Huwebes, Disyembre 11, 2014

KUNG SAAN NAROON NGAYON ANG IGLESIA NA ITINAYO NI CRISTO NOONG UNANG SIGLO SA JERUSALEM

KUNG SAAN NAROON NGAYON ANG
IGLESIA NA ITINAYO NI CRISTO NOONG
UNANG SIGLO SA JERUSALEM



ITINUTURO ng Banal na Kasulatan na si Cristo ay nagtayo ng Kaniyang Iglesia noong unang siglo sa Jerusalem.  Ang pangalang itinawag dito ng mga Apostol ay IGLESIA NI CRISTO (Roma 16:16), sapagka’t sinabi ni Cristo:  “… itatayo ko ang AKING IGLESIA…” (Mat. 16:18).  Ang kahulugan ng salitang IGLESIA NI CRISTO ay KATAWAN NI CRISTO, sapagka’t ang Iglesia ay katawan ni Cristo at si Cristo ang ulo (Col. 1:18).  Ang tanong ay:  “SAAN NAROON NGAYON ANG IGLESIA NA ITINAYO NI CRISTO NOONG UNANG SIGLO SA JERUSALEM?”  Kung si Cristo’y nagtayo ng Iglesia noong unang siglo sa Jerusalem at ito’y tinawag na Iglesia ni Cristo, saan naroon ngayon ito? Bakit natin ito hindi kinagisnan?  Bakit Iglesia Katolika Apostolika Romana ang ating kinagisnan sa Pilipinas?  Ano ang nangyari sa Iglesiang itinayo ni Cristo?  Ito ngayon ang ating pag-aaralan, hindi batay sa kuru-kuro o pala-palagay ng sumulat nito, kundi batay sa mga talata ng Banal na Kasulatan at mga reperensiya.

SAAN NAROON NGAYON ANG IGLESIA NA
ITINAYO NI CRISTO NOONG UNANG SIGLO SA JERUSALEM?
     Sa Mat. 24:11, ay ganito ang ipinahayag ni Cristo tungkol sa mangyayari sa Iglesiang itinayo Niya:

     “At magsisibangon ang maraming bulaang propeta, at kanilang ililigaw ang marami.”

     Ano ang mangyayari ayon sa hula ni Cristo?  Ang marami sa Kanyang mga alagad ay ililigaw.  Sino ang magliligaw?  Ang magsisibangong maraming bulaang propeta.  Sino itong mga bulaang propeta na magliligaw sa Iglesia ni Cristo? Makikilala ba natin ang mga ito?  May tanda bang ibinigay si Cristo na siyang ikakikilala sa mga bulaang propeta?  Sa Mat. 7:15, ay ganito ang nasusulat:

     “Mangagingat kayo sa mga bulaang propeta, na nagsisilapit sa inyo na may damit tupa, datapuwa't sa loob ay mga lobong maninila.”

Paano natin makikilala?  Sa damit na kanilang isusuot.  Anong damit itong isusuot ng mga bulaang propeta?  Sila’y lalapit na may damit-tupa, datapuwa’t sa loob ay mga lobong maninila.  May damit ba ang hayop na tupa? Wala!  Bakit sinabi ni Jesus na ang mga bulaang propeta ay nakadamit tupa?  Sino ba ang tupang may damit?  Sa Juan 1:29, ay ganito ang nasusulat:

“Nang kinabukasan ay nakita ni Juan si Jesus na lumalapit sa kaniya, at sinabi, Narito, ang Cordero ng Dios, na nagaalis ng kasalanan ng sanglibutan!”

     Sinasabi sa talatang ito na si Jesus ay Cordero ng Diyos.  Ang salitang Cordero ay wikang Kastila na ang katapat sa wikang Pilipino ay Tupa.  Samakatuwid, si Jesus ang tupa na nagdaramit.  Ang damit ng tupang si Jesus ang tutularan ng mga bulaang propeta.  Sinong mga tao ang nagdaramit ng katulad ng kay Jesucristo?  Sa aklat ng paring si Enrique Demond na pinamagatang Ang Aral na Katoliko, pahina 195, ay ganito ang nasusulat:

     “Ang pananamit ng paring nagmimisa… Ang paring gayak sa pagmimisa ay nakakatulad ni Jesucristo…”

     Sinong mga tao ang nagdaramit ng katulad ng sa ating Panginoong Jesucristo?  Ang mga pari ng Iglesia Katolika.  Iyan ay ayon sa paring Enrique Demond.  Ano ba iyong damit na isinuot ni Jesus na siyang tinutularan ng mga paring katoliko?  Ang sasagot sa tanong na iyan ay isang manunulat at depensor katoliko na si Ginoong Lino D. Javier.  Sa aklat na sinulat ni G. Javier na pinamagatang Saradong Katoliko Romano Kami, pahina 55, 56, ay ganito ang nasusulat:

      “T.  Bakit naman kaibigang Santos, ang Santo Papa, mga Obispo, at mga Pari ay mahahaba ang laging suot na damit, at hindi tuloy makilala kung sila’y babai o lalaki?  Bakit hindi pa ang isuot nila ay ang mga damit na tulad ng ugaling isinusuot natin ngayon?
      “S. Nakikilala ng mga tunay na Kristiano ang mga Alagad ng Diyos, na sila’y mga lalaki:  at ang damit na mahaba ay ‘uniforme,’ bilang ipinakikilala nga na sila’y mga Apostol, na hindi nila inaalis ang damit na mahaba na isinuot ng ating Panginoon sa kapanahunan Niya.”

     Ayon kay G. Javier, ang damit na mahaba raw ng pari ay uniforme at ipinakikilala raw nito na ang mga pari ay mga Apostol, at hindi raw inaalis ng pari ang damit na mahaba na isinuot ni Cristo noong kapanahunan Niya.  Maliwanag, kung gayon, na ang mga pari nga ng Iglesia Katolika ang nagsusuot ng damit na katulad ng damit ni Jesus.  Samakatuwid, ang mga paring katoliko ang mga bulaang propeta.  Sila ang hinulaan ni Jesus na magliligaw o magtatalikod sa Iglesiang itinayo Niya noong unang siglo sa Jerusalem.  Papaano maitatalikod o maililigaw nitong mga bulaang propeta o ng mga pari itong mga alagad ni Jesus?  Sa I Tim. 4:1 ay ganito ang sinasabi:

     “Nguni't hayag na sinasabi ng Espiritu, na sa mga huling panahon ang iba'y magsisitalikod sa pananampalataya, at mangakikinig sa mga espiritung mapanghikayat at sa mga aral ng mga demonio,”

     May magtuturo ng aral ng mga demonio at ito ang pakikinggan ng mga alagad ng ating Panginoong Jesucristo, kaya sila’y matatalikod sa pananampalataya. Ano ang dalawa sa aral ng mga demonio na binabanggit ni Apostol Pablo sa pagkakataong iyon?  Sa talatang 3 ay ganito ang sinasabi:

     “Na ipinagbabawal ang pagaasawa, at ipinaguutos na lumayo sa mga lamangkati, na nilalang ng Dios upang tanggapin na may pagpapasalamat ng mga nagsisisampalataya at nangakakaalam ng katotohanan.”

     Ang dalawa sa aral ng mga demonio ay, ipagbabawal ang pag-aasawa at ipag-uutos na lumayo sa lamangkati.  Sino ang nagtuturo ng aral ng demonio nabawal ang pag-aasawa?  Sa aklat na sinulat ni Cardinal Gibbons na pinamagatang The Faith of Our Fathers, at tinagalog ni G. Rufino Alejandro at tinawag na Ang Pananampalataya ng ating mga Ninuno, pahina 396, ay ganito ang sinasabi:

     “Ang disiplina ng Iglesia (Katolika)  ay ipinatupad buhat pa sa pasimula, sa pamamagitan ng pagbabawal sa mga saserdote na mag-asawa pagkatapos na sila’y maordenan.”

     Pinatutunayan sa atin dito  ni Cardinal Gibbons na ang nagbawal ng pag-aasawa, na ito’y aral ng demonio, ay ang Iglesia Katolika, at ang pinagbabawalang mag-asawa ay ang mga saserdote o mga pari.  Kung gayon, ang Iglesia Katolika ang nagtuturo ng aral ng demonio na bawal ang pag-aasawa.  Sino naman ang nag-utos na lumayo sa lamangkati, na ito’y aral din ng demonio?  Sasagutin tayo ng paring si Demond.  Sa aklat ng pa ring ito na pinamagatang Ang Aral Na Katoliko, pahina 139, ay ganito ang nasusulat:

     “Sa ikalawang utos ay ipinaguutos ng Santa Iglesia (Katolika) sa atin na magayuno at huwag kumain ng anomang lamangkati o karne sa mga araw na ipinagbabawal niya.”

     Malinaw na inaamin dito ng paring si Enrique Demond na ang Iglesia Katolika ang nag-utos na lumayo sa lamangkati o huwag kumain ng karne, na ito’y isa sa aral ng demonio.  Ang mga aral na ito ng demonio ang pinakinggan ng mga alagad ni Cristo, kaya sila’y natalikod sa pananampalataya.

     Ano ang iminamatuwid ng mga tagapagturong katoliko na dahilan ng kanilang pagbabawal ng pag-aasawa?  Ganito ang iminamatuwid ni Cardinal Gibbons:

     “Walang mahahagilap tayong katibayan sa Banal na Kasulatan na ang sinuman sa mga Apostoles, maliban kay San Pedro, ay may asawa” (Pananampalataya ng ating mga Ninuno, pahina 395)

     Nagsasabi kaya ng totoo si Cardinal Gibbons na umano’y walang mahahagilap na katibayan sa Banal na Kasulatan na ang mga Apostol ay may asawa, liban kay Apostol Pedro?  Kung may mahagilap kaming katibayan sa Banal na Kasulatan na ang mga Apostol ay may asawa, papaya kaya si Cardinal Gibbons na siya at ang kanyang mga kasamang pari ay mga mangmang sa Biblia?  Kung sasabihin naman nilang alam din nila itong aming ipakikitang katibayan, papayag naman kaya na sila’y magdaraya?  Sa I Cor. 9:5, narito ang katibayan na ang mga Apostol ay may asawa:

     “Wala baga kaming matuwid na magsipagsama ng isang asawa na sumasampalataya, gaya ng iba't ibang mga apostol, at ng mga kapatid ng Panginoon, at ni Cefas?”

     May asawa ba ang iba’t ibang mga Apostol?  Mayroon, ayon kay Apostol Pablo, gayundin ang mga kapatid ng Panginoon at si Cefas.  Sino ba ang tinatawag na mga kapatid ng Panginoon?  Si Apostol Santiago at Apostol Juan (Gal. 1:19, Mar. 5:37).  Si Cefas naman ay si Apostol Pedro (Juan 1:42).  Ang katunayang may asawa si Pedro, siya’y may biyenan (Mat. 8:14).  Bakit sasabihin ni Cardinal Gibbons na walang mahahagilap na katibayan sa Banal na Kasulatan na ang mga Apostol ay may asawa, liban kay San Pedro?  Maliwanag na siya’y nagsisinungaling!  Maging ang mga Obispo ng Iglesiang itinatag ni Cristo, ay pinahihintulutan ding mag-asawa:

     “Dapat nga na ang Obispo ay walang kapintasan, asawa ng isa lamang babae…” (I Tim. 3:2)

     May asawa ba ang mga Obispo sa Iglesiang itinatag ni Cristo?  Mayroon, ayon kay Apostol Pablo.  Dapat na ang Obispo ay walang kapintasan, asawa ng isa lamang babae.  Nguni’t palibhasa’y ang Iglesia Katolika’y hindi naman itinatag ni Cristo, kaya ipinagbabawal sa kanyang mga Obispo at mga Pari ang pag-aasawa, na ito ay aral ng demonio.

GALING BA KAY JESUS ANG PANGALANG
IGLESIA KATOLIKA APOSTOLIKA ROMANA?
     Ang sasagot sa tanong na iya’y ang paring katolikong si Juan Trinidad.  Sa aklat ng paring ito na pinamagatang Iglesia ni Cristo, pahina 10, ay ganito ang sinasabi:

     “Hindi galing kay Jesus ang pangalang Iglesia Katolika Apostolika Romana.” 

     Maliwanag ang sagot ni Pari Juan Trinidad, hindi raw galing kay Jesus ang pangalang Iglesia Katolika Apostolika Romana.  Dito ay may tutol ang mga pari.  Hindi raw sila ang may sabi nito kundi kami raw.  Inuulit daw lamang nila ang sinasabi ng Iglesia ni Cristo.  Nguni’t sinasang-ayunan naman ito ng mga pari, katunaya’y nagmamatuwid sila.  Ganito ang pagmamatuwid ng paring si Juan Trinidad:

     “Hindi galing kay Jesus ang pangalang ‘Iglesia Katolika Apostolika Romana,’ nguni’t gaya ng sabi sa mga Ingles:  ‘A rose by any other name will be sweet still.’  Hindi ang pangalan ang dapat pagtalunan kundi ang katotohanan.”  (Iglesia ni Cristo, p. 10).

     Dito’y maliwanag na tinatanggap ng mga pari na hindi nga galing kay Jesus ang pangalan ng kanilang Iglesia.  Nguni’t kung hindi man daw galing kay Jesus ang pangalang “Iglesia Katolika Apostolika Romana”  ang kasabihang Ingles daw naman ay nagsasabing:  “Ang rosas , tawagin man sa ibang pangalan, ay mabango pa rin.”  At hindi raw ang pangalan ang dapat pagtalunan kundi ang katotohanan.  At sapagka’t hindi galing kay Jesus ang pangalang Iglesia Katolika Apostolika Romana, saan ito galing?  Saan galing ang pangalang ito?  Sa aklat na sinulat ng paring si Clement H. Crock na pinamagatang “The Apostles’ Creed,” pahina 191, ay ganito ang sinasabi:

     “In 1870, at the Vatican Council, the name Roman Catholic Church was proposed, but it was rejected.  The bishops assembled unanimously decided upon the official name:  ‘The Holy Catholic Apostolic Roman Church’.”

