Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Paghuhukom. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Paghuhukom. Ipakita ang lahat ng mga post

Linggo, Marso 8, 2015

KAMATAYAN AT PAGHUHUKOM DAPAT PAGHANDAAN NG LAHAT

KAMATAYAN
AT
PAGHUHUKOM
DAPAT PAGHANDAAN NG LAHAT

Sinulat ni NICANOR P. TIOSEN

KAMATAYAN, ISANG PAKSA na kahit hindi pag-usapan ay kusang lumilitaw, palibhasa ito ay karaniwan at araw-araw na nangyayari.  Marami ang pumapanaw oras-oras sa iba’t ibang panig ng mundo kung pagsasamasamahin at iba’t iba rin ang sanhi nito.  Mayroong malagim, mayroon namang payapa—gaya ng natulog lamang at hindi na nagising.

Sa kabilang dako, ang paghuhukom ay paksang malimit pagtalunan lalo na sa larangan ng relihiyon.  Mayroong naniniwala rito, at mayroon namang hindi.  Mayroong sabik na hinihintay ang araw na iyon, at ang iba nama’y mabanggit lamang ito ay takot na takot.  Mayroon ding mga nagtatanong:  Hindi ba ang kamatayan ng tao’y iyon na rin ang paghuhukom sa kaniya?

PAREHONG ITINAKDA NGUNIT MAGKAIBA
Ganito ang sinasabi ng Biblia:

“At kung paanong itinakda sa mga tao ang mamatay na minsan, at pagkatapos nito ay ang paghuhukom.” (Heb. 9:27)

Magkaiba ang kamatayan at ang paghuhukom ngunit parehong itinakda ng Diyos.  Kung bakit nagtakda ang Diyos ng kamatayan at paghuhukom, ganito ang sabi ni Apostol Pablo:

“Kaya, kung paano na sa pamamagitan ng isang tao ay pumasok ang kasalanan sa sanglibutan, at ang kamataya'y sa pamamagitan ng kasalanan; at sa ganito'y ang kamatayan ay naranasan ng lahat ng mga tao, sapagka't ang lahat ay nangagkasala.” (Roma 5:12)

Lahat ng tao ay nakatakda sa kamatayan sapagkat ang lahat ay nagkasala.  Kaya, kung paanong nagaganap ang kamatayan, tiyak na mangyayari rin ang paghuhukom dahil ang Diyos din ang nagtakda nito.  At walang kapangyarihan ang tao sa ganang kaniyang sarili na pigilin at takasan ito.

ANG KABAYARAN NG KASALANAN
Bakit dahil sa kasalanan ay nagkaroon ng kapangyarihan sa tao ang kamatayan at pagkatapos nito ay ang paghuhukom?  Ganito ang sagot ni Apostol Pablo:

“Sapagka't ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan; datapuwa't ang kaloob na walang bayad ng Dios ay buhay na walang hanggan kay Cristo Jesus na Panginoon natin.” (Roma 6:23)

Maaaring itanong ng tao:  “Ang ibig bang sabihin, kung malagutan na ng hininga ang isang tao ay bayad na siya sa kaniyang mga pagkakasala?  Kapag ganoon, puwede na pala akong gumawa ng kasalanan.”  Ang sagot ay:  Hindi!  Sapagkat mayroong itinuturo ang Biblia na ikalawang kamatayan na siyang ganap na kabayaran ng kasalanan:

“Nguni't sa mga duwag, at sa mga hindi mananampalataya, at sa mga kasuklamsuklam, at sa mga mamamatay-tao, at sa mga mapakiapid, at sa mga manggagaway, at sa mga mapagsamba sa diosdiosan, at sa lahat na mga sinungaling, ang kanilang bahagi ay sa dagatdagatang nagniningas sa apoy at asupre; na siyang ikalawang kamatayan.” (Apoc. 21:8)

HINDI KAYANG BAYARAN NG KAYAMANAN
“Kung ang tao ay mayaman, hindi ba niya kayang bayaran ang kaniyang kasalanan o tubusin ng kayamanan ang kaniyang buhay upang huwag na itong mawala sa kaniya?” maaari namang itanong ng iba.  Ganito ang ipinagpauna ng Diyos sa pamamagitan ng lingkod Niyang si Haring David:

“Hindi kaya ng sinumang ang sarili ay matubos, Hindi kayang mabayara’t tubusin sa kamay ng Diyos; Ang bayad sa kanyang buhay ay halagang sakdal taas;  Gaano man ang halagang hawak niya’y hindi sapat.”  (Awit 49:7-8, Magandang Balita Biblia)

Likas sa tao ang alagaan ang kaniyang buhay at kapakanan.  Malaki rin ang inilalaan ukol sa mga pagsasaliksik para sa pagpapalawig ng buhay.  Ngunit, bigo pa rin ang tao na makahanap ng lunas sa kamatayan.  Pagdating ng takdang oras, mamamatay ang tao.  Maging ang mga dalubhasa ukol sa kalusugan o mga manggagamot ay namamatay.  Ang iba nga ay nauuna pa sa kanilang mga pasyente.

Maraming mayayaman ang nag-aalok ng salapi (may naglalapag pa ng blangkong tseke) madugtungan lamang ang kanilang buhay o ng sinumang mahal nila sa buhay.  At kung kanila lamang ang daigdig, baka ialok din nila ito.  Ang ating Panginoong Jesucristo, ang pinakadakilang sugo ng Diyos, ay may ganitong pagtuturo:

“Ano nga ang mapapala ng isang tao, makamtan man niya ang buong daigdig kung ang katumbas naman nito’y ang kanyang buhay?  Ano ang maibabayad ng tao para mabalik sa kanya ang kanyang buhay?” (Mar. 8:36-37, Ibid.)

Maliwanag na sa araw ng kamatayan, walang kapangyarihan ang kayamanan ng tao.  Sa araw kaya ng paghuhukom?  Ito ang sagot ng Biblia:

“Kahit ang kanilang pilak o ang kanilang ginto man ay hindi makapagliligtas sa kanila sa kaarawan ng kapootan ng Panginoon; kundi ang buong lupain ay masusupok sa pamamagitan ng apoy ng kaniyang paninibugho: sapagka't wawakasan niya, oo, isang kakilakilabot na wakas, nilang lahat na nagsisitahan sa lupain.” (Zef. 1:18)

Kakilakilabot ang magaganap sa Araw ng Paghuhukom.  Kaya pala marami ang mabanggit lamang ang ukol dito ay takot na takot na!

ANG HINDI PANANAIGAN
“Paano na lamang kami?  Kung ang mayaman ay walang magagawa, lalo na pala kaming mahihirap?” maaaring idaing ng nakararami.  Bago panawan ng pag-asa ang sinuman, narito ang sagot ng ating Panginoong Jesucristo:

“At sinasabi ko naman sa iyo, ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesya, at hindi makapananaig sa kanya kahit ang kapangyarihan ng kamatayan.” (Mat. 16:18, MB)

Ito ang tanging lunas.  Ang Iglesiang itinayo ng ating Panginoong Jesucristo.  Ang Iglesiang di pananaigan ng kamatayan.  Tiyak na marami ang tututol dito.  Maaaring sabihin nilang hindi totoo na kapag nasa Iglesia, sabihin pang Iglesiang itinayo ng Panginoong Jesucristo, ay hindi na pananaigan ng kamatayan, sapagkat lahat nga ay namamatay.  Ganito ang sagot ng Biblia:

“Sinabi sa kaniya ni Jesus,  Ako ang pagkabuhay na maguli, at ang kabuhayan: ang sumasampalataya sa akin, bagama't siya'y mamatay, gayon ma'y mabubuhay siya.” (Juan 11:25)

Kahit pala nalalagutan din ng hininga ang mga nasa Iglesiang itinayo ng Panginoong Jesucristo, mabubuhay silang mag-uli.  Sila ang tatanggap ng “kaloob na walang bayad ng Dios (na) buhay na walang hanggan kay Cristo Jesus na Panginoon natin.”  Sila ang maliligtas sa Araw ng Paghuhukom.  Sila ang ngayon pa lamang ay maligaya at nananabik na naghihintay sa ikalawang pagparito ng ating Panginoong Jesus.

