin natin ganap na mauunawa kung saan naroon ngayon ang mga taong nangamatay.

     Sa Juan 11:11-14, mauunawaan natin sa pahayag sa pahayag ni Jesus kung ano ang tawag niya sa patay:   

     “Ang mga bagay na ito'y sinalita niya: at pagkatapos nito'y sinabi niya sa kanila, Si Lazaro na ating kaibigan ay natutulog; nguni't ako'y paroroon, upang gisingin ko siya sa pagkakatulog.

     “Sinabi nga ng mga alagad sa kaniya, Panginoon, kung siya'y natutulog, ay siya'y gagaling.

     “Sinalita nga ni Jesus ang tungkol sa kaniyang pagkamatay: datapuwa't sinapantaha nila na ang sinalita ay ang karaniwang pagtulog.

     “Nang magkagayon nga ay sinabi sa kanila ni Jesus ng malinaw, Si Lazaro ay patay.”

     Malinaw ang pahayag na ito ng ating Panginoong Jesucristo.  Ang tawag Niya sa taong patay ay natutulog.  Ganito rin kaya ang natutuhan ng mga Apostol kay Cristo?  Sa I Tes. 4:13, ganito ang turo ni Apostol Pablo ukol sa mga taong patay:

     “Nguni't hindi namin ibig na kayo'y di makaalam, mga kapatid, tungkol sa nangatutulog; upang kayo'y huwag mangalumbay, na gaya ng mga iba, na walang pagasa.”

     Sa pamamagitan ng mga talatang ito ng Biblia ay mauunawaan natin na si Jesus at ang mga Apostol ay iisa sa tawag nila sa taong patay—natutulog.

     Saan naroroon ang mga natutulog o ang mga patay?  Nasa glorya kaya ang mga banal?  Nasa purgatoryo kaya ang mga banal na hindi lubos na nakapaglinis o hindi lubos na nakapagkawas ng kasalanan ayon sa mga pari?  Nasa impiyerno kaya naman ang mga makasalanan?

     Sa Dan. 12:2, ganito ang sagot sa mga tanong na iyan:

     “At marami sa kanila na nangatutulog sa alabok ng lupa ay mangagigising, ang iba'y sa walang hanggang buhay, at ang iba'y sa kahihiyan at sa walang hanggang pagkapahamak.”

     Alinsunod sa talatang ito’y nasa alabok ng lupa ang nangatutulog o ang mga patay.  Dito rin sa talatang ito’y ipinahahayag na sa alabok ng lupa magmumula ang magtatamo ng walang hanggang buhay at ang iba nama’y sa walang hanggang pagkapahamak.  May dalawa lamang na hahantungan ang mga patay ayon sa talatang ito ng Biblia.

     Hanggang kalian kaya manantili sa alabok ng lupa o sa libingan ang mga patay?  Gaano katagal mananatili sa libingan ang mga patay na tao?  Sa Job. 14:12, ganito ang sagot:

       “Gayon ang tao ay nabubuwal at hindi na bumabangon: hanggang sa ang langit ay mawala, sila'y hindi magsisibangon, ni mangagigising man sa kanilang pagkakatulog.”

     Dito’y nililiwanag na ang mga patay o ang mga natutulog ay hindi magsisibangon hanggang sa mawala ang langit.  Kaya hanggang nananatili pa ang langit, ang mga patay ay namamalagi pa sa libingan.  Hindi totoo kung gayon ang itinuturo ng iba na pagkamatay ng tao’y tumatanggap na agad ng kagantihan.

     Kailan kaya mawawala ang langit na siyang panahon ng pagbangon ng mga taong nangamamatay?

     “Datapuwa't darating ang araw ng Panginoon na gaya ng magnanakaw; na ang sangkalangitan sa araw na iyan ay mapaparam na kasabay ng malaking ugong, at ang mga bagay sa langit ay mapupugnaw sa matinding init, at ang lupa at ang mga gawang nasa lupa ay pawang masusunog.” (II Pedro 3:10)

     Iyan ang pahayag ni Apostol Pedro tungkol sa panahon ng pagkawala ng langit na siya ring panahon ng pagbangon ng mga patay na tao sa kanilang libingan.  Pagdating ng  ating Panginoon, sa araw na iyan ay mapaparam ang langit at ang mga bagay sa langit ay mapupugnaw dahil sa matinding init.  Ito ang araw ng paghuhukom—sa ikalawang pagparito ni Cristo.  Kaya kabulaanan ang pagtuturo ng iba na hinuhukuman na ang mga tao pagkamatay.  Iyan ay malinaw na pagdaraya!

     May sinasabi pa ba ang Diyos kung hanggang kalian mananatili sa libingan ang mga patay na tao?  Ganito ang sabi sa Job. 14:14:

     “Kung ang isang tao ay mamatay, mabubuhay pa ba siya? Lahat ng araw ng aking pakikipagbaka ay maghihintay ako, hanggang sa dumating ang pagbabago.”