     Sa wikang Pilipino:
     “Noong 1870, sa Konsilyo ng Batikano, ang pangalang ‘Iglesia Katolika Romana’ ay pinanukala, nguni’t tinutulan.  Ang mga obispong nagkatipon ay buong pagkakaisang nagpasya sa opisyal na pangalang ito:  ‘Ang Banal na Iglesia Katolika Apostolika Romana’.”

     Sino ang lumikha ng pangalang Iglesia Katolika Apostolika Romana?  Ang Konsilyo ng Batikano!  Kailan?  Noong 1870.  Samakatuwid, hindi nga kay Cristo galing ang Iglesia Katolika Apostolika Romana kundi sa mga Obispo na nagkatipon sa Konsilyo sa Batikano noong 1870.  Aling Iglesia ang itinayo ni Cristo, ayon sa paring katolikong si Francis B. Cassilly?  Sa aklat ng paring ito na pinamagatang Religion Doctrine and Practice, pahina 442, ay ganito ang sinasabi:

     “Did Jesus Christ establish a Church?

     “Yes from all history, both secular and profane, as well as from the Bible considered as a human document, we learn that Jesus Christ established a Church, which from the earliest times has been called after him the Christian Church or the Church of Christ.”

     Sa Pilipino:
     “Si Jesucristo ba’y nagtayo ng Iglesia?

     “Oo, mula sa lahat ng kasaysayan, maging pansanlibutan at di ukol sa kabanalan, lalung-laluna sa mula sa Biblia na kinikilalang isang dokumentong makatao, natutuhan natin na si Jesucristo’y nagtayo ng Iglesia, na mula sa kauna-unahang panahon ay tinawag ng sunod sa Kanya ang Iglesia Cristiana o ang Iglesia ni Cristo.”

     Maliwanag na pinatutunayan ng paring katolikong si Francis B. Cassilly na Iglesia ni Cristo ang itinayo ni Cristo—hindi Iglesia Katolika Apostolika Romana.  Ano ba ang kahulugan ng salitang Katoliko?  Ganito ang sagot ng paring si Enrique Demond na mababasa sa kanyang aklat na pinamagatang Ang Aral Na Katoliko, pahina 83:

     “Ang Iglesia Romana lamang ang tunay na katolika,  ang kahulugan ng wikang katoliko ay universal o kung tatagalugin ay laganap sa lahat.  Universal o laganap siya dahil sa pagkakakalat.”

     Ayon kay Pari Demond, ang kahulugan daw ng salitang katoliko ay universal o laganap sa lahat—samakatuwid ay laganap sa boong sanlibutan.  Ipinagmamalaki pa ito ng mga pari.  Ang Iglesia Romana lamang daw ang tunay na katolika o laganap sa boong mundo.  Dahil kaya rito’y sa Diyos na at maliligtas ang Iglesia Romana?  Ayon naman kay Jesus, saan patungo itong marami o laganap sa boong sanlibutan?  Sa Mat. 7:13-14, ay ganito ang sinasabi:

     “Kayo'y magsipasok sa makipot na pintuan: sapagka't maluwang ang pintuan, at malapad ang daang patungo sa pagkapahamak, at marami ang doo'y nagsisipasok.  Sapagka't makipot ang pintuan, at makitid ang daang patungo sa buhay, at kakaunti ang nangakakasumpong noon.”

     Saan patungo ang marami o ang laganap ayon kay Jesus?  Patungo sa pagkapahamak!  Pintuang maluwang ang pinasukan nitong marami o laganap.  Mapapahamak ang lahat ng nagsipasok dito.  Samakatuwid, hindi katunayang sa Diyos at maliligtas, dahil sa ito’y marami o laganap sa boong mundo.   Ang pumasok sa pintuang maluwang o sa Iglesia katolika ay mapapahamak.  Alin ang pintuan sa ikaliligtas?  Ang sabi ni Jesus:  “Ako ang pintuan;  ang sinomang taong pumasok sa akin, ay siya’y maliligtas…” (Juan 10:9).  Si Jesus ang pintuang makipot na patungo sa buhay.  Ang pumasok sa Kanya ay maliligtas at magtatamo ng buhay na walang hanggan (I Juan 5:11-13).

     Ano ba ang tawag sa mga kaanib na bumubuo sa Iglesia Katolika?  Sa isang polyeto na pinamagatang Maikling Katesismo Ng Aral Na Kristiyano, pahina 50, ay ganito ang sinasabi:

     “178. Ano ang tawag sa mga taong sumusunod sa Santo Papa at sa mga Obispo?
     “Ang mga sumusunod sa Santo Papa at mga Obispo na parang kanilang pinuno at ama ng kaluluwa ay tinatawag na mga Katoliko at sila ang mga kaanib na bumubuo ng Santa Iglesia Katolika.”

     Katoliko ang tawag sa mga taong sumusunod sa mga Papa at mga Obispo, o sa mga kaanib na bumubuo sa Iglesia katolika.  Ano naman ang tawag sa mga kaanib sa Iglesia ni Cristo?  Sa Gawa 11:26, ay ganito ang sinasabi:

     “At nang siya'y kaniyang masumpungan ay kaniyang dinala siya sa Antioquia. At nangyari, na sa buong isang taon sila'y nakisama sa iglesia, at nagsipagturo sa maraming tao; at ang mga alagad ay pinasimulang tawaging mga Cristiano, sa Antioquia.”

     Ano ang tawag?  Cristiano!  Cristiano ba ang hindi Iglesia ni Cristo?  Ganito ang sabi ng Papa ng mga katoliko na mababasa sa aklat na Papal Encyclicals—mga Sulat ng Papa, pahina 39:

     “Whoever he is and whatever he is, he who is not in the Church of Christ is not a Christian.”

     Sa Pilipino:
     “Sinuman siya at anuman siya, siya na hindi Iglesia ni Cristo ay hindi Cristiano.”

     Ayon sa Papa ng mga katoliko, ang hindi raw Iglesia ni Cristo ay hindi Cristiano.  Ang mga kaanib sa Iglesia Katolika ay hindi Cristiano kundi Katoliko.  Ang mga kaanib lamang sa Iglesia ni Cristo ang tinatawag na Cristiano.

     Tangi sa tawag na Katoliko, ano pa ang tandang ikakikilala sa mga nadaya ng mga bulaang propeta o ng mga pari?  Sa Apoc. 13:16, ay ganito ang sinasabi:

     “At ang lahat, maliliit at malalaki, at mayayaman at mga dukha, at ang mga laya at ang mga alipin ay pinabigyan ng isang tanda sa kanilang kanang kamay, o sa noo.”

     Sinu-sino itong mga taong binigyan ng tanda sa kanang kamay at sa noo?  Ang paring si Enrique Demond ang sasagot sa tanong na iyan.  Ganito ang kanyang sagot na mababasa sa kanyang aklat na pinamagatang Ang Aral Na Katoliko, pahina 11:

     “Ang tanda ng Santa Krus ay siyang tanda ng taong Katoliko, sapagka’t siyang ikinatatangi at ikinaiiba ng taong Katoliko sa taong Protestante.”

     Sino ang mga taong may tanda sa kanang kamay at sa noo ayon kay Pari Demond?  Ang mga Katoliko.  Ano ang tanda ng mga taong Katoliko?  Ang tanda raw ng Santa Krus.  Papaano ba ang pag-aantanda?  Ganito ang sagot ni Pari Demond:

     “Ang pagaantanda ay ang paggawa ng tatlong Krus nang hinlalaki ng kanang kamay; ang una’y sa noo…”

     Maliwanag na ang mga Katoliko nga ang mga taong may tanda sa kanang kamay at sa noo.  Ito ang tanda ng mga nadaya ng mga bulaang propeta o ng mga pari.  Bakit tiyak na mga nadaya itong mga may tanda sa kanang kamay at sa noo o ang mga katoliko?  Ano ba ang babala ng Diyos sa lahat ng tumanggap ng tanda sa kanang kamay at sa noo?  Sa Apoc. 14:9-11, ay ganito ang sinasabi:

     “At ang ibang anghel, ang pangatlo, ay sumunod sa kanila, na nagsasabi ng malakas na tinig, Kung ang sinoman ay sumasamba sa hayop at sa kaniyang larawan, at tumatanggap ng tanda sa kaniyang noo, o sa kaniyang kamay,
     “Ay iinom din naman siya ng alak ng kagalitan ng Dios, na nahahandang walang halo sa inuman ng kaniyang kagalitan; at siya'y pahihirapan ng apoy at asupre sa harapan ng mga banal na anghel, at sa harapan ng Cordero:
     “At ang usok ng hirap nila ay napaiilanglang magpakailan kailan man; at sila'y walang kapahingahan araw at gabi, silang mga nagsisisamba sa hayop at sa kaniyang larawan, at sinomang tumatanggap ng tanda ng kaniyang pangalan.”

     Ano ang babala ng Diyos sa lahat ng mga may tanda sa noo at kanang kamay, samakatuwid baga’y sa mga taong Katoliko?  Sila’y iinom ng alak ng kagalitan ng Diyos na walang halong awa, at sila’y pahihirapan ng apoy at asupre magpakailan-kailanman, at sila’y walang kapahingahan araw  at gabi.  Kahabaghabag na mga katoliko!  Ngayon pa’y sentenciado na ang lahat ng mga Katoliko!  May panahon pa kayo, mga kababayang katoliko upang magbago.  Magbalikloob kayo sa Diyos.  Lumabas kayo sa Iglesia Katolika, upang huwag kayong maramay sa kanyang mga kasalanan at huwag kayong tumanggap ng kanyang mga salot (Apoc. 18:4-5).

           Malinaw sa mga katotohanang natunghayan natin kung bakit hindi natin nagisnan ang Iglesiang itinayo ni Cristo noong unang siglo.  Natupad ang hula ni Jesus na ang marami sa Kanyang mga alagad ay maliligaw.  Naligaw nga, sapagka’t nakinig sa mga aral ng demonio na itinuro ng Iglesia Katolika.  Tinandaan sila sa kanang kamay at sa noo at ginawa silang mga Katoliko.  Ano naman ang gagawin doon sa mga Iglesia ni Cristo na hindi susunod sa aral ng demonio?  Lahat ba’y maliligaw?  Sa Gawa 20:29, ay ganito ang sinasabi:

     “Aking talastas na pagalis ko ay magsisipasok sa inyo ang mga ganid na lobo, na hindi mangagpapatawad sa kawan.”

     Hinulaan ni Apostol Pablo na pagkaalis niya, na ang tinutukoy ay ang kanyang pagkamatay (Gawa 20:25, 37-38; II Tim. 4:6), papasok sa Iglesia ang mga ganid na lobo at hindi patatawarin ang kawan o ang Iglesia (Gawa 20:28).  Sino itong mga ganid na lobo?  Ito rin ang mga bulaang propeta na nakadamit tupa, datapuwa’t sa loob ay mga lobong maninila (Mat. 7:15).  Ang tupang hayop ay walang damit.  Si Jesus ang tupang nagdaramit (Juan 1:29).  Ang damit na katulad ng damit ni Cristo ang isusuot ng mga bulaang propeta.  Ayon sa naliwanagan na natin sa unahan nito, ang mga paring katoliko ang nagdaramit ng katulad ng damit ni Cristo (Aral Na Katoliko, pahina 195).  Samakatuwid, ang mga paring katoliko ang mga ganid na lobo na hindi magpapatawad sa Iglesia na ang ibig sabihi’y magpapapatay sila.  Kung sino ang kanilang papatayin, ang Pasyon din ng mga katoliko ang nagsasabi:  “Ang sinumang sumalangsang at sa kaniya’y sumuway, tambing na parurusahan ng dusang kamataymatay para ng martir na tunay.” (Pasion Genesis, pahina 208).  Gaano karami ang pinatay ng Iglesia Katolika ng mga paring Romanista?  Sa kasaysayang sinulat ni Mr. F. H. Sills na pinamagatang Roman Catholicism Investigated and Exposed, pahina 16, ay ganito ang mababasa:

     “Mayroong mahigit pang limampung milyong katao sa pamilya ng sangkatauhan ang kabuuan ng naipapatay ng Simbahang Katoliko ng mga Romanista sa daigdig, at ang mga dugo ng mga bayani at mga martir na ito, na inyong naipapatay, ay makapupuno sa isang malaking hukay sa lupa, na sampung talampakan ang lalim (10 feet deep), sampung talampakan ang luwang (10 feet wide), at dalawampung milya ang haba (20 miles long).”

     Napakaraming mga tao ang pinatay ng Iglesia Katolika dahil lamang sa hindi pagsunod sa kanyang mga maling aral!  Limampung milyong tao sa buong mundo!  At dito sa Pilipinas ay marami rin ang napatay ng Iglesia Katolika.  Isa na si Dr. Jose Rizal na sumalansang sa mga aral ng katolisismo.  Ano ang katunayang ang Iglesia Katolika ang nagpapatay kay Rizal?  Ganito ang pagtatapat ng asawa ni Rizal na si Josefina Bracken, na ipinagkaloob sa mga reporter ng pahayagang The China Mail:

     “Nakagawa ng malaking kasalanan si Polavieja sa Diyos at sa kasaysayan noong umaga ng ika-30 ng Disyembre, 1896.  Suriin ninyo kung maipatatawad ang mga kasalanan niyang ito:  Ipinapatay niya ang aking asawa, si Dr. Rizal, na walang kasalanan kundi ang umibig sa kanyang bayan.  At sa pagpatay na ito ay napalakip pa ang isang mabigat na sagutin niya. Dili iba kundi ang pagkatanggap ng suhol na animnapung libong pisong Mehikano (P60,000) sa kamay ng Arsobispo, na siyang nangilak noon sa mga samahang relihiyosa upang matiyak na hindi babaguhin ni Polavieja ang hatol ng hukumang digma na patayin ang aking asawa.”