Dahil sa katotohanang hindi maiiwasan ang kamatayan, marami ang sa kasalukuyan (lalo na sa panig ng mayayaman) ang iginagayak na lamang ang kanilang sarili sa pagdating nito.  Mayroong inihahanda na ang kanilang magiging burol at libingan at maagang nagbibilin sa mga mahal nila sa buhay.  Subalit hindi sapat iyon.  Ang kailangan ay maisiguro ng isang tao na pagdating ng kaniyang kamatayan at Araw ng Paghuhukom ay kabilang siya sa mga magtatamo ng buhay na walang hanggang kaloob ng Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesucristo.  Dapat makabilang siya sa mga maliligtas!

ANG UTOS SA MGA NAIS MALIGTAS
Ano ang dapat gawin ng tao, kung gayon, kung nais niyang maligtas sa Araw ng Paghuhukom?  Sa ebanghelyo ng ating Panginoong Jesucristo ayon kay Apostol Juan ay mababasa ang ganito:

“Kaya muling nagsalita si Jesus:  ‘Buong katotohang sinasabi ko sa inyo, Ako ang pintuan ng kulungan ng mga tupa … Ako ang pintuan; sinuman na pumasok sa loob ng kawan sa pamamagitan ko ay magiging ligtas …” (Juan 10:7, 9, isinalin mula sa Revised English Bible)

Kailangang pumasok ang tao sa pintuan ng kulungan ng mga tupa o sa ating Panginoong Jesucristo o kailangan niyang mapaloob sa kawan na siyang  Iglesia ni Cristo gaya ng mababasa sa aklat ng mga Gawa:

“Ingatan ninyo kung gayon ang inyong mga sarili at ang buong kawan na rito’y hinirang kayo ng Espiritu Santo na mga katiwala, upang pakanin ang iglesia ni Cristo na binili niya ng kaniyang dugo.” (Gawa 20:28, isinalin mula sa Lamsa Translation)

MAGPILIT NA PUMASOK
Sa kasalukuyan, may mga taong nagnanais na umanib sa Iglesia Ni Cristo, lamang ay napipigil ang iba ng kanilang bisyo (hindi nila maiwan-iwan).  Ang iba naman ay ng paghadlang ng kanilang mga mahal sa buhay (nagsisimula pa lamang makinig sa mga aral ng Biblia na itinuturo sa Iglesia ni Cristo ay inuusig na).  Kaya may mga nagkikibit-balikat na lamang at nasasabing marahil ay uunawain na sila ng Diyos sa hindi nila pag-anib.  Ganito ang mariing sagot ni Jesus na ibinigay ng Diyos na Tagapagligtas:

“Magpilit kayong magsipasok sa pintuang makipot: sapagka't sinasabi ko sa inyo na marami ang mangagsisikap na pumasok, at hindi mangyayari.” (Lucas 13:24)

Ang ayaw pumasok kay Cristo o sa Kaniyang Iglesia ay itataboy Niya sa Araw ng Paghuhukom:

“Kung makatindig na ang puno ng sangbahayan, at mailapat na ang pinto, at magpasimula kayong mangagsitayo sa labas, at mangagsituktok sa pintuan, na mangagsasabi, Panginoon, buksan mo kami; at siya'y sasagot at sasabihin sa inyo, Hindi ko kayo nangakikilala kung kayo'y taga saan; Kung magkagayo'y pasisimulan ninyong sabihin, Nagsikain kami at nagsiinom sa harap mo, at nagturo ka sa aming mga lansangan;  At sasabihin niya, Sinasabi ko sa inyo na hindi ko kayo nangakikilala kung kayo'y taga saan; magsilayo kayo sa akin, kayong lahat na manggagawa ng kalikuan.  Diyan na nga ang pagtangis, at ang pagngangalit ng mga ngipin, kung mangakita ninyo si Abraham, at si Isaac, at si Jacob, at ang lahat ng mga propeta sa kaharian ng Dios, at kayo'y palabasin. ” (Lucas 13:25-28)