     Sa talatang iyan ng Santong Sulat ay hindi kailangan ang pagpapaliwanag, sapagka’t malinaw ang pahayag.   Mananatili ang mga patay sa libingan hanggang sa panahon ng pagbabago.  Ang panahon ng pagbabago’y gaya ng mababasa sa I Cor. 15:51-53, na ganito:

     “Narito, sinasaysay ko sa inyo ang isang hiwaga: hindi tayong lahat ay mangatutulog, nguni't tayong lahat ay babaguhin,

     “Sa isang sangdali, sa isang kisap-mata, sa huling pagtunog ng pakakak: sapagka't tutunog ang pakakak, at ang mga patay ay mangabubuhay na maguli na walang kasiraan, at tayo'y babaguhin.

     “Sapagka't kinakailangan na itong may kasiraan ay magbihis ng walang kasiraan, at itong may kamatayan ay magbihis ng walang kamatayan.”

     Ayon sa mga talatang ito ng Biblia, sa pahayag ni Apostol Pablo, ang panahon ng pagbabago’y sa huling pagtunog ng pakakak, at ayon sa pahayag ni Apostol Pablo ang panahon ng huling pagtunog  ng pakakak ay sa pagbaba ni Cristo mula sa langit (I Tes. 4:16).  Diyan din sa panahong iyan bubuhayin ang mga patay.  Ang mga unang mabubuhay na mag-uli ay ang mga kay Cristo.  Sapagka’t sa panahong ito lamang bubuhayin ang mga patay, papaano magiging katotohanan pa rin ang sinasabi ng mga ibang tagapagturo gaya ng pari at pastor protestante na pagkamatay ng mga tao ay tumatanggap na ng kagantihan?  Hindi totoo iyan.  Laban iyan sa pagtuturo ng Biblia.  Iyan ang dayang aral.

Ang kalagayan ng mga taong patay
     Datapuwa’t sa kabila ng mga katotohanang inilalahad ng Biblia ukol sa kalagayan ng mga taong patay, ang mga pari ng Iglesia Katolika’y ipinipilit pa rin na ang mga banal daw na nangamatay ay nasa langit na nga at maaaring dalanginan upang sila’y ipamagitan sa Diyos.  Mayroon bang kamalayan ang mga patay na nasa libingan?  Sa araw na ang tao’y mamatay, mayroon pa ba siyang pag-iisip?  Sa Awit 146:4, ganito ang pahayag:

     “Ang hininga niya ay pumapanaw, siya'y nanunumbalik sa kaniyang pagkalupa; sa araw ding yaon ay mawawala ang kaniyang pagiisip.”

     Paano kaya mapananalanginan ang taong wala nang hininga at bumalik na sa kaniyang pagkalupa o naging alabok na muli?  Papaano makasasagot ang walang pag-iisip?  Ang taong namatay ay wala nang hininga, nalulusaw at nagiging lupa at wala nang pag-iisip.  Yaon lamang sira ang bait o baliw ay hindi dapat pakipag-usapan sapagka’t sira nga ang isip.  Hindi kaya ibayong sira ang tumawag o manalangin sa walang pag-iisip?  Kayo na ang humatol.  At upang patibayan pa ng Santong Sulat na talagang walang malay at ni walang bahagi ang mga patay sa mga ginagawa sa ilalim ng araw ay ganito ang mababasa sa Ecles. 9:5-6:

     “Sapagka't nalalaman ng mga buhay, na sila'y mangamamatay: nguni't hindi nalalaman ng patay ang anomang bagay ni mayroon pa man silang kagantihan; sapagka't ang alaala sa kanila ay nakalimutan.

     “Maging ang kanilang pagibig, gaya ng kanilang pagtatanim at ng kanilang pananaghili ay nawala ngayon; na wala man silang anomang bahagi pa na magpakailan man sa anomang bagay na nagawa sa ilalim ng araw.”

     Napakalinaw ng mga pangungusap na iyan ng Bibliya.  Ang patay ay walang anumang nalalaman; kahit ang kanilang kagantihan, sapagka’t ang alaala sa kanila ay nakalimutan ng lahat.  Anumang gawin ng mga buhay patungkol sa mga patay, gaya ng pagdarasal o anumang pag-aalay sa kanila ay wala silang anumang bahagi.  Lalong hindi naman makapapamagitan ang mga patay para sa mga buhay, sapagka’t “ang patay ay hindi pumupuri sa Panginoon ni sinumang nabababa sa katahimikan o sa libingan.” (Awit 115:17).  Maging si David na hari ng Israel ay hindi pa rin umakyat sa langit bagaman siya’y inaring banal  (Gawa 2:29, 34).

Namamatay ang kaluluwa
      Ngunit ang mga tagapagturo na nagsasabing ginanti na raw ang mga taong namatay, ay nagmamatuwid ng ganito:  Na di-umano ang mananatili raw sa libingan ay ang katawang lupa lamang, datapuwa’t ang kaluluwa raw ang umaakyat sa langit.  Kung ang tao kaya’y mamatay, ano ang nangyayari sa kaluluwa?  Sa Ezek. 18:4,  ganito ang patotoo ng Diyos:

     “Narito, lahat ng kaluluwa ay akin; kung paano ang kaluluwa ng ama, gayon din ang kaluluwa ng anak ay akin: ang kaluluwa na nagkakasala ay mamamatay.”