     Upang matiyak ang pagpatay kay Rizal, ang Arsobispong Katoliko ay sumuhol ng animnapung libong piso kay Gobernador Polavieja.  Ito ang pagtatapat ng asawa ng ating bayani.  Maliwanag na ang Iglesia Katolika ang nagpapatay kay Rizal, at sa angaw-angaw na tao sa boong daigdig na sumalangsang sa kanyang mga maling aral.  Mamamatay tao!  Sa Diyos ba ang mamamatay tao?  Ang sabi ni Jesus:  “Kayo'y sa inyong amang diablo, at ang mga nais ng inyong ama ang ibig ninyong gawin. Siya'y isang mamamatay-tao buhat pa nang una, at hindi nananatili sa katotohanan, sapagka't walang katotohanan sa kaniya. Pagka nagsasalita siya ng kasinungalingan, ay nagsasalita siya ng sa ganang kaniya: sapagka't siya'y isang sinungaling, at ama nito.” (Juan 8:44).  Mahuhulo na ninyo kung kanino ang Iglesia Katolika na nagpapatay ng maraming tao.


TOTOO NGA KAYA NA
APOSTOLIKA ANG IGLESIA KATOLIKA?
     Sa Aral Na Katoliko ni Enrique Demond, pahina 84, ay ganito ang sinasabi:
    
     “Ang Iglesia Katolika ay apostolika dahil sa aral at turo niya.  Ang aral at turo niya ay ang aral at turo ng mga apostol.”

     Ayon kay Pari Demond, Apostolika raw ang Iglesia Katolika dahil sa aral at turo niya.  Ang aral at turo daw ng Iglesia Katolika ay ang aral at turo ng mga Apostol.  Totoo nga kaya ito?  Suriin natin ang mga aral katoliko upang ating mapatunayan kung totoo o kabulaanan ang sinasabing ito ng mga pari.  Kumuha tayo ng isa sa aral ng Iglesia Katolika at iparis natin sa aral ng mga Apostol.  Sa Aral Na Katoliko, ni Pari Demond, pahina 8, ay ganito ang sinasabi:

     “Hindi sapat ang maniwala sa mga katotohanang natititik sa Banal na Kasulatan lamang, tayo’y dapat ding maniwala sa Alamat…”

     Narito ang isa sa aral ng Iglesia Katolika.  Hindi raw sapat ang maniwala sa Banal na Kasulatan lamang.  Dapat din daw maniwala sa Alamat.  Alin itong Alamat na sinasabi ni Pari Demond na dapat din daw paniwalaan?

     “Sa salita ng bibig ay sa salitang tunay na pasalinsalin o alamat (Tradision).”

     Ang alamat daw ayon sa pari ay ang mga sali’t saling sabi o tradisyon.  Dapat din daw itong paniwalaan, tangi sa Banal na Kasulatan.  Sang-ayon kaya ito sa aral ng mga Apostol?  Sa Col. 2:8, ay ganito ang sabi ni Apostol Pablo:

     “Kayo'y magsipagingat, baka sa inyo'y may bumihag sa pamamagitan ng kaniyang pilosopia at walang kabuluhang pagdaraya, ayon sa sali't saling sabi ng mga tao, ayon sa mga pasimulang aral ng sanglibutan, at di ayon kay Cristo.”

     Dito’y binabalaan ni Apostol Pablo ang mga kaanib sa Iglesia ni Cristo na sila’y magsipag-ingat.  Ano ang isa sa dapat pag-ingatan?  Ang mga sali’t saling sabi na siyang ipambibihag at ipandaraya ng mga magdaraya.  Samakatuwid, laban ang mga Apostol sa mga sali’t saling sabi.  Hindi ito dapat paniwalaan kundi dapat pag-ingatan.  Kung gayon, hindi Apostolika ang Iglesia Katolika.  Kabulaanan ang sinasabi ngmga pari na ang aral at turo ng Iglesia Katolika ay mga aral at turo ng mga Apostol.  Ito’y hindi totoo.  At ang sinasabi ng mga pari na hindi sapat ang Banal na Kasulatan, ito kaya ay sang-ayon sa aral ng mga Apostol?  Tunghayan natin ang itinuro ng mga Apostol tungkol sa Banal na Kasulatan:

     “Ang lahat ng mga kasulatan na kinasihan ng Dios ay mapapakinabangan din naman sa pagtuturo, sa pagsansala, sa pagsaway, sa ikatututo na nasa katuwiran:
     “Upang ang tao ng Dios ay maging sakdal, tinuruang lubos sa lahat ng mga gawang mabuti.” (II Tim. 3:16-17).

     Alin ang sinabi ni Apostol Pablo na mapapakinabangan sa pagtuturo, sa pagsansala, sa pagsaway, sa ikatututo sa katuwiran at ikasasakdal ng tao ng Diyos sa lahat ng gawang mabuti?  Ang mga kasulatang kinasihan ng Diyos.  Alin itong mga kasulatang kinasihan ngDiyos?  Ito ang Banal na Kasulatan o ang Biblia, na binubuo ng animnapu’t anim na aklat, —39  na aklat ang Matandang Tipan at 27 aklat ang Bagong Tipan.  Papaano kinasihan ng Diyos itong Biblia o Banal na Kasulatan?  Iniutos ang pagpapasulat nito (Apoc. 1:10, 17-19).  Binabantayan ng Diyos samantalang ito’y sinusulat (Apoc. 10:4).  At kung dapat nang tapusin, ang Diyos din ang nagpapatapos (Dan. 12:4).  Ganito kinasihan ng Diyos ang Banal na Kasulatan.  Ayon sa turo ng mga Apostol, ito ay sapat na upang ang tao ng Diyos ay maging sakdal, tinuruang lubos sa lahat ng gawang mabuti.  Ayon naman sa Iglesia Katolika, hindi sapat ang maniwala sa Banal na Kasulatan lamang.  Kailangan pa raw ang mga sali’t saling sabi.  Kaya isang malaking kabulaanan ang sinasabing Apostolika raw ang Iglesia Katolika, o nagtuturo raw sila ng aral o turo ng mga Apostol.  Ito’y isang malaking pagdaraya.

     Ano ang iminamatuwid ng mga pari sa pagsasabing hindi sapat ang maniwala sa mga katotohanang nasusulat sa Banal na Kasulatan?  Hindi raw lahat ng ginawa ni Jesus ay nasulat sa Banal na Kasulatan, gaya ng sinasabi sa Juan 21:25:

     “At mayroon ding iba't ibang mga bagay na ginawa si Jesus, na kung susulating isa-isa, ay inaakala ko na kahit sa sanglibutan ay hindi magkakasiya ang mga aklat na susulatin.”

     Totoo bang hindi lahat ng ginawa ni Jesus ay nasulat sa Kasulatan?  Totoo!  Dahil ba rito’y kulang na ang nakasulat sa Banal na Kasulatan?  Hindi!  Bakit hindi sinulat na lahat ang iba’t ibang bagay na ginawa ni Jesus?  Sapagka’t kung susulating isa-isa, kahit sa sanlibutan ay hindi magkakasiya ang mga aklat na susulatin.  Mapupuno ng mga aklat ang mundong ito kung isinulat na lahat ang mga bagay na ginawa ni Jesus.  Kung gayo’y wala na tayong matitirhan, laluna ang mga pari.  Nguni’t ang mga nasulat ay mga pinili upang sampalatayanan, at sa ating pagsampalataya’y magkakaroon tayo ng buhay na walang hanggan, gaya ng mababasa natin sa Juan 20:30-31:

“Gumawa rin nga si Jesus ng iba't ibang maraming tanda sa harap ng kaniyang mga alagad, na hindi nangasusulat sa aklat na ito:
“Nguni't ang mga ito ay nangasulat, upang kayo'y magsisampalataya na si Jesus ay ang Cristo, ang Anak ng Dios; at sa inyong pagsampalataya ay magkaroon kayo ng buhay sa kaniyang pangalan.”

     Samakatuwid, sapat na ang Banal na Kasulatan upang ang tao ng Diyos ay maging sakdal at magkaroon ng buhay na walang hanggan.  Hindi na kailangan ang mga sali’t saling sabi.  Ito ay higit sa nasusulat.  Ang sabi ni Apostol Pablo, “huwag humigit sa nasusulat” (I Cor. 4:6).  Ang sabi ng Diyos, kung ano ang Kanyang iniutos ay siyang dapat isagawa; huwag daragdagan, ni babawasan” (Deut. 12:32).  Ang sabi naman ni Jesus, kahit tuldok o kudlit, sa anumang paraan ay hindi dapat mawala sa kasulatan (Mat. 5:18-19).  Ang magdagdag ay daragdagan ng Diyos ng mga salot; at ang magbawas ay aalisin ng Diyos ang kanyang bahagi sa punong kahoy ng buhay at sa bayang banal (Apoc. 22:18, 19).  Maliwanag na kasinungalingan ang pangangalandakan ng mga pari na ang Iglesia Katolika raw ay Apostolika, sapagka’t nagtuturo raw ng aral at turo ng mga Apostol.  Ito ay hindi totoo.  Napatunayan nating laban sa aral ng mga Apostol ang aral ng Iglesia Katolika, kaya hindi Apostolika kundi anti-Apostol.  Ano pa ang iminamatuwid ng mga pari kaya raw Apostolika ang Iglesia Katolika?

BAKIT DAW APOSTOLIKA ANG
IGLESIA KATOLIKA AYON SA ARAL KATOLIKO?
     Ayon sa Aral Katoliko ni Enrique Demond, pahina 84, Apostolika raw ang Iglesia katolika dahil sa pamamahala.  Sapagka’t ang mga Papa raw at ang mga Obispo ng Iglesia Katolika ay mga kahalili ng mga Apostol.  Kaya ang isa sa pinakapangulong saligan ng Iglesisa Katolika, si Pedro raw ang kanilang unang Papa, at kay Pedro raw nagsihalili ang lahat ng mga Papa hanggang sa kasalukuyan.  Totoo ba ito o kabulaanan?  Suriin natin.  Saan natin mababasa na si Pedro ang unang Papa sa Iglesia Katolika?  Sa aklat ng mga katoliko na pinamagatang The Catholic Encyclopedia, Tomo 12,pahina 272, ay ganito ang nakalagay:

“LIST OF THE POPES.—”
“(1) St. Peter, d. 67 (?).”

     Sa Pilipino ay ganito ang kahulugan:

“TALAAN NG MGA PAPA.—”
“(1) San Pedro, n. 67 (?).”

    
     Hindi na natin sinipi ang sunud-sunod na naging mga Papa.  Ang una lamang ang ating kailangang malaman.  Sa paggawa ng mga katoliko ng talaan ng mga naging Papa nila, si Pedro ang inilagay nilang una.  Nguni’t nilagyan nila ng tandang pananong (?)—question mark o interrogation point—sa dulo.  Ang tandang pananong o “question mark” ay inilalagay sa mga pangungusap na patanong, at hindi lamang dito kundi sa mga bagay mang pinag-aalinlanganan.  Bagama’t inilagay na una sa talaan ng mga Papa ang pangalan ni Pedro, ang mga sumulat ng Encyclopedia Catolica, ay nag-aalinlangan, kaya nilagyan nila ng “question mark” o tandang pananong (?) sa dulo.  Bakit naman sila nag-aalinlangan?  Kailan ba namatay si Pedro?  Ang kanila ring aklat na The Catholic Encyclopedia ang sasagot sa atin.  Sa Tomo 11, pahina 750, ay ganito ang nakalagay:

     “In the ‘Chronicle’ of Eusebius the thirteenth or fourteenth year of Nero is given as that of the death of Peter… (67).”

     Sa Pilipino:
     “Ayon sa ‘Tala’ ni Eusebio ang ikalabintatlo o ikalabing-apat na taon ni Nero ang ibinigay na pagkamatay ni Pedro... (67).”

     Ayon sa mga sumulat ng Encyclopedia Catolica, namatay si Pedro noong taong 67, unang siglo.  Kailan naman nagkaroon ng unang Papa sa Iglesia Katolika?  Sa Tomo 12, pahina 270, nang nasabi ring aklat katoliko, ay ganito naman ang nakasulat:

     “The title pope (papa)… It was apparently in the fourth century that it began to become a distinctive title of the Roman Pontiff.”

     Sa Pilipino:
     “Ang pamagat na papa… Ito’y maliwanag na noong ika-apat na siglo o ikaapat na raang taon nagpasimula na maging tanging pamagat ng Pontipise Romano.”

     Ayon dito, ang pamagat na Papa ay noon lamang ika-apat na raang taon nagpasimula na maging tanging pamagat ng Pontipise Romano.  Ano ba ang kahulugan ng Pontipise?  Sa Compedio Historico de la Religion, na isa ring aklat katoliko, pahina 590, ay ganito ang nasusulat:

     “Sino ang pumipili nang maguiguing Papa, o Sumo Pontipice?”

     Ano iyong tinatawag na Pontipise?  Ang Pontipise ay ang Papa.  Kailan nagkaroon ng unang Papa?  Noong ikaapat na siglo o ikaapat na raang taon.  Kailan naman namatay si Pedro?  Noong 67, unang siglo o unang isang daang taon.  Samakatuwid, tatlong daan at tatlumput tatlong (333) taon nang patay si Pedro bago nagkaroon ng unang Papa sa Iglesia Katolika.  Papaanong nagawang unang Papa ng Iglesia Katolika si Pedro na malaon nang patay?  Marahil ay ni buto ni Pedro ay wala na, o kung buo man ang kalansay ni Pedro, ito ba ang ginawang Papa ng Iglesia Katolika?  Kaya isang malaking kabulaanan ang sinasabi ng mga pari na Apostolika ang Iglesia Katolika dahil daw sa pamamahala, sapgka’t ang mga Papa raw at ang mga Obispo ay kahalili ng mga Apostol.  Hindi totoong kahalili ni Pedro ang mga papa at mg Obispong Katoliko.  Hindi totoong si pedro’y naging Papa sa Iglesia Katolika.  Ito ang pinakamalaking kasinungalingang naituro ng mga pari!