Hindi rin maikakatuwiran ng sinumang hindi sumunod sa utos ng Panginoong Jesucristo na pumasok sa Kaniyang Iglesia na siya’y tumatawag din naman sa Panginoon.  Ganito ang sumbat ng Panginoong Jesucristo sa kanila:

“At bakit tinatawag ninyo ako, Panginoon, Panginoon, at di ninyo ginagawa ang mga bagay na aking sinasabi?” (Lucas 6:46)*

PASUGO GOD’S MESSAGE/NOVEMBER 2014/VOLUME 66/NUMBER 11/ISSN 0116-1636/PAGES 44-46

Inaanyayahan ka naming dumalo sa aming mga pagsamba.

Bible Study Suggestion: If you have further questions, please feel free to visit the Iglesia ni Cristo congregation nearest you. A minister or an evangelical worker would be happy to answer any biblical question you have in mind.

IGLESIA NI CRISTO SITE

Lunes, Marso 2, 2015

ANG DAPAT MAUNAWAAN SA NANGYARI SA PANAHON NI NOE

ANG DAPAT MAUNAWAAN
 SA NANGYARI SA PANAHON NI NOE



DALAWANG MAHALAGANG bagay ang matututuhan ng tao sa pag-aaral ng kasaysayan.  Una, ang mabubuting ginawa ng mga tao noon at ang ikalawa ay ang kanilang mga pagkakamali.

Sa Biblia ay may inilalahad na pangyayari na hindi lamang dapat makatawag ng ating pansin kundi higit dito ay magsilbing babala sa lahat.  Ito ay ang naganap sa panahon ni Noe na patriyarka.

Noong panahon ni Noe, nakita ng Diyos ang kasamaan ng tao, kaya ipinasiya Niya na lipulin silang lahat:

“At nangyari, nang magpasimula na dumami ang mga tao sa balat ng lupa, at mangagkaanak ng mga babae,

“At nakita ng Panginoon na mabigat ang kasamaan ng tao sa lupa, at ang buong haka ng mga pagiisip ng kaniyang puso ay pawang masama lamang na parati.

“At sinabi ng Panginoon, Lilipulin ko ang tao na aking nilalang sa ibabaw ng lupa; ang tao at gayon din ang hayop, at ang mga umuusad at ang mga ibon sa himpapawid; sapagka't pinagsisisihan ko na aking nilalang sila.

“At ako, narito, ako'y magpapadagsa ng isang baha ng tubig sa ibabaw ng lupa, upang lipulin sa silong ng langit ang lahat ng laman na may hininga ng buhay; ang lahat na nasa lupa ay mangamamatay.” (Gen. 6:1, 5, 7, 17)

Subalit bago iginawad ng Diyos ang parusa, nagbigay muna Siya ng pagkakataon sa lahat ng tao:

“Na nang unang panahon ay mga suwail, na ang pagpapahinuhod ng Dios, ay nanatili noong mga araw ni Noe, samantalang inihahanda ang daong, na sa loob nito'y kakaunti, sa makatuwid ay walong kaluluwa, ang nangaligtas sa pamamagitan ng tubig.” (I Ped. 3:20)

Dapat nating mapansin na hindi kaagad nilipol ng Diyos ang lahat ng masama.  Nagpahinuhod muna Siya at nagbigay sa kanila ng pagkakataon upang magbago.  Ang panahon ng pagpapahinuhod ng Diyos ay tumagal sa buong panahon ng paghahanda ni Noe ng daong kung kalian kasabay nito’y ipinangaral niya sa mga tao ang matuwid na pamumuhay:

“Dahil sa kasalanan ng tao noong unang panahon, ginunaw ng Diyos ang daigdig sa pamamagitan ng baha.  Wala siyang iniligtas maliban kay Noe na nangaral tungkol sa matuwid na pamumuhay, at ang pito niyang kasama.” (II Ped. 2:5, Magandang Balita Biblia)