     Tiyak ang pahayag ng Diyos na ang kaluluwa na nagkakasala ay mamamatay.  Kaya kapag ang tao’y namatay, kasamang namamatay ang kanyang kaluluwa.  Kung ang namatay ay inilibing, saan kaya naroroon ang kaluluwa?  Ang kaluluwa ay dumidikit sa alabok (Awit 119:25, 26).  Dito’y may pagmamatuwid ang mga pari ng Iglesia Romana.  Ano ang kanilang pagmamatuwid?  Ang kaluluwa raw na mamamatay ay yaong sa mga nagkasala.  Iyan ay tama!  Ngunit ilan ba ang nagkasala?  Sa Roma 5:12 ay sinasabi ang ganito:

     “Kaya, kung paano na sa pamamagitan ng isang tao ay pumasok ang kasalanan sa sanglibutan, at ang kamataya'y sa pamamagitan ng kasalanan; at sa ganito'y ang kamatayan ay naranasan ng lahat ng mga tao, sapagka't ang lahat ay nangagkasala.”

     Sapagka’t ayon sa talatang ito ng Biblia ang lahat ng tao’y nagkakasala, kaya ang lahat ng mga kaluluwa ng mga taong nagkakasala ay tiyak na mamamatay rin.

Iba ang kaluluwa sa espiritu
     Dahil sa talaga namang masuwayin sa Diyos ang mga tagapagturo ng maling pananampalataya, kaya isinisiksik na pilit ang kanilang mga maling aral.  Iyon daw kaluluwa ay siya ring espiritu, at ang espiritu ay siya ring kaluluwa.  Pagkatapos ay kukunin ang nasa Ecles. 12:7 na ang diwa o espiritu ay bumabalik sa Diyos.  Totoo ang nasa Ecles. 12:7, na ang diwa o espiritu ay bumabalik sa Diyos, datapuwa’t ang maling-mali ay ang pagtuturong ang espiritu’y siya ring kaluluwa.  Bakit?  Mayroon bang tiyak na pagtuturo ang Diyos sa pamamagitan ng mga Apostol na iba ang kaluluwa sa espiritu?

     Tunghayan natin ang talatang ito na ipinahayag ni Apostol Pablo sa I Tes. 5:23, ganito ang mababasa:

     “At pakabanalin kayong lubos ng Dios din ng kapayapaan; at ang inyong espiritu at kaluluwa at katawan ay ingatang buo, na walang kapintasan sa pagparito ng ating Panginoong Jesucristo.”

     Sa Heb. 4:12, ganito pa ang sabi:

     “Sapagka't ang salita ng Dios ay buhay, at mabisa, at matalas kay sa alin mang tabak na may dalawang talim, at bumabaon hanggang sa paghihiwalay ng kaluluwa at espiritu, ng mga kasukasuan at ng utak, at madaling kumilala ng mga pagiisip at mga haka ng puso.”

     Diyan sa mga talatang iyan ay malinaw na iba nga ang espiritu sa kaluluwa.  Ang espiritu at ang kaluluwa ay dalawang magkaibang sangkap ng tao, sapagka’t malinaw na sinasabing ang tao’y may tatlong dakilang sangkap:  ang espiritu, kaluluwa at katawan, na dapat ingatang buo na walang kapintasan hanggang sa pagparito ni Cristo at dahil sa bisa ng salita ng Diyos ang espiritu at kaluluwa ay mapaghihiwalay.  Tunay nga na magkaibang bagay ang espiritu at kaluluwa.  Dahil dito, ang espiritu lamang ang bumabalik sa Diyos pagkamatay ng tao at ang kanyang kaluluwa ay dumidikit sa alabok hanggang sa panahon ng pagbabago sa ikalawang pagparito ni Cristo sa araw ng Paghuhukom.

     Kaya isang malaking pagdaraya sa mga tao ang pagpapanggap na may kaluluwang hinahango sa purgatoryo.  Iya’y isang malaking komersiyo ng mga bulaang ministro.  Pati mga kaluluwa ng mga tao’y kinakalakal.

Huwag kayong padaya. (Apoc. 18:13; II Pedro 2:3). 
___________________________________________________________

Basahin din:  [Mayroon Bang Purgatoryo?]


Bisitahin:  [Study IglesiaNi Cristo]

INDEX

 _________________________________________

Inaanyayahan ka naming dumalo
sa mga pagsamba ng
Iglesia ni Cristo.

________________________________________________________________________________
Bible Study Suggestion: If you have further questions, please feel free to visit the Iglesia ni Cristo congregation nearest you. A minister or an evangelical worker would be happy to answer any biblical question you have in mind. 
_______________________________________________________________________

Bakit May Abuluyan Pa?


Ang Pag-aabuloy Na
Isinasagawa Sa pagsamba Ng
Iglesia Ni Cristo




Isang Pagbubunyag
Sa Iglesia Ni Cristo
Copyright 1964 by
Iglesia Ni Cristo
Pahina 224-232



Sa pagsamba ng Iglesia ni Cristo ay may isinasagawang pag-aabuloy ang mga kapatid, tangi sa awit, aral, at panalangin.  Naiibigan ng lahat halos ang awit, aral, at panalangin sa pagsamba ng Iglesia ni Cristo.  Nguni’t alin ang hindi naiibigan ng marami, na kadalasan ay pinipintasan at inuusig ng iba?  Ito ang tungkol sa pag-aabuloy na isinasagawa sa pagsamba ng Iglesia ni Cristo.