     Kung si Pedro’y hindi naging Papa sa Iglesia Katolika, at lalong hindi sa Iglesiang itinayo ni Cristo, ano ang tungkulin ni Pedro sa Iglesia ni Cristo?  Si Pedro’y Apostol ng ating Panginoong Jesucristo (I Ped. 1:1).  Pinatunayan din ni Pablo na si Pedro’y Apostol sa mga Judio, at siya nama’y Apostol sa mga Gentil (Gal. 2:8).  Kailanma’y hindi maaaring maging Papa si Apostol Pedro.  Hindi niya tatanggapin kailanman ang tungkuling ito, sapagka’t malinaw sa kanyang ito’y mahigpit na ipinagbabawal ni Cristo.  Sa Mat. 23:9, ay sinabi ni Jesus na huwag tawaging Ama ang sinumang tao dito sa lupa, sapagka’t iisa ang ating Ama, samakatuwid baga’y ang nasa langit.  Saklaw ba ng pagbabawal na ito ang ating ama sa laman?  Hindi, bagkus ipinagagalang pa nga sa atin ang ating ama at ang ating ina (Mat. 15:4).  Anong uring ama ang ipinagbabawal na itawag sa kaninumang tao rito sa lupa?  Yaong gaya ng pagka-Ama ng Diyos na nasa langit.  Ano bang uring Ama ang Diyos?  Ang Diyos ay Ama ng mga kaluluwa (Ezek. 18:4).

     Mayroon bang hinulaang sasalansang sa mga utos na nagbabawal tawaging Ama ng Kaluluwa ang sinumang tao rito sa lupa?  Mayroon!  Sa II Tes. 2:3, 4, ay ganito ang nasusulat:

     “Huwag kayong padaya kanino man sa anomang paraan: sapagka't ito'y hindi darating, maliban nang dumating mula ang pagtaliwakas, at mahayag ang taong makasalanan, ang anak ng kapahamakan,
     “Na sumasalangsang at nagmamataas laban sa lahat na tinatawag na Dios o sinasamba; ano pa't siya'y nauupo sa templo ng Dios, na siya'y nagtatanyag sa kaniyang sarili na tulad sa Dios.”

     Taong makasalanan ang tawag dito sa taong tatliwakas o tatalikod sa Iglesia ng ating Panginoong Jesucristo.  Bakit makasalanan?  Sapagka’t siya’y sasalansang sa kautusan, sa layong magmataas at makipantay sa Diyos.  Ang kasalanan ay pagsalansang sa kautusan (I Juan 3:4).  Aling kautusan ang sinalansang nitong taong makasalanan?  Ang kautusang nagbabawal tawaging Ama ng kaluluwa ang sinumang tao rito sa lupa.  Sinu-sino ba ang napatawag na mga Ama ng kaluluwa?  Sa munting aklat katoliko na pinamagatang Iglesia ni Cristo, na sinulat ng paring Jesuitang si Juan Trinidad, sa pahina 12, ay ganito ang nakasulat:

     “At ang Santo Papa (Ama)  ay ang pinakamataas na ama ng ating kaluluwa dito sa lupa dahil sa siya ang kahalili ng ating Panginoon.
     “At dahil sa ang mga saserdote ang nagbibigay sa atin ng buhay ng ating kaluluwa, sa pamamagitan ng pangangasiwa sa mga sacramento, sila man ay tinatawag na ‘ama ng ating kaluluwa’.”

     Sinu-sino ang napatawag na ‘ama ng kaluluwa’ na ito ay pagsalansang sa utos?  Ang mga Papa at mga pari ng Iglesia Katolika.  Ang mga saserdote o ang mga pari raw ay mga ‘ama rin daw ng kaluluwa’.  Samakatuwid, ang mga Papa at mga Pari ang mga taong makasalanan.  Sumalansang sila upang makapagmataas na kapantay ng Diyos.  At ibig nilang si Apostol Pedro’y idamay sa kanilang kasalanan.  Itinuturo nilang si Pedro raw ang unang Papa sa Iglesia Katolika.  Para na rin nilang itinurong si Pedro’y taong makasalanan, mananalansang sa utos at nagtatanyag sa sarili na tulad sa Diyos.  Kailanma’y hindi ito gagawin ni Apostol Pedro.  Nilalapastangan ng mga Katoliko si Pedro sa pagtuturong ito’y naging Papa sa kanilang Iglesia.

     Sa wakas, naliwanagan natin kung bakit hindi natin nagisnan ang Iglesiang itinayo ni Cristo noong unang siglo sa Jerusalem.  Ito’y natalikod o iniligaw ng Iglesia Katolika, at ang sumalansang sa kanilang mga maling aral ay pinagpapatay, kaya walang natira sa mga kaanib sa Iglesiang itinayo ni Cristo noong unang siglo.

Hango sa aklat na Isang Pagbubunyag Sa iglesia Ni Cristo/Copyright 1964 by Iglesia Ni Cristo Church Of Christ/Kabanata VI/Pahina 43-58



Miyerkules, Disyembre 10, 2014

Ang Paggawa ng Santo sa Iglesia Katolika

ANG PAGGAWA NG “SANTO” SA IGLESIA KATOLIKA



Ang isang bagay na dapat siyasatin at suriing mabuti ng mga Katoliko ay ang nauukol sa mga “banal”—santo at santa—na kanilang sinasamba, pinaglilingkuran, ipinagpipista at ipinagpuprusisyon sa taun-taon, kung dumarating ang mga kaarawan nito.  Kailangan nilang matiyak kung sino ang gumawang “santo” o “santa” sa mga ito.  Kung ang Diyos ang gumawang Santo sa isang tao, iyon ay tunay na santo o banal, sapagka’t ang Diyos ang may karapatang bumanal o magpabanal sa sinumang tao.  Datapuwa’t kung ang Papa lamang ang gagawang Santo o banal sa isang tao, iyon ay hindi tunay na santo at hindi nararapat na kilalaning banal o santo, sa dahilang ang papa ay walang karapatang tinanggap mula sa Diyos na magpaging banal sa tao.

     Maraming kinikilalang banal ang mga Katoliko, nguni’t ang karamihan sa mga ito’y hindi binanal ng Diyos kundi binanal lamang ng papa sa Roma.  Maraming mga Katoliko ang hindi nakakaalam nito.  Marami sa kanila ang hindi nakababatid na ang kanilang mga patrong pinipintakasi  ay naging santo o santa, hindi sa pamamagitan ng Diyos kundi sa pamamagitan lamang ng mga papa.  Maging ang gumawang santo o banal sa isang tao ay ang Diyos, hindi rin ito dapat sambahin, paglingkuran, ipagpista, at ipagprusisyon gaya ng ginagawa ng mga Katoliko sa kanilang kinikilalang mga banal.  Lalong hindi nararapat sa karangalang ito iyong mga banal na binanal lamang ng Papa.  Kung ang mga banal na binanal ng Diyos ay hindi dapat sambahin at paglingkuran, lalo lamang ang mga binanal lamang ng Papa sa Roma, kaya nggayon ay ating susuriin kung papaano nagkakaroon ng santo at santa ang Iglesia Katolika, kung gaano ang nagugugol sa pagtatalaga sa mga ginawang santo at santa at kung saan nanggaling itong pamamaraang ito—paggawa ng santo at santa.

KUNG KAILAN NAGSIMULA ANG PAGGAWA NG
“SANTO” NG PAPA
     Kailan ba nagsimula ang paggawa ng “santo” ng Papa ng Iglesia Katolika?  Ang sasagot sa tanong na iyan ay ang Everebody’s Complete Encyclopedia, sa pahina 125 ng nabanggit na aklat, ay ganito ang sinasabi: 

“Canonization—Act of making a person a saint.  It is practiced in Roman Catholic Church, where, since 1634, only the pope has had authority to canonize.  The process occupies many years, and takes the form of a trial or elaborate inquiry.”

     Sa wikang Pilipino ay ganito ang ibig sabihin:

     “Pagpapaging-banal—isang gawa sa paglikha ng isang tao na maging banal.  Ito’y isinasagawa sa Iglesia Katolika Apostolika Romana, na, mula noong taong 1634, tanging ang papa lamang ang siyang nagtataglay ng kapangyarihang magpapaging-banal.  Ang pamamaraang ito’y sumasaklaw ng maraming taon, at nagtataglay ng isang anyo ng paglilitis o masusing pagsisiyasat.”

     Kailan nagsimula ng paggawa ng “santo” ang papa?—Noong 1634 o noong ikalabimpitong siglo lamang.  Samakatuwid, ay malaon nang nakaakyat sa langit ang ating Panginoong Jesucristo, at malaon na ring nangamatay ang mga Apostol, nang magtaglay ang papa ng umano’y kapangyarihang magpaging-banal.  Sino ang nagbigay sa kanya (sa papa ng Roma) ng kapangyarihang ito?  Kung sasabihing ang Diyos, saan naroon ang katunayan?  Aling talata ng Biblia ang nagsasabi?  Walang katunayang maipakikita ang papa o ang sinumang tagapagtanggol katoliko, na ang papa’y binigyan ng Diyos ng kapangyarihang gumawa ng banal.  Dahil dito, ang mga taong ipinahahayag niyang banal o santo raw, ay hindi tunay na mga santo na binanal ng Diyos kundi binanal lamang niya sa kanyang sarili.  Hindi gawa ng Diyos ang santo at santang katoliko kundi gawa lamang ng papa sa Roma.  Dahil dito, walang kabuluhan ang pagkilalang banal sa mga ito.

     Bilang patotoo na ang Papa nga ay gumagawa ng “santo,” ay magpapakita ako ng ilang katunayan:  Noong Mayo ng taong 1950 isang kastila,  Si Antonio Maria Claret, ay ipinahayag ng Papa na “santo” (The Philippines Herald, May 4, 1950).  Noong Hunyo ng taon ding ito, ay ipinahayag ng Papa na “santa” ang isang batang babae na may labing isang taong gulang, si Maria Goretti (The Manila Times, June 26, 1950).  At noong Mayo 30, 1954 ginawang “santo” ng Papa si Papa Pio X na namatay noong 1914 (The Sentinel, July 31, 1954).  Hindi lamang ito kundi marami pang iba.  Ito ay ang “binanal” lamang ni Papa Pio XII.  Hindi pa kasama rito ang ginawang “santo” ng mga namatay na papa.  At sapagka’t ang papa ay walang karapatang gumawa ng banal, ang mga taong ito na kanyang ipinahayag na “banal,” ay hindi banal sa harap ng Diyos kundi banal lamang sa harap ng tao.

NASA LANGIT NA RAW ANG TAO
NA PINAPAGING BANAL
     Ayon sa Iglesia Katolika, ang mga pinapaging banal ng papa ay nasa langit na raw.  At ang mga pangalan nito’y itinatala sa mga talaan ng mga banal (Catalogue of Saints), at ipinag-uutos ang pag-aalaala sa kanila gayundin, ipinagdiriwang ang kanilang kaarawan sa taun-taon.  Sa katunayan nito, tunghayan natin ang nasusulat sa The Catholic Encyclopedia, Vol. II, p. 367).

     “What is the object of this infallible judgment of the pope? Does he define that the person canonized is in heaven or only that he practiced Christian virtues in an heroic degree?  I have never seen this question discussed; my own opinion is that nothing else is defined than that the person canonized is in heaven.  The Formula used in the act of canonization has nothing more than this;  In honour of…we decree and define that Blessed N. is a Saint, and we inscribe his name in the Catalogue of Saints, and order that his memory be devoutly and piously celebrated yearly on the …day of … his feast.”

     Sa wikang Pilipino ay ganito:

          “Ano ang layon ng di nagkakamaling paghatol ng papa?  Kanya bang nililinaw na ang taong pinapaging banal ay nasa langit o siya’y namuhay lamang ayon sa simulaing Kristiyano sa isang makabayaning paraan?  Hindi ko nakitang ito’y isang suliraning pinagtalakayan; sa aking sariling palagay ay wala nang dapat ipahayag kundi ang taong pinapaging banal ay nasa langit.  Ang tuntuning ginamit sa paraan na pagpapaging-banal ay wala ng iba kundi gaya nito:  Sa karangalan ni … aming ipinasisiya at nililinaw na ang pinagpala o Binanal na N. ay isang banal o santo, at aming itinatala ang kaniyang pangalan sa Katalogo o Talaan ng mga banal, at ipinag-uutos na ang pag-aalaala sa kanya ay taus-puso at buong kabanalang ipagdiwang sa taun-taon sa ika- … araw ng … na kaniyang pista.”

     Ayon sa pahayag ng Aklat Katoliko na ating katutunghay pa lamang, nasa langit na raw ang taong pinapaging banal.  Nguni’t ito’y pala-palagay lamang nila.  Ang palagay ba’y katotohanan?  Sa palagay ba natin isasalig ang ating pagsamba’t paglilingkod sa Diyos?  Labag sa aral ng Biblia ang itinuturo ng mga tagapagturong katoliko na isinasalig sa kanilang mga palagay.  Ang mga banal ay wala pa sa langit, maging yaong mga banal na binanal ng Diyos; lalo na ang binanal lamang ng papa sa Roma.  Ang mga banal ay hindi pa ginaganti.  Nasa libingan pa sila hanggang ngayon.  Nag-aantay sila ng ikalawang pagparito ni Cristo.  Pagdating ni Cristo, saka sila tatanggap ng kagantihan (Juan 5:28-29); Gaw34, 29; Apoc. 22:12; I Tes. 4:16-17).  Kasinungalingan ang itinuturo ng mga pari na ang mga binanal ng Papa nila ay nasa langit na raw, at ito ang kanilang tinatawagan at ipinagdiriwang.  Lahat ng naniniwala rito ay nadaya at sawimpalad!