Ginamit ng Diyos na kasangkapan si Noe upang babalaan ang tao sa gagawin Niyang paggunaw sa daigdig at upang ipangaral sa kanila ang matuwid na pamumuhay.  Nais ng Diyos na talikdan ng tao ang kasamaan at mamuhay sila nang matuwid.  Subalit sa halip na samantalahin ang pagkakataong ibinigay ng Diyos, sinayang nila ito at ipinagwalang-bahala.  Kaya, nang dumating ang bahang-gunaw sa siyang itinakda ng Diyos na ipanlipol sa lahat ng taong masama, walong kaluluwa lamang ang naligtas—si Noe, ang kaniyang asawa, ang kaniyang tatlong anak, at ang kaniyang tatlong manugang.

Bago dumating ang bahang-gunaw, ano ang ginagawa ng mga tao noon?

“Sila'y nagsisikain, sila'y nagsisiinom, sila'y nangagaasawa, at sila'y pinapagaasawa, hanggang sa araw na pumasok sa daong si Noe, at dumating ang paggunaw, at nilipol silang lahat.” (Lu. 17:27)

Karaniwang araw din nang dumating ang bahang-gunaw.  Ang mga tao ay nagsisikain, nagsisiinom, at nagsisipag-asawa.  Ni hindi nga nila pinaniwalaan ang paggunaw na ibinabala ni Noe.  Kaya, ang lahat ng hindi nakinig sa kaniya ay napahamak.

ANG DAPAT NATING MAUNAWAAN
Mayroong napakahalagang bagay na dapat nating maunawaan sa nangyari sa panahon ni Noe.  Ganito ang itinuturo ng Banal na Kasulatan:

“At kung paano ang nangyari sa mga kaarawan ni Noe, ay gayon din naman ang mangyayari sa mga kaarawan ng Anak ng tao.” (Lu. 17:26)

Kung paanong nilipol ng Diyos ang tao sa panahon ni Noe ay gayon din ang gagawin Niya sa araw ng pagbabalik ni Cristo—sa Araw ng Paghuhukom.  Ang kasamaan ng tao na nakita ng Diyos sa panahon ni Noe ay siya ring nakikita Niya sa mga tao ngayon.  Kung noon ay nilipol Niya ang sanlibutan dahil sa kasamaan, magaganap din ito sa pagdating ng Anak ng tao.  Ano ang mangyayari sa Araw ng Paghuhukom?

“Sapagka't sadyang nililimot nila, na mayroong sangkalangitan mula nang unang panahon, at isang lupang inanyuan sa tubig at sa gitna ng tubig, sa pamamagitan ng salita ng Dios;

“Na sa pamamagitan din nito ang sanglibutan noon, na inapawan ng tubig, ay napahamak:

“Nguni't ang sangkalangitan ngayon, at ang lupa, sa pamamagitan ng gayon ding salita ay iningatang talaga sa apoy, na itinataan sa araw ng paghuhukom at ng paglipol sa mga taong masama.

“Datapuwa't darating ang araw ng Panginoon na gaya ng magnanakaw; na ang sangkalangitan sa araw na iyan ay mapaparam na kasabay ng malaking ugong, at ang mga bagay sa langit ay mapupugnaw sa matinding init, at ang lupa at ang mga gawang nasa lupa ay pawang masusunog.” (II Ped. 3:5-7, 10)

Huwag nating limutin kailanman na sa Araw ng Paghuhukom, ang lahat ng nasa lupa at nasa langit ay mapupugnaw sa matinding init na ito rin ang araw ng paglipol sa lahat ng taong masama.

Huwag nating tularan ang pagwawalang-bahala ng tao sa panahon ni Noe sapagkat ang lahat ng nagwalang-bahala ay napahamak.  Dapat nating tularan si Noe at ang mga kasama niya na sinamantala ang pagkakataong ibinigay ng Diyos.  Dahil dito, sila ay naligtas sa kapahamakan.  Tulad ni Noe at ng kaniyang mga kasama, huwag nating ipagwalang-bahala ang darating na Paghuhukom.  Bagkus, gawin natin ang kaukulang paghahanda para sa araw na iyon.