     Bakit marami ang umaayaw at natitisod sa pag-aabuloy na isinasagawa sa pagsamba ng Iglesia ni Cristo?  Ipinalalagay nila na ito’y hindi utos ng Diyos, kundi utos lamang ng mga ministro sa Iglesia ni Cristo.  Mayroon ding nag-aakala na ang sinasabing pag-aabuloy ay sapilitan lamang at isang paraan ng panlilinlang.  Ang iba’t-ibang iglesia ay may mga abuluyang ginagawa, subalit ang pag-aabuloy na ginaganap sa pagsamba ng Iglesia ni Cristo ang higit sa lahat ay kinukutya at inuusig ng marami.  Dahil dito, kailangang maunawaan ng lahat ang katotohanan at kahalagahan ng ginagawang pag-aabuloy sa pagsamba ng Iglesia ni Cristo, ayon sa pagpapakilala ng Banal na Kasulatan.

Utos ba ng Diyos ang Isinasagawang
Pag-aabuloy sa Pagsamba ng Iglesia ni Cristo?
     Sa Heb. 13:16, ay ganito ang sinasabi:

     “Datapuwa't ang paggawa ng mabuti at ang pagabuloy ay huwag ninyong kalimutan: sapagka't sa mga gayong hain ang Dios ay totoong nalulugod.”

     Sino ang nagsasalita sa talatang ito?  Si Apostol Pablo.  Mula lamang ba sa sarili ni Apostol Pablo ang kanyang sinasalita na itinuturo?  Ang sabi ni Apostol Pablo: 

     “Kung iniisip ninoman na siya’y propeta, o ayon sa espiritu, ay  kilalanin niya ang mga bagay na sa inyo’y isinusulat ko, na pawang utos ng Panginoon” (I Cor. 14:37). 

     Ang mga turo na isinulat ni Apostol Pablo ay hindi mula sa kanyang sarili, kundi pawang utos ng Diyos.  Kung gayon, sino ang may utos sa isinasagawang pag-aabuloy sa Iglesia ni Cristo?  Ang Diyos.  Ano ang utos ng Diyos tungkol sa pag-aabuloy?  Ang pag-aabuloy ay hindi dapat kalimutan.  Bakit?  Sapagka’t ang pag-aabuloy ay totoong nakalulugod sa Diyos.  Kaya, mabuti ba ang isinasagawang pag-aabuloy sa pagsamba ng Iglesia ni Cristo?  MABUTI.  Bakit mabuti?  Sapagka’t sumusunod sila sa Diyos at kanilang nagagawa ang totoong nakalulugod sa Kanya.  Ikababanal ba ang pagsunod sa mga utos o mga salita ng Diyos?  IKABABANAL (Juan 17:17).  Masama ba naman ang umaayaw at natitisod sa pag-aabuloy na ginagawa sa pagsamba ng Iglesia ni Cristo?  MASAMA.  Bakit masama?  Sapagka’t ito’y pagsalansang sa utos ng Diyos.  Kasalanan ba ang pagsalansang s utos ng Diyos?  KASALANAN (I Juan 3:4).

     Gaano ang halagang dapat ipagkaloob sa pag-aabuloy na isinasagawa sa pagsamba ng Iglesia ni Cristo?  Ang mga ministro ba ng Iglesia ni Cristo ang nagtatakda ng halagang dapat ipagkaloob ng mga kapatid?  HINDI.  Sino ang dapat magtakda ng halagang kanilang ipagkakaloob at gaano ang kanilang dapat itakda?  Sa II Cor. 9:7, ay itinuturo ang ganito:

     “ Magbigay ang bawa't isa ayon sa ipinasiya ng kaniyang puso: huwag mabigat sa loob, o dahil sa kailangan: sapagka't iniibig ng Dios ang nagbibigay na masaya.”

     Sino ang nagtatakda ng halagang dapat iabuloy?  Ang mismong nag-aabuloy.  Paano at gaano ang kanyang dapat gawin sa pagtatakda?  Ayon sa pasiya ng kanyang puso, na hindi magiging mabigat sa kanyang loob at nakatutugon naman sa pag-uukulan na kailangan ng Iglesia.  Bakit ang nag-aabuloy ang dapat magpasiya mula sa kanyang puso ng abuloy na ipagkakaloob?  Sapagka’t iniibig ng Diyos ang nagbibigay na masaya.  Samakatuwid, ang pa-aabuloy na isi nasagawa sa pagsamba ng Iglesia ni Cristo ay hindi sapilitan.  Ito’y kusang-loob ng mga sumasampalataya at ganap na nakakakilala ng kahalagahan ng pag-aabuloy sa Iglesia ni Cristo.  Dahil dito, ano ang ipinamamanhik ni Apostol Pablo sa mga kapatid sa Iglesia na dapat nilang gawin upang ang kanilang pag-aabuloy ay maging kusang-loob at hindi maging gaya ng sapilitan?  Sa II Cor. 9:5, ay ganito ang sinasabi:

     “Iniisip ko ngang kailangang ipamanhik sa mga kapatid, na mangaunang pumariyan sa inyo, at ihanda agad ang inyong abuloy na ipinangako nang una, upang ito'y maihanda na gaya ng abuloy, at hindi gaya ng sapilitan.”

     Gaya ng ipinamamanhik ni Apostol Pablo ay inihahanda ng mga kapatid ang kanilang abuloy.  Paano nila inihahanda?