ANG HALAGA NG NAGUGUGOL SA
PAGPAPAHAYAG SA GAGAWING BANAL
     Magiging banal ba ang isang Katoliko ng walang salapi?  Nalalaman ba ninyo kung gaano ang nagugugol bago maging santo o santa ang isang katoliko?  Inaakala baga ninyo na magiging banal kayo at sukat sa Iglesia Katolika kung kayo’y isang maralita?  Upang mabatid ninyo kung gaano ang nagugugol bago maging banal ang isang tao sa Iglesia Romana, tunghayan ninyo ang sinasabi sa kanilang aklat na The Catholic Encyclopedia, Vol. 2, p. 369:

     “Expenses:  It will not be out of place to give succinctly the ordinary expenses of canonization and beatification.  Of these expenses, some are necessary, others merely discretionary, some are specified (e.g. the expenses incurred in obtaining the different rescripts) others, though necessary are not specified.  Such are the expenses of the solemnity in the Vatican Basilica, and for paintings representing the newly beatified which are afterwards presented to the Pope, the Cardinals, officials and consultors of the congregation of Rites.  The limits of this class of expenses depend on the postulator of the cause.  If he chooses to spend a moderate sum the entire cause from the first process to the solemn beatification will not cost him less than $20,000.  The expenses of the process from beatification to canonization will easily exceed $30,000.”

     Sa wikang Pilipino ay ganito:  “Mga gugulin:  Hindi magiging labag na ibigay sa lalong payak na paraan ang karaniwang kasalukuyang mga gugulin sa pagpapaging banal at paghahanda sa pagpapaging banal.  Sa ganitong mga gugulin ang ilan ay kailangan, ang iba ay ayon sa sariling pasiya, ang iba ay tiyak (halimbawa, ang mga salaping nagugol sa pagtatamo ng iba’t ibang mga katibayan).  Ang iba bagama’t kailangan ay tinitiyak.  Ito ang mga gugulin sa kataimtiman sa Basilica ng Baticano, at sa mga larawang ipininta na kumakatawan sa mga bagong binabanal na pagkatapos nito ay idinudulog sa Papa, sa mga Kardinal, at mga kasangguni ng kapulungan ng mga Ritos.  Ang hangganan ng ganitong uri ng gugulin ay nababatay sa nangangasiwa ng Gawain.  Kung kanyang minamarapat na gugulin ang isang kainamang halaga ang kabuuang gawain mula sa unang paraan hanggang sa mataimtim na paghahanda sa pagpapaging banal, ay hindi siya gugugol ng bababa sa $20,000.  Ang mga gugulin sa pagtatalaga sa pagpapagiging banal ay madaling humigit sa $30,000.

KUNG SAAN NAGMULA ANG KARAPATAN
AT KAPANGYARIHAN NG PAPA SA PAGLIKHA
NG IPAPAHAYAG NIYANG SANTO

     Mula ba sa utos ng Diyos, ni Jesus o ng mga Apostol ang karapatan at kapangyarihan ng Papa sa paglikha ng ipahahayag niyang santo?  Ang sasagot sa tanong na ito ay ang aklat-katoliko na The Catholic Encyclopedia, Vol. 2, p. 364:

     “Beatification and Canonization:  1. History — According to some writers the origin of beatification and canonization in the Catholic church is to be traced back to the ancient Pagan apotheosis.”

     Sa Wikang Pilipino:

     “Pagtatalaga sa pagiging banal at sa paggawang banal:  1. Kasaysayan—Ayon sa mga ibang manunulat ang simula ng ‘beatification’ (pagtatalaga sa pagiging banal) at ‘canonization’ (paggawang banal sa isang namatay upang dalanginan) sa Iglesia Katolika ay masusuysoy sa matandang Paganong apotheosis’ (Paggawa sa isang nilalang na didiyusin).”

     Maliwanag na inaamin ng mga manunulat katoliko na hindi mula sa utos ng Diyos, ni Jesus o ng mga Apostol, ang kapangyarihan o karapatan ng Papa sa paglikha ng mga banal, kundi sa mga pagano.  Ang mga pagano ang gumagawa ng kanilang mga diyus-diyusan.  Ito ang ginaya ng mga Papa.  Gumagawa rin siya ng mga “santo” o “santa” at ito ang kanyang ipinag-uutos na sambahin, ipagdiwang o ipagpista sa taun-taon.

     Labag ba sa utos ng Diyos ang ginagawang ito ng mga Papa?  Labag, sapagka’t sinabi ng Diyos:  “Huwag kang magkakaroon ng ibang mga diyos sa harap Ko”  (Exo. 20:3).  Ang Papa ay gumagawa ng didiyusin ng mga katoliko, sa paraang siya’y gumagawa ng mga santo at ipinag-uutos na ipagpista at parangalan ang mga ito.  Kaya’t kung nagkakasala ang mga katoliko sa pagpaparangal at pagpipista sa mga banal na binanal ng Papa, lalong nagkakasala ang mga Papa sa kanilang paggawa ng didiyusin o ipagpipista ng mga katoliko.  Kaya’t kung ayaw ng isang katoliko na siya’y magkasala sa harap ng Diyos, dapat niyang itakwil ang kanyang pagka-katoliko; itakwil ang mga pari at ang mga utos nito at sumunod siya sa mga utos ng Diyos.

Hango sa aklat na Isang Pagbubunyag Sa Iglesia Ni Cristo/Copyright 1964 by Iglesia Ni Cristo Church Of Christ/Kabanata XV/Pahina 122-127


.

Lunes, Disyembre 1, 2014

ANG MISANG ISINASAGAWA NG IGLESIA KATOLIKA

ANG MISANG ISINASAGAWA NG IGLESIA KATOLIKA

Ang unang utos ng Iglesia Katolika Apostolika Romana na mababasa sa kanyang Catecismo ay ito:  “Makinig ng buong misa kung Domingo at piestang pinangingilinan.”  (Catecismo ni Luis de Amezquita, p. 10)

     Malinaw na ang pakikinig ng misa ay hindi utos ng  Diyos kundi utos lamang ng  Iglesia Katolika.  Ang utos na iyan ay maliwanag sa mga Katoliko, sapagka’t iyan ay itinuro sa kanila.  Sinusunod iyan ng mga tapat na Katoliko.  Sinasampalatayanan nila ang utos na iyan nang higit sa pagsampalataya sa mga utos ng Diyos.  Hindi kinaliligtaan ng mga tapat na Katoliko ang pakikinig ng misa tuwing Linggo at kung araw ng pista, at ang iba nama’y halos araw-araw.  Ito’y ginagawa nila sa paniniwalang ang misa ay buhat sa Diyos, at ayon sa itinuro ng mga Pari, ito raw ay itinatag ni Jesucristo.  Dahil sa itinurong ito ng mga Pari, ang iba’y hindi lamang nakikinig ng misa, kundi nagpapamisa pa.  Ipinagpapamisa nila ang kanilang mga namatay na magulang, asawa, kapatid, at mga kamag-anak, sapagka’t itinuro sa kanila ng mga Pari na sa pamamagitan nito (pagpapamisa), ay mahahango ang mga kaluluwang diumano’y pinarurusahan sa purgatoryo.  At sa pagtupad sa utos na ito ng mga tapat na Katoliko ay hindi lamang salapi ang kanilang ginugugol at ibinibigay sa simbahan, kundi pati ng kanilang mga lupain, at ito ang dahilan ng pagkakaroon ng malawak na asyenda ng Iglesia Katolika sa Pilipinas.

Ano ang misa?
     Ang tanging makapagpapaliwang kung ano ang misa ay ang mga Pari ng Iglesia Katolika, sapagka’t ito ay sarili nilang aral na kinatha ng kanilang pag-iisip.  Kaya itanong natin sa Pari kung ano ang misa.  Ayon kay Juan Trinidad, Paring Jesuita, sa kanyang munting aklat na pinamagatang Iglesia ni Cristo, pahina 35, 34, ay ganito ang sinasabi:

     “Ang mahal na misa ay dili iba kungdi ang pagaalay sa Diyos nang mahal na Katawan at Dugo ng ating Panginoong Jesucristo sa anyo ng tinapay at alak.  Ngayon nakita na natin  na ito ang ginawa ng ating Panginoon sa huling hapunan.

    “Sapagka’t sa mahal na Misa ay ating inihahain sa Diyos ang Katawan at Dugo ng mahal niyang Anak na si Jesucristo.”

     Samakatuwid, ayon sa pari, ang misa ay pag-aalay o paghahain sa Katawan at Dugo ni Cristo, sa anyo ng tinapay at alak.  Sa Misa raw ay inihahain nila sa Diyos ang katawan at dugo ng mahal NIyang Anak na si Jesucristo.  Ito raw ay ginawa ni Cristo noong Huling Hapunan.  Samakatuwid, ibig palitawin ng mga Pari na si Cristo ay nagmisa at Siyang nagtatag ng kanilang misa.

Misa ba ang ginawa ni Cristo
noong huling hapunan?
     Ayon sa mga paring Katoliko, misa ang ginawa ni Cristo noong Huling Hapunan.  Kaya sinasabi nila na si Cristo ang nagtatag ng misa.  Ano itong ginanap ni Jesus noong Huling Hapunan na siyang tinatawag na misa ng mga Paring Katoliko?  Sa Luc. 22:19-20, ay ganito ang sinasabi:

     “At siya'y dumampot ng tinapay, at nang siya'y makapagpasalamat, ay kaniyang pinagputolputol, at ibinigay sa kanila, na sinasabi, Ito'y aking katawan, na ibinibigay dahil sa inyo: gawin ninyo ito sa pagaalaala sa akin.

    “Gayon din naman ang saro, pagkatapos na makahapon, na sinasabi, Ang sarong ito'y ang bagong tipan sa aking dugo, na nabubuhos nang dahil sa inyo.”

     Ang ginawang ito ni Jesus ay misa ayon sa mga paring Katoliko.  At sapagka’t ang utos na ito:  “Gawin ninyo ito sa pag-aalaala sa Akin,” ay ginanap ng mga Apostol at ng unang Iglesia ni Cristo, gaya ng mababasa natin sa I Cor. 11:23-25, sinasabi ng mga Pari na ang mga Apostol man daw ay nagmisa.

Hindi Misa Ang Banal na Hapunan
     Ang ginanap ni Jesus at ng mga Apostol ay hindi misa kundi Banal na Hapunan.  Iba ang misa sa Banal na Hapunan.  Ano ang pagkakaiba?  Ang misa ay paghahain o paghahandog sa katawan at dugo ni Cristo, ayon sa paliwanag ng mga Paring Katoliko.  Ang Banal na Hapunan ay hindi paghahandog o paghahain sa katawan at dugo ni Cristo kundi pag-aalaala lamang sa Kaniyang katawan at dugong inihain.  Sinabi ni Cristo:  “Gawin ninyo ito sa pag-aalaala sa Akin.”  Hindi Niya sinabing:  “Gawin ninyo ito upang Ako’y ihain.”

     Tangi sa rito, sa pagsasagawa ay nagkakaiba rin ang misa at ang Banal na hapunan.  Nang ganapin ni Jesus at ng mga Apostol ang Banal na Hapunan, papaano nila isinagawa? —Kumain sila ng tinapay at uminom ng alak o katas ng ubas (Mat. 26:26-29).  Nang ito nama’y ibigay ng mga Apostol sa unang  Iglesia ni Cristo, sa papaanong paraan?  Sinabi ni Apostol Pablo:  “Kung ano ang aking tinanggap sa Panginoon ay siya ko naming ibinibigay sa inyo” (I Cor. 11:23).  Ano ang tinanggap ni Pablo sa Panginoon na siya niyang ibinigay sa Iglesia?  Ang pagkain ng tinapay at ang pag-inom ng alak o katas ng ubas (I Cor. 11:23-25).  Samakatuwid, si Pablo ay isang tapat na ministro.  Tinupad at ipinatupad ang utos ng Panginoon.  Hindi niya dinagdagan o binawasan man.

     Ganito ba ang misa ng Iglesia Katolika?  Hindi ganito!  Napakalaki ng pagkakaiba!  Bakit?  Tinapay lamang ang ibinibigay ng Pari sa mga tao at hindi pinaiinom ng alak.  Sinabi ng pari:  “Tinatanggap natin si Jesucristo sa anyong tinapay lamang.  Hindi dapat tayong uminom sa kalis…” (Aral na katoliko, p. 198).  Samakatuwid, pagkain lamang at walang pag-inom.  Naiiba ito sa ginanap ni Jesus at ng mga Apostol.  Ito ang katunayang iba ang misa sa Banal na Hapunan.  Hindi misa ang ginanap ni Jesus at ng mga Apostol.  Si Jesus ay hindi nagmisa kailanman:  gayundin ang mga Apostol.

Hindi na kailangan ang magmisa o
maghandog araw-araw ng hain
     Sinasabi ng mga Pari na sa misa ay inihahandog nila si Cristo.  At. Kung araw-araw ay nagmimisa sila, araw-araw ay inihahain nila si Cristo.  Sang-ayon ba ang Diyos na maghandog araw-araw ng hain?  Ito ba’y kailangan pa?  Basahin natin ang sagot sa Heb. 7:27:

     “Na hindi nangangailangan araw-araw na maghandog ng hain, na gaya niyaong mga dakilang saserdote una-una'y patungkol sa kaniyang sariling mga kasalanan at saka patungkol sa mga kasalanan ng bayan: sapagka't ito'y ginawa niyang minsan magpakailan man, nang kaniyang ihandog ang kaniyang sarili.”