ANG MARAPAT NA PAGHAHANDA
Ano ang dapat nating gawin upang sa Araw ng Paghuhukom ay hindi tayo mapahamak?

“Kaya nga kayo'y magsihanda naman; sapagka't paririto ang Anak ng tao sa oras na hindi ninyo iniisip.” (Mat. 24:44)

Ang pagdating ni Cristo ay katulad din ng pagdating ng bahang-gunaw sa panahon ni Noe—hindi inaasahan ng marami.  Kaya, ito ay dapat paghandaan ng lahat ng tao.  Kung gayon, paano ang marapat na paghahanda?  Ayon sa Biblia, ang paghahanda ay sa pamamagitan ng pagsisikap na tayo’y masumpungan sa kapayapaan:

“Kaya nga, mga minamahal, yamang kayo'y nagsisipaghintay ng mga bagay na ito, ay pagsikapan ninyong masumpungan kayo sa kapayapaan, na walang dungis at walang kapintasan sa paningin niya.” (II Ped. 3:14)

Ang kapayapaang ito ay nasa katawan:

“At maghari sa inyong puso ang kapayapaan ni Cristo, na diya'y tinawag din naman kayo sa isang katawan; at kayo'y maging mapagpasalamat.” (Col. 3:15)

Ang katawang tinutukoy ay ang Iglesia (Col. 1:18)—ang Iglesia ni Cristo:

“Mangagbatian kayo ng banal na halik.  Lahat ng iglesya ni Cristo ay bumabati sa inyo.” (Roma 16:16, New Pilipino Version)

Sa panahon ni Noe, ang kailangan ng tao upang maligtas mula sa bahang-gunaw ay ang daong.  Iyon noon ang dako ng kaligtasan.  Sa Araw ng Paghuhukom, hindi na bahang-gunaw ang ipanlilipol ng Diyos sa lahat ng taong masama kundi ang apoy na susunog sa buong lupa.  Ang kailangan naman ngayon ng tao ay ang tunay na Iglesia—ang Iglesia ni Cristo.  Ito ang dako kung saan dapat masumpungan ang tao upang maligtas sa Araw ng Paghuhukom.  Samakatuwid, ang pag-anib sa Iglesia ni Cristo ang marapat na paghahanda sa Araw ng Paghuhukom.

Bakit ang pag-anib sa Iglesia ang paghahanda sa pagparito ng ating Panginoong Jesucristo o sa Araw ng Paghuhukom?  Ito ay sapagkat ang Iglesia na katawan ni Cristo ang Kaniyang ililigtas:

“Sapagka't ang lalake ay pangulo ng kaniyang asawa, gaya naman ni Cristo na pangulo ng iglesia, na siya rin ang tagapagligtas ng katawan.” (Efe. 5:23)

Kung paanong dumating ang bahang-gunaw noon, ang Araw ng Paghuhukom ay tiyak ding darating (Heb. 9:27).  Dahil dito, huwag nating ipagwalang-bahala ang pag-anib sa Iglesia ni Cristo—ang tanging kaparaanang itinakda ng Diyos upang mailigtas ni Cristo ang tao mula sa dagat-dagatang apoy nang ayon sa katarungan ng Diyos.

Huwag nating tularan ang pagwawalang-bahala ng mga tao sa panahon ni Noe.  Ipinagwalang-bahala nila ang ibinabala ni Noe—hindi sila nagsikap na makapasok sa daong na siyang tanging kaparaanan upang sila ay maligtas.  Dahil dito, sila ay napahamak.

Ngayon ay mayroon ding babala—huwag nating ipagwalang-bahala.*

Inaanyayahan ka naming dumalo sa aming mga pagsamba.

Polyeto
Inilathala ng Iglesia ni Cristo
Patnugutan:  Iglesia ni Cristo Central Office
No. 1 Central Ave., New Era
Quezon City 1107 Philippines

Bible Study Suggestion: If you have further questions, please feel free to visit the Iglesia ni Cristo congregation nearest you. A minister or an evangelical worker would be happy to answer any biblical question you have in mind.

IGLESIA NI CRISTO SITE