     “Tuwing unang araw ng sanglinggo ang bawa't isa sa inyo ay magbukod na magsimpan, ayon sa kaniyang iginiginhawa, upang huwag nang gumawa ng mga ambagan sa pagpariyan ko.” (I Cor. 16:2).

     Ibinubukod na isinisimpan ng mga kapatid ang kanilang abuloy na itinakda nila na pasiya ng kanilang puso ayon sa kanilang iginiginhawa tuwing unang araw ng sanlinggo.  Kaya hindi sapilitan ang kanilang pag-aabuloy.  Hindi sila pinipilit ni napipilitang mag-abuloy, kundi kusang-loob na ginagawa nila ang pag-aabuloy na kinikilalang kanilang tungkulin at pananagutan sa Diyos.  Talagang pinaghahandaan ng mga sumasampalataya ang pag-aabuloy ng Iglesia ni Cristo.  Malulugi ba naman ang lubos na tumatalaga sa pag-aabuloy?  Hindi.  Naghihirap ba ang nagkakaloob ng saganang abuloy?  Hindi rin?  Bakit?  Sapagka’t may pangakong biyaya ang Diyos na matatamo ng mga tumatalaga at hindi nagpapabaya sa pag-aabuloy sa pagsamba ng Iglesia ni Cristo.

Ano ang Biyayang Matatamo na Ipinangangako
Ng Diyos sa mga Tumatalaga sa Pag-aabuloy
Na Isinasagawa sa Pagsamba ng Iglesia ni Cristo?
     Sa II Cor. 9:8-10, ay ganito ang sinasabi:

     “At maaaring gawin ng Dios na ang lahat ng biyaya ay magsisagana sa inyo; upang kayo, na mayroong laging buong kaya sa lahat ay magsipanagana sa bawa't mabuting gawa:

     “Gaya ng nasusulat, Siyang nagsabog, siyang nagbigay sa mga dukha; Ang kaniyang katuwiran ay nananatili magpakailan man.

“At ang nagbibigay ng binhi sa naghahasik at ng tinapay na pinakapagkain, ay magbibigay at magpaparami ng inyong binhi upang ihasik, at magdaragdag ng mga bunga ng inyong katuwiran.”

     Ano ang biyayang matatamo na ipinangangako ng Diyos sa mga tumatalaga sa pag-aabuloy sa pagsamba ng Iglesia ni Cristo?  Maaaring gawin ng Diyos sa kanila na sila’y pasaganain sa lahat ng mga biyaya.  Maaaring pagpalain ng Diyos ang kanilang kabuhayan at hanapbuhay.  Sila’y sasagana rin sa lahat ng gawang mabuti.  Ang mga nagsasabog ng aral o ang mga nangangaral ng mga salita ng Diyos at ang mga nagbibigay o tumutustos sa gawain sa pamamagitan ng pag-aabuloy ay mananatili ang kanilang kabanalan magpakailanman.  Hindi lamang mananatili ang kanilang kabanalan, kundi magdaragdag ito ng bunga ng kanilang kabanalan sa kanilang paglilingkod sa Diyos.

     Natutupad ang pangakong ito ng Diyos sa mga kapatid na sadyang tumatalaga sa pagbubukod at pagsisimpan ng kanilang abuloy sa pagsamba ng Iglesia ni Cristo.  Pinupuspos sila ng biyaya ng Diyos sa kanilang pamumuhay at paghahanapbuhay.  Ang kanilang masiglang paglilingkod ay sumasagana sa mga bunga ng kabanalan.  Hindi sila nanghihina sa kanilang pananampalataya.  Hindi sila natitisod, kundi namamalagi sa pagtupad ng mga salita ng Diyos at pagtatapat sa kanilang tungkulin sa Iglesia.  Sino naman ang kusang pinagkakaitan ng mga biyaya at pagpapala ng Diyos?  Sino ang mga matitisurin, mga di kakitaan ng bunga ng kabanalan at mga gawang mabuti, mga nanlulupaypay sa paglilingkod, hindi makapanatili sa pagtupad ng kanilang tungkulin at kadalasan ay mga nahihiwalay sa pananampalataya?  Ang mga kapatid na ayaw magtalaga sa pag-aabuloy.  Ang mga natitisod at hindi sumasampalataya sa kahalagahan ng pag-aabuloy na utos ng Diyos sa pagsamba ng Iglesia ni Cristo.

     Bakit binibiyaya at pinagpapala ang mga tumatalagang lubos sa pag-aabuloy sa pagsamba ng Iglesia ni Cristo?  Ito ba ang sukatan ng Diyos sa pagkakaloob Niya ng Kanyang mga biyaya?  Sa II Cor. 9:6, ay tinitiyak ang ganito:

     “Datapuwa't sinasabi ko, Ang naghahasik ng bahagya na ay magaani namang bahagya na; at ang naghahasik na sagana ay magaani namang sagana.”