     Maliwanag ang sinasabi sa talata.  Hindi na kailangang maghandog araw-araw ng hain o misa.  Hindi na kailangang ihandog si Cristo (sa misa) araw-araw, sapagka’t inihandog na ni Cristo ang Kanyang sarili minsan at magpakailanman.  Ang misa ay kalabisan—hindi kailangan.  Ito ay laban sa Diyos.  Sinabi ng Diyos:  “Hindi nangangailangan araw-araw na maghandog ng hain.”  Sabi naman ng mga Pari:  “Kailangang ihandog si Cristo araw-araw sa pamamagitan ng misa.”  Kaya ang mga Pari ay kalaban ng Diyos.  Hinahamak ng misa ang ginawang paghahandog ni Cristo sa krus ng Kanyang sarili.  Hindi na dapat ihandog si Cristo nang paulit-ulit.  Sa Misa’y inihahain si Cristo araw-araw.  Ito’y kalabisan na.  Sapat na ang minsang paghahandog ng katawan ni Cristo sa ikababanal ng mga sumasampalataya sa Kanya.   Ganito ang sabi ni Apostol Pablo:

     “Sa kaloobang yaon tayo'y pinapaging-banal, sa pamamagitan ng pagkahandog ng katawan ni Cristo na minsan magpakailan man.”  (Heb. 10:10)

     Ano pa ang katuturan ng paghahandog sa katawan ni Cristo araw-araw (sa Misa), samantalang ito’y naihandog na ni Cristo minsan at magpailanman?  Ang ibig bang sabihin ng mga Pari’y hindi sapat ang ginawang paghahadog ni Cristo kaya tinutulungan nila ng kanilang misa?  Sila’y nagkakamali, sapagka’t sinasabi ng mga salita ng Diyos na sapat na ang minsang paghahandog ni Cristo ng Kanyang Katawan sa ikababanal ng mga sa Kanya’y sumasampalataya.  Kaya ang Misa ay hindi kailangan at walang kaabuluhan.

Ang makabagong Misa
     Marahil ay mapapansin ng mga bumabasa ang mga salitang “Makabagong Misa.”  Hindi alam ng maraming Katoliko na ang Misang isinasagawa ngayon ng Iglesia Katolika ay hindi katulad ng misang isinagawa nila noong bago mag-ikasampung siglo.  Ang kasalukuyang misa ang tinatawag na Makabagong Misa (Modern Mass).  Ang Misang isinagawa ng Iglesia Katolika noong bago mag-ikasampung siglo ang tinatawag naming “Unang Misa” (Early Mass).  Ang pinakamalaking pagkakaiba ng Makabagong Misa sa Unang Misa ay ang doktrina ng “Transubstantiation” at “Real Presence.”  Ang Unang Misa ay wala nito.

     Ano ang tinatawag na “Transubtantiation?”  Ito raw ang mahiwagang pagpapalit, na ang tinapay at alak sa eukaristiya ay nagiging tunay na Katawan at Dugo ni Cristo, pagkatapos na ito raw ay mabulungan ng Pari.  Pagkatapos daw na masabi ng Pari ang diumano’y wika ng konsagrasyon, wala na raw tinapay at alak sa altar, sapagka’t ang mga ito raw ay naging katawan at dugo ni Cristo.  Ito ang tinatawag na “transubtantiation.”  At ang “Real Presence” naman ay ang tunay na pagharap (daw) ni Cristo sa eukaristiya (My Catholic Faith, ni Obispo Morrow, p. 285).

Saan, paano at kalian nalikha ang
Makabagong Misa?
       Saan nagmula ang aral tungkol sa “Real Presence” at “Transubtantiation,” at kalian ito ganap na pinagtibay ng Iglesia Katolika?  Ang makapagbibigay sa atin ng ganap na kaliwanagan ukol sa aral na ito ng Iglesia Katolika, ay ang aklat na “The Evolution of the Mass,” ni Louis  Coulange.

     Ang aral na “Real Presence” at “Transubstantiation” ay hindi nagmula sa Diyos, hindi kay Cristo, at hindi sa mga Apostol.  Ang Biblia ay walang anumang sinasabi ukol sa aral na iyan ng Iglesia Katolika.  Iyan ay nagpasimula sa mga karaniwang Katoliko, at pagkatapos ay tinanggap na lamang ng mga Papa, ng mga Padres at Doctores ng Iglesia Romana.

     Dahil sa hindi ganap na pagkaunawa ng mga karaniwang Katoliko sa pangungusap ng Pari kung iniaabot ang ostiya, nagkaroon sila ng isang pakahulugan sa sinasabi ng Pari…iba sa talagang kahulugan na ibig sabihin nito (ng Pari).  Sinasabi ng Pari kung iniaabot ang ostiya:  “Ito ang katawan ni Cristo.”  Sasagot naman ang nakikinabang:  “Amen.”  Ayon sa pakahulugan ng Pari, ang sagutang ito ay may ganitong kahulugan:  Ang salitang “Ito ang Katawan ni Cristo” na sinasabi ng Pari kung iniaabot ang ostiya ay nangangahulugang:  “Sumasampalataya ka ba na si Cristo ay nagkatawang tao na tulad ng sa atin?”  Ang kahulugan naman ng “Amen” na isinasagot ng nakikinabang ay:  “Oo, sumasampalataya ako,”—iyan ang ayon sa pagpapakahulugan ng Pari.  Samantalang ang nakikinabang naman ay may ibang pakahulugan.  Ayon sa kanila, ang sinasabi ng Pari na “Ito ang katawan ni Cristo” at sinasagutan nila ng “Amen” ay nangangahulugang ang ostiyang iniabot sa kanila ng Pari ay tunay ngang Katawan ni Cristo.  Ang paniniwalang ito ay naging paniniwala ng mga nakikinabang na Katoliko, at ito ay lumaganap sa lahat ng dako.  Dahil sa paglaganap ng paniniwalang iyan, napilitan ang Pamunuan ng Iglesia Katolika na iyan ay tanggapin at maging isang ganap na aral sa boong Iglesia Romana.  (The Evolution of the Mass, pahina 106-107).  Ang aral na iyan ang tinatawag ngayong “Real Presence” o ang tunay na pagharap (daw) ni Cristo sa eukaristiya.  Kung gayon ang aral na ito ay hindi mula sa Diyos kundi mula sa maling pagkaunawa ng mga nakikinabang na Katoliko sa pangungusap ng Paari kung iniaabot ang ostiya, at ang kamaliang iyan ang lumalang ng doktrinang “Real Presence” ng Iglesia Katolika Apostolika Romana.  Dahil sa maling pagkaunawa ay napasunod ng mga karaniwang Katoliko ang kanilang mga Papa!

Ang kauna-unahang tumanggap ng paniniwalang ito (Real Presence) ay si Paschasius Radbert, tagapamahaala ng monastery ng Corbie, Francia.  Sa pamamagitan ng aklat na kanyang sinulat noong taong 844, na pinamagatang “The Body and the Blood of the Lord,” (Ang Katawan at ang Dugo ng Panginoon) ay ipinahayag  niya na ang eukaristiya ay nagtataglay ng tunay na laman ni Cristo na ipinanganak ni Birhen Maria.  Ang aklat na ito sa pasimula ay buong higpit na tinutulan ng maraming manunulat na Katoliko nang panahong yaon, na diyan ay kabilang sina Ratramme at Hrabanus Maurus.  Sa kabila ng mahigpit na pagtutol, ang paniniwalang yaon ay naging ganap na matibay pagkatapos ng pangyayari kay Berenger.

     Si Berenger ay isang tagapagturo ng teolohiya sa katedral ng Tours, Pransiya.  Sa kanyang pagiging masugid na tagasunod ng mga Padres ng Iglesia Katolika, siya ay sumampalataya na ang misa ay isang pag-aalala lamang sa pagkamatay ni Jesucristo, at ang eukaristiya ay isang sagisag lamang ng katawan ni Cristo.  Ang pananalig na ito ay kanyang ipinakipagtalo kay Lafranc, katulong na tagapamahala ng monasteryo ng Bec.  Siya ay isinumbong sa Konsilyo ng Roma na kasalukuyang nagpupulong noon (1050) sa nasabing siyudad, at siya ay hinatulan ni Papa Leo IX.  Pagkatapos ay muli siyang hinatulan ng Konsilyo ng Roma noong 1059 na pinamahalaan ng Papa Nicolas II.  Sa Konsilyong ito, siya (si Berenger) ay hinatulan na sunugin niya sa harap ng mahigit na isang daang Obispo ang lahat ng kanyang sinulat at siya’y pinalagda sa isang kasulatan ng pananampalataya, na doo’y isinasaad ang kanyang ganap na pagtanggap sa bagong pananalig, na ang laman ng eukaristiya ay tunay na Katawan at Dugo ni Cristo (The Evolution of the Mass, pahina 112).  Sa ganyang paraan nagtatagumpay ang Iglesia Katolika Apostolika Romana!  Sa pamamagitan ng dahas at kabagsikan ay naipipilit niyang tanggapin ng mga tao ang kanyang mga mali at buktot na mga aral.  Noong siya’y nasa sukdulan pa ng kapangyarihan, ang sinumang tumutol sa kanya ay walang awa niyang hinahatulan ng kamatayan.  Tinatanggap ngmga tao ang kanyang  itinuturo, hindi dahil sa iyon ang katotohanan, kundi dahil sa takot sa kabagsikan at kalupitan.  Ang kasaysayan ang nagsasabi na ang Iglesia Katolika Apostolika Romana ay natigmak ng dugo, sa dami ng mga bayani at mga martir na kanyang ipinapatay, dahil lamang sa pagtutol sa kanyang mga maling aral.

     Sa pamamagitan ng pasiya ng Konsilyo ng Roma nang taong 1059, ang paniniwalang si Cristo’y buhay na nasa eukaristiya ay ganap na pinagtibay.  Ito ang tinatawag nila ngayong “Real Presence.”  Ang pasiyang ito (Real Presence) ay pinawalang kabuluhan ni Papa Gregorio VII, at sa loob ng maraming taon, siya’y naging tagapagtanggol ni Berenger laban sa kanyang mga kaaway.  Dahil dito, tumawag siya (si Papa Gregorio VII) ng panibagong Konsilyo sa Roma noong taong 1079, upang lutasin ang suliranin ukol sa eukaristiya.  Datapuwa’t ang bagong Konsilyong ito (Konsilyo ng Roma 1079) ay gumawa ng kapasiyahang katulad din ng nayari na ng Konsilyo ng Roma noong 1059—samakatuwid baga’y pinagtibay na muli ang doktrina ng “Real Presence” o ang tunay na pagharap ni Cristo sa Eukaristiya, na pinawalang kabuluhan ni Papa Gregorio VII.  Dahil sa muling pinagtibay ng Konsilyo ng Roma noong 1079 ang doktrina ng “Real Presence” kaya napilitan ang Papa Gregorio VII na ito ay tanggapin at pagtibayin upang maging isang pangkalahatang aral sa boong Iglesia Katolika Apostolika Romana.  Sa ganito natatag ang makabagong misa (The Evolution of the Mass, pahina 113).

     Simula nang pagtibayin ng Konsilyo ng Roma ang doktrina ng “Real Presence”—pagkatapos makonsagra ng Pari ang laman ng eukaristiya, ay nawawala na raw ang tinapay at alak,—maliban sa anyo—at nagkakaroon ng isang pagpapalit ng sustansiya, na ang tinapay at alak ay nagiging tunay na katawan (daw) at dugo ni Jesucristo.  Ang pagpapalit na ito ng sustansiya—na ang tinapay at alak sa eukaristiya ay nagiging tunay na Katawan at Dugo ni Cristo—ay tinawag na “Transubtantiation” noong taong 1150.  Ang nagbigay ng tawag na ito ay si Roland Bandinellii, na naging Papa sa pangalang Alexander III.

     Noong ikalabing-anim na siglo, ang aral na ito ay iniutos ng Konsilyo ng Trento na ituro sa sambayanang Katoliko na may kalakip na pagbabala, na ganito ang sinasabi:

     “Kung ang sinumang tao ay magpahayag na sa misa ay walang tunay na sakripisyo na handog sa Diyos, siya nawa ay matakuwil.
     “Kung ang sinuman ay magsabing ang sakripisyo ng misa ay isang pag-aalaala lamang sa sakripisyong naganap sa krus, siya nawa ay matakuwil.”  (The Evolution of the Mass, pahina 130).

     Madarama natin sa pasiyang ito,--sa bagsik, dahas at bangis ng kapangyarihan,--napipilit na papagkaisahin ng Iglesia Katolika ang mga tao, hindi sa pagsunod sa Diyos at sa salita ng Diyos kundi sa pagsunod sa mga aral na kinatha ng kanyang mga Konsilyo.

Ang pagkakatatag ng Unang Misa
     Ang nagtatag ng seremonya ng misa ay si Hippolytus, Obispo ng Roma, noong ikatlong siglo.  Ang seremonyang itinatag ni Hippolytus ay tinawag sa pangalang “Misa”.  Ang katagang “Misa” ay hindi si  Hippolytus ang nagkapit sa kanyang seremonya, kundi si Ambrosio, Obispo ng Milan, noong Edad Media.  Ang kahulugan ng salitang “missa” ay pagpapaalis (dismissal), at ito ay ikinapit ni Ambrosio doon sa bahagi ng seremonya ni Hippolytus, kung pinaaalis ang mga Catecumento (bagong tinuturuan sa pagka-Katoliko).  Nguni’t nang lumaon, ang katagang “misa” ay ikinapit ng mga Katoliko sa buong seremonya ni Hippolytus.

     Ang seremonyang ito na kinapitan ng pangalang “misa” ay siyang seremonya sa eukaristiya sa kapanahunan ni Hippolytus; at ito ay isinasagawa sa ganitong paraan; Dadalhin ng mga diakono ang tinapay at alak; itataas ng Obispo ang kanyang mga kamay sa ibabaw ng tinapay at alak at magpapasalamat sa Diyos sa pamamagitan ng isang panalanging may sagutan:  na namumuno ang Obispo at sumasagot ang mga tao.  (The Evolution of the Mass, p. 53-54).

Ang pagpapakahulugan ng mga
Unang “Padres” sa Unang Misa
     Pagkamatay ni Tertullian, ang mga unang paring katoliko ay nawalan ng anumang kaalaman tungkol sa kahulugan ng mga pangungusap na:  “Ito ang Aking Katawan.”  Dahil dito, sila ay napilitang kumatha ng iba’t ibang pakahulugan.  Ayon kina Cipriano at Agustin, ang katawang binabanggit sa pangungusap na iyon ay ang Iglesia.  Ayon naman kay Ambrosio, ang katawang binabanggit ay ang pinakuan sa krus.  Nguni’t nagkakaisa sila sa paniniwalang ang laman ng eukaristiya (tinapay at alak) ay mga sagisag lamang.

     Wala isa man sa mga Paring Katoliko na nakaaalam ng tinatawag ngayong “Transubtantiation.”  Ang kanilang paniniwala ay:  bago banalin at pagkatapos banalin, ang tinapay at alak ay nananatiling tinapay at alak.  Lahat sila ay naniniwalang ang misa ay isang pag-aalaala lamang sa paghahandog na ginanap sa Kalbaryo; nguni’t walang sinumang nag-iisip na ang tunay na handog sa Kalbaryo (si Cristo) ay tunay na naroroon sa tinapay at alak na ginagamit sa eukaristiya.  Dito’y mapupuna natin ang malaking pagkakaiba ng paniniwala ng mga unang paring Katoliko sa mga pari sa panahong ito.  At mapupuna rin natin ang malaking pagkakaiba ng makabagong misa sa unang misa na kapuwa itinatag ng Iglesia Katolika Apostolika Romana.

     Ukol naman sa mga taong nagsisimba noong Edad Media, ang paniniwala sa ostiya ay isang anting-anting; kaya’t ito’y dala-dala nila saan man pumaroon at ipinapahid sa bahagi ng katawang masakit upang gumaling.  Noon ang misa ay hindi pinahahalagahan ng mga tao.  Kung minsan, ang paring nagmimisa ay hindi marinig sa malaking kaingayan.  Kung minsan nama’y nag-aaway habang nagmimisa.  Sa Aprika noong ikaapat na siglo, ang pakikinabang ay naging isang pagkakataon sa paglalasingan.  (The Evolution of the Mass, pahina 98-103).

Ang Magmisa, Magpamisa at Makinig ng Misa
Ay Walang Kabuluhan at Maling Pananampalataya
     Ang misa,—maging ang una at maging ang makabago, ay hindi itinatag ng Diyos, hindi itinatag ni Cristo, at hindi itinatag ng mga Apostol.  Walang utos ang Diyos na magmisa at makinig ng misa; wala ring utos si Cristo, gayundin ang mga Apostol.  Ang Banal na Kasulatan ay walang anumang sinasabi ukol dito.  Ang misa ay itinatag ng Iglesia Katolika.  Ang doktrina ng “Real Presence” at “Transubtantiation” na idinagdag sa makabagong misa, ay pinagitbay, hindi ng Diyos, o ni Cristo, o ng mga Apostol, kundi ng mga Konsilyo Katoliko.

     Dahil dito, ang misa ay utos at aral ng tao.  Iyan ay katha lamang ng Iglesia Katolika.  Ano ang sinasabi ng mga Apostol tungkol sa utos na kinatha ng mga tao?  Sinabi ni Apostol Pablo:  “Na huwag mangakinig sa mga katha ng mga Judio, at sa mga utos ng mga tao na nangagsisisinsay sa katotohanan.” (Tito 1:14).  Alin ang katotohanan?—Ang mga salita ng Diyos, at itinuro ng ating Panginoong Jesucristo na ito ang makababanal sa tao (Juan 17:17).  Samakatuwid, dahil sa ang misa ay utos at aral ng tao at hindi mga salita ng Diyos, walang kabanalang matatamo sa pakikinig nito.  At ano ang itinuturo ng ating Panginoong Jesucristo ukol sa pagsambang nababatay sa utos ng mga tao?  Sa Mat. 15:9, ay ganito ang sinasabi:

     “Datapuwa't walang kabuluhan ang pagsamba nila sa akin, Na nagtuturo ng kanilang pinakaaral ang mga utos ng mga tao.”

     Kung gayon, walang kabuluhan ang pagmimisa ng pari, wala ring kabuluhan ang pakikinig ng misa, at lalong walang kabuluhan ang pagpapamisa; at hindi lamang walang kabuluhan kundi maling pananampalataya.  Bakit maling pananampalataya?  Sapagka’t ang pananampalataya ay sa mga salita ni Cristo (Rom. 10:17).  Ang mga salita ni Cristo ay mula sa Diyos na nagsugo sa Kanya (Juan 12: 49; 7:16).  At sapagka’t ang misa ay aral at utos ng tao, ang pagsampalataya rito ay hindi magiging dapat sa kaharian ng Diyos (Gal. 5:20-21).


Ang Paring nagmimisa ay nagsasalita sa hangin
     Ang wikang ginagamit ng pari sa pagmimisa ay Latin, isang wikang patay.  Dahil dito, ang mga nakikinig ng misa ay hindi nakakaunawa ng sinasabi ng Pari.  At sapagka’t hindi nauunawaan ng mga Katoliko ang misang pinakikinggan nila, mayroon ba silang pakinabang dito?  Tunghayan natin ang sinasabi ni Apostol Pablo sa I Cor. 14:6:

     “Ngayon nga, mga kapatid, kung ako'y pumariyan sa inyo na nagsasalita ng mga wika, anong inyong pakikinabangin sa akin, maliban na kung kayo'y pagsalitaan ko sa pamamagitan ng pahayag, o ng kaalaman, o ng panghuhula, o ng aral?”

     Kung gayon, walang pakikinabangin ang sinumang Katoliko na nakikinig ng misa, sapagka’t hindi nila nauunawaan ang sinasabi ng Pari.  At sapagka’t hindi nauunawaan ng mga taong nakikinig ang misa sa wikang Latin, kanino nagsasalita ang Paring nagmimisa?  Ganito ang sinasabi ni Apostol Pablo sa I Cor. 14:9:

     “Gayon din naman kayo, kung hindi ipinangungusap ninyo ng dila ang mga salitang madaling maunawaan, paanong matatalos ang inyong sinasalita? sapagka't sa hangin kayo magsisipagsalita.”

      Kung gayon, ang paring nagmimisa sa wikang Latin ay nagsasalita sa hangin, at ang nakikinig ng misa ay nakikinig sa hangin, kaya’t ang pagsambang Katoliko ay pagsambang sa hangin.

     May iminamatuwid ang mga pari sa kanilang paggamit ng Latin sa pagmimisa.  Sa oras daw ng pagmimisa, ang pari ay nakikipag-usap sa Diyos at hindi sa mga tao;  at sapagka’t ang Diyos ang kausap ng pari kapag nagmimisa at ang Diyos ay walang salitang hindi nauunawaan, kaya kahit anong uri ng salita ay maaaring gamitin sa Kanya.  Gayon pala, bakit naman ipinag-uutos pa ng mga pari sa mga tao na makinig ng misa kung lingo at pistang pangilin?  Hindi pala sa tao nauukol ang mga misa kundi sa Diyos, bakit pa sila inuutusang makinig ng misa?  Ano, inuulol ba nila ang tao?  Iyan ang lalong nagpapakilala na wala ngang kabuluhan ang misa.  Hindi dapat makinig ng misa, at lalong hindi dapat magpamisa.  Ito’y walang kabuluhan sa harap ng Diyos.  Wala ring kabuluhan ito sa mga tao, sapagka’t hindi nila ito nauunawaan.

Hango mula sa aklat na Isang Pagbubunyag Sa Iglesia Ni Cristo/Copyright 1964 by Iglesia Ni Cristo Church of Christ/Kabanata IX/Pahina 76-86






      .



TUNGKOL SA PAGRUROSARYO NG MGA KATOLIKO

TUNGKOL SA PAGRUROSARYO
NG MGA KATOLIKO



Ang mga katoliko ay may ginagawang pagdarasal na kung tawagin nila ay Santo Rosario.  Ito’y boong katapatang isinasagawa nila.  Sa mga simbahan ay isinasagawa ito at ginagamitan pa ng mga loud speaker upang marinig ng boong bayan.  Madalas ding nakakakita tayo sa mga sasakyan ng mga nagdarasal ng rosaryo (may mga butil-butil na binibilang ang nagdarasal upang matiyak niya na natapos niya ang rosaryo).  Paniwalang-paniwala ang gumagawa nito na siya’y nababanal sa kanyang pagrurosaryo.  Asang-asa siyang ang kanyang ginagawang pagrurosaryo ay mula sa utos ng Diyos, kaya ito’y buong katapatan niyang tinutupad.  Bihirang katoliko ang nakakaalam ng pinagmulan ng pagrurosaryo; at kung nalalaman nila marahil na itong pagrurosaryo ay hindi mula sa utos ng Diyos, kundi nakalalabag pa sa utos ni Jesus, walang katolikong magrurosaryo kailanman.  Kaya inaanyayahan namin ang mga kababayang katoliko na suriin ang bagay na ito sa liwanag ng mga salita ng Diyos na nasusulat sa Banal na Kasulatan.

Ang pinagmulan ng isinasagawang
pagrurosaryo ng mga katoliko
     Ano ang pinagmulan ng isinasagawang pagrurosaryo ng mga katoliko?  Hindi ako ang sasagot sa tanong na ito; hindi rin ang Biblia, sapagka’t hindi mula sa utos ng Diyos itong pagrurosaryo.  Ang pasagutin natin ay ang mga paring katoliko na rin, sapagka’t ito ay aral nila.  Sa aklat ng mga katoliko na pinamagatang The Catholic Encyclopedia, Vol. 13, pahina 184, ganito ang sinasabi kung isasalin sa wikang Pilipino:

     “Ang gayunding leksiyon o aralin ukol sa pagdiriwang ng Banal na Rosaryo (Santo Rosario) ay nagpapahiwatig sa atin na nang ang mga tumututol na Albigensiano ay namumuksa sa bansa ng Tolosa, matiyagang hinanap ni Sto. Domingo ang tulong ng Ating Birhen at inutusan siya nito, ‘ganito ang ayon sa sali’t saling sabi,’ na ipangaral ang Rosaryo sa gitna ng mga tao bilang isang lunas sa pagtutol at pagkakasala.

     “Na ang maraming papa’y nagsasabi ng ganito, ay hindi mapag-aalinlanganang katotohanan, at ayon naman sa iba mayroon tayong maraming sunud-sunod na sulat na nagpasimula noong 1883, na ipinasiya ni Papa Leon XIII, na samantalang ipinag-uutos ang ganitong uri ng pagsamba ng mga mananampalataya, sa lalong matapat na pangungusap, ay siyang nagpapatibay sa pagtatatag ng Rosaryo ni Sto. Domingo na maging isang katotohanang pinatutunayan ng kasaysayan.”

     Maliwanag ang patotoong ito ng aklat-katoliko.  Hindi mula sa utos ng Diyos ang pagrurosaryo kundi sali’t saling sabi (tradicion) lamang mula sa kanilang tinawag na si Sto. Domingo.  Noong (daw) ang mga tumututol na Albegensiano ay namumuksa sa bansa ng Tolosa, matiyaga raw hinanap ni Sto. Domingo ang tulong ng Mahal na Birhen, at inutusan daw siya nito (ayon sa sali’t saling sabi) na ipangaral ang Rosaryo sa gitna ng mga tao bilang isang lunas sa erehiya at pagkakasala.

     Kung itong pagrurosaryo ay sali’t saling sabi lamang at hindi utos ng Diyos, bakit ito’y tinanggap at pinahalagahan ng mga katoliko?  Mula sa aklat na ating sinipi ay sinasabi na mula kay Domingo ay nagpasalin-salin sa bibig ng maraming Papa ang pagtuturo ukol sa rosaryo, at upang maging isang utos sa pagsamba ng mga katoliko, gumawang sunud-sunod na sulat ang papang si Leon XIII, mula noong 1883, na ito’y nararapat pahalagahan ng mga katoliko.  Kaya’t mula noon ang pagrurosaryo ay naging isang mahalagang dasal ng mga kaanib sa Iglesia Romana, at naniniwala silang sa pamamagitan nito’y matatamo nila ang tulong ni Birhen Maria.  Nguni’t tandaan natin, hindi galing sa utos ng Diyos ang pagrurosaryo, ni hindi mula sa sugo ng Diyos, at hindi ugali ng mga Cristiano.

     Dapat ba itong sundin ng mga tunay na kumikilala sa Diyos?  Tunghayan ninyo ang sinasabi ng Diyos sa Deut. 12:32:  “Kung anong bagay ang iniuutos ko sa iyo, ay siya mong isasagawa: huwag mong dadagdagan, ni babawasan.”    Malinaw ang sabi ng Diyos;  kung ano lamang ang Kanyang iniuutos ay siya lamang nararapat isagawa ng tao; hindi nararapat dagdagan iyon, hindi rin dapat bawasan.  Ang Diyos ay walang ipinag-uutos na pagrurosaryo, walang dapat isagawa ang tao.  Kapag ito’y isinagawa natin, hindi na ito utos ng Diyos; ito’y dagdag na.  Bawal naman ang magdagdag.  Ang magdagdag ay daragdagan ng mga salot at ang magbawas o mag-alis ay aalisin ang kanyang bahagi sa punong kahoy ng buhay at sa Bayang Banal (Apoc. 22:18-19).  Kahit isang tuldok o isang kudlit ay hindi ipinahihintulot na idagdag o bawasin sa kautusan ng Diyos (Mat. 5:18-19).  Samakatuwid, dapat malaman ng sambayanang katoliko na ang kanilang pagrurosaryo ay hindi utos ng Diyos kundi utos lamang ng tao.