     Ano ang sukatan ng Diyos sa pagkakaloob Niya ng Kanyang mga biyaya?  Ang naghahasik ng bahagya na ay mag-aani namang bahagya na at ang naghahasik na sagana ay mag-aani namang sagana.  Datapuwa’t masama ba naman na mag-abuloy ng malaki sa layong tumanggap naman ng malaking biyaya sa Diyos?  Hindi masama ang mag-abuloy ng malaki, kundi ang masama’y ang masakim na layunin na kaya lamang magkakaloob ng sagana ay sa hangad na biyayain naman ng sagana.  Ano ang tawag sa ganitong uring paghahasik o pagkakaloob ng abuloy?  Sa Gal. 6:7-8, ay ganito ang sinasabi:

     “Huwag kayong padaya; ang Dios ay hindi napabibiro: sapagka't ang lahat na ihasik ng tao, ay siya namang aanihin niya.

     “Sapagka't ang naghahasik ng sa kaniyang sariling laman ay sa laman magaani ng kasiraan; datapuwa't ang naghahasik ng sa Espiritu ay sa Espiritu magaani ng buhay na walang hanggan.”

     Ang pagkakaloob ng saganang abuloy sa layuning tumanggap naman ng masaganang biyaya ay hindi pag-abuloy na ayon sa Espiritu o ayon sa kalooban ng Diyos.  Ang ganitong uri ng pag-aabuloy ay tinatawag na pag-aabuloy na ayon sa laman.  Anu-ano pa ang pag-aabuloy na ayon sa laman?  Ang pag-aabuloy ng malaki upang mapuri ng iba, ang nag-aabuloy dahil sa nahihiya kung hindi siya magkaloob, ang nagbibigay naman alang-alang sa pagbibigay lamang sa kaninuman, at iba’t iba pang katulad nito, ay mga pag-aabuloy na ayon sa laman.  Ang ganitong uri ng pag-aabuloy ay hindi magtatamo ng buhay na walang hanggan, kundi mag-aani ng kasiraan sa laman.  Sino ang naghandog ng abuloy na hindi ayon sa kalooban ng Diyos at nag-ani ng kasiraan sa laman o nangapahamak?  Ang mag-asawang Ananias at Safira.  Nang panahon ng mga Apostol na maliit pa ang Iglesia ni Cristo, nagkaisang puso ang mga sumasampalataya na ipagbili ang lahat ng kanilang mga tinatangkilik na pag-aari, maging lupa o bahay man, upang tustusan ang pangangailangan ng Iglesia sa gawaing pagpapalaganap nito sa madaling panahon.  Ang lahat ng halagang kanilang napagbilhan ay dapat ibigay na lahat sa mga Apostol upang pangasiwaan.  Ano ang ginawa ng mag-asawang Anaias at Safira?  Nagbili sila ng kanilang tinatangkilik, subalit isang bahagi lamang ang kanilang ibinigay sa mga Apostol at kinuha nila ang isang bahagi para sa kanilang sarili.  Nag-abuloy sila ng ayon sa laman, sapagka’t sila’y hindi lubos na nakipagkaisa at pinag-alinlanganan ang katapatan ng mga Apostol.  Ano ang nangyari sa kanila?  Sila’y napahamak at nangamatay noon din (Gawa 4:32-37; 5:1-10).  Dahil dito, dapat isagawa ang pag-aabuloy ayon sa kalooban ng Diyos.  Bakit pananagutang hindi maiiwasan ng mga kapatid sa Iglesia ni Cristo ang pag-aabuloy?    Sa Gal. 6:6, ay sinasabi ang ganito:

     “Datapuwa't ang tinuturuan sa aral ng Dios ay makidamay doon sa nagtuturo sa lahat ng mga bagay na mabuti.”

     Bakit pananagutang hindi maiiwasan ng mga kapatid sa Iglesia ni Cristo ang pag-aabuloy?  Sapagka’t ang mga tinuruan sa mga aral ng Diyos ay makiramay doon sa nagtuturo sa kanila ng lahat ng mga bagay na mabuti.  Paano nila daramayan?  Sa pamamagitan ng kanilang isinasagawang pag-aabuloy sa pagsamba.  Bakit ang pagdamay sa nagtuturo ng aral ng Diyos ay sa pamamagitan ng pag-aabuloy sa pagsamba?  Sapagka’t iyon ay hindi pagdamay sa sariling kapakanan ng nagtuturo, kundi sa pagtulong sa kapakanan ng gawain ng Diyos na pinag-uukulan ng abuloy.  Ang Diyos ay totoong nalulugod sa pag-aabuloy, hindi sapagka’t kailangan ng Diyos sa Kanyang sarili ang abuloy.  Hindi nangangailangan ng anumang tulong ang Diyos, sapagka’t mayroon Siya ng lahat ng mga bagay at ang lahat ng mga bagay ay Kanya.  Ngunit bakit ang pag-aabuloy sa pagsamba ng Iglesia ni Cristo ay totoong nakalulugod sa Diyos?  Sapagka’t ito ang ginagamit na kasangkapan upang matustusan ang banal na gawain ng Diyos sa lupa na pinag-uukulan ng abuloy sa Iglesia ni Cristo.

Anu-ano ba ang Banal na Gawain ng Diyos sa Lupa
Na Pinag-uukulan ng Pag-aabuloy sa Pagsamba ng
Iglesia ni Cristo?
     Sa II Cor. 9:12-13, ay tinitiyak ang ganito:

     “Sapagka't ang pangangasiwa sa paglilingkod na ito ay hindi lamang tumatakip sa pangangailangan ng mga banal, kundi naman umaapaw sa pamamagitan ng maraming pagpapasalamat sa Dios;

     “Palibhasa'y sa pagsubok sa inyo sa pamamagitan ng ministeriong ito ay niluluwalhati nila ang Dios dahil sa pagtalima ng inyong pagkilala sa evangelio ni Cristo, at dahil sa kagandahang-loob ng inyong ambag sa kanila at sa lahat.”