     Ano ang kasamaan sa pagsunod sa hindi utos ng Diyos?  Sa Juan 17:17, ay sinabi ng ating Panginoong Jesucristo:  “Pakabanalin mo sila sa katotohanan: ang salita mo'y katotohanan.”  Dito’y ipinakikilala ni Jesus na ang kabanalan ay nasa pagsunod sa mga salita ng Diyos na siyang katotohanan.  Kaya’t kung hindi utos ng Diyos ang ating sinusunod kundi utos ng tao, gaya ng pagrurosaryo, hindi kabanalan ang ating nagagawa kundi kasalanan.  Bakit naman ang mga utos ng Diyos ang dapat sundin ng tao?  Sapagka’t ang pagkilala sa Diyos ay ang pagsunod sa Kanyang mga utos (I Juan 2:3).  Nagiging sakdal ang pag-ibig ng Diyos sa sinumang tumutupad ng Kanyang mga utos.  Dahil dito’y nalalaman nating tayo’y nasa Kanya (I Juan 2:5).  Ang taong nagsasabing nakikilala niya ang Diyos datapuwa’t hindi tumutupad ng Kanyang mga utos ay sinungaling (I Juan 2:4), at kung sinungaling ay anak ng diablo, at ang bahagi nito’y sa dagat-dagatang apoy at asupre na siyang ikalawang kamatayan (Juan 8:44; Apoc. 21:8).

Nagbubulaan si Domingo sa pagsasabing si Birhen Maria
ang nag-utos sa kanya ng pagrurosaryo
     Sinasabi ng The Catholic Encyclopedia na ating sinipi sa unahan nito na nakausap ni Domingo si Birhen Maria at umano’y inutusan siya nito na ipangaral sa mga tao ang Rosaryo.  Totoo kaya ito?  Nagkausap nga kaya ang dalawa?  Kailan ba nabuhay si Birhen Maria?  Noong unang siglo.  At ayon din sa aklat ng mga Katoliko (Compendio Historico de la Religion, p. 499-501), buhay pa ang mga Apostol nang mamatay si Birhen Maria at inabot ng pitumpong taong mahigit ang kanyang buhay dito sa lupa, at siya’y inilibing na halos ay di mabilang ang mga taong naghatid sa kanya sa libingan, sa isang hukay na sadyang pinagyaman at talaga raw inilaan para sa mahal na bangkay.  Kailan naman nabuhay itong tinatawag ng mga katoliko na si Sto. Domingo? —Si Sto. Domingo de Guzman, isang kastila, ay nabuhay noong ikalabindalawang siglo (1170-1221) sa Espana (Miniature Stories of the Saints—article, St. Dominic:  Europe Before Modern Times, p. 360; Gen. Hist., p. 421).  Samakatuwid, matagal nang patay si Birhen Maria noong panahon ni Domingo.  Papaano nakausap ni Mang Inggo itong Mahal na Birhen na mahigit nang isang libong taong patay?  Kaya maliwanag na itong si Mang Inggo ay nagbubulaan sa pagsasabing si Birhen Maria ang nag-utos sa kanya ng pagrurosaryo.

     Tangi rito, ano ba ang kalagayan ng isang patay kaya hindi ito maaaring kausapin ng sinuman?  Sa Ecles. 9:5-6, ay ganito ang sinasabi:

“Sapagka't nalalaman ng mga buhay, na sila'y mangamamatay: nguni't hindi nalalaman ng patay ang anomang bagay ni mayroon pa man silang kagantihan; sapagka't ang alaala sa kanila ay nakalimutan.

“Maging ang kanilang pagibig, gaya ng kanilang pagtatanim at ng kanilang pananaghili ay nawala ngayon; na wala man silang anomang bahagi pa na magpakailan man sa anomang bagay na nagawa sa ilalim ng araw.”

     Maliwanag ang sinasabing ito ng mga salita ng Diyos; na ang taong patay ay wala nang anumang malay, at hindi lamang walang malay kundi wala pang pag-iisip, at siya’y nanunumbalik sa pagkalupa, ayon sa Awit 164:4.  Sa harap ng ganitong katotohana’y papaano makakausap ng taong buhay ang taong patay?  Kailanma’y hindi ito mangyayari!  Kaya isang malaking kasinungalingan ang sinasabing nakausap ni Domingo si Birhen Maria at umano’y inutusan siya nito na ipangaral ang rosaryo sa mga tao.

     Kung ang sasabihin naman ng mga pari (at ito ang kanilang sinasabi) ay bumangon na si Maria mula sa libingan at umakyat sa langit, ito ang lalong kasinungalingan.  Laban ito sa mga salita ng Diyos na nasusulat sa Biblia.  Sa Job. 14:12 ay sinasabi:  “Gayon ang tao ay nabubuwal at hindi na bumabangon: hanggang sa ang langit ay mawala, sila'y hindi magsisibangon, ni mangagigising man sa kanilang pagkakatulog.”  Samakatuwid ang mga namatay na nasa libingan ay mananatili sa libingan at hindi babangon hanggang sa ng langit ay mawala.  Kailan mawawala ang langit?—Sa ikalawang pagparito ni Cristo (II Ped. 3:7, 10).  Hindi pa dumarating ang ating Panginoong Jesucristo at mayroon pang langit hanggang ngayon, kaya ang mga patay, kasama si Birhen Maria, ay hindi pa bumabangon.  Nguni’t pagdating ni Cristo, ang mga kay Cristo o ang mga Iglesia ni Cristo, na dito’y kabilang si Birhen Maria, ay unang mabubuhay na mag-uli, at ang mga nabubuhay na natitira ay aagawing kasama nila sa mga alapaap, upang salubungin ang Panginoon sa hangin:  at sa ganito’y sasa Panginoon tayo magpakailanman.  (Tes. 4:16-17).

Kung papaano isinasagawa ng mga Katoliko
Ang kanilang pagrurosryo
     Papaano ba isinasagawa ng mga katoliko ang pagrurosaryo?  Sasagutin tayo ng aklat-katoliko, The Catholic Encyclopedia, Vol. 13, p. 134:

     “Ang Rosaryo—Sa Iglesia sa Kanluran.  Ang rosaryo, ang sabi ng kasulatang Romano, ay isang uri ng pagdarasal na dito ay ipinahahayag ang labinlimang tigsasampung ulit na Aba Ginoong Maria, kalakip ang Ama Namin sa pagitan ng sampung ulit, samantalang sa bawa’t isa sa labinlimang tigsasampu, ating ginugunita ng sunud-sunod sa isang banal na pagbubulay-bulay, ang isa sa mga hiwaga ng ating Katubusan.”

     Maliwanag na sinasabi rito na ang rosaryo ay isang uri ng dasal:  nguni’t anong uring dasal?—Dasal na paulit-ulit—Labinlimang Tigsasampung ulit na Aba Ginoong Maria, at kalakip ang isang Ama Namin sa pagitan ng bawa’t sampung ulit.  Kung gayon ilang Aba Ginoong Maria at ilang Ama namin sa isang Rosaryo?  Isang daan at limampung Aba Ginoong Maria at labinlimang Ama Namin, kaya isang daan at animnapu at limang lahat.

Nalalabag sa utos ni Jesus ang
Pagrurosaryo ng mga Katoliko
     Ang pagrurosaryo ng mga katoliko ay hindi lamang hindi mula sa utos ng Diyos kundi nalalabag pa sa utos ng ating Panginoong Jesucristo.  Bakit labag ito sa utos ni Jesus?  Sapagka’t ipinagbabawal ni Jesus ang panalanging paulit-ulit, gaya ng matutunghayan natin sa Mat. 6:7-8:

     “At sa pananalangin ninyo ay huwag ninyong gamitin ang walang kabuluhang paulitulit, na gaya ng ginagawa ng mga Gentil: sapagka't iniisip nilang dahil sa kanilang maraming kasasalita ay didinggin sila.

     “Huwag nga kayong magsigaya sa kanila: sapagka't talastas ng inyong Ama ang mga bagay na inyong kinakailangan, bago ninyo hingin sa kaniya.”

     Maliwanag na ipinagbabawal ni Jesus ang panalanging paulit-ulit na dasal o panalangin—sandaan at limampung paulit-ulit na Aba Ginoong Maria, at labinlimang paulit-ulit na Ama Namin.  Ang dasal na Rosaryo ay pagsalansang sa utos ni Jesus.  Dahil dito, ano ang nagagawa ng isang taong sumasalansang sa kautusan?  Sa I Juan 3:4, ay ganito ang sinasabi:

     “Ang sinomang gumagawa ng kasalanan ay sumasalangsang din naman sa kautusan: at ang kasalanan ay ang pagsalangsang sa kautusan.”

     Samakatuwid, ang sumasalansang sa kautusan ay gumagawa ng kasalanan.  Kaya ang nagrurosaryo ay gumagawa ng kasalanan, sapagka’t ang pagrurosaryo o ang panalanging paulit-ulit ay labag sa utos ni Jesus.  Kung wala kang kasalanan at nagrosaryo ka, nagkakasala ka na.  Kaya upang huwag magkasala, huwag magrosaryo.  Itakwil ang pagrurosaryo, na hindi utos ng Diyos kundi utos lamang ng tao.

Ang pinagkunan ng mga Katoliko sa
Paulit-ulit na dasal na kung tawagin ay Rosaryo
     Saan kinuha ng mga katoliko ang kanilang paulit-ulit na dasal na kung tawagin nila’y rosaryo?  Pabayaan nating sagutin tayo ng aklat-katoliko, The Catholic Encyclopedia, Vol. 13, pahina 185:

     “Kahit sa Ninive ay nasumpungan sa isang inukit na rebulto gaya ng ipinaliliwanag ni Layardo na kanyang ‘Mga Bantayog’ (I, plate 7); ‘Dalawang may pakpak na babae na nangakatayo sa harap ng isang banal na puno ng kahoy sa anyong nananalangin, ay itinataas nila ang mga unat na kamay at taglay sa kaliwa ang isang kuwintas o rosaryo.’

     “Gayunman ito ay maaari, tiyak na samga Mahometano na ang ‘Tabish’ o kuwentas ng mga butil na binubuo ng 33, 66 o 99 na butil at ginamit sa mataimtim na pagbilang sa pangalan ni Alah ay ginamit sa loob ng maraming siglo.  Sa pagdalaw ni Marco Polo sa Hari ng Malabar noong ikalabintatlong siglo ay nasumpungan niyang may paghanga na ang monarka ay gumamit ng rosaryo na bumibilang ng 104? (?108) na mahalagang bato sa pagbilang ng kanyang mga dasal.”

     Ipinaliliwanag dito sa atin ng aklat-katoliko ang tiyak na pinagkunan nila ng paulit-ulit na dasal o rosaryo.  Mga Mahometano ang unang nagsagawa nito.  Maraming ulit nilang tinatawag ang pangalan ni Alalh na kanilang Diyos, at upang matandaan nila ang bilang ng kanilang panalangin, gumagamit sila ng kuwintas na butil na binubuo ng 33, 66 o 99 na butil. Kaya’t nang dumalaw si Marco Polo sa Hari ng Malabar noong ikalabintatlong siglo, nasumpungan niyang may paghanga na ang monarka ay gumagamit ng Rosaryo na bumibilang ng 104 na mahahalagang bato sa pagbilang ng kanyang mga dasal.  Dito minana ng mga Katoliko ang kanilang ginagawang pagrurosaryo (sa mga pagano minana).  Gumagamit din sila ng mga kuwintas na butil, upang matandaan nila kung ilang paulit-ulit na Aba Ginoong Maria at Ama Namin ang kanilang nadarasal.


Ang pasya ng Diyos sa pagsambang
Nababatay sa utos ng tao
     Mayroon bang kabuluhan sa harap ng Diyos ang pagsambang nababatay sa utos ng tao?  Ano ang pasya ng Diyos sa ganitong uri ng pagsamba?  Ganito ang mababasa sa Mat. 15:9:

“Datapuwa't walang kabuluhan ang pagsamba nila sa akin, Na nagtuturo ng kanilang pinakaaral ang mga utos ng mga tao.”

     Dito’y tinitiyak ng Diyos na walang kabuluhan ang pagsamba sa Kanya ng mga tao, na ang sinusunod at pinagbabatayan ng pagsamba ay aral at utos ng tao.  Kaya’t matitiyak natin ngayon pa, na ang pagrurosaryo ng mga katoliko ay walang kabuluhan sa harap ng Diyos, sapagka’t ito’y hindi Niya utos kundi utos lamang ng tao.  Bakit pinawawalang kabuluhan ng Diyos ang pagsamba sa Kanya na nasasalig sa mga utos ng tao?—Sapagka’t ang mga utos ng tao ay sinsay sa katotohanan (Tito 1:14).  Alin ang katotohanan?  Ang mga salita ng Diyos (Juan 17:17).  Samakatuwid, sinsay o lisya sa kalooban ng Diyos ang mga utos ng tao, kaya ito’y walang kabuluhan sa Kanya.  Dahil dito, nasuri natin sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos na ang pagrurosaryo ay utos lamang ng tao at labag pa sa utos ni Jesus:  kaya hindi lamang ito walang kabuluhan kundi kasalanan pa sa harap ng Diyos.

Hango mula sa aklat na Isang Pagbubunyag Sa Iglesia Ni Cristo/Copyright 1964 by Iglesia Ni Cristo Church of Christ/Kabanata X/Pahina 87-93