     Anu-ano ang banal na gawain ng Diyos sa lupa na pinag-uukulan ng pag-aabuloy sa pagsamba ng Iglesia ni Cristo?  Ang Iglesia ni Cristo ay may pangangasiwa.  Pinangangasiwaan ang paglilingkod at tinatakpan ang lahat ng pangangailangan ng Iglesia sa pamamagitan ng wastong paggamit ng abuloy ng mga kapatid.  Ginugugulan ng pangangasiwa ang walang likat na pagpapalaganap ng pangangaral ng Ebanghelyo sa lahat ng dako.  Ano ang nagiging bunga ng walang tigil na pagpapakilala ng Ebanghelyo ni Cristo?  Dumarami ang mga taong nakakakilala ng wastong pagsamba at pagpapasalamat sa Diyos.  Kaya sa kasalukuyan, ang Iglesia ni Cristo ay lumalaganap at patuloy sa mabilis na paglago.  Dahil dito, ano ngayon ang pangangailangan ng Iglesia na dapat takpan o tugunan ng pangangasiwa?  Ang pagpapagawa ng magaganda at malalaking kapilya na pagdarausan ng maayos na pagsamba ng libu-libong mga kapatid.  Kaya sa kasalukuyan, ang Iglesia ni Cristo ay nakapagpagawa na ng maraming mga malalaking kapilya na kongkreto dito sa Maynila at gayundin sa iba’t-ibang lalawigan.  Hanggang ngayon ay ay nagpapatuloy pa rin ang pagpapagawa ng mga modernong kapilya na nagkakahalaga ng milyon-milyon at daan-daang libong piso.  Nakabili na at patuloy pa ring bumibili ng malalawak na sukat ng lupa na pinagtayuan at pagtatayuan pa ng mga bagong kapilya.  Saan kumukuha ang Iglesia ni Cristo ng ganitong napakalaking halaga upang gugulin sa gawain ng Diyos dito sa lupa?  Ang Iglesia ni Cristo ay hindi naman humihingi ng tulong sa kaninuman, hindi naman nagpapabenepisyo at lalong hindi nagpapaloterya na gaya ng ginagawa ng mga iba sa kanilang pagpapakumpuni at pagpapatayo ng kanilang simbahan.  Ito’y sariling gugol ng Iglesia ni Cristo sa pamamagitan ng mga abuloy ng mga kapatid na iniingatan ng pangangasiwa sa matapat na paggugol.  Kaya nakikita ng mga kapatid sa Iglesia ni Cristo na hindi sila dinaraya ni nililinlang ng pangangasiwa.  Natitiyak nilang hindi sila pinagsasamantalahan sa kanilang pag-aabuloy, sapagka’t hayag na nasasaksihan nila na ito’y matapat na ginugugol sa pinag-uukulan na kaluwalhatian ng Diyos.  Kaya ang Diyos ay totoong nalulugod sa isinasagawang pag-aabuloy sa pagsamba ng Iglesia ni Cristo.  Ngunit bakit kailangan pang magpatayo ng mga bahay-sambahan ang Iglesia ni Cristo?  Ang pagpapatayo ng mga kapilya o bahay-sambahan ay mahalaga.  Bakit?  Sapagka’t may pangako ang Diyos na matatamo sa pagsamba sa Kanyang bahay.  Ano ang pangako ng Diyos na matatamo ng sumasamba sa bahay ng Panginoon?  Sa Hagai 2:7, 9, ay ganito ang sinasabi:

     “At aking uugain ang lahat na bansa; at darating ang mga bagay na nais ng lahat na bansa; at aking pupunuin ang bahay na ito ng kaluwalhatian, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.

     “Ang huling kaluwalhatian ng bahay na ito ay magiging lalong dakila kay sa dati, sabi ng Panginoon ng mga hukbo; at sa dakong ito ay magbibigay ako ng kapayapaan, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.”

     Ano ang pangako ng Diyos sa mga sumasamba na matatamo sa loob ng bahay-sambahan?  Pupunuin ng Diyos ng kaluwalhatian ang Kanyang bahay at sa dakong iyon magbibigay Siya ng kapayapaan.

Utos Ba Ng Diyos ang Pagpapatayo ng
Bahay-sambahan
At Ano ang Itinatalaga ng Diyos sa
Ayaw Tumalaga Sa Pag-aabuloy?
     Sa Hagai 1:8, ay sinasabi ang ganito:

     “ Magsiahon kayo sa bundok, at mangagdala ng kahoy, at mangagtayo kayo ng bahay; at aking kalulugdan, at ako'y luluwalhati, sabi ng Panginoon.”

     Utos ba ng Diyos ang pagtatayo ng bahay-sambahan?  Utos ng Diyos.  Sinabi ng Diyos noong una sa Bayang Israel na sila’y umahon sa bundok, kumuha ng kahoy at ipagtayo Siya ng bahay.  Alin ang bahay ng Panginoon?  Ang bahay-sambahan o kapilya.  Noong panahong iyon ay wala pang tablerya, kaya pinaaahon sila sa bundok upang kumuha ng kahoy.  Sa panahong ito’y hindi na kailangan ang umahon sa bundok upang kumuha ng kahoy, sapagka’t may tablerya nang pagkukunan.  May mga hardware na rin na pagkukunan ng mga bakal at iba pang kailangan sa pagpapatayo ng kongkretong kapilya gaya ng itinatayo ng Iglesia ni Cristo.  Ngunit paano makukuha roon ang lahat ng ito?  Kailangan ang malaking halagang pambayad, kaya hindi maiiwasan ang pag-aabuloy mga kapatid upang makapagpatayo ng kapilya.  Ano ang isinusumbat ng Diyos sa ayaw tumalaga sa pagtatayo ng bahay-sambahan?  Sa Hagai 1:2-4, ay ganito ang sinasabi:

     “Ganito ang sinasalita ng Panginoon ng mga hukbo, na sinasabi, ang bayang ito'y nagsasabi, Hindi pa dumarating ang panahon, ang panahon ng pagtatayo ng bahay sa Panginoon.

     “Nang magkagayo'y dumating ang salita ng Panginoon sa pamamagitan ni Hagai na propeta, na nagsasabi,

     “Panahon baga sa inyo na tumahan sa inyong mga nakikisamihang bahay, samantalang ang bahay na ito ay namamalaging wasak?”

     Ano ang isinusumbat ng Diyos sa ayaw tumulong sa pagpapatayo ng bahay-sambahan?  Idinadahilan ng mga ayaw tumulong sa pagpapatayo ng bahay-sambahan na hindi pa panahon ng pagpapatayo ng bahay ng Diyos.  Ano naman ang isinusumbat ng Diyos sa kanila?  Sa inyo ay panahong tumahan sa inyong mga nakikisamihang bahay,subali’t ang Aking bahay ay pinababayaang wasak.  May sumpa ba na babala ang Diyos sa mga ayaw umabuloy sa pagpapatayo ng bahay-sambahan?  Sa Hagai 1:5-6, 10-11, ay sinasabi ang ganito:

     “Ngayon nga'y ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Gunitain ninyo ang inyong mga lakad.

     “Kayo'y nangaghasik ng marami, at nagsisiani ng kaunti; kayo'y nagsisikain, nguni't hindi kayo nagkaroon ng kahustuhan; kayo'y nagsisiinom, nguni't hindi kayo nangapapatirang-uhaw; kayo'y nangananamit, nguni't walang mainit; at yaong kumikita ng mga pinagarawan ay kumikita ng mga pinagarawan upang ilagay sa supot na may mga butas.

     “Kaya't dahil sa inyo, pinipigil ng langit ang hamog, at ipinagkakait ng lupa ang kaniyang bunga.

     “At ako'y nagpasapit ng pagkatuyo sa lupa, at sa mga bundok, at sa trigo, at sa alak, at sa langis, at sa sumisibol sa lupa, at sa mga tao, at sa baka, at sa lahat ng pinagpagalan ng mga kamay.”

     Ang maraming mga sumpang ito ang ibinababala ng Diyos na darating sa buhay at pamumuhay ng mga ayaw mag-abuloy sa pagpapagawa ng bahay-sambahan.  Ano naman ang pangako ng Diyos sa tumatalaga sa pag-aabuloy?  Sa Hagai 1:13-14, 2:4, ay sinasabi ang ganito:

     “Nang magkagayo'y nagsalita si Hagai, na sugo ng Panginoon ayon sa pasugo ng Panginoon sa bayan, na nagsasabi, Ako'y sumasainyo, sabi ng Panginoon.

     “At kinilos ng Panginoon ang kalooban ni Zorobabel na anak ni Sealtiel, na gobernador sa Juda, at ang kalooban ni Josue na anak ni Josadac na pangulong saserdote, at ang kalooban ng buong nalabi sa bayan; at sila'y nagsiparoon, at nagsigawa sa bahay ng Panginoon ng mga hukbo, na kanilang Dios.

     “Gayon ma'y magpakalakas ka ngayon, Oh Zorobabel, sabi ng Panginoon; at magpakalakas ka, Oh Josue, na anak ni Josadac, na pangulong saserdote; at mangagpakalakas kayo, kayong buong bayan sa lupain, sabi ng Panginoon, at kayo'y magsigawa: sapagka't ako'y sumasa inyo sabi ng Panginoon ng mga hukbo.”

     Ano ang pangako ng Diyos sa mga tumatalaga sa pag-aabuloy sa pagpapagawa ng bahay-sambahan?  Ang Diyos ay sasakanila.  Hindi sila pababayaan ng Diyos.  Pinasasagana ng Diyos sa biyaya ang mga tumatalaga sa pag-aabuloy sa pagsamba ng Iglesia ni Cristo, sapagka’t sa mga ganitong hain ang Diyos ay totoong nalulugod.  @@@@@
________________________________________________________________________

[Study IglesiaNi Cristo]
_______________________________________________________________


Inaanyayahan ka naming dumalo
sa mga pagsamba ng
Iglesia ni Cristo.
________________________________________________________________________

Bible Study Suggestion: If you have further questions, please feel free to visit the Iglesia ni Cristo congregation nearest you. A minister or an evangelical worker would be happy to answer any biblical question you have in mind. 
________________________________________________________